frchito

Posts Tagged ‘Unang Linggo ng Kwaresma’

TAPATAN AT TIPANAN

In Uncategorized on Pebrero 21, 2015 at 06:09

prayer114_0

UNANG LINGGO NG KWARESMA – B

Febrero 22, 2015

TAPATAN AT TIPANAN

May tawag tayo sa isang nakikipagtipan pero walang katapatan – traydor! May salita rin tayo para sa mga taong hindi makipagpasya kung makikipag kasunduan ba o hindi – salawahan! May tawag rin tayo sa taong pabalik-balik at papapalit-palit ng isip matapos makipag tipan – urong-sulong, hilong talilong!

Di biro ang pakikipagtipan ng Diyos sa kanyang bayan … puno ng pangako, lipos ng pag-asa, puspos ng pagbabago at pagmamalasakit.

Medyo mahirap maunawaan ito, lalu na’t napapalibutan tayo ng mga salawahan, mga traydor, at mga urong sulong na hilo na, ay hibang pa. Maraming ganyan sa ating lipunan, lalu na sa mundo ng politica. Kapag halalan, parang maamong kuting na papungas-pungas, pangiti-ngiti. Kapag nahalal na, ay patay tayong taong-bayan, sapagkat ang kapit nila sa posisyon ay hanggang apo sa tuhod, sa asawa, sa kapatid, sa pamangkin, at mga inangkin.

Hindi na tayo dapat maghanap pa sa malayo para makakita ng iba pang halimbawa.

Sa araw na ito, iisang lumulutang na katotohanan ang tumatawag sa ating pansin – ang dakilang katapatan ng Diyos sa tipanan, sa usapan, at sa kasunduan.

May tanda ang lahat ng ito … Sa lumang tipan, ang naging tanda ay ang bahaghari. Sa Bagong Tipan, ang naging dakilang tanda ay walang iba kundi si Jesus, “namatay para sa [atin], dahil sa kasalanan ng lahat.” (ikalawang pagbasa). Ang orihinal na tandang ito ay ang siya ring nasa likod ng mga tanda na nagpapatuloy ng hiwaga ng kaligtasan – ang pitong sakramento, tulad ng binyag, atbp.

Pero ano ba ang puno at dulo ng gawang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo? Ano ang dahilan at siya ay ipinagkaloob bilang dakilang tanda? Bakit siya namatay para sa lahat?

Iisa lamang ang sagot dito. Tayong lahat ay salawahan, traydor, urong sulong, at walang isang salita. Tayong lahat ay makasalanan, at nararapat magbalik-loob sa Diyos. Tayong lahat ay nangangailangan ng kaligtasan.

Ito ngayon ang magandang balitang ating dapat pagyamanin. Tayo ay iniligtas. Tayo ay minahal. Tayo ay pinagmalasakitan, at pinagkalooban ng isang pangako – isang pangakong ginawa niyang kasunduan, tipanan, at batayan ng lahat.

Ang lahat ng ito ay dahil lamang sa iisang katangian ng Diyos. Gusto Niya tayong maligtas, sapagkat ganoon na lamang ang pag-ibig niya sa atin.

Lumang tugtugin na ang katotohanang pinamumugaran ang mundo ng kasamaan, at mga masasama at masisibang tao … napalilibutan tayo ng mapagsamantalang mga tao, sa loob at labas ng gobyerno.

Pero dahil dito, tayo ay nararapat lamang makinig at magpasya – tayo ba ay panig sa kanya, o laban sa kanya?

Marami nang tanda ang nakita natin … bukod sa bahaghari, nakita natin ang kanyang buhay, pagkamatay, at muling pagkabuhay. Nakita natin ang paulit-ulit na pagunita sa mga naganap sa kasaysayan. Nakita natin ang mga paala-ala ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng mga pangyayaring dapat sana ay nagpagising na sa atin.

Huwag sana natin bale walain ang muling paalaala niya ngayon: “Pagsisihan ninyo at talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa mabuting balitang ito.”

Undanao, Samal Island, Davao

Febrero 21, 2015

TIPANAN, KATUPARAN, KAPANGYARIHAN

In Uncategorized on Pebrero 22, 2012 at 10:38

Image

Unang Linggo ng Kwaresma(B)

Pebrero 26, 2012

Mga Pagbasa: Gen 9:8-15 / 1 Ped 3:18-22 / Mc 1:12-15

TIPANAN, KATUPARAN, KAPANGYARIHAN

Bihasa akong magbigay-lagom sa mga pagbasa sa paggamit ng tatlong kataga, na para sa akin ay kumakatawan sa buod ng mga sinasaad ng naturang pagbasa. At dahil tatlo ang pagbasa, tatlo rin ang aking napiling salita: tipanan, katuparan, kapangyarihan.

