frchito

Posts Tagged ‘Eukaristiya’

TIRAHAN, KARUNUNGAN, HAPUNAN, KALIGTASAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Agosto 17, 2012 at 11:35

Image

Ika-20 Linggo ng Taon (B)

Agosto 19, 2012

Mga Pagbasa: Kaw 9:1-6 / Ef 5:15-20 / Jn 6:51-58

TIRAHAN, KARUNUNGAN, HAPUNAN, KALIGTASAN!

Angkin ko nang estilo ang bigyang-lagom o buod ang gusto kong sabihin sa paggamit ng ilang kataga, na ginagamit ko bilang pananda para hindi malimutan ang gusto kong sabihin. Sa araw na ito, apat ang napili ko, halaw sa tatlong pagbasa: tirahan, kaurunungan, hapunan, at kaligtasan!

Alam kong madali kayong makasusunod sa agos ng aking isipan lalu na sa mga araw na ito na kay raming bahay ang naanod o nalubog man lamang sa baha. Ang walang pangalang si habagat na naghatid ng siyam-siyam na araw na ulan ay nagdulot ng pighati sa maraming tao, kundi alipunga, o problema sa leptospirosis, wag na natin banggitin ang nababad nating mga gamit sa bahay na hindi na marahil pakikinabangan.

Alam natin ang kahulugan ng lahat ng ito. Ang mga gumawa ng tirahan sa dapat sana’y daluyan ng tubig, ang mga nagpundar sa bula ay nag-ani rin ng bula. Ang gumamit ng mga mahuhunang materyales, ay nagdanas ng mabilis na pagkawasak ng kanilang itinayo. Ang nagpunla ng hangin ay hangin rin ang aanihin.

Totoo rin ito sa batayan ng lahat ng ginagawa natin sa buhay. May mga palsong pangaral at pekeng ginto. May tunay na diamante at may puwit lamang ng baso. May lantay na pilak at may kinulayan lamang na asero o yero.

Sa araw na ito, isang mahalagang pagunita ang hatid ng mga pagbasa sa atin: “Gumawa na ng tirahan ayon sa karunungan, na itinayo sa pitong patibayan.” (Unang pagbasa). Sa panahon natin may nagnanais magtayo ng isang pundasyon na batay sa makamundo at material na karunungan. Nguni’t alam nating ang makamundong karunungan ay makamundo rin lamang na kalalagayan ang sinisinta o hinahanap.

Mayroong nagsasabing ang pagpigil sa pagdami ng tao ay dapat nang gawin, ayon sa batas, sapilitan, lalung higit sa mga taong walang kayang bumili o mamili ng pamamaraan. Kung kaya’t ang RH Bill ay isinusulong. Matindi ang talakayan, mainit ang balitaktakan. Ang bawa’t panig ay naghahanap ng batayan sa wastong kaalaman, sa mga pagsasaliksik na batay sa agham o sa mga survey o estatistika. Hindi maikakailang ang bawa’t panig ay may pinanghahawakang matibay na sandigan o batayan ng kanilang posisyon.

Subali’t hindi rin maipagkakailang mayroong batayang makamundo at batayang mas nagpapahalaga sa mga bagay na hindi nabibilang, hindi nasusukat, at hindi natitimbang – mga pagpapahalagang espiritwal!

May kaalamang makatao at karunungang makalangit. May datos na panlupa at datos na pang langit. May buhay sa daigdig ay may buhay na walang hanggan.

Anuman ang posisyon ninyo, ito lamang ang masasabi ko … Depende ito lahat sa kung anong batayan o tinatawag na pananaw sa mundo ang inyong pinanghahawakan. Ang may taglay na worldview o pananaw na mas nagpapahalaga sa mga bagay na material o pang ngayon at dito ay paniguradong panig sa panukalang batas na ito. Nguni’t ang may pagkiling sa mga higit pang matatayog na pagpapahalaga ay panig naman sa kabila.

Kami mang mga pari ay nagnanasa ng kasaganaan. Kami man ay malungkot sa dami ng mga batang hindi na napakakain nang tama, ay hindi pa nakapag-aaral. Kami man ay nangangarap na makarating ang bayan natin sa tugatog ng kasaganaan at prosperidad.

Nguni’t iba ang nais ng tao at iba ang nais ng Diyos. Ang naisin ng Diyos para sa atin ngayon ay ay magtaglay tayo at magkamit ng karunungan. At ang dapat nating pagpunyagian ay ang gumawa ng tirahang nababatay sa tunay at autentikong karunungan: “Mabuhay kayong tulad ng matatalino, at di tulad ng mga mangmang. Sapagkat masama ang takbo ng daigdig, samantalahin ninyo ang bawa’t pagkakataon na kayo’y makagawa ng mabuti.” (Ikalawang pagbasa).

