frchito

Posts Tagged ‘Panahon ng Pagkabuhay’

PAKIKIPAG-ISANG DULANG SA MGA NAGUGULUMIHANAN

In Uncategorized on Abril 20, 2012 at 11:48

Image

Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay (B)

Abril 22, 2012

Mga Pagbasa: Gawa 3:13-15.17-19 / 1 Jn 2:1-5 / Lu 24:35-48

Parang isang replay, ika nga, ang ebanghelyo sa araw na ito. Parehong-pareho ang mga detalye ng pagpapakita ng Panginoon, tulad nang kanyang pagpapakita noong wala si Tomas, na hindi agad naniwala sa sabi-sabi ng ibang mga disipulo. Si Tomas, na may sariling paninindigan, may sariling patakaran, ay hindi agad nakuha sa kwento. Ninais niyang makita nang sa ganang sarili niya, ang bulung-bulungang si Jesus diumano ay muling nabuhay.

May kondisyon pa siyang inilapat … hindi raw siya maniniwala hangga’t hindi niya nasasalat ang mga sugat sa kamay at tagiliran ng Panginoon. Alam natin ang naganap … bagama’t may ipinataw siyang kondisyon, hindi niya ginawa yaon, at nang makita ang Panginoon, ay bigla na lamang bumulalas ng isang malalim na pagpapahayag hindi lamang ng pananampalataya, kundi pati na rin, ng masidhing pagmamahal sa kanyang guro at pinuno: “Panginoon ko, at Diyos ko!”

Sa kwento ngayon ni San Lucas, pareho ang kinapapalooban … pareho ang mga kondisyones … ang tanging naiiba lamang ay wala si Tomas. Nguni’t pareho ang antas ng pangamba at takot at pag-aalinlangan ng mga disipulong bahag ang buntot ika nga, dahil wala na ang kanilang Rabbi at Guro.

Pareho rin ito sa kinatatayuan nating lahat. Pareho rin nila tayong nag-aalinlangan, nangangamba, natatakot. Pareho rin nila tayong kumbaga ay nagtatago sa mga tao at mga sitwasyon na nagdudulot ng malaking kaba sa dibdib ng marami.

Di miminsang sinagian tayo ng takot … noong nakaraang linggo, ginambala tayo ng isang rocket na ipinalipad ng mga taga Hilagang Korea, na sa awa ng Diyos, ay nagmintis at naging kalpot, ika nga. Nguni’t magpahangga ngayon, tayo ay ginagambala pa rin ng mga Intsik mula China na patuloy na nambabraso sa Panatag Shoals, nagpapakita ng gilas, at ang tulad nating maliit at mahirap na bansa, ay halos pitik-pitikin, tulak-tulakin, upang bahag rin ang buntot na tumalilis mula sa mga islang nabanggit, na mahigit sa isang libong milya ang layo sa China, kumpara sa wala pang dalawang daang milya ang layo sa ating bansa.

Takot rin tayo kahit wala ang pambabalasubas ng ibang bansa. Takot tayo sa patuloy at walang ampat na pagtaas ng bilihin, ng halaga ng langis, ng halaga ng kuryente (kung meron!), at ng iba pang pang-araw-araw na gastusin. Ang trapiko, tulad ng katiwalian, ay palala nang palala, sa lahat ng antas at aspeto ng lipunan … Ang daang matuwid ay matuwid lamang sa mga walang kakilala, walang kakayanan, at walang kabig sa mga nakatataas. Sa limit kong magbiyahe at magdaan sa NAIA, hindi ko maiwasang makita at mahinuha, na pati roon, kahit ngayon, at saanmang dako ng bansa, ay may mga milagrong nangyayari sa araw-araw na ginawa ng Diyos.

Panginoon ko, at Diyos ko! Ito rin ang matimyas nating dasal sa Panginoong muling nabuhay. “Poon, sa amin ay pasikatin, liwanag sa iyong piling!” … Ito rin, tulad ng salmista, ang panaghoy natin.

Tayo’y gulong-gulo, balisang-balisa, at minsan ay takot na takot. Masahol pa tayo sa mga disipulong nagtago sa silid sa itaas, bahag rin ang buntot na nagkukubli sa mga Judio at mga namumuno. Kung nakuha nilang ipapatay si Jesus, paano pa kaya sila na sa mga sandaling yaon, ay parang mga naulila?

Subali’t balisa man o takot man, may magandang balitang dulot ang muling pagkabuhay ni Kristo. Ito ang buod nito, nang siya ay magpakita sa mga disipulo, kahit na wala si Tomas, na minsan ay nagduda, nguni’t nagbayad-puri sa kanyang pagdududa, nang hindi na niya sinalat ang sugat, at bagkus lumuhod at nagpahayag na lamang at sukat ng kanyang paniniwala: Panginoon ko, at Diyos ko!

Kapayapaan ang dulot ni Kristo, at para mapawi ang kagulumihanan, nagtanong siya: “Ano’t kayo’y nagugulumihanan? Bakit nag-aalinlangan pa kayo? Tingnan ninyo ang aking kamay at paa, ako nga ito.”

