frchito

Posts Tagged ‘Banal na Santatlo’

PANGINOONG MAPAGMAHAL AT MAAWAIN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Taon A on Hunyo 14, 2014 at 09:29

4430395

Banal na Santatlo (A)
Hunyo 15, 2014

PANGINOONG MAPAGMAHAL AT MAAWAIN!

May mga taong ayaw nating makasama, makasalamuha, at makaniig. Mayroong taong kapag pumasok sa grupo ay nagiging simula ng hidwaan, away, at hiwalayan. Kaunting intriga ngayon; kaunting bulong doon; kaunting bintang bukas; at kaunting pasaring sa makalawa. Para silang uod, na unti-unting kumakain sa kaisahan at kapayapaan.

Lahat tayo ay nagiging ganito paminsan-minsan. Tayong lahat ay may magaspang na bahagi ng pagkatao, at tayong lahat ay may kakulangan kumpara sa luwalhati ng Diyos!

Luwalhati ng Diyos! Ito ang tanging araw na binibigyang-diin natin ang isang ginagawa natin araw-araw pero hindi natin pinag-uusapan. Pero ang luwalhati ng Diyos ay hindi lamang bagay na lutang, hindi lamang bagay na nakasalampaw sa alapaap, o bagay na walang kinalaman sa atin.

Ang Diyos ay Diyos kahit na hindi natin aminin at tanggapin. Ang Diyos ay maluwalhati kahit natin hindi luwalhatiin. Pero ang turo ng Kasulatan, ang turo din ng kasaysayan ay ito … Ang Diyos ay Diyos hindi lamang para sa Kanyang sarili, kundi para sa iba. Ang Diyos ay sumasaatin. Ang Diyos ay Diyos sa ganang kanyang sarili, pero hindi lamang ito ang nakagisnan nating katotohanan. Siya ay Diyos na maylikha, Diyos na tagapagligtas, Diyos na mahabagin at maawain!

Sa panahon natin, talamak ang pagkamakasarili. Tingnan lang natin ang mga namumuno sa atin. Bilyon-bilyon ang naglalaho, pero wala raw ni isa sa kanila ang magnanakaw.

Sa panahon natin, palasak rin ang hidwaan, ang pagkakawatak-watak ay pagkakanya-kanya. Hila rito; hila doon. Batak dito; batak doon. Hirap tayo magka-isa at magsama-sama. Pati ang Araw ng Kalayaan ay araw na hindi masyadong nababanaag ang kaisahan.

Sa araw na ito, araw ng Kaisahan ng Diyos sa tatlong Persona, diwa ng pagkakabuklod ang dulot sa atin. At walang anumang makapag-iisa sa ating lahat nang higit pa kaysa sa makilala at madama ang pag-ibig ng iisang Diyos na tatlong persona, ang Diyos na Ama, Diyos na Anak, at Diyos na Espiritu Santo.

Maikli ang mga pagbasa natin. Mahaba ang mga paliwanag ng mga teologo at mga paham. Libo-libong libro ang nasulat na tungkol sa Banal na Santatlo, pero kakaunti ang hatid sa atin ng Banal na Kasulatan. At ang kakaunting ito ay sapat na upang makita natin ang higit na mahalaga.

At ito ang higit na mahalaga: “Akong Panginoon ay mapagmahal at maawain.”

Ito ang kanyang dulot sa atin: “pagpapala mula kay Jesucristong Panginoon, pag-ibig ng Diyos, at pakikipag-isa ng Espiritu Santo.”

At ito ang kasukdulan … “Sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.”

Huwag lang manatili sa Diyos ng hiwaga. Damahin natin, kilalanin at mahalin ang Diyos ng gawa … Siya ay Diyos na mahabagin at mapagmahal.

SINO?

In Uncategorized on Mayo 31, 2012 at 09:59

Image

BANAL NA SANTATLO

Hunyo 3, 2012

 

Pahirapan na naman sa pagpapaliwanag sa araw na ito. May mga bagay sa buhay na wala yatang sapat na kapaliwanagan. Anu man ang gawin mo, anu man ang hagilapin mo, at paano mo man pag-ikot-ikutin ang katotohanan, ang lubusang kapaliwanagan at walang pag-aalinlangang paglilinaw ay hindi yata makakamit.

Puno ng kabalintunaan ang buhay natin. Puno rin ng hiwaga, tigib ng kawalang katiyakan at kasiguraduhan. Sa pananampalataya natin, puspos rin ng misteryo.

Ang kapistahan natin sa araw na ito ay isa sa mga hiwagang ito. Hindi na para sa atin ang pagsikapang lubos na arukin, at tahasang tiyakin ang puno at dulo ng lahat ng ito.