Tulad ninyong lahat, ako ay napakaraming pagkakamaling nagawa sa buhay. Ang iba rito ay nagdudulot pa rin sa akin ng kahihiyang pangloob. May mga mali akong nagawa na ayaw ko nang maalaala pa. Pero hindi ko rin maikakaila na ang mga kamaliang ito mismo ang naghatid sa akin sa tamang kamalayan, sa tamang pagkilatis sa mga bagay-bagay. Dahil sa mga pagkakamaling ito, natuto akong kumilala sa tunay na diamante, ika nga, at makita ang puwit lamang ng baso. Natuto akong kumilatis ng mga solusyon sa problemang pang ngayon lamang, at bukas-makalawa ay siya nating bagong problema, at mga solusyon na pangmatagalan, sa kadahilanang ang pinag-uusapan natin ay mga taong may kalayaaan at angking katalinuhan, may angking dignidad, na kailanman ay hindi dapat tapakan ng batas, o anumang utos ng estado. Ang pangunahing karapatang-pantaong ito ay ang buhay. Wala ni anuman ang puedeng yumurak dito o yumapak sa karapatang ito. Maging ang estado ay walang karapatang isa-isantabi ito at bale walain.

Nais kong isipin na sa araw na ito, may isang maliwanag na aral na dulot ang Panginoon upang tayo ay maihatid sa tunay na karunungan, na maghahatid sa walang hanggang kaligtasan. At ito ay may kinalaman sa kaniyang ipinagkaloog sa Huling Hapunan, kung saan inialay niya ang kanyang katawan at dugo para sa ating kaligtasan.

Oo, kapatid at kapanalig! May kaugnayan ang Eukaristiya at Karunungan. Walang tunay na karunungan kung ito ay walang kaugnayan sa buhay na walang hanggan. Walang tunay na solusyon kung ang solusyong naturan ay para sa ngayon lamang at dito. Walang autentikong paglutas sa patong-patong nating problema kung ito ay may kinalaman lamang sa karangyaan, kayamanan, at lahat ng pagpapahalagang walang kinalaman sa buhay na walang hanggan.

Tayong mga kristiyano ay nabubuhay sa dalawang larangan: sa larangan ng mundong ibabaw, at sa larangan ng kalangitan; sa larangan ng pang-ngayon at dito at sa larangan ng pangsawalang-hanggan.

Hindi dapat tayo mabulag sa kinang ng tanso, na akala natin ay ginto. Huwag tayong madala sa ningning ng pilak na kapag kinaskas mo nang kaunti ay asero lamang naman palang tinubog at kinulayan. May karangyaang pangako kapag kokonti na lamang ang tao sa bayan natin, ngunit ang kahihinatnan ng isang bayang napadala sa kinang ng palsong ginto at pekeng pilak, at puwit ng baso ay kahindik-hindik kung isipin – isang bayan at taong walang pinapanginoon kundi ang ngayon, ang dito, at ang lahat ng anyo ng makamundong pagnanasa, sapagka’t nasaisantabi na natin ang Diyos.

Hayaan natin sanang ang Eukaristiyang ito ay maghatid sa atin sa tunay na kamalayan. Hayaan nating ang tinapay na pagsasaluhan natin ay magpatibay sa pananampalataya nating siya “ang pagkaing nagbibigay-buhay ba bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito.”

Gumawa tayo ng tirahan batay sa karunungan. Halina’t sumalo sa kanyang hapunan bilang paghahanda at pangako sa buhay na walang hanggan!

GUMISING, KUMAIN, AT MABUHAY TUWINA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Tagalog Homily, Taon B on Agosto 11, 2012 at 11:22

Image

Ika-19 na Linggo (Taon B)

Agosto 12, 2012

Mga Pagbasa: 1 Ha 19:4-8 / Ef 4:30 -5:2 / Jn 6:51

GUMISING, KUMAIN, AT MABUHAY TUWINA!

Mga tao rin ang mga propeta … may damdamin, may puso, may pangamba, pag-asa, at pagnanasa. Di miminsan ring nasasagasaan ang damdamin ng mga propeta. Di miminsan ring nakakaranas rin sila ng panghihinawa, kawalan ng lakas at tatag ng kalooban, at ang madala sa pananakot o paniniil ng mga makapangyarihan.

Ito rin ang kwento ni Elias, na pinag-uusig ni Jesebel. Matindi ang poot ng mga tulad ni Jesebel, sapagka’t nagsabi ng totoo si Elias, at ang totoo ay laging nakasasaling ng damdamin at nagpapaliyab sa natutulog na galit at poot ninuman.

