frchito

Posts Tagged ‘Homiliya sa Tagalog’

PERA O PERLAS? LUNAS NA WAGAS AT WALANG KUPAS!

In Uncategorized on Nobyembre 15, 2014 at 09:12

images-1

Ika-33 Linggo ng Taon A

Nobyembre 16, 2014

PERA O PERLAS? LUNAS NA WAGAS AT WALANG KUPAS!

Mapaghanap tayo sa kapayapaan at katiyakan. Walang masama dito. Hindi kasalanan ang magsikap upang magsuksok upang may madudukot pagdating ng tag-tuyot o tag-ulan. Lahat tayo ay nag-aasam magkaroon ng kasiguraduhan sa ating pagtanda. Mabuti na ang may itinanim, sapagka’t tiyak na may aanihin.

Wala ring masama sa mag-asam ng higit pa. Walang masama ang maghanap ng tunay na halaga galing sa ating pinagpaguran. Kung kaya’t tama ang sabi ni Aklat ng Kawikaan, ang “isang mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.” Iba ang presyo at iba ang halaga. Maaring mababa ang presyo ng isang bagay, pero sa espiritwal na pamantayan, ay lubhang mahalaga.

Dito nagkakaiba ang negosyante at ang mananampalataya o ang taong may buhay espiritwal. Hindi lahat ay natutumbasan ng presyo. Hindi lahat ay mabibigyan natin ng makamundong halaga. At kung ang pag-uusapan ay ang buhay sa kabila, mayroong malaking kaibahan ang mapagtuos at ang mapag-paanyo. Ang mapagtuos ay puro presyo o pera ang nasa isip at salita. Ang mapag-paanyo ay hindi lamang pera o kantidad ang hanap, kundi ang tunay na kahalagahang higit pa sa material na bagay sa daigdig.

Ang mapag-paanyo ay katumbas ng mga taong “hindi nabubuhay sa kadiliman”, kundi “kabilang sa panig ng kaliwanagan.”

Ang nasa panig ng kadiliman ay mapagtuos, mapagkubli, mapaghinala. Ang binigyan ng iisang talento ay ganoon nga – mapaghinila na nga, ay mapagtago pa. Itinago at ibinaon ang iisang talentong tinanggap, at naghinala pang sakim ang nagkaloob sa kanya.

Ang nasa panig ng kaliwanagan ay mapag-paanyo, masikap, at masugid na naghahanap pa ng dagdag na halaga. Sa halip na ibaon ang lima at ang dalawang talento ay kanilang pinamunga, pinagyaman, pinayabong!

Sa panahon natin, malinaw ang daang dapat natin tahakin. Tinatawag tayo sa kaliwanagan, hindi sa kadiliman. Inihahatid tayo ng ebanghelyo sa tunay at wagas na kahalagahan, hindi lamang sa mababaw na presyo at material na timbangan. Bagama’t hindi masama ang maglagak ng salapi para sa kinabukasan, isang kahangalan ang manatili lamang dito at maging walang pansin sa tunay at wagas na kahalagahang pang kaluluwa at pangmagpakailanman.

Hindi na mahalaga kung iisa o dadalawa o lima o sampu ang talentong sa atin ay ipinagkaloob. Ang lubhang mahalaga ay ang gamitin ito, pagyamanin, payabungin, pagbungahin ang lahat ng ito ng dagdag pang kabutihan at ikabubuti ng daigdig at ng bayan ng Diyos.

At ano baga ang nasa likod ng lahat ng halagang ito? Walang iba kundi ang Diyos na siyang rurok at tuktok ng kahalagahan at kabutihan! Higit siya sa pera. Higit siya sa perlas. Siya ang lunas na wagas at kayamanang walang kupas. At wala nang iba pa.

“Sa Poon ay manatili siya’y sa atin lalagi, mamungang maluwalhati!”

MAGSURI AT MAGPASYA!

In Homily in Tagalog, Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Taon A on Marso 8, 2014 at 14:41

the-temptation-of-christ-james-anderson

Unang Linggo ng Kwaresma Taon A
Marso 9, 2015

MAGSURI AT MAGPASYA

Tuso ang ahas, ayon sa Kasulatan. Magaling mambola, magaling mang-akit, mahusay maghilot ng totoo at, sa pamamagitan ng konting hilatsa, ay nagiging isang kaakit-akit na kasinungalingan. Tukso ang hatid ng tusong ulupong. Tulad ng tatlong tuksong lumapit kay Jesus, matapos mag-ayuno sa ilang ng 40 araw at gabi.

