frchito

Posts Tagged ‘Homiliya sa Tagalog’

MAGMAHAL, MANATILI, MAMUNGA!

In Uncategorized on Mayo 9, 2015 at 10:11

Ika-anim na Linggo Pagkabuhay (B)

TheLastSupper

Mayo 10, 2015

MAGMAHAL, MANATILI AT MAMUNGA!

Sabi nila hindi na raw uso ang ligawan ngayon … wala nang pumoporma sa simbahan tuwing Linggo. Pare-pareho na ang mga kabataan at matanda na parang lahat galing o papunta sa beach o sa mall. Pero ayon sa programa sa radio kagabi na pinangunahan ng mga kabataan, meron pa rin daw … kaya lang ay iba na ang pamamaraan … sa social media, sa texting, sa chat, at sa sandamakmak na selfie sa social media.

Hindi kailanman mawawala ang pag-ibig ng tao. Nabuhay tayo dahil sa pag-ibig at lumaki tayo at naging adulto dahil rin sa pag-ibig.

Totoo ito, lalu na’t ngayon ay Mothers’ day. Kung wala kang Nanay na nagkalinga, malamang ay wala ka sa mundong ito.

Pero, kahit na hindi ngayon Mothers’ Day, hindi natin maipagkakaila na ang mga pagbasa ay may kinalaman sa pag-ibig na higit pa sa pag-ibig ng isang Ina.

Ito ang pag-ibig ng Diyos, na naging dahilan na tayo ay nasa mundong ibabaw pa rin … dahilan rin kung bakit nananatili pa rin tayo at sa ating kakayahang itaguyod ang buhay natin at buhay ng iba.

Salamat sa mga Nanay o Ina ng tahanan. Kasama ako sa pagdiriwang ng kadakilaan ng lahat ng Ina, kasama at sarili kong Ina, kahit matagal nang pumanaw!

Pero dakila mang tunay ang Nanay nating lahat, mas dakila ang Diyos na nagmahal sa atin sa mula’t mula pa. Larawan lamang ang pag-ibig ng isang Ina ng pag-ibig ng Diyos, “sapagka’t mula sa Diyos ang pag-ibig.”

Sa maraming ospital sa buong mundo, may mga taong ang trabaho ay kargahin at pasusuhin ang mga bagong silang na sanggol. Sabi ng mga eksperto, sa loob daw ng 48 oras matapos isilang, dapat daw makaramdam ang sanggol na mainit na katawan, upang maunawaan ang pagiging konektado sa isang buhay at tunay na ina. Maging ang mga sanggol ay nangangailangan ng koneksyon, na panananatili, ng pagiging karugtong ng buhay ng isang ina.

Malinaw ang pahatid ng mga pagbasa sa atin ngayon … Magmahal, sapagkat, minahal muna tayo ng Diyos, at “sapagka’t ang Diyos ay pag-ibig.” Pero hindi sapat na malamang tayo ay minahal Niya. Dapat tayong MANATILI … manatiling konektado sa Diyos.

A ver! Nakakita na ba kayo ng sanga ng puno na nakahiwalay sa puno at patuloy na namumunga? Wala! Walang sanga na hindi konektado sa pinagmumulan ng buhay ang patuloy na mamumunga.

LInggo ngayon ng pag-ibig! Tatlong bagay ang kailangan upang maging totoo ito sa buhay natin: magmahal, manatili, at saka mamunga!

PAGKILALA AT PAGBABAGO

In Uncategorized on Abril 18, 2015 at 06:17

[TINAPAY NG BUHAY]maxresdefault

Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay – B

Abril 19, 2015

PAGKILALA AT PAGBABAGO

May mga taong pag nakilala mo ay nagbabago ang buhay mo. May mga karanasang kapag pinagdaanan mo ay nagbubunsod sa iyo upang mag-ibang landas, tumahak sa ibang daan, at magpanibago ng saloobin at laman ng isipan.

Ito ang naganap sa mga unang nakakilala kay Kristong muling nabuhay. Sa mula, dahil sa hindi nila alam ang kanilang ginagawa, ay naging daan sila upang mapako si Kristo sa krus.

Pero nang mabatid nila ang katotohanan, iba na ang usapan: “Kaya’t magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang pawiin niya ang inyong mga kasalanan.”

Bagong pagkaunawa, bagong pag-uugali!

Sa ikalawang pagbasa mula sa sulat ni Juan, halos pareho ang naririnig natin. Ang pagkakilala kay Jesus ay nagbubunga ng pagsunod: “Nakatitiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos.”

Dalawang disipulo ang malungkot na naglalakad noon patungong Emmaus. Palayo sila sa Jerusalem, pauwi nang muli kung saan sila nagmula, na tila wala nang inaasahan pang iba. Tutal, namatay naman ang kanilang tampulan ng pag-asa, at wala na silang ibang inaasahan pa.

Pero nang makilala nila si Jesus sa pagpipiraso ng tinapay, sa hapag kainan, nabago ang takbo ng mga bagay-bagay.

Lahat tayo di miminsan sa buhay natin ay nakaranas ng pagkabigo, pag-aalinlangan, at kawalan ng pag-asa. Naghahanap tayo malimit ng kakilala … ng taong makapangyarihan o mayaman, upang makatulong sa atin. Para sa maraming kabataan, ito ay dinadaan sa paghanga sa tanyag na tao, ang pakiki-uso, at ang pagsunod sa mga taong kinikilala ng madla bilang modelo.

Dito nabibilang ang tulad ng One Direction, ng mga artista, ng mga iniidolo ng madla …

Pero hanggang paghanga na lang ba ang sagot sa ating mga pag-aalinlangan? Hanggang pagsunod na lang ba sa uso ang puede nating gawin?

Sa araw na ito, mayroon pang puedeng gawin – ang wastong pagkilala … ang pagsisikap na tunay na makilala ang Diyos sa pamamagitan ni Kristong muling nabuhay. Pero ang pagkakilalang ito ay isang pagkilalang nakatuon sa karanasan, hindi lamang laman ng isipan.

Halina’t lumapit sa Panginoong muling nabuhay. Tanging siya ang makapagbubukas ng ating kaisipan. Tanging siya ang makapagbibigay-liwanag sa nadidiliman nating isipan o pang-unawa. “At binuksan niya ang kanilang mga pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan.”

Iba ang may kakilalang bigatin! Pag nakilala mo siyang tunay, may mararanasan kang pagbabago … Wastong pagkilala; tunay na pagbabago!