Sapul na sapul tayong lahat na ginagapi ngayon ng kaguluhan. Purong puro tayong mga walang sapat na pagtitiwala sa kakayahan ng Diyos na buhayin pati mga patay, na bigyang panibagong lakas ang mga nasalanta ng bagyo ng kawalang pag-asa.

Nguni’t hindi lamang salitang matunog ang kanyang pandagok sa atin. Hindi lamang magaling na aral ang kanyang dulot … Mayroon rin siyang angkop at akmang gawain. Sa mga taong gutom sa tapang at pagtitiwala, humingi siya ng makakain. Sa mga taong pinanawan na ng tibay ng loob at kalakasan, nakipag-isang dulang siya ay nakisalo sa mga taong nawalan na, ika nga, ng gana upang magtuloy sa gawang mabuti.

Ito ang salaysay ng bawa’t isa sa atin. Gutom tayong lahat. Nalugmok tayong lahat sa kawalang pag-asa at tiwala sa kakayahan ng ebanghelyo upang matuwid ang baluktot na daan. Tayo ang mga taong nanlulupaypay sa gutom para sa katarungan at pagkauhaw sa kapayapaan.

Kailangan natin ng spinach tulad ni Pop-eye. Kailangan natin ng isang bakuna o bitamina upang muli nating magawa ang nararapat.

Ito ngayon ang ginaganap sa Misang ito. Kaisang dulang natin muli ang Panginoon. At siyang humingi ng isda at tinapay sa mga disipulo ang siya ngayong nagkakaloob ng sarili niya upang muli tayong lumakas, at muli tayong magpunyagi sa paggawa ng tama at mabuti. Kasalo natin siya. Kasama. Kaisang dulang. Kasangga, kakosa, kapuso, kapamilya, at kapatid …

Huwag nawa natin sayangin ang kanyang kaloob … kapayapaan … kalakasan … bagong kaanyuan  at bagong kapangyarihan … “Panginoon ko at Diyos ko!” “Sa ami’y pasikatin, liwanag sa iyong piling!”

KAISA, KADUGO, KAPANALIG!

In Uncategorized on Abril 14, 2012 at 09:29

Image

IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY (B)

Abril 15, 2012

 

KAISA, KADUGO, KAPANALIG

 

Ito ang oktaba ng Paskwa, na ang kahulugan ay ang ikawalong araw ng Pasko ng Pagkabuhay. Sa mahabang kasaysayan ng pananampalatayang katoliko, ang pinakamahahalagang kapistahan ay laging napapaloob sa pagdiriwang na tumatagal ng walong araw, tulad ng dalawang Pasko – ng pagsilang at ng pagkabuhay.

 

Nangangahulugan lamang na mayaman at malalim ang mga nilalaman ng pananampalataya natin … sobrang yaman, ika nga, at hindi natin kayang ipaloob sa iisang araw na pagdiriwang. At yamang ang muling pagkabuhay ng Panginoon ang nasa rurok ng pananampalataya natin bilang kristiyano, angkop lamang na ito ay ilahad sa loob ng mahabang panahon ng paghahanda (kwaresma) at pagdiriwang (panahon ng Pagkabuhay).

 

Gaya ng aking nakasanayan, bibigyang-lagom ko ang mga pagbasa sa tatlong kataga: kaisa, kadugo, kapanalig.

 

Sa unang pagbasa, ang kaisahan at pagkakatipon ang binibigyang-pansin mula sa Aklat ng mga Gawa. Ang buod ay imposibleng hindi natin mapansin – na ang dulot ng pagkabuhay sa buhay ng mga tagasunod ni Kristo ay isang lubos na nakapagbago ng takbo ng kanilang buhay – ang kanilang kaisahan at pagkakabuklod alang-alang sa muling nabuhay na Panginoon. Nabuhay sila sa iisang kaisipan at iisang puso, at hindi nila inangking sarili ang anumang pag-aari nila bagkus ipinagkaloob para sa kapakanan ng kalahatan.

 

Kadugo … Ito ang diwa ng mga isinilang mula sa parehong angkan. Kung si Jesus ay isinilang mula sa Diyos at sa itaas, siya ay nabibilang sa Ama. Subali’t ayon sa ikalawang pagbasa, ang mga sumasampalataya at sumusunod sa kalooban ng Ama, ay itinuturing na kadugo ni Jesus. Sila man, aniya, ay isinilang rin mula sa itaas. Kung gayon, ang mga tagasunod at sumasampalataya kay Jesus na muling nabuhay ay mga kadugo rin niya at kaisa sa pananampalataya.

 

Kapanalig … Nguni’t ito ang matindi higit sa lahat. At ang katotohanang ito ay tila isiniwalat sa pamamagitan ng isang tila malungkot na kwento – tungkol kay Tomas na wala ruon nang unang nagpakita ang Panginoon.

