frchito

Archive for the ‘Uncategorized’ Category

DI MAGLULUWAT, DARATING, MAGAGANAP!

In Uncategorized on Disyembre 15, 2011 at 12:52

Image

Unang Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 16, 2011

 

Mga Pagbasa: Isaias 56:1-3.6-8 / Jn 5:33-36

 

N.B. Aking sisikaping muli na gumawa ng kahit maikling pagninilay sa siyam na araw ng Simbang Gabi. Pasensiya na kung hindi ko magampanan sa buong siyam na araw, pero heto ang unang patak!

 

DI MAGLULUWAT; DARATING; MAGAGANAP!

 

Hirap kaming mga pari ngayon mag-isip ng homiliya. Dalawa na kasi ang simbang gabi – simbang gabi na tunay na gabi, at simbang gabi na sa madaling araw. Ayon sa striktong batas ng liturhiya, ang pagbasa sa “gabi” ay iba sa pagbasa kinabukasan. Pero, walang problema, yamang ang kalimitang nangyayari ay ito … tematiko ang malimit nagiging paksain sa homiliya tuwing simbang gabi.

 

Kung gayon, ano kayang tema ang maaaring bigyang-pansin ngayon?

 

Ang homiliya, kahit papaano, ay dapat mag-ugat mula sa Salita ng Diyos, o ito ay isa lamang talumpati. Ikalawa, bukod sa dapat naka-ugat sa Salita ng Diyos, dapat rin itong kaakibat ng buhay ng tao. Nagsasalubong, kumbaga dapat, ang larangan ng Diyos at ang larangan ng tao. Kung hindi nagtutugma ang dalawa, ito ay isa lamang sulatin … maganda man at nakatatawag-pansin, ay hindi nakapag-aangat at nakapaghahatid sa Diyos. Kung sobra naman ang larangang makatao, ito ay walang iniwan sa isang kampanya. Kung panay naman larangan ng Diyos, ito ay lumulutang at walang kaugnayan sa buhay ng tao, sa mundong ibabaw.

 

Isa sa paksa ng unang pagbasa mula kay Isaias ay ang namumukod-tanging karanasan ng bayan ng Diyos – ang dakilang pagkatapon sa Babilonia.  Ito ang pinakamapait na karanasan ng bayan ng Diyos – ang malayo sa templo, ang malayo sa bayan, at matanggal sa kinasanayang uri ng pamumuhay sa pamamatnubay ng Diyos.

 

Ito ang pagsubok na kinasadlakan ng Israel. Ito ang pagsubok na paulit-ulit rin nating kinasasayuran. Ito ang larangan ng buhay nating walang puknat na sinusubok ng sobrang politika, sobrang kasibaan, sobrang pagkamakasarili – nino? Nating lahat … “sapagka’t ang lahat ay nagkasala at hindi naka-abot sa antas ng luwalhati ng Diyos!”

 

Matindi ang pinagdadaanan natin ngayon – ang pagbabangay ng tatlong sangay ng pamahalaan, ang tila away ng mga dambuhalang mayayaman, o grupo ng taong kanya-kanya ang balakin at panukala, at kanya-kanyang pang-unawa kung ano ang tama, at sino ang mali ay maysala. Sa katumbas na ito ng isang pagkatapon na masahol pa sa Babilonia, alam natin kung sino ang talo … walang iba kundi ang walang kamuang-muang, ang mga salat, ang mga walang kinalaman sa mga away ng mga malalaking tao.

 

Nguni’t bagama’t alam na ninyo sa tuwing sasapit ang simbang gabi, nais kong ulitin … nais kong idiin – ang katotohanang pahayag ni Isaias – ang pag-asang naghihintay para sa mga sumasampalataya, para sa mga tagasunod ni Kristong Mananakop, pag-asang tila hindi natin mahagilap, pag-asang tila laging mailap, at pag-asang halos walang talab sa ating buhay!

 

Subali’t ito ang matunog na pahayag ni Isaias: “Ang pagliligtas ko’y di na magluluwat, ito ay darating, ito’y mahahayag sa inyong paningin.”

 

Alam nyo, may bentaha rin na ako ay mas matanda sa marami sa inyo. Marami na akong nakita; marami na akong naranasan; marami na akong napuntahan. Marami na rin akong kabiguan, at marami rin akong tagumpay, tulad ng maraming kapaitan sa buhay. Tandang-tanda ko pa ang malimit kong marinig sa mga matatanda sa aming munting bayan sa Mendez, Cavite noong araw … “pasasaan ba’t makatatawid rin tayo sa kabila … pasasaan ba’t makararating din tayo.”

