frchito

Archive for the ‘Uncategorized’ Category

SAPAGKA’T AKO’Y TAO LAMANG! …

In Uncategorized on Oktubre 13, 2012 at 11:13

Ika-28 Linggo ng Taon B

Image

Oktubre 14, 2012

Mga Pagbasa: Kar 7:7-11 / Heb 4:12-13 / Mc 10:17-30 

SAPAGKA’T AKO’Y TAO LAMANG …

Kabatiran, pag-unawa, pagkilala at pagtanggap ang nagbunsod kay Solomon na humiling at manalangin. At ano ang kanyang hiling? Bagay na hiling rin natin, sapagka’t tayo, tulad niya ay “tao lamang.” Maraming kagalingan ang kaakibat ng pagiging tao. Tayo lamang sa kaharian ng mga hayop ang kayang uminom nang hindi kailangang tumingala o sumabasab o lumaplap sa banga. Kaya nating ihatid sa bibig ang pagkain o inumin, kung kaya’t tanging “pansit habhab” lamang sa Quezon ang ating hinahabhab kumbaga.

Nguni’t alam rin natin na may kaakibat ring kahinaan at kabulukan ang ating pagiging tao. Ito ay isa sa mga binanggit ni Papa Benito XVI sa ika-50 taong anibersaryo ng Konsilyo Vaticano II – ang katotohanang magpahanggang ngayon, ang hila at lakas ng kasalanang mana ay patuloy na nagpapababa sa atin, at nagpapanatili sa kultura ng kamatayan.

Mahigit rin sa limampung taon ang nakalipas nang sulatin ni Mike Velarde ang awit na ito: “At kung yan man ay kasalanan, ay sapagka’t kami ay tao lamang!” Subali’t may pagtutulad ba ang sinasaad ng awit, at ang sinasaad ng unang pagbasa?

Tingnan natin sumandali … Ang awit ni Velarde ay may himig ng pagsuko … pagsuko sa katotohanang tayo ay hamak na tao lamang, marupok, mahina, kay daling matepok, ika nga ng kantang luma ni Rico Puno. Nguni’t hindi ito ang tema o hibla ng kamalayan ni Solomon. “Sapagka’t napag-unawa kong ako’y tao lamang, ako’y nanalangin at binigyan naman ako ng kaalaman. Tumawag ako sa Diyos at binigyan ako ng karunungan.” (Unang Pagbasa).

Aminin man natin o hindi, ang katotohanan ay ito … may kabobohan tayo kung minsan. Ewan ko sa inyo, pero sa ganang akin, madali tayong masilaw sa busilak o kinang ng anu man. Ang anumang makinang, makintab, at kumukuti-kutitap at nasa eskaparate ng shopping mall, ay nakabibighani … naka-aakit … nakatatawag ng pansin. Ilang beses ako napabili sa isang bagay na akala ko ay maganda, nguni’t pag-uwi pala ng bahay ay walang silbi, o madaling masira, o walang tunay na paggamit.

Aminin man natin ito at hindi, may kabobohan rin tayong lahat. Patuloy tayong nasisilaw sa pangako ng mga politico, ng mga taong ang hangad lamang naman ay walang kinalaman sa paglilingkod, kundi sa pagkabig sa pansariling kapakanan at pangangailangan. Patuloy tayong nagluluklok ng mga taong nagbibigay kahihiyan at paghihirap sa bayan.

Iisa ang tinutumbok ko rito … at wala itong kinalaman sa politica ng bansa natin. Ang aking pinupuntirya ay walang iba kundi ito … kapos ang ating kaalaman … bitin ang ating karunungan, sapagka’t tayo ay tao lamang!

Nguni’t dito nagkakaiba si Solomon at si Velarde. Si Velarde ay sumuko at napadala … Kasalanan man iyan, sabi nya, iisa lang ang dahilan at paliwanag … sapagka’t tayo ay tao lamang. At wala tayong magagawa diyan. Si Solomon ay kumilala, tumanggap, at nagsikap umunawa. At dahil sa kanyang pagtanggap sa kanyang kabuwangan, ay gumawa siya ng paraan … Nanikluhod … nagdasal … nagsumamo … at dahil dito ay pinagkalooban siya ng karunungang hindi lamang para sa makamundong mga bagay.  Mas mahalaga ito, aniya, sa trono at setro, mas matimbang kaysa alinmang kayamanan.

