frchito

Posts Tagged ‘Katapatan’

BASBASAN NAWA TAYO MAGPAKAILANMAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon B on Oktubre 4, 2012 at 17:27

Ika-27 Linggo ng Taon B

Oktubre 7, 2012

 

Mga Pagbasa: Genesis 2:18-24 / Hebreo 2:9-11 / Mc 10 :2-16

 

BASBASAN NAWA TAYO MAGPAKAILANMAN!

Iba talaga tayong Pinoy sa maraming bagay. Isa sa pagkakaiba natin sa kapitbayan natin sa Asia ay ito: hindi tayo yumuyuko sa ibang tao kung gusto natin bumati o magpugay, tulad ng mga Japon at mga Thai. Kung gusto natin gumalang, humihingi tayo ng basbas, o bendisyon. At ito ay ginagawa natin sa pamamagitan ng katumbas sa mga Kastila na “besar la mano,” o paghalik ng kamay.

Pero iba pa rin ang ating kagawian. Hindi natin hinahalikan ang kamay ng matanda. Idinidikit natin ang palad ng kamay sa ating noo. Ito ang pagmamano. Ito ang pagpupugay natin sa nakatatanda. Ito ang sagisag ng paghingi natin ng pagpapala.

Sa maraming lugar sa bayan natin, lalu na sa Katagalugan, ang pagmamano ay sinasagot ng matanda nang ganito: “Kaawaan ka nawa ng Diyos!”

Kaawaan nawa tayo ng Diyos, sa lahat ng araw ng ating buhay!

Napakagandang pagpapala. Napakayamang panalangin! Ito ang tugon natin sa unang pagbasa sa araw na ito. Ito rin ang laman ng ating puso, ang kahilingan ng bawa’t isa sa sandaling tinitigatig tayo ng lahat ng uri ng pangamba o takot.

Lahat tayo ay nag-aasam ng bendisyon, ng pagbabasbas,  o pagpapala. Lahat tayo ay humihiling ng katiwasayan, ng kasaganaan, at ng lahat ng uri ng kagalingang pantao.

Nguni’t paano nga ba makamit ito?

Una sa lahat, ayon sa Genesis, ito rin ay isang pangarap ng Diyos para kay Adan. “Hindi mainam na mag-isa ang tao: bibigyan ko siya ng makakasama at makakatulong.” Pangarap rin ng Diyos na ang tao ay magsama at magtulungan. At ang pagpapala ay makakamit sa pamamagitan ng pagniniig na ito sa konteksto ng pagsasamang panghabambuhay sa pagitan ng babae at lalake sa kasal.

Nguni’t sino ba ang siyang karapat-dapat pagpalain? Malinaw ang ikalawang pagbasa at ang tugon sa unang pagbasa. Ang karapat-dapat ay ang marunong maging mababa ang loob, ang maalam magpakumbaba, tulad ng ginagawa ng Pinoy tuwing magmamano – ang idantay ang likod ng palad ng tao sa noo, bilang pagkilala sa kanyang kababaang-loob at pangangailang ng tulong ng nakatatanda.

Malimit sabihing ang pagsasama sa kasal ay isang pagsasama sa ilalim ng pagmamahalan at pag-iibigan. Pero hindi kompleto ang larawang ito. Ang pagsasamang ninais ng Diyos sa mula’t mula pa ay nakatuon sa pagtutulungan. Humanap siya ng kasama hindi lamang upang maging katabi at kasiping, kundi upang maging katulong o katuwang niya sa paglinang sa daigdig, sa pagsupil sa kalikasan para sa kabutihan ng sangnilikha.

Pero upang magtagumpay ang samahang ito, ang pagtutulungan, kailangan ng kababaang-loob … tulad ng kababaang-loob ng isang bata, na siyang huwarang ginamit ng Panginoon. Ayon sa sulat sa mga Hebreo, si Jesus, “bagama’t sandaling panahong pinababa kasya mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kadakilaan dahil sa kanyang pagkamatay.”

Nakatutuwang isipin na sa Pilipinas lamang ginagawa ang uri ng pagmamanong ito. Nakatutuwa ring isipin na sa bayan natin, ang mga bata mismo ang kumukuha sa kamay ng matanda upang magmano, upang magpakita ng kababaang-loob, at upang humingi ng pagpapala. Mga bata mismo ay silang humihila sa kamay natin upang kunin, ika nga, ang pagpapala mula sa itaas.

Alam kong ito ang gusto nating lahat. Alam kong, may asawa man o wala, ang nais natin ay pawang kagalingan at kabutihan para sa ating sarili at sa mga mahal sa buhay, pati na ang ibang tao.

Siguro, sa araw na ito ay dapat nating bigyang pansin ang kung ano ang maghahatid sa atin sa pagpapalang ito. At ang turo ng salmo responsorio at ng mga pagbasa ay malinaw pa sa tanghaling tapat: ang magkaroon ng takot sa Diyos; at ang sumunod sa kanyang utos. Ayon sa ikalawang pagbasa, ito ay ang tumulad kay Jesus, na nagpakababa alang-alang sa lahat. Ayon rin mismo kay Jesus, ito ay ang mag-asal tulad ng isang bata, at matutong umasa at magtiwala sa mga nakatatanda para maganap ang lahat ng inaasam natin. At ayon sa una at ikatlong pagbasa, ang daan sa pagpapalang nais natin ay walang iba kundi ito: ang makipagtulungan sa “kasama” upang pangalagaan at pangasiwaan ang sangnilikha, tungo sa ikabubuti ng tanang sangkatauhan, may asawa man o wala.