 

Marunong kaming maghintay. Marunong kaming mag-agguanta, magtiis, magtimpi, at magpaliban ng kagyatang kaligayahan.

 

Narito, para sa akin ang sikreto ng pag-asang maka-Kristiyano – ang kakayahang maghintay, magtiis, mag-agguanta, at magtimpi bago ibulalas ang buong pagnanasa at bigyang katuparan ang lahat ng pinipita. Marunong kaming magtanim ng pithaya sa puso. Maalam kaming magtiis kahit ang sanghaya, ang nilalaman pusong nagnanasa, ay wala pa, ilang taon pa, ilang buwan pa, o ilang tulog pa!

 

Mahaba pang landas ang tatahakin natin bilang Pinoy. Malayo pang lakbayin ang naghihintay sa ating lahat bago marating ang pinipithaya ng puso. Mahabang pagtitiis at pagsisikap pa ang dapat gawin, dapat bagtasin, dapat tahakin.

 

Subali’t hindi ito ang tunay na magandang balita. Ang magandang balita ay napapaloob sa puso ng mga taong tulad natin, na handang magtiis, handang makinig, handang umasa, at handa ring gumawa, gumanap, magpagal, at magsikap upang itong ating hinahanap ay maging totoo sa ating bayan, sa ating lipunan, sa ating pamayanan.

 

May pag-asa pa ba kaya tayong mga Pinoy? Ang sagot ni Isaias ay malinaw. Ang tugon ni Isaias ay pinatunayan ng kasaysayan. Dumating ang Mananakop. Dumatal ang Mesiyas. Sumaatin ang Panginoon, naging tao ang Verbo, at nakipamayan sa atin. Ang kasaysayan ay nasa panig ng taong may mabuting kalooban. Totoo ang pangako. Tunay at ganap ang siyang nangako, kahit na siya ay namatay at napako, ang pangako ay kanyang ganap na inako at pinatotohanan.

 

Pagpapatotoo … Ito ang ginawa ni Juan Bautista. Katulad lang ba siya ng mga parang dagang nagsusulputan ngayon upang ipako sa kahihiyan ang mga dating makapangyarihan? Katulad lamang ba siya ng mga taong parang mga mp3 players na iisa naman ang sinasabi at pinatutunayan?

 

Hindi … hindi siya isang mp3 player lamang … hindi tulad ng isang iPod touch na paulit-ulit ang mga musikang pinatutugtog. Siya ay nagpatotoo, tungkol sa katotohanan, pansamantalang nagliwanag, ngunit tumuon at nagturo sa tunay at walang hanggang liwanag ng sanlibutan.

 

At, sa bandang huli, may napala ba ang nagpatotoo? Meron … pinugutan siya ng ulo ng mga tampalasan, pero ano ang naging bunga ng kanyang patotoo?

 

Di nagluwat … dumating … naganap!

 

PANGINOON, IKAW LAMANG!

In Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Taon A, Uncategorized on Nobyembre 4, 2011 at 11:33

Ika-32 Linggo ng Taon (A)
Nobyembre 6, 2011

Mga Pagbasa: Karunungan 6:12-16 / 1 Tes 4:13-18 / Mt 24:42a-44

PANGINOON, IKAW LAMANG!

Mahalaga ang magkamit ng kakayahang kumilatis ng mga bagay-bagay. Sa panahon natin, palasak ang mga peke, tulad ng pekeng Rolex, pekeng Nike, at kung ano-ano pang palsong mga produktong nagpapanggap na orihinal nguni’t gawa lamang naman pala sa China.

Sa dami ng mga kadayaang gawa ng mga negosyante, kung minsan, napakahirap mamili kahit ng mga pagkain. Mahirap malaman kung ang mga pusit na galing China ay tunay na sariwa o nabuhusan ng formaldehyde o ano-ano pang mga kemikal. Mahirap makilala sa mga pulpol na politico ang tunay nagsasabi ng katotohanan, o nambobola lamang.

Kailangan natin ng tunay na karunungan upang mabatid kung alin ang tama, alin ang palso, alin ang peke, at alin ang palpak.

Sa araw na ito, makalangit na karunungan ang ikinikintal sa atin ng mga pagbasa. Sa unang pagbasa, narinig natin ang isang himig para sa karunungang makalangit – karunungang “maningning at di kumukupas.” Alam nating lahat na ang peke, na tubog lamang sa ginto o sa pilak, ay hindi nananatiling makintab. Hindi naglalaon, ito ay kumukupas, naglalaho ang kinang, at napupuno ng pekas.