Paano ba natin makakamit ang karunungang ito?

Malinaw na ito ay galing hindi sa ibaba kundi sa itaas. Malinaw sa ikalawang pagbasa na ito ay halaw, batay, at nakasalalay sa Salita ng Diyos, “buhay at mabisa, higit na matalas kaysa alin mang tabak na magkabila’y talim.”

Hindi kaila sa atin na tayo ay madaling matangay. Kay rami ko nang beses inulit-ulit ito sa lahat ng aking mga tinuturuan sa loob ng 34 taon bilang guro: “Ang natatanga ay natatangay.” Ang mangmang, o ang nananatili sa kamangmangan ay patuloy na gagawa ng mga bagay na hunghang at walang kakabu-kabuluhan! Stupid is, as stupid does, ang sabi ng nanay ni Forrest Gump.

Maganda sana ang kwento ng talubatang lumapit sa Panginoon: “Ano po ba ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?”

Ang ganda ng simula, parang simula ng lahat ng administrasyon sa bayan natin … Ang ganda ng tanong, at kay tayog ng kanyang pangarap.

Matalino ang binatilyo at tinumbok niya ang kaalamang makamundo tulad ng kaalaman natin na kay daling matangay ng kinang at kislap ng mga gagdets at gizmos sa panahon natin, na di tumatagal ng anim na buwan.

Matayog ang kanyang pangarap, subali’t mababaw ang kanyang karunungan. Nang sabihin ni Jesus ang halaga at presyo na dapat niyang pagbayaran, ang iwanan ang lahat ng kanyang yaman, at sumunod sa kanya, umalis ang binatilyo na malungkot, “sapagka’t  siya’y napakayaman.”

Mahirap ang isalansan nang ayos at tama ang hanay ng mga pagpapahalaga. Mahirap ang mamili. Tulad ngayong araw na ako ay medyo may sakit, nag-aasam ako ng higit pa sa maidudulot ng pang-araw-araw na buhay namin bilang pari at relihiyoso. Naghahanap ng iba, ng higit, ng magaling, at nang masarap at maganda.

Kapag dumating ang mga tagapagsalita ng komersyo, pati kami ay naaakit nang makinang at makintab, ng bago at ng kakaiba – mga bagay na kakaunti pa ang nag-mamay-ari!

Bakit hindi? Kung susundin natin si Velarde, OK lang, kahit masama at kasalanan, sapagka’t kami ay tao lamang!

Kung susundin natin si Solomon, ang lumiham sa mga Hebreo, at ang Panginoon, iisa ang kanilang turo at aral: Iangat mo nang kaunti ang iyong nasa … Itaas mo pa ang iyong inaasam. At dito, karunungang hindi galing sa mundong ibabaw ang kailangan mo. Sa bagay na ito, karunungan batay sa Salita ng Diyos ang siya mong kailangan.

At dito, hindi lahat ng may kinang ay ginto at pilak. Ang tunay na magaling, maganda, ayos, at tama sa mata ng Diyos ay siyang naghahatid sa garantiya, na hindi lamang tatagal ng anim na buwan o isang taon, kundi isang pangako na may kinalaman sa buhay na walang hanggan!

Saan ka pa, kapatid? Ano pa ang iyong pipiliin?

PAGTALIMA AT PANANAMPALATAYA

In Uncategorized on Agosto 24, 2012 at 16:50

Image

Ika-21 Linggo ng Taon (B)

Agosto 26, 2012

Mga Pagbasa: Jos 24:1-2.15-17.18 / Ef 5:21-32 / Jn 6:60-69

PAGTALIMA AT PANANAMPALATAYA

 

Magkahalong lungkot, dalamhati at pasasalamat ang nadarama ko sa mga araw na ito. Magmula nang mabalitang naglaho ang eroplanong sinasakyan ni Jesse Robredo, nagsusun-suson ang mga damdaming may kinalaman sa pangamba, taimtim na pananalangin sa Diyos para sa kanyang kaligtasan, na di naglaon ay napalitan ng dalamhati, panghihinayang, at ngayon ay pasasalamat sa Diyos.

