frchito

Posts Tagged ‘Panahon ng Pagkabuhay’

BATONG TINANGGIHAN; BATONG SALIGAN

In Uncategorized on Abril 26, 2015 at 09:25

[TINAPAY NG BUHAY]

Good-Shepherd

Ika-4 na Linggo ng Pagkabuhay – B
Abril 26, 2015

BATONG TINANGGIHAN; BATONG SALIGAN

Sabi nila kapag ukol ay sadyang bubukol. Kung balak ng Diyos, anumang balakid ay malalampasan, mapagtatagumpayan. Sa mahigit dalawang libong taong kasaysayan ng Simbahang itinatag ni Kristo, napakaraming nagsikap ibagsak ito. Maraming nagpunyagi. Maraming nagsikap gapiin ito. Ni isa sa kanila ay nagtagumpay.

Mahalaga ang batong panulukan sa pagtatayo ng gusali. Kapag mali ang sukat at tibay ng batong panulukan, ang buong gusali ay mahina. Pinipili ito nang mainam at pinagpaplanuhan.

Mismong ang Banal na Kasulatan ay tumawag kay Jesus bilang batong panulukan na tinanggihan ng mga tao. Nguni’t ang batong tinanggihan ang siyang naging saligan, sandalan, sandigan.

Kapag Diyos ang nagbalak, walang anumang kapangyarihan ang makahaharang.

Malapit na naman ang laban ni Pacquiao. Magdadagsaan na naman ang mga kongresman at senador sa Las Vegas. Tataya na naman ang mga sugarol, at maglalagak ng salapi ang mga may puedeng lustaying salapi. Mamimili sila ng kani-kanilang manok na pupustahan.

Namili rin ang mga Judio noong panahon ni Jesus. Mas pinaniwalaan nila ang kanilang sariling kagalingan. Naghintay sila nang maraming taon para sa Mesiyas, at nang dumating siya sa katauhan ni Jesus, ay para siyang isang batong panulukang tinanggihan, hindi kinasihan, at lalong hindi pinustahan.

Sa panahon natin, lalo na sa araw na ito, ika-apat na Linggo ng Pagkabuhay, hindi na kailangang mag-alinlangan pa. Hindi na kailangang pumusta pa. Hindi na kailangang tumaya pa. Sapagka’t malinaw na ang sinasaad sa mga pagbasa. Si Jesus, at wala nang iba, ang siyang ipinako sa krus, at siya ring muling binuhay, at siya ring batong tinanggihan, nguni’t naging batong panulukan ng kanyang Simbahan at samahan ng mga sumasampalataya.

Tanging Siya at wala nang iba. Siya at siya lamang. Ang kanyang kakanyahan (identity) ay hindi puedeng ipagkamali sa iba. Siya ang Mesiyas, ang Tagapagligtas, ang Panginoon, ang pinahirapan, nagpakasakit, ipinako sa krus, namatay at muling nabuhay.

Llamadong llamado na tayo. Wag na tayong tumaya pa sa iba. Wag na tayong pumusta pa sa iba. Siya na. Wala nang iba pa. Si Kristo. Butihing Pastol. Panginoon. Tagapagligtas. Tagapaghatid. Taga-akay. Lingkod at Lider.

Sino ba ang pinupustahan mo? Dito na tayo sa tiyak na panalo. Batong tinanggihan; batong panulukan.

MULA SA DILIM, TUNGO SA LIWANAG

In Uncategorized on Abril 4, 2015 at 22:24

the_empty_tomb_and_resurrection_of_jesus_christ_by_myjavier007-d7dd8lc

Pasko ng Pagkabuhay Taon B

Abril 5, 2015

MULA SA DILIM, TUNGO SA LIWANAG

Tahimik ang kapaligiran sa araw ng Sabado de Gloria. Parang ang kalikasan ay naghihintay, tulad ng matamang paghihintay ng marami sa pagdating ng bagyong nagsimula bilang isang napakalakas na sigwa na ngayon ay humina, salamat sa Diyos.

Sa bihilya ng Paskuwa, magsisimula ang pagdiriwang sa pagbabasbas ng bagong apoy. Patay ang lahat ng ilaw, liban sa bagong apoy na siyang magiging simulain ng isang panibagong liwanag. Mula sa kadiliman ng kamatayan ay babaling ang atensyon ng lahat sa liwanag ng panibagong buhay.

Larawan ito at tanda ng pagtawid ni Jesus mula sa kamatayan tungo sa muling pagkabuhay … tanda rin ng ating pagtawid mula sa kasalanan tungo sa bagong pagsilang at bagong pamumuhay.

Lahat tayo ay nakaranas na ng iba-ibang uri ng mumunting pagkamatay. Namatay tayo sa maraming pagkakataon sa sandaling nabigo ang mga balakin natin at mithiin. Namatay tayo nang kaunti sa sandaling naglaho na parang bula ang mga magaganda nating hangarin o mga pangarap sa buhay … nang dahil sa inggit, sa galit o sa anumang iba pang dahilan, ay nagkaroon ng balakid ang mga magaganda nating gawain o proyekto sa buhay.

Lahat tayo ay nakaranas rin ng higit na masahol na uri ng kamatayan – ang mabulid sa kasalanan, ang malayo sa biyaya ng Diyos at ang malulon sa masamang gawain o maiitim na balakin. Wala ni isa sa atin, liban kay Kristo, ang hindi nagdaan sa pagkakasala. Lahat tayo, liban kay Maria, ay ipinaglihing may bahid ng kasalanang mana.

Pero sa gabi ng Vigilia ng paskuwa, sa araw na ito ng muling pagkabuhay ng Panginoon, ang mata ng pananampalataya ay nakatuon ngayon sa pagbabagong walang kupas, wala nang wakas, at wala nang alpas.

Ito ang tunay na kahulugan ng muling pagkabuhay. Makakaranas pa rin tayo ng kamatayan bilang bunga ng kasalanan. Makararanas pa rin tayo ng mga mumunting pagkamatay dahil na rin sa kasalanan natin at ng kapwa. Subali’t ang kapangyarihan ng kasalanan at ng kamatayan ay tumanggap na ng tuldok at sentensiya ng muling nabuhay si Kristong pinahirapan at pinatay bilang tubos sa kasalanan ng sanlibutan.

Tapos na ang paghahari ng kasalanan. Tapos na ang paniniil ng kadiliman. Pinukaw na ng liwanag ang bumabalot na dilim. Patungo na tayo sa walang kahulirip na tagumpay. At wala nang makagagapi pa sa tagumpay na ito magpakailanman.

Aleluya! Purihin ang Poong muling nabuhay!