frchito

Archive for the ‘Uncategorized’ Category

SA MAKINIG TAYO O HINDI!

In Uncategorized on Hulyo 6, 2012 at 16:53

Image

Ika-14 na Linggo ng Taon (B)

Julio 8, 2012

Sa lahat ng mahirap gawin, ito ang talagang walang katalo … mahirap gisingin ang nagtutulog-tulogan. Mahirap tawagin ang nagbibingi-bingihan, at lalung mahirap kausapin ang nagmamaang-maangan!

May tawag si propeta Ezekiel sa mga taong masahol pa sa mga makulit na nga ay mapilit pa – “matigas ang ulo at mga walang pitagan.” Sinugo si Ezekiel ng Diyos sa mga taong tulad nito – hindi nakikinig at lalung hindi tumatalima. Lahat tayo ay nakaranas nito – ang hindi tanggapin, ang hindi paniwalaan, ang hindi maubos maisip na makakaya natin ang anumang iniatang sa atin.

Sa buhay ng bawa’t tao, mayroon laging kontrabida, kumbaga, mga taong walang tiwala sa ating kakayahan, at laging may pagdududa sa ating kakayahan. Ito ang karanasan ni Ezekiel. Napadpad siya sa lugar kung saan ang tao ay “suwail at walang pitagan.”

Karanasan rin ito ni San Pablo, na nagtiis sa kanyang “kapansanan” habang ginagampanan niya ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Hindi natin tukoy kung ano nga ang kapansanang ito, pero hindi imposibleng isipin natin, na ito man ay may kinalaman, hindi lamang sa isang pisikal na kondisyon, kundi sa isang pagtanggi o kakulangan ng pagtanggap sa kanya ng ibang tao.

Alam natin kung ano ibig sabihin nito. Ang aking puso ay nakatuon sa kapwa ko paring hindi matanggap ng ilang matataas na tao sa parokya. Subali’t nakatuon rin ito sa sinumang pinagdududahan, hindi pinaniniwalaan, at lalung hindi pinagkakatiwalaan ng nakatataas, pari man o laiko.

Pinagdaanan ko rin ito. Sa halos 30 taon ko bilang pari, alam kong mayroon laging hindi panig sa iyo. Wala ka pang ginagawa ay handa na silang mag-rally o maging oposisyon. Alam ko rin na ang higit na nakararami ay kapanig at kapanalig, sapagka’t nakakakilala sila sa pagdating ng propetang sugo, padala ng Diyos.

Ang aral ng Linggong ito ay para sa lahat, mapasa panig ka man ng mga suwail, o panig ng sinusuwail. Ito ang katotohanan – lahat tayo ay naging suwail. Lahat tayo ay naging pasaway. Lahat tayo ay nalulon sa kasalanan.

Kung ito ay totoo sa buhay natin, totoo rin ito sa buhay ni Jesus. Sa kanyang mga kababayan, ang tanong nila ay magkahalong pagdududa at pagtanggi: “Saan niya nakuha ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya?” At di lamang iyan. Si Jesus mismo ang nagwika: “Ang propeta’y iginagalang ng lahat, liban lamang ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.”

Magtataka pa ba kaya tayo at laging may tinatawag kong “kontra bulate” sa buhay natin tuwina? Magtataka pa ba tayo kung sino pang dapat nating kabatak ay siyang nakikipag bunung braso sa atin? Magtatanong pa ba tayo kung bakit anumang kabutihang gawin natin, ay mayroong gumagawa ng masamang kwento tungkol sa atin?

Si Pablo ay nagkaroon ng kapansanan. Sa ating panahon, sa ating kalalagayan, sa ating katayuan, ang kapansanang ito ay pwedeng magmula sa pamumula mula sa kapwa … sa paninira na galing sa mga kasamahan … sa patagong pagkilos upang mapasama ang larawan natin sa mata ng tao. Ito ang mga taong “suwail at walang pitagan” na binabanggit sa unang pagbasa.

Magandang balita ang dulot ng mga pagbasa ngayon, at magandang balita ang ipinunta natin dito sa simbahan. Ito ang magandang balita – ang tapang at tatag ng dedikasyon at pananagutan ni Ezekiel na tumalima sa Diyos at nangaral kahit sa mga taong suwail. Ito rin ang tapang at pagtatalaga ng sarili ni Pablo, na sa kabila ng kapansanan ay patuloy na nangaral, sa makinig man sila o hindi. Ito ang aking naisin para sa ating nanghihinawa, para sa lahat na sinisiraan, at nakararanas ngayon ng kapansanang binanggit ni Pablo.

