frchito

Posts Tagged ‘Pag-asa’

LUGMOK SA SALA; TAMPOK SA PAG-ASA

In Uncategorized on Marso 13, 2012 at 12:23

Image

 

Ika-apat na Linggo ng Kwaresma (B)

Marso 18, 2012

 

Sinusulat ko ito habang nagbibigay ng mga pagsubok sa isang grupo ng seminarista sa Canlubang – pag-asa ng kinabukasan, pangako ng panibagong buhay, at pahimakas ng isang bagong hinaharap.

 

Malungkot ako habang ginagawa ko ito. Sa maraming dahilan … at sa pagkabasa ko ng tatlong pagbasa sa ika-apat na Linggo ng kwaresma, magkahalong pagkalungkot at pag-asa ang sumasagi sa aking puso at kaisipan.

 

Matindi ang sinasaad sa unang pagbasa … May kinalaman ito sa mga pari, mga pinuno ng Juda, at mga mamamayan … lahat as in lahat, sabi nga ng mga kabataan ngayon. Walang sinisino, walang duda. Lahat ay korap; lahat ay makasalanan; lahat ay may pagkukulang.

 

Larawang masangsang ito ng buhay natin ngayon. Larawang hindi kaaya-aya at mahirap tanggapin … larawan ng mga matataas na taong may tagong dolyar upang makatakas sa paninilip ng batas; larawan ng isang pamahalaang bihasa sa pangongotong at pangingikil, kahit na ang tanging bigkas tuwina ay daan ng pagbabago at matimyas na pangako ng paghahanap ng kapakanang pangkalahatan.

 

Masangsang at malansa ang naririnig at nakikita natin tuwina. Pagiging bihag at pagkatapon ang naging bunga ng lahat ng ito para sa bayan ng Diyos. At ngayon, tayo man ay bihag ng kasalanan, kasakiman, at pagkamakasarili sa sarili nating lipunan.

 

Ngunit sa gitna ng matinding pagkalugmok na ito ay namanaag ang liwanag mula sa kadiliman. Patunay ni San Pablo ang siyang narinig natin sa ikalwang pagbasa: “napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin.” Sa kabila ng personal at pangsosyal na pagkakasala, ay nananatili ang magandang balita ng dakilang habag at pag-ibig ng Diyos.

 

Magandang larawan ang nakikita natin sa ebanghelyo. Si Nicodemo ay naparoon kay Kristo sa gabi, sa gitna ng kadiliman, sa isang paraang masasabi nating nakukubli at natatago … tulad ng kalalagayan natin ngayon … balot ng kasakiman, pagkakanya-kanya at lahat ng uri ng kasalanan.

 

Bahagi tayong lahat nito. Ang lahat ay anak ni Adan at ni Eba, na nabahiran ng kasalanang orihinal.

 

Lahat tayo ay mga Nicodemong nagkukubli sa dilim, nguni’t naghahanap ng liwanag. Ito ang pag-asang nagkukubli sa dilim. Ito ang bagong bukas na maari nating panghawakan … na sa kabila ng lahat ay may magagawa tayong lahat, bawa’t isa sa atin. At ang simula ng pagbabago ay hindi nanggagaling sa mga institusyon, sa gobyerno, o sa ibang tao. Nagmumula ito sa puso ng bawa’t isa sa atin.

 

Lugmok ako sa mga araw na ito sa kalungkutan at matinding mga katanungan. May pag-asa pa ba ang bayan natin? May patutunguhan ba kaya ang mga kabataan ngayon? May naghihintay pa bang mga kagubatan at kabundukan upang maghatid ng ginhawa sa mga salat at mga dukha? Mayroon pa kayang mina na pagyayamanin ang bayang pinoy?

 

Ang sinasaad ng mga pagbasa ay ito: matindi ang kinapapalooban, ngunit matindi rin ang kinabukasan. Madilim ang kapaligiran, nguni’t maliwanag ang kahahantungan.

Lugmok man tayo ngayon sa maraming sala, tampok tayo ngayon sa isang matunog na pag-asa.

 

At ano ang batayan natin? Pag-ibig sa sanlibutan ng Diyos ay gayon na lamang, kanyang Anak ibinigay, upang mabuhay kailanman ang nananalig na tunay. Lugmok man sa sala; tampok pa rin sa pag-asa!

LAHAT NG ITO AY MAPAPARAM!