Isa sa mga angkin nating karapatan bilang tao ay ang makadama maging ng mga emosyong magkakasalungat sa takbo ng ating buhay. May pagkakataong magkahalong galit at lungkot ang nadadama ninuman. Sumasagi sa ating puso ang magkahalong lungkot at tuwa, pangamba at pagkasabik, at iba-iba pang mga damdaming makatao.

Sa harap ng mahahalagang pagpapasya … sa harap ng mahahalaga ring pagpili mula sa hanay ng mga tila baga’y pawang magagandang gawain o anuman, di miminsang ang kalooban ng tao ay hati … at ang puso ay nagsasalawahan, o kung minsa’y namamangka rin, ika nga, sa dalawang ilog.

Ito ang hinarap ng mga Israelita matapos pamunuan ni Josue tungo sa lupang pangako.  Hindi kaila sa atin na ang bayan ng Diyos ay hindi miminsang nagsalawahan. Hindi rin kaila sa atin, na bilang tao, sila man ay namangka sa dalawang ilog … tumalima at nakinig sa mga diyus-diyusan, at nakibagay sa gawi ng mga pagano nilang mga kapit-bayan, at tumulad sa kanilang pagsamba sa mga pekeng diyus-diyusan.

Nguni’t sa araw na ito, hinarap ni Josue ang kanyang bayan at pinagpasya, hindi lamang pinapili. Pinag-desisyon niya ang kanyang mga kababayan. “Kung ayaw ninyong maglingkod sa Panginoon, sabihin ninyo kung kanino kayo maglilingkod.”

Mahirap mamili. Mahirap magpasya … lalu na’t kung ang puso at damdamin ay nahati na sa harap ng dalawang tila magkasing timbang o magkasing halaga. Tulad nga ng madamdaming awit na malimit nating marinig, kung minsan ay patambis at madulain nating sambit: “Bakit ngayon ka lang dumating sa buhay ko?”

Sa ikalawang pagbasa, pagpapasya rin ang turo sa atin ni San Pablo. Hindi niya tayo pinamimili sa pagitan ng babae o lalake. Hindi niya tayo pinagpapasya kung sino sa kanila ang dapat maghari, o mangibabaw sa kung kanino. Hindi niya tayo pinagtatagubilinang sundin lamang si Adan, at siphayuin si Eva. Maraming pagkakataong mali ang pagkaunawa ng marami sa pagbasang ito, na tila baga, batayan ito ng pagiging hari, pagiging mapaniil, at pagiging lampas o labis ang kapangyarihan ng mga lalaki sa mga kababaihan.

Pagpapasya ang nais sa atin ni San Pablo sa siping ito, na mahihinuha natin sa unang pangungusap ng pagbasa: “Pasakop kayo sa isa’t isa tanda ng inyong paggalang kay Kristo.” Pasakop sa isa’t isa. Ang mahalaga ay ang samahan, ang relasyon, ang pagkakaniig sa pagitan ng lalaki at babae pati sa samahang mag-asawa, at hindi sa kung sino ang mas mataas, at lalung hindi kung sino dapat ang maghari at magpakita ng kapangyarihan sa bahay at sa lipunan.

Subali’t tatapatin ko kayo. Mahirap ang magpasakop sa isa’t isa. Lahat tayo sa mundong ito ay ipinaglihi sa kapangyarihan. Walang may gusto na maging sunud-sunuran lamang. Walang may nais na manatiling tagasunod lamang, o tagapakinig. Lahat tayo ay mayroong maling akalang tayo ay dapat na nasa harap lagi ng camera, o may tangang mikropono sa tuwina. Walang may gusto na laging supporting actor o actress lamang. Lahat tayo ay gustong gustong maging bida, maging sentro ng samahan, o nasa rurok ng tagumpay, at hinahangaan ng lahat ng tao.