Tipanan … Ito ang buod ng unang pagbasa. Isang bagong tipan o kasunduan ang iginuguhit sa isipan ng bayan ng Diyos. Matapos magunaw ang mundo, bunga ng kasalanan, matapos wasakin ng baha ang sandaigdigan, isang bagong pangako ang binitiwan ni Yahweh para sa Kanyang pinakamamahal na bayan: “Kailanma’y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay.” Nguni’t ang pangakong ito ay sinaliwan ng isa pang pangako: “Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop: palilitawin ko sa mga ulap ang isang bahaghari.”

Katuparan … Ang pangakong binitiwan, tungo sa ikaliligtas ng bayan ng Diyos ay nagkaroon ng katuparan sa katauhan ni Kristo. Sa pamamagitan niya, ang tubig ng dilubyo na pumuksa sa daigdig sa Lumang Tipan, ay napalitan ng tubig ng Binyag, na siyang naging daan tungo sa simulain ng kaligtasang personal nating lahat. Kay Kristo natupad ang kaligtasan. Kay Kristo naganap ang pagsasakatuparan ng pangakong kaligtasan.

Kapangyarihan …  Ang disyerto o ilang ay hindi isang lugar para mag-excursion. Hindi ito lugar na katulad ng spa kung saan pawang kagaanan at kabutihan ang iyong mararanasan. Ang ilang ay buntunan ng lahat ng masama … tirahan ng mga halimaw at mababangis na hayop … taguan ng masasamang loob ng lipunan … tapunan ng lahat ng itunuturing na basura ng lipunan … Ito ang sagisag ng lahat ng kapangyarihan ng kadiliman at kasamaan sa lupang ibabaw.

Dito naparoon si Kristo. Duon siya nanatili nang apatnapung araw, “tinutukso ni Satanas” at kung saan naroon ang “maiilap na hayop.” Sinuong ni Jesus ang pugad ng kasamaan at kadiliman. Sinuot ng Panginoon ang tambakan ng lahat ng negatibong elemento ng buhay natin bilang taong makasalanan.

Sa gitna ng kadilimang ito, kapangyarihan ang kanyang ipinamalas.

Nais kong isipin na narito sa tatlong katagang ito ang lagom ng magandang balita sa unang linggong ito ng kwaresma. Ito ang gusto ko sanang ating angkinin at ating pagyamanin. Ito ang gusto kong ating baunin at bitbitin palabas sa simbahang ito. Ito ang dapat nating pagyamanin sa darating na linggo at sa loob ng apatnapung araw ng paghahanda.

Ang bagong tipang pangako ay naganap na sa pagdatal ni Kristong Mananakop. Ang pangako ay nagkatotoo na sa pamamagitan niya at ng kanyang pakikipamayan sa atin. Siya ang katuparan ng pangakong bagong tipan.

 

Subali’t nais ko pa ring isiping may isa pang dapat tayong gawin … may isa pang dapat nating pagsikapan at isakatuparan. Ito ang kapangyarihang dulot niya, kapangyarihang ipinamalas niya, kapangyarihang siya natin dapat ipagmakaingay at isakatuparan sa buhay natin ngayon.

Ang tubig baha ay tanda ng malaking kaguluhan ayon sa paniniwala ng mga Judio. Ito ang kasukdulan ng kapariwaraan. Ito ang dahilan kung bakit nang dumating ang Diyos sa gitna ng kaguluhang ito, Siya ay nag-ihip ng buhay at ang lahat ay naganap! Siya ang Diyos na nag-ayos sa malaking kaguluhan bago pa man nalikha ang lahat.

Magulo pa rin ang ating pamumuhay magpahangga ngayon … masalimuot at tila walang kawawaan. Kaguluhan ang katagang lumalabas sa bibig natin tuwing matutunghayan natin ang nagaganap sa lipunan: giyera, bangayan, terorismo, walang kaisahan sa gobyerno, panay sisihan at tapunan ng putik sa mukha ng isa’t isa … Kung titingnan natin ang nagaganap, tila masahol pa sa ilang na pinamumugaran na malulupit na halimaw ang lipunan natin.

Kailangan nating humawak at tumangan sa pangakong binitiwan ng Diyos. Kailangan natin muling tumingala sa langit upang makita ang bahagharing kumakatawan sa katuparan ng pangakong ito. Kailangan natin tumingala, hindi na sa bahaghari kundi sa napako sa krus na matayog sa taas ng burol ng Kalbaryo upang magkaroon ng kaayusan ang buhay natin.

Si Kristo ang tugon sa lahat ng inaasam at hinihintay natin. Si Kristo ang sagot sa lahat ng mga katanungan natin, sa gitna ng kaguluhang kinasasadlakan natin.

Di ba’t ito nga ang nilalaman ng tatlong pagbasa?

Siya ang pangako. Sa kanya naganap nang wagas ang tipanan. Siya rin ang katuparan. At higit sa lahat, siya ang pinanghahawakan nating kapangyarihan upang maharap ang lahat ng uri ng kaguluhang ngayon ay ating kinapapalooban. Panalangin natin? “Poon, iyong minamahal ang tapat sa iyong tipan!”