 

Si Tomas ay tinawag at tinaguriang walang bilib o paniwala. Tinawag rin siyang isang taong mapagduda, puno ng pag-aalinlangan. Pero sa wakas ng kwentong ito, si Tomas ay tila isang malinaw na kumakatawan sa kung sino at ano tayo bilang tao at tagasunod ni Kristo.

 

Sino ba tayo? Ano ba tayo?

 

Punong puno tayong lahat ng pag-aalinlangan. Punong-puno rin tayo ng pagkasalawahan. Hindi na para sa akin ang magwika tungkol sa ibang tao. Sapat na tingnan ko ang aking sarili. At ano ang aking nakikita?

 

Hindi kaila sa marami kong kakilala at kaibigan na ako di miminsan ay pinapanawan ng paniniwala at pagtitiwala. Humayo na at yumao na sa puso ko ang paniniwalang ang dispunksyonal na politica ng ating bansa ay muli pang titino at mapapanuto. Lumisan na sa aking isipan rin na ang maraming suliranin sa mundo ay may kalutasan pa – ang patuloy at walang habas na pag-abuso sa kalikasan … ang patuloy na pagsira sa tangi nating tahanan – ang daigdig – para lamang sa ikapapasasa ng kaunting masisiba at mayayaman na … ang patuloy na pagputol ng mga puno sa Baguio, halimbawa, para lamang gawing parking lot, ng mga taong wala nang ibang alam gawin kundi ang magpalamig, mamili at mamasyal sa mga malls.

 

Mahirap paniwalaan na may kakayahan pa ang pananampalatayang kristiyano upang harapin ang mga saloobing ito na walang hanap kundi ang pansariling kapakanan.

 

Sino sa atin ang hindi sinagian ng pag-aalinlangan sa kabatirang ang karamihan ng mga pinoy ay mas naniniwala sa karma kaysa sa banal na kalooban ng Diyos? Sino ang hindi nanghihinawa sa kaalamang mahigit sa kalahati ng mga katoliko ay mangmang sa pananampalataya at lalung nagiging mangmang dahil sa tiraniya ng mass media? Sino ang hindi pinanawan ng lakas ng pananampalataya sa kabatirang higit na marami yata ang nanuod ng pagpapako sa krus sa Pampanga at Bulacan at iba pang lugar, kaysa sa sumama sa prusisyon sa Linggo  ng Pagkabuhay? Sino ang hindi tinamaan ng matinding lungkot sa pangitain ng milyon milyong pinoy na higit na naniniwala na mahawakan ang lubid ng estatwa ng Jesus Nazareno sa Quiapo, kay sa maintindihang lubos ang pagpapaliwanag sa Salita ng Diyos sa Misa?

 

Si Tomas ay nabansagan ng pagiging mapagduda, mapag-alinlangan. Si Tomas ay nabansagan rin bilang isang hindi mapagpaniwala: “hangga’t hindi ko nahahawakan ang kanyang mga sugat sa kamay at tagiliran, hindi ako maniniwala.”

 

Nguni’t may angkin at taglay ring pangaral ang bida natin sa araw na ito. Bagama’t nagduda, si Tomas ay nanatiling kaisa ng mga disipulo. Naparoon pa rin siya sa kinalalagyan ng mga disipulo.

 

At nang napakita si Jesus muli, hindi na niya ginawa ang sinabi niyang gusto niyang gawin – ang hawakan ang mga sugat. Nang makita niya si Jesus, ay wala na siyang sinabi, wala na siyang ibinulalas.

 

Lumuhod lamang siya at nagsaad ng tunay na nilalaman ng kanyang puso: “Panginoon ko, at Diyos ko!”

 

Ito lamang siguro ang dapat nating gawin … hindi na ang para sa atin ang magtatambaw sa pagdududa, at pagpapahayag ng ating kawalan ng tiwala. Walang magagawa ang pagpapahayag lamang ng kawalan ng tiwala. Wala itong ibubunga ano man na magaling sa sarili at sa kapwa.

 

Subali’t ang pagtanggap na tayo ay walang kakayahang malaman ang lahat, ang pagtanggap na tayo mang mga mananakbo ay di miminsan ring natitisod at nadadapa, ay isang magandang simulain sa paglalakbay natin sa pananampalataya.

 

Kailangan nating tanggapin na ang pananampalataya natin ay hindi iisang iglap na nagaganap. Dapat itong alagaan. Dapat itong palaganapin at payabungin. At para ito lumago, kailangan natin ng konting panahon. Kailangan rin natin ng konting pagdududa. Kailangan rin natin ang mga kasama, mga kadugo, mga kapanalig, mga taong tulad natin ay naglalakbay tungo sa ikaliliwanag ng paniniwala.

 

Ito tayo ngayon sa simbahang ito. Mag-kaisa, magkasama, sapagka’t tayo ay mag kadugo, at higit sa lahat, mag-kapanalig. Iisa ang dasal natin ngayon sa harap ng Panginoong muling nabuhay: “Panginoon ko at Diyos ko!”