Lumayas si Elias sa ilang. Nagkubli at sumilong sa isang puno. At hindi lamang iyon, nagnasa siyang mabigyang-wakas na ang kanyang buhay, upang sa gayon ay matapos na ang lahat, at makaranas siya ng katiwasayang ipinagkait ng mga taong makapangyarihan.

Di rin miminsang ang aking damdamin ay napuno ng takot at pangamba. Maraming taon na ang nakalilipas nang ako ay kamuhian ng mga tagasunod ng isang pulitiko dahil ang kanilang manok ay natalo sa lugar kung saan ako naruon. Inorganisa ko ang mga tao, upang mabantayan nila ang kanilang boto. Pinagmatyag ko sila, pinagbantay … at sa ganitong paraan ay para bagang nasansala namin ang anumang maitim na balakin ng mga nasa kapangyarihan noon. Di nagtagal ay tumanggap ako ng isang korona ng bulaklak na maliwanag na tanda na ako ay tutugisin ng mga halang ang kaluluwa.

Hindi rin masyadong matagal magmula nang ako ay mag-organisa ng mga tao upang labanan ang lumalaganap na droga sa bayan kung saan ako naruon. Nagkamulat ang tao, nagising sa katotohanang, kung wala silang gagawin ay lalamunin silang buhay ng banta ng droga at mga tagapagtulak na naglipana sa paligid namin.

Mura lamang pala ang buhay ng tao. At dahil sa naging mainit ang talakayan tungkol sa droga, ay hindi naglaon at ako ay nakatanggap ng isang malinaw na mensahe na naglalayong patigilin ako … “Ano ang gusto mo? Ang magpatuloy makapag-Misa o ang biglang mapatigil?”

Sa kasalukuyang panahon, ang pagiging propeta ay lalung lumala at lalung naging mapanganib. Sa aking pagtayo at pag-anib sa turo ng Inang Simbahan, di lihim na mayroong nasasaktan, at mayroong nagagalit. Ngunit sa halip na barilin nila ang mensahe, ang binabaril ay ang mensahero. Sa halip na tuligsain ang pangaral, ang tinutuligsa nila ay ang nangangaral. At pati mga bagay na wala akong kinalaman ay pilit nilang ipupukol sa akin, na para bagang pinalalabas nila na ako ay kamuhi-muhing gumawa ng mga baluktot na krimen, na lubhang pinagpipyestahan ng mass media, kahit na, karamihan rito ay pinalaki at pinalala lamang ng palsong uri ng jornalismo.

Nanghihinawa ako. Nanghihina, at nawawalan ng lakas at tibay ng kalooban. Tulad ni Elias, nagnanasa akong katumbas ng kanyang pagnanasang mawakas na ang buhay at mawala na ang lahat ng pasakit at hilahil sa buhay.

Ngunit and Diyos ng buhay ay Diyos rin ng pangako. Siya rin, ay Diyos ng katuparan. Sa araw na ito nais kong isipin na dalawang bagay ang dulot at hatid niya sa ating lahat: kautusan, at pangako!

Kautusan … Gising na at kumain! Gumising ka sa kabatirang ang Diyos ay tunay, ang Diyos ay buhay, at ang Diyos ay hindi natutulog. Tulad ni Elias, inuutusan tayo na bumangon at kumain, at tumanggap ng lakas. Walang lakas ang propeta kung hindi tumatanggap ng wastong pagkain. Walang lakas ang tagapangaral kung walang koneksyon o karugtong sa Diyos na nagbibigay-buhay.

Sa araw na ito, bukod sa kautusang ito ay isang pangako ang hatid niya: “Ang nananalig sa akin ay may buhay na walang hanggan.”

Sa awa ng Diyos na ito, naka-agguanta ako … nakatagal … nakakita ng higit pang lakas upang patuloy na magturo, mangaral, at magpahayag, sa tuwina, saanman, at kailanman. Sa awa rin ng Diyos, ay 34 na taon na ako nagtuturo, at 30 taon halos nag-mimisa para sa bayan ng Diyos.

Ito sana ang panghawakan natin sa araw na ito: ang kautusan at ang pangako. Natitisod rin maging ang mga propeta. At pati ang mga mananakbo kung minsan ay napapatid rin at nadadapa. At malinaw pa sa sinag ng araw, na pati manlalaro sa olimpiko ay nanghihina at nawawalan ng lakas.

Ngunit sa araw na ito, hindi lamang lakas ang dulot ng Diyos sa atin. Hindi lamang pangako, bagkus katuparan – sa pamamagitan ng Eukaristiya ang tinapay ng buhay: “Ang sinumang kumain ang pagkaing bumaba mula sa langit ay hindi mamamatay. Ako ang pagkaing nagbibigay buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”

Hala, iangat ang mga mata. Bumangon na at mag-inat-inat mga kapatid. Gumising, kumain, at mabuhay tuwina!