frchito

Posts Tagged ‘Nobena sa Pasko’

MAGANDANG BALITA SA PAMILYA

In Uncategorized on Disyembre 22, 2014 at 22:35

Malachi Saint-John-the-Baptist-web

Ika-8 Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 23, 2014

MAGANDANG BALITA SA PAMILYA

Hindi natin maitatanggi na ang pamilya ay nagdaranas ng sari-saring pagsubok sa ating panahon. Una sa lahat, hirap ang pamilya na manatiling magkaisa ngayon. Si Tatay ay nagtatrabaho sa Saudi, o si Nanay ay nanunungkulan o naninilbihan sa HongKong o Italya o saanman sa buong Europa. Si Kuya o si Ate ay nasa Singapore o nasa Korea.

Pangalawa, ang uso na siyang kalakarang namamayaning saloobin at isipin, na batay sa tinatawag na “tolerance” ay nagtuturong maski ano puede, basta’t
happy ka. Basta’t masaya ka, wala sinumang makapagkokondena … sabay batbat pa ng isang quote na mula kay Pope Francis: “Who am I to judge?” (kahit ang puno at dulo o konteksto ay malayo sa konteksto na nasa isip ng marami ngayon!)

Pangatlo, iba na ang pamilya dahilan sa iniba na rin ang definisyon ng kasal. Hindi na ito isang kontratang pang habambuhay, kundi isa lamang partnership, na puedeng mawala o magbago ng mga alituntunin, anumang oras.

Ang kasal, bagama’t isang institusyong natural, ang kanyang hugis at anyo ay nababalot na ng isang anyong hindi na ayon sa kalikasan. Iba-iba nang gawang makataong element ang bumabalot sa kasal.

Nguni’t sapagkat ang Diyos ang may akda nito, kaisahan at pagniniig ang natural dito, hindi hidwaan o pagtutungayaw.

Nais kong isipin na isa ito sa mga padaplis na paksa ng pagbasa, lalu na sa unang pagbasa. Ayon sa pangako ni Propeta Malakias, “darating ang pinakahihintay na sugo at ipahahayag ang aking tipan.” Pero ang kanyang pagdating ay may tahasang pakay: “para humatol at dadalisayin niya ang mga saserdote, tulad ng pagdadalisay sa pilak at ginto, upang maging karapat-dapat sa Panginoon.”

Isang institusyong makatao na dapat dalisayin ang kasal, ang pagsasama ng babae at lalake ayon sa balak ng Diyos, bilang isang pagniniig sa pag-ibig sa harapan ng Diyos at tao. At isa sa mga bunga nito ay ang pagdadalisay rin sa pamilya, na nabahiran na rin ng hidwaan bunga ng kasalanan. Hatid ng kasalanang ito ang kawalang kapanatagan sa isa’t isa, o kawalan ng wasto at malalim na pagniniig, tulad ng pakikipagniig ng Diyos sa kanyang bayan.

Ito ang magandang balita para sa mga pamilyang naririto ngayong umaga: “Muling magkakalapit ang loob ng mga ama’t mga anak.”

Harinawa, O Panginoon! Halina, Panginoon, halina!

TUNAY NA HARING SA SETRO’Y MAGTATANGAN!

In Uncategorized on Disyembre 16, 2014 at 08:07

jacob-blessing-sons_1242518_inl

Ikalawang Araw Simbang Gabi

Disyembre 17, 2014

TUNAY NA HARING SA SETRO’Y MAGTATANGAN!

Ayon sa pag-aaral ni Alex Lacson, mahigit lamang isang daan at limampung pamilya ang “naghahari” sa buong Pilipinas, dahil sa dinastiya. Iyan din ang sinabi ng isang Amerikanong sosyolohiko mahigit 20 taon na ang nakalilipas. Puede nating sabihin na maraming naghahari … maraming naghahari-harian, at maraming nag-aasal-hari sa bayan natin.

Dinastiya … salin-saling lahi na pare-pareho ang pinanghahawakang kapangyarihan, yaman, at posisyon sa lipunan. Matay nating isipin, parang isang dinastiya ang binabanggit sa ebanghelyo sa araw na ito … tatlong tig lalabing-apat na salinlahi ang nagdaan bago isinilang si Jesus, na nagmula sa angkan ni David.

Pero, teka muna … Iba ang dinastiyang gawa ng tao, na bunga ng yaman, kadayaan, kaswapangan, at pagka makasarili, at iba rin ang dinastiyang galing sa paghihirang at pagkakaloob ng Diyos. Iba ang masiba sa kapangyarihan na walang ibang ginagawa kundi bakuran at sarilinin ang kapangyarihan, pero iba ang taong hinirang at inatangan ng Diyos ng pananagutan para sa kapakanan ng iba.

Dito nagkakaiba ang dinastiya sa Pilipinas at ang dinastiya o salin-saling lahi na pinagmulan ng Mananakop.

Ano ang puno at dulo ng kaibahan? Walang iba kundi ang kalooban ng Diyos.

Ang dami na ngayon ang nagkakandarapa para “mahalal” sa 2016. Nandiyan ang paninira sa kalaban, sa pamamagitan ng mga pekeng survey. Nandyan ang pagpupugay sa namatay nang tanyag na artista, para lamang hindi makalimutan ang apelyido niyang kailangan ng isang ginagamit rin ang parehong apelyido. Nandiyan ang paglalagay ng mga litratong kunyari ay “stolen shots” pero halata namang mga tauhan nila ang kumuha at nag post sa facebook. Nandiyan ang pagpapalabas ng mga kabulastugan ng mga kaaway sa politica na pareho rin naman nilang kabulastugan at pagkagahaman sa pork barrel.

Marami ang may tangang setro nguni’t kakaunti at iilan lamang ang karapat-dapat magtangan nito.

Sa ikalawang araw ng ating Simbang Gabi, pagtuunan sana natin ang tunay na karapat-dapat na magtangan ng setro na mula sa Diyos. Malinaw ang hula ni Jacob, mula sa aklat ng Genesis: “Hawak niya’y strong tuon sa paanan; sagisag ng lakas at kapangyarihan; ito’y tataglayin hanggang sa dumatal ang tunay na Haring dito’y magtatangan.”

Ang tunay na Haring dito’y magtatangan! … Siya ang ating pinakahihintay. Siya ang ating lubos na inaasahan! Wala nang iba. Wala nang duda. Si Kristong dumating, si Kristong dumarating at si Kristong muling darating ang siyang hinirang at inatangan ng tunay na setro ng kapangyarihang walang hanggan.

Huwag sana tayo padaya sa mga nangangakong “maglilingkod sa bayan,” pero mabilis pa sa alas kwatro ang gawang pagnanakaw. Huwag sana tayo masilaw sa setrong kumikinang dahil sa salapi, ginto, pilak at kamanyang! Huwag sana tayong madala ng mga pamilyang gobernador si Tatay, mayor si Tito, konsehal si Diko, at barangay chairman si Ditse … Huwag sana tayo paloko sa mga “naglilingkod sa bayan” kuno, pero lahat sila, asawa, hipag, pamangakin at inangkin ay may tangang setro tuwina, hanggang sa apo sa tuhod.

Tumingala tayo sa hinirang ng Diyos. Makinig tayo at manikluhod sa kanyang nagmula sa angkan ni David at nagmula sa lahi ni Abraham.

Halina’t makinig at sumunod sa kanyang hindi bunga ng dinastiyang makamundo, bagkus bunga ng dinastiyang hinirang at pinagpala, hindi ng tao, kundi ng Diyos!