Subali’t hindi como hiwaga o misteryo ay hindi na karapat-dapat lapatan ng paniniwala at pananampalataya. Sa buhay natin, marami tayong pinaniniwalaan kahit hindi natin lubos na nauunawaan. Hindi natin lubos na naiintindihan ang sakit na kanser pero alam natin na ito ay isang palaisipan sa buhay, na tinatanggap natin bilang isang mapait na katotohanan. Hindi natin lubos na matanggap ang maraming mga nagaganap sa ating lipunan, ang mga pinaggagawa ng mga namumuno sa atin, subali’t patuloy pa rin tayong nagtitiwala sa sistema political ng kalupaan. Hindi natin alam kung paano talaga nakapagpapainog ng mundo ang siyensiya ng kuryente, liban sa pag-aalsa ng mga electrons, nguni’t wala tayong sapat na salita upang talagang bigyang liwanag kung bakit nag-iilaw ang bombilya at umaandar ang mga makina. Kulang ang katagang makatao upang bigyang hustisya ang maraming bagay sa mundong ibabaw.

Tatapatin ko kayo. Hirap akong ipaliwanag itong misteryo ng Banal na Santatlo.

At bakit hindi? Ang Bibliya mismo ay hindi nagpapaliwanag nito. Ang Bibliya ay nagpahayag lamang ng isang katotohanan at ipinaloob ito sa takbo ng kasaysayan ng kaligtasan. Nagpakilala ang Diyos, bilang Manlilikha, Manunubos, at Espiritung nagpapabanal. Namulat, ika nga, tayo sa katotohanang ang unang nagmahal ang Diyos, ay nagsugo sa kanyang pinakamamahal na Anak, si Jesucristo. At alam rin natin na ang Ama at ang Anak, ay nagsugo ng pag-ibig, ang espiritu ng pag-ibig na nananahan sa katawan natin bilang kanyang templo, at nananahan sa kanyang Iglesya, upang patuloy na maghatid sa atin sa kabanalan at pakikipagniig sa Diyos.

Sa madaling salita, walang malalim na tesis ang ibinigay ng Banal na Kasulatan, liban sa isang Diyos na gumawa, Diyos na gumanap, Diyos na nagpamalas ng pag-ibig, sa pamamagitan ng Anak, at Diyos na nagsugo sa Espiritu ng pag-ibig na bunga rin ng pagmamahalan ng Ama at ng Anak.

Hindi isang tesis ang patunay tungkol sa iisang Diyos na may tatlong  Persona. Hindi isang makapal na aklat, kundi isang kasaysayang puno ng Kanyang gawa, puno ng kanyang pananatili at pagpapahayag ng sarili.

At ito ang kanyang gawa .. pakinggan natin muli kay Moises …

Ano ang kanyang sabi? Sino? Sino? Parang si Igan at si Mike Enriquez na nagsisimula sa kanilang “blind item.” Pero hindi ito blind item. Sino ang nakakita nang higit pa sa ipinamalas ng Diyos? “Sinong Diyos ang naglabas ng isang buong lahi mula sa isang bansa upang maging kanya sa pamamagitan ng pakikipagsubukan ng kapangyarihan, ng kababalaghan, ng digmaan, at ng makapangyarihang mga gawa, tulad ng ginawa ng Panginoon sa Egipto?”

Vamos a ver! Sino nga ba?

Hindi lamang ito! Ano ang nangyari sa atin? Mula sa isang lahing alipin, tayo ay naging kapiling at kagupiling ng Diyos. Nabahagi tayo sa kanyang buhay. Nakasali tayo sa kanyang pamamatnubay, hindi bilang hari, kundi bilang Panginoon at Ama. “Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos.

Pero ang tanong ngayon ay ito! Ano ang gagawin natin? Ano ang isusukli natin sa kaloob na ito? Matapos siya magpakilala sa kasaysayan at gumawa ng kababalaghan sa kasaysayan, ano ba ang dapat nating gawin? Saan ba natin ilulugar ang sarili sa harap ng kasaganaang ito?

Huwag na tayo magpatumpik-tumpik pa. Ang bawat kaloob ay may pananagutang kalakip. Ang bawat regalo ay may responsibilidad. Ano ba iyon?

“Kaya, humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa.” Sino? Sino ba siyang nagbibigay sa atin ng kautusang ito?

Wala nang iba. Walan nang ibang Diyos. Tanging Siya at wala nang dapat hanapin pa. Siya. Diyos. Ama. Anak. Espiritu Santo. Iisa. Tatlong Persona, ang Banal na Santatlo!