frchito

Posts Tagged ‘Buhay na Walang Hanggan’

PERA O PERLAS? LUNAS NA WAGAS AT WALANG KUPAS!

In Uncategorized on Nobyembre 15, 2014 at 09:12

images-1

Ika-33 Linggo ng Taon A

Nobyembre 16, 2014

PERA O PERLAS? LUNAS NA WAGAS AT WALANG KUPAS!

Mapaghanap tayo sa kapayapaan at katiyakan. Walang masama dito. Hindi kasalanan ang magsikap upang magsuksok upang may madudukot pagdating ng tag-tuyot o tag-ulan. Lahat tayo ay nag-aasam magkaroon ng kasiguraduhan sa ating pagtanda. Mabuti na ang may itinanim, sapagka’t tiyak na may aanihin.

Wala ring masama sa mag-asam ng higit pa. Walang masama ang maghanap ng tunay na halaga galing sa ating pinagpaguran. Kung kaya’t tama ang sabi ni Aklat ng Kawikaan, ang “isang mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.” Iba ang presyo at iba ang halaga. Maaring mababa ang presyo ng isang bagay, pero sa espiritwal na pamantayan, ay lubhang mahalaga.

Dito nagkakaiba ang negosyante at ang mananampalataya o ang taong may buhay espiritwal. Hindi lahat ay natutumbasan ng presyo. Hindi lahat ay mabibigyan natin ng makamundong halaga. At kung ang pag-uusapan ay ang buhay sa kabila, mayroong malaking kaibahan ang mapagtuos at ang mapag-paanyo. Ang mapagtuos ay puro presyo o pera ang nasa isip at salita. Ang mapag-paanyo ay hindi lamang pera o kantidad ang hanap, kundi ang tunay na kahalagahang higit pa sa material na bagay sa daigdig.

Ang mapag-paanyo ay katumbas ng mga taong “hindi nabubuhay sa kadiliman”, kundi “kabilang sa panig ng kaliwanagan.”

Ang nasa panig ng kadiliman ay mapagtuos, mapagkubli, mapaghinala. Ang binigyan ng iisang talento ay ganoon nga – mapaghinila na nga, ay mapagtago pa. Itinago at ibinaon ang iisang talentong tinanggap, at naghinala pang sakim ang nagkaloob sa kanya.

Ang nasa panig ng kaliwanagan ay mapag-paanyo, masikap, at masugid na naghahanap pa ng dagdag na halaga. Sa halip na ibaon ang lima at ang dalawang talento ay kanilang pinamunga, pinagyaman, pinayabong!

Sa panahon natin, malinaw ang daang dapat natin tahakin. Tinatawag tayo sa kaliwanagan, hindi sa kadiliman. Inihahatid tayo ng ebanghelyo sa tunay at wagas na kahalagahan, hindi lamang sa mababaw na presyo at material na timbangan. Bagama’t hindi masama ang maglagak ng salapi para sa kinabukasan, isang kahangalan ang manatili lamang dito at maging walang pansin sa tunay at wagas na kahalagahang pang kaluluwa at pangmagpakailanman.

Hindi na mahalaga kung iisa o dadalawa o lima o sampu ang talentong sa atin ay ipinagkaloob. Ang lubhang mahalaga ay ang gamitin ito, pagyamanin, payabungin, pagbungahin ang lahat ng ito ng dagdag pang kabutihan at ikabubuti ng daigdig at ng bayan ng Diyos.

At ano baga ang nasa likod ng lahat ng halagang ito? Walang iba kundi ang Diyos na siyang rurok at tuktok ng kahalagahan at kabutihan! Higit siya sa pera. Higit siya sa perlas. Siya ang lunas na wagas at kayamanang walang kupas. At wala nang iba pa.

“Sa Poon ay manatili siya’y sa atin lalagi, mamungang maluwalhati!”

ANG TUNAY NA UNLI …

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Taon A on Hulyo 4, 2014 at 22:22

humility

Ika-14 na Linggo Taon A
Hulyo 6, 2014

ANG TUNAY NA UNLI!

Lahat tayo ang hanap ay UNLI … Unli calls, unli load, unli rice, unli sabaw, at walang katapusang ketsap, toyo, o patis. Sa panahon natin, pati toyo at Downey, nabibili na sa sasyey (satchet). Hmmm … isang maliit na sasyey lang maghapon ka nang amoy bagong ligo, bagong laba, at bagong plantsang damit … malambot pa. Ako, hindi puede dyan sa mga downey-downey na yan! Unli allergy and aabutin ko … kamot dito, kamot duon, kalkal ngayon, kalkal pa rin hanggang mamaya, kahit na natutulog.

Maikli ang pise ng mga hambog at mga walang pasensya. Madaling magalit; madaling mabugnot, at madali ring magsalita ng bagay na pagsisisihan din naman pag naglaon.

Ibang klaseng UNLI ang dulot sa atin ng Panginoon … walang patid na kababaang-loob, at kahinahunan! At ibang pangaral ang dulot rin niya … ang panawagang mag-aral sa kanya, “maamo at mababang-loob.”

Mahirap makasama ang mga maikli ang pise … Mahirap makahalubilo ang taong madaling malagutan ng pasensya. Subali’t tulad nang naghahanap tayo ng unli rice, at unli sabaw, naghahanap tayo ng mga banal, maamo, mahinahon, at mapagpatawad.

Ito ang turo sa atin ng Panginoon ngayon – ang magsikap mag-aral mula sa kanya, at matutong tumulad sa kanyang dakilang halimbawa.

Mahaba pa ang ating lakbayin. Matagal pa ang landasing ating tinatahak. Pero hindi lang UNLI pasensya ang kanyang dulot. Ang hatid niya rin ay UNLI na buhay, hindi buhay na ayon lamang sa laman, na may hangganan, kundi buhay na ayon sa espiritu na naghahatid sa buhay na UNLI, ang buhay na walang hanggan.

May mabuting bunga ang kahinahunan at pasensya. At ang tinutumbok ng lahat na ito ay isa pang mahalagang UNLI – walang sawa, walang patid, walang wakas … At ito ang nais ng bawa’t isa sa atin … ang tumanggap ng isang maginhawang dalhing pamatok, magaang pasaning dulot ng Panginoong mahinahon, at mababa ang loob. Ito ang tunay na UNLI … wala nang hihigit pa rito.

Tara na … mag-UNLI tayo tuwina.