Sino kaya sa atin ang hindi makakatanggi sa libreng Champ, o sa biglang libreng Mang Inasal, lalu na’t ganoon ka katagal hindi tumikim man lamang ng katiting na pagkain? Sino ang hindi madadala sa alok na itapon ang sarili kung ito naman ay mangangahulugang magpapalipad ng mga eroplano ang iyong boss sa itaas upang ikaw ay saluhin? Sino sa atin ang hindi madadarang sa apoy ng pang-aakit sa kapangyarihan na makapagdudulot ng iba pang mabubuting bagay?

Hmmm … di ba ito ang dahilan kung bakit kapag nakatikim ng posisyon ay ayaw nang bitawan, kung kaya’t lahat na: asawa, kabit, kapatid, pamangkin at inangkin, at buong angkan ay nagkukumahug maglingkod?

Matindi ang ulupong sa pang-aakit … mahusay magbilog ng kwento …

Bilog ang mundo at bilog rin ang ulo ng taong makamundo … nahihilo sa kaunting pabuya, nawawala ang kalayaan, hindi lamang upang mamili kundi magpasya.

Ang mundo natin ngayon ay mali ang pakahulugan sa kalayaan. Ang sabi ng mundo ay ganito … kung malaya ka, may kakayahan at karapatan kang mamili ng gusto mong gawin. Ang kalayaan ay walang ibang ibig sabihin kundi ang kakayahang mamili. Pero hindi lahat ay kaya nating piliin nang ganoon na lamang at sukat. Kailangan natin magsuri. Kailangan nating gumawa ng pagkilatis. Kailangan nating gumawa ng masugid na pagsisiyasat kung ang ating pinipili ay tunay na mabuti, tunay na maganda, at magdudulot ng wagas at tunay na kagalingang pangkabuuan sa buo nating pagkatao.

Masarap ang matatamis. Masarap uminom ng Coke habang kumakain ng may alat at tabang ulam. Masarap ang matatabang pagkain, lalu na ang litson at adobong lumulutang sa taba. Pero hindi lahat ng mabuti sa panglasa ay nagdudulot ng kabutihang ganap. Kailangan nating magsuri, at kailangan lalung mag-ingat.

Nabulagan nang panandalian si Eva. Iyon, at nang matapos ang kagaguhan ay siniyasat ng Diyos. Pero mahusay ang tao maghanap ng lusot sa anumang gusot. Kung kaya’t nang tinanong si Adan, ang kagya’t niyang sagot ay siyang sagot ng maraming senador at kongresman, na huli na sa akto, ay wala raw silang ginawang masama, at malinis ang kanilang konsiyensiya. Nagturo ng babae, tulad ngayon, dalawang babae ang nasa gitna ng matinding usaping tila walang kahihinatnan. Sabi ni Adan: “Hindi ako, iyong babae.” Sabi ni babae: “Hindi ako, iyong ahas.!”

Tuso ang ulupong, pero tuso rin ang taong handang maging ulupong rin sa kapwa tao.

Ito ang kasalanan. Ito ang naghatid ng kamatayan.

Pero ito ang kaligtasan. Kung paanong isang lalaki ang naghatid ng kamatayan, ay isa rin naman ang naghatid ng kaligtasan.

Pero paano niya ginawa ito? Tingnan muli ang ebanghelyo. Tinukso siya tulad nating lahat … tulad ni Eva at Adan. Pero nagsuri. Nagkilatis. At saka siya nagpasya. Ginamit ang kalayaan. At ang kalayaan ay hindi lamang kakayahang mamili at magpasya. Ang kalayaan ay hindi mini mini mayni mo … hindi ito kara y krus … at lalong hindi ito larong daga sa perya sa pistahan sa nayon.

Ang kalayaan ay ang kakayahang magpasya tungo sa kabutihang ganap, hindi sa kabutihan ko lamang ngayon at dito. Ang kalayaan ay ang kakayahang magsuri, magkilatis, at saka lamang magpasya.

Ito ang pasya ng Panginoon: Una, “hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao.” Ikalawa, “Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos.” Ikatlo, Ang iyong Diyos at Panginoon ang sasambahin mo: siya lamang ang iyong paglilingkuran.”

Magsuri muna, saka na magpasya!