Konting tiyaga, kapatid at kapanalig … “Sa makinig sila o sa hindi – malalaman nilang may isang propeta sa gitna nila!”

PAKANA NG DIYABLO O PANUKALA NG DIYOS?

In Uncategorized on Hunyo 30, 2012 at 21:35

Ika-13 Linggo ng Taon B

Julio 1, 2012Image

 

Di miminsang sumasagi sa isipan natin ang mapait na katotohanan, na hindi lamang mahirap lunukin, bagkus mahirap man lang isipin … may kapaitan sa mundong ibabaw, at may pagtangis na kaakibat ng buhay sa daigdig.

Tingnan na lamang natin ang paghihirap na pinagdaanan ni Jairo. Sinong ama o ina sa inyo ang hindi gagawa ng lahat mailigtas lamang ang sariling anak? Sino sa atin ang hindi kakapit maging sa matalas na patalim kung ang kapalit ay ang pananatili sa buhay ng isang pinakamamahal?

Tingnan rin natin ang pinagdaanan ng babaeng 12 taong nagdusa at nagdugo nang walang ampat … Sinong babae man o lalake sa mundong ito ang hindi hahabol sa inaakala nating may tangan ng kasagutan sa ating pagdurusa? Sino ang hindi mapadadala sa matinding pagnanasang mahipo man lamang ang laylayan ng baro upang magkaroon ng pag-asang gumaling?

Tingnan natin ngayon ang sarili natin … Sino sa atin ang tahasang makapagsasabing hindi siya nagdaan sa anumang matinding pagsubok sa buhay? Sino sa atin ang tiyakang makapagpapatunay na di miminsan siyang nawisikan man lamang ng kaunting kapaitan sa buhay?

Ito ang buhay natin na ayon sa mga kataga ng aklat ng Karunungan (Unang pagbasa), ay sinapit natin dahil sa “pakana ng diyablo.” Ayon sa kasulatan, ang paghihirap at kamatayan ay bunga ng kasalanan.

Ito ang tila masamang balitang laman ng mga pagbasa sa araw na ito. Nguni’t sa likod ng lahat ng ito ay ang mataginting na magandang balitang nagkukubling parang liwanag sa likod ng madidilim na alapaap ng kawalang pagtitiwala at pag-asa.

Sa araw na ito, nais ko sanang manatili tayong lahat sa magandang balitang siyang pinagyayaman ng parehong mga pagbasa. Nais ko sanang bigyang diin ang kabaligtaran ng “pakana ng diyablo” – ang panukala ng Diyos, na hindi kailanman nawalan ng habag at awa sa mga nagdurusa at namimighati.

Hayaan sana nating hagurin ng mga Salita ng Diyos ang puso nating nabibigatan at nahihirapan sa mapapait na karanasan … “Ang kamatayan ay hindi likha ng Diyos. Ang pagkamatay ng alinmang may buhay ay hindi niya ikinalulugod.”

Huwag na huwag sana tayo paanod sa “pakana ng diyablo,” bagkus padala sa malinaw na pangaral na ipinamalas ni Jairo, at ng babaeng nagdusa ng maraming taon. Nagpakumbaba si Jairo … nagtiklop-tuhod sa paanan ng Panginoon … nagsumamo sa mataimtim na panalangin. Nagpumilit makasunod at makapasok sa gitna ng maraming tao ang babae … kahit man lamang mahawakan ang laylayan ng kanyang baro. Nagsikap … Nagsumamo rin …

Pareho silang naniwala at umasa. Pareho silang sumampalataya at ang kanilang paniniwala ay nagbunsod sa malalim at matatag na pag-asa.

Pakana ng diyablo ang panghihinawa, ang pagkawala ng tiwala, ang paglalaho ng pag-asa.

Panukala ng Diyos ang buhay, ang kaligtasan, ang kagalingan ng lahat ng kanyang nilalang. Kasama tayong lahat dito, mga nilikha ayon sa wangis at anyo ng Diyos.

Huwag nating ipagpalit sa pakana ng diyablo ang panukala ng Diyos para sa ating lahat …”Huwag tayong mabagabag. Manalig tayo.” “Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang buhay.”