Panalangin ko ngayon ito sa lahat ng mag-asawa, sa lahat ng mga walang asawa, at sa lahat ng kabataan: Tayo nawa ay basbasan ng Poon magpakailanman!

 

BIBIG AT DIBDIB: PUEDE BANG MAGKANIIG?

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Setyembre 23, 2011 at 09:36

Ika-26 na Linggo ng Taon (A)
Setyembre 25, 2011

Mga Pagbasa: Ez 18:25-28 / Fil 2:1-11 / Mt 21:28-32

Alam kong karanasan ng lahat ang itulak ng bibig ang maraming bagay, pero kabig naman ng dibdib. “Hele, hele pero quiere,” ika nga. Patumpik-tumpik kunwari, pero iyong iwinawaksi ay siya naman natin gusto, kalimitan.

Ang kwento ng dalawang magkapatid ay kwento natin lahat. Mayroong mabilis ang bibig sa pagsagot ng “opo.” Mayroon namang mabilis pa sa a las kwatro kung tumanggi, at sumansala, pero di maglaon ay naglulubag-loob at tumatalima.

Bilang isang punong-guro ngayon, at bilang isang nakahawak na ng sari-saring posisyon at panunungkulan, batid kong mayroong mga taong mabilis ang bibig sa pagtanggap ng anumang utos, ngunit mabagal o wala kung ang pag-uusapan ay ang pagtalima o pagsunod, o pagsasaganap ng kung ano ang ipinangako. Tulad ng aking sekretarya ngayon sa iskul, pag inuutusan ko, mabilis ang sagot na “oo.” Pero hindi madalang mangyari na hindi nagagampanan ang kanyang walang pag-aatubiling pagtugon.

Mayroon namang mabilis ang dila na sumansala at tumanggi s utos, nguni’t bukas o makalawa ay alam mong magaganap ang kanyang tinanggihan.

Ano ang kaibahan sa dalawa? Ang isa ay puro bibig ang pinaiiral; ang isa naman ay puso ang hinahayaang maghari. Ang panay bibig ang pinaiiral ay puno ng mga pangako at walang kamatayang mga pagpapahayag ng panunungkulan. Tulad ng mga politikong nabubuhay at nagwawagi dahil sa pangako. Ang mga sa simula naman ay tila ipinaglihi sa pagsalungat at pagsansala, nguni’t pinaiiral ang tunay na damdamin at puso at saloobin, ay nagbabago ng isip at ginagampanan ang hindi ipinangako. Ang salita ay pinapalitan ng paggawa. Ang sinansala at sinalungat ay napapatungan ng pagsasakatuparan.

Ito ang tinataguriang paglulubag-loob at pagbabago! At ito ang lubhang kailangan sa panahon natin.

Punong puno ang mundo ng salita … mula sa facebook, at lalu na sa twitter. Lahat na lamang yata ng ginagawa ng bawa’t isa ay nakapaskil sa social networking sites, pati pagkain, pati mga bagay na hindi na dapat ikwento na sa ibang tao. Lahat ng galit, tampo, poot, at sama ng loob sa ibang tao ay nakapaskil sa facebook, na wari baga’y inaasahan nilang mababasa o makukuha ng kinauukulan ang anumang reklamo nila. Sa mga pahayagan, naglipana ang mga kolumnista na kayang kayang manira o magpatatag sa administrasyon depende kung malaki ang bayad sa kanila o may pakinabang sila. Kay raming salita … kakatiting kalimitan ang katotohanan. Ang puso at ang bibig ay walang kaisahan, walang pagniniig, walang koneksyon.

Gusto kong isipin sa araw na ito na may pag-asa pang ang bibig at ang puso ay magkaniig at magkaisa. Si Pablo na mismo ang nagsasabi sa atin: “maghari sa inyo ang pagkakasundo, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig at maging isa kayo sa puso at diwa.”

Kaisahan … hindi lamang ng mga tao, kundi kaisahan rin sa kalooban ng bawa’t tao. Ang kaisahang ito sa pagitan ng bibig at ng puso ay ang tinatawag nating katotohanan, katapatan, pagiging masunurin at pagiging handa, hindi upang tumanggi, kundi tumalima sa Diyos.

Di miminsan rin akong nag-asal na tulad ng batang sumagot ng “oo” nguni’t hindi gumanap ng ipinangako. Ito ang diwa ng kasalanan. Ito ang kahulugan ng kawalan ng kaisahan sa bibig at sa puso.

Ito ang panawagan sa atin … ang matutong pag-isahin ang tulak ng bibig, at ang kabig ng dibdib … ang matutong tumanggap, sa halip na tumanggi, at higit sa lahat, ang matutong tumunton, sa halip na sumalungat, sa hinihingi ng puso, sa tulak ng kagustuhan nating sumunod sa Diyos.

Batid natin sa turo ng mga pilosopo na ang nasa likod ng lahat ng ating nasa ay ang malalim na pagnanasa nating makamit ang Diyos. Ito ang dikta, ika nga, ng puso. At sapagkat tayo ay tao lamang, malimit na ang naghahari ay ang dikta ng bibig, ang bigkas ng bunganga, na malimit ay batay lamang sa panandaliang pansariling kapakanan.

Salain natin ang mga salitang bumabalot o pumapaligid sa atin. Salain natin ang mga naririnig natin. Tulad ng sinasaad sa liturhiya ngayon, “ang tinig ko’y pakikinggan ng kabilang sa aking kawan; ako’y kanilang susundin.”

Sa bandang huli, ang mahalaga ay ito: hindi ang tulak ng bibig, kundi ang kabig ng dibdib. At may pagkakataon pa tayong lahat na pag-isahin ang bibig at ang puso, tungo sa pagtalima at pagsunod sa balakin ng Diyos para sa atin.