Sa buhay natin, marami ring mahirap tanggapin. Ako na ang mauunang umamin. Mahirap maging Kristiyano. Mahirap ang sumunod sa kagustuhan ng Diyos. Mas madali ang sumunod sa sariling kagustuhan, ang magpakasasa sa karangyaan, at luho. Walang sinuman ang may nais mabuhay sa kasalatan at kawalan, at kahirapan. Walang sinumang nais tasahan ang kakayanan natin magpakaligaya, at gumawa ng anumang magbibigay ng kasiyahan sa atin.

Wag na tayong magmaang-maangan pa … mahirap labanan ang pita ng laman, at ang tawag ng kalamnan!

Iyan ang pawang katotohanan … mahirap ang magpaka martir. Mahirap ang maging sunud-sunuran sa kagustuhan ng Poong Maykapal!

Ito rin ang naging suliranin ng mga tagasunod ng Panginoon. Matapos pakanin, matapos busugin, matapos punuin ang tiyan …. Hayan at nagdagsaan ang mga atungal, ang mga reklamo. “Mahirap ang pangaral na ito.” At ayon sa ebanghelyo, ay unti-unti silang nagsipag-alisan.

Parang tayo … hati-hati ang bayan ng Diyos sa Pilipinas. Mayroong Pro-Choice … mayroong Pro-Life … Mayroong Catholics for RH at iba pa. Lahat ay nagsasabing sila ay naniniwala, nguni’t ang kanilang paniniwala ay mapili at hindi pangkalahatan. Susunod lamang ang ilan kung ang pangaral ay angkop sa kanila nang napagpasyahang tama at kaaya-aya.

Wala tayong kaibahan sa mga Israelita na pinagpasya ni Josue. Wala rin tayong kaibahan sa mga Judio na matapos makarinig ng mahirap na pangaral ay isa-isang nagpaalam, isa-isang lumisan.

Wala tayong kaibahan sa mga tao sa Luma at Bagong Tipan na namangka sa dalawang ilog, nagsalawahan, at nagtatwa sa Panginoon.

Ang kaibahan nga lamang ay ito … marunong tayo ngayon magpalusot. “Katoliko pa naman ako, eh. Ang ayaw ko lang naman ay ang pakiki-alam ng Simbahan sa pribado naming buhay!”

“Katoliko naman kami, eh. Pero kung ang pag-uusapan ay ang pagpapasya namin sa kung ilan ang dapat naming anak, wala na ang Simbahan diyan!”

Sa maraming pagkakataon, Katoliko tayo sa ngalan, ngunit hindi katoliko sa pamamaraan. Tagasunod tayong naturingan, pero hindi tayo sumusunod sa mga turo ng Inang Simbahan.

Hinarap rin ni Jesus ang suliraning ito. Kung kaya’t tulad ni Josue, hinarap rin niya ang mga naturingang tagasunod niya. “Ibig din ba ninyo umalis?”

Mayroong nanindigan. Mayroong sumagot at tumalima sa Kanya. Mayroong nagpasya at namili nang tama … Si Pedro, na sa ngalan ng iba pang mga disipulo ay nagwika: “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naniniwala kami at ngayo’y natitiyak naming kayo ang Banal ng Diyos.”

Pagpapasya. Pagtalima. Kaakibat ito ng pananampalataya. Ang disipulo ay tagasunod. Tumatalima. Naniniwala. Sumasampalataya.

Laking pasasalamat ko sa halimbawa ni Jesse Robredo. Sa buhay na simple, na halos walang kibo, walang angal, walang masyadong salita, ay nabunyag ang isang taong hindi ordinaryong Kristiyano … May paninindigan … may sinasandigan …. May pananagutan … Nakinig siya … Tumalima bilang tagasunod at disipulo. Bakit? Sapagka’t ang pagiging disipulo ay hindi kailanman maaring ihiwalay sa pagiging mananampalataya … At ang pananampalatayang ito ay nakikita sa gawa.

Salamat Panginoon sa mataginting na halimbawang ito ni Jesse Robredo!

Taning Ikaw lamang, Panginoon, ang may tangan ng salitang nagbibigay-buhay!