In Uncategorized on Enero 20, 2012 at 16:22

Image

Ikatlong Linggo ng Taon(B)

Enero 22, 2012

Mga Pagbasa: Jonas 3:1-5.10 / 1 Cor 7:29-31 / Mc 1:14-20

 

Magandang larawan ng ating lipunan ngayon ang kwento ni Jonas. Ang lahat ay parang hindi inaasahan, hindi halos kapani-paniwala, at lihis sa parang normal na takbo ng salaysay. Una sa lahat, kakaiba ang utos ng Diyos kay Jonas – ang mangaral sa mga taga Nineve – isang bayang kinamumuhian ng Israel sapagkat isa ito sa mga nagpapahirap sa kanila, bilang capital ng imperyo ng Asiria, ang imperyong lalung nagpahirap sa kanila.

Ikalawa, si Jonas ay hindi lamang atubili. Hindi lamang mabigat ang kanyang puwet at ayaw gawin ang utos sa kanya ng Diyos. Sa halip na pumunta sa Nineve, pumunta siya papalayo sa kabaligtaran ng papuntang Nineve. At noong siya ay tumalima, hindi siya lubusang pumasok sa bayan, bagkus nagwika at nangaral sa bukana lamang ng siyudad.

At dito naganap ang himala ng pagbabalik-loob ng mga taong ayaw niyang makahalubilo. Nagbalik-loob ang mga taga Nineve, at nag-ayuno at nagsuot ng mga sako sa katawan. Naniwala sila sa matamlay na pangaral ng isang propetang nanghihinawa, at nag-aatubiling gumanap sa kanyang tungkulin.

Larawan ito ng aking nadarama sa karaniwang panahon. Matagal-tagal na ring panahon ang nagdaan magmula nakibaka ako at nakisama sa malawakang pag-aaklas noong 1986 – sa isang mapayapang pagtutol sa tiraniya ng isang ayaw bumaba sa pagka-upo nang matagal nang panahon. Noong panahong yaon, matayog ang ating mga pangarap, marangal ang ating mga inaasam, at naglagak tayong lahat ng matinding pag-asang makabangon tayo sa lahat ng uri ng kalalabisan at kawalang katarungan.

Nguni’t ngayon, tulad ni Jonas, ako ay nanghihinawa … nawawalan ng pag-asa sa pangitaing ang mundong iniikutan ko ay malayo pa sa katotohanan, katarungan, at kapayapaan. Sa halip nito ay nakalagak pa rin ang lumang estilo ng politikang gantihan, siraan, unahan, swapangan, at gipitan. At higit sa lahat ang mundo natin ngayon, at dito ay napapasailalim sa isang mapanlinlang na mass media, na nagsusuporta sa kung sino mang inaakala nilang makapananatili ng status quo kung saan sila ay nakikinabang. Ang mga komentarista ay nabibili ng mga may pera, at may platapormang pinangangalagaan.

Tulad ni Jonas, parang ayaw ko nang magwika. Parang gusto ko nang magpadala na lamang sa agos ng mga pangyayari at makisakay na lamang sa takbo ng mga pangyayaring, sa aking wari ay hindi mauuwi sa mabuti, para sa lahat, para sa kapakanang pangkalahatan, at hayaan na lamang na ang tao ay patuloy na linlangin ng mga may hawak ng mikropono at camera sa TV at internet.

Nguni’t ang araw na ito ay araw ng kabaligtaran at kababalaghan. Nagsisi ang mga hindi inaasahan. Nagbalik-loob ang mga taga Nineve. At kahit atubili at hindi lubusang nangaral si Jonas, nakinig ang mga tao at naligtas ang isang bayang malayo noon sa Diyos.

Tungkulin ko ngayon na bigyang pansin ang sinasaad ng mga pagbasa. Tungkulin ko ngayong bigyang tinig muli si San Pablo na nagsasabi sa atin: “Malapit na ang takdang panahon!” Tungkulin ko ngayon ang muling ulitin sa inyong harapan: “Ang lahat ng bagay na ito’y mapaparam.”

Maging ang mundo ng Panginoon noon ay hindi perpekto, hindi ganap. Masalimuot rin at magulo. Ang tangi nilang pag-asang maghahatid sa kapanatagan, si Juan Bautista, ay ipinakulong at di naglaon ay ipinapatay.

Sa kalalagayang ito, hindi nanghinawa ang Panginoon, bagkus kumilos at nangaral: “Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa mabuting balitang ito.”

Minsan ko pang ipinakikiusap sa inyo at sa aking sarili. Minsan ko pang inuulit at ipinagmamakaingay … tulad ng sabi ni Pablo … ang lahat ng bagay na ito ay mapaparam … sa takdang panahon, sa panahon ng Diyos.

Iisa lamang ang dapat nating gawin – ang mag-asal Jonas, ang sumunod bagamat mabigat ang katawan natin at masama ang loob. Ito ang pinakamaliit nating magagawa, ang hindi maging balakid sa balakin ng Diyos kundi ang maging daan sa katuparan nito.

Sapagkat ang lahat ng bagay na ito, sa mundong ibabaw ngayon at dito, ay mapaparam din at magwawakas!