Ito rin ang nagaganap kung ang hanay ng ating pagpapahalaga ay nababaluktot … kapag ang mga pinahahalagahan natin ay katumbas ng pwet lamang ng baso, o pekeng tanso, o walang iba kundi plastic, kapag ang itinatampok natin o ginagawang diyus-diyusan ay dapat pangalawa lamang o pangatlo liban sa tunay na Diyos.

Malinaw ang paalaala sa atin ng tugon matapos ang unang pagbasa: “Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang!”

Pero napakadali sa atin ang mabulagan dahil sa mababaw na pagtingin natin. Sa biglang-wari, ang paghihirap ay isang parang sumpa. Sa biglang wari, ang kamatayan ay ang kasukdulan ng kawalang kahulugan. Sa biglang tingin, pagkatalo ang magapi ng sakit, ng ano mang uri ng kahirapan, at ng kamatayan.

Tunay na pagkilatis, bunsod ng makalangit na karunungan ang kailangan natin.

Ito ang pagkilatis na turo ngayon ni San Pablo. Sa mata ng pananampalataya, binigyang-kahulugan ni Pablo ang kamatayan, batay sa kahulugan ng kamatayan mismo ng Panginoon: “Naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya naman, naniniwala tayong bubuhayin din ng Diyos ang lahat ng namatay na nananalig kay Jesus – upang isama sa kanya.”

Nguni’t dapat nating aminin na mahirap makita ang lahat ng ito. Mahirap makita bilang isang pagpapala ang kahirapan, ang pagdurusa, lalu na’t alam natin na ang nagdurusa ay taong inosente at walang kamuang-muang sa nagaganap – tulad ng mga sanggol, na dahil sa kasalanan at kapabayaan ng kanilang mga magulang, ay nagdaranas ng sari-saring kapaitan sa buhay.

Mahirap makita ang diamanteng nagkukubli sa kapaitang ito. Mahirap makita ang pagpapalang nagtatago sa likod ng pagdurusa.

Nguni’t napakadaling mapagkamalian ang puwit ng baso at makita ito bilang isang mamahaling Kristal. Madaling mapagkamalian ang bagay na material at hindi nagtatagal bilang kasukdulan ng kayamanan at walang hanggang kaligayahan. Madaling gawing Diyos ang sa mula’t mula pa ay isang payaso o anino lamang ng tunay na Diyos na buhay.

Madaling mabulag dahil sa makikintab at makikinang na pekeng tanso o palsong ginto na tubog lamang naman sa manipis at mababaw na kagandahan.

Sampung dalaga ang naatangan upang magbantay sa pagdating ng lalaking ikakasal. Ang lima ay nasiyahan na sa puwit ng baso o palsong ginto. Nasiyahan na sila sa isang ilawang walang pampuno ng langis sa sandaling magkulang. Nabulag na sila sa ilaw na hatid ng kanilang ilawang napakadali palang maubusan ng langis.

Ang lima ay may angking karunungan. Nagsikap. Nagpaanyo. Naghanda. Hindi nasiyahan at lalung hindi nabulagan sa lumalagablab na apoy ng kanilang mga sulo. Naghanap ng paraan at naghanda sa sandaling maubusan. Naghirap nang kaunti sa pagdadala ng extrang langis. Inisip ang kahihinatnan ng kanilang ginagawa. Nakita ang maaaring maganap, o puedeng mangyari. Malayo ang kanilang tingin, at hindi nasiyahan sa kinang ng pekeng ginto ngayon at dito.

May angkin silang tunay na karunungan! At ito ang malaking kaibahan sa pagitan ng limang bobo at limang marunong!

Bobo tayo kung hindi natin makita ang tunay na siya nating hinahanap. Bobo tayo kung tayo ay manatili lamang sa kung ano ang sininisinta, kung ano ang ginugusto, at hindi ang siyang tunay nating panagimpan at pangarap ng puso. Ang ginugusto at sinininta, kalimitan, ay tulad lamang ng puwit ng baso – mababaw, pahapyaw, at madalian.

Natumbok ng salmista ang tunay nating panagimpan, at tunay nating inaasam at siyang makapagbibigay-katuparan sa kaibuturan ng pagkatao natin – walang iba kundi ang Diyos!

“Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang!”