frchito

Archive for the ‘Homilies’ Category

SOLVITUR AMBULANDO

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Oktubre 9, 2007 at 18:04

Ika-28 Linggo ng Taon (K)

Oktubre 14, 2007

Mga Pagbasa: 2 Hari 5:14-17 / 2 Tim 2:8-13 / Lucas 17:11-19

SOLVITUR AMBULANDO!

Parang bulong ng mga herbolario o manggagamot ang pamagat ko sa araw na ito sa pagninilay na ito. Solvitur ambulando … Isa ito sa mga pamana ng aming mahal na Patron sa Mendez, Cavite … ang dakilang santong si San Agustin ng Hippo. Nangangahulugan ito na ang mga bagay-bagay, ang mga pag-aagam-agam, ang mga suliranin at iba pa, ay nagkakaroon ng lunas habang tayo ay naglalakad, habang ang panahon ay lumalawig, habang ang tao ay handang maglayag at magpatuloy sa pagtahak sa landas ng buhay. Solvitur ambulando … things are solved while walking.

Matagal-tagal na rin akong gumigising nang maaga araw-araw para maglakad, para mag-ehersisyo. Nasa kalendaryo pa ang aking edad noong ako ay magsimulang gawin ito, lalu na noong itinatag ko, sa tulong ng mga estudiante, ang isang samahan ng mga umaakyat ng bundok. Ayon sa aking karanasan, ang mahabang paglalakad, ang tahimik na pakikipag-niig sa kalikasan, habang tulog pa, o pagising pa lamang ang buong daigdig, ay nagdudulot ng linaw ng kaisipan, at inspirasyon mula sa itaas, na nagiging simulain ng kalutasan ng maraming katanungan o suliranin.

Ang gawaing ito ay dinala ko saan man ako nagpunta, malamig man o mainit … sa Roma, sa Salamanca, sa Madrid, sa Paris, sa iba-ibang lungsod sa Amerika, kasama ang Baltimore, Maryland, sa iba-ibang bayan sa Filipinas … magpahangga ngayon. Sa paglalakad sa dilim at katahimikan, kalakip ang panalangin at pakikipagniig hindi lamang sa kalikasan, kundi pati na rin sa may akda ng kalikasan, paulit-ulit na napatunayan ko ang katotohanan ng sinabi ni San Agustin … solvitur ambulando.

May kinalaman ang paglalakad na aking binabanggit sa ebanghelyo sa araw na ito. Ang kinapapalooban ng bahagi ng Ebanghelyo ayon kay Lucas ay ang paglalakbay ni Jesus patungo sa Jerusalem. Maging si Jesus ay naglalakad, naglalakbay, tumatahak sa landas na maghahatid sa kanyang kaluwalhatian.

Hindi lamang siya ang naglalakad. May sampung ketongin ang nasa mga lansangan. Malamang na ang mga ito ay hindi naglalakad sapagka’t sila ay walang magawa. Naglalakad sila sapagka’t sila ay naghahanap, naghahangad, nagsisikap makatunghay ng kagalingan at kaligtasan. Hindi malayo ang posibilidad na natunugan nila na ang bantog na Galileo ay papalapit, paparating, patungo sa dakong iyon. May pakpak ang balita … at ang magandang balita ay nauuna sa tagapaghatid nito. Sinalubong si Jesus ng sampu. Buo ang loob, tiyak, at tahasan nilang sinambit ang panalanging tiyak rin at tahasan ang hinihingi: “Jesus, Panginoon, maawa ka sa amin!”

Ito ay may kinalaman sa isang taong tiyak ang balak, alam ang nais, at buo ang loob sa pag-akyat sa bundok. Sa aming maraming beses na pag-akyat, mahalaga na buo ang loob at malinaw sa sarili kung ano ang pakay at layunin. Ang isang taong patumpik-tumpik ay hindi makararating, hindi makaaabot sa tuktok. Ito rin ang determinasyon na nakita natin kina Leo Oracion at ang tatlong babaeng Pinay na nakaabot sa Everest kamakailan. Alam nila ang gusto nila. Buo rin ang loob nila. At ang kanilang determinasyon ay hindi maipagkakaila. Nakita ko ito nang sila ay makatagpo ko noong isang taon sa isang Filipino restaurant sa Virginia, USA. Bagama’t kulang ang pera (kung kaya’t sila ay nangalap ng salapi sa America), bagama’t minamaliit ng balana, ang kanilang determinasyon at sigasig ay pangitang-pangita sa kanilang mukha, sa kanilang buong pagkatao, at sa kanilang diwa ng pagpupunyagi.

Nais kong isipin na ito rin ang pagpupunyagi na natutunghayan natin sa sampung ketongin. Malinaw ang kanilang pakay. Malinaw ang kanilang naisin. At lalong matindi ang kanilang hiling: “Jesus, Panginoon, maawa ka sa amin.”

Nagbunga ang kanilang paglalakad. Namukadkad ang bubot na bulaklak ng kanilang mithiin. Ang adhikain ay nagkaroon ng malinaw na katuparan. Ang paglalakad at paghahanap ay nauwi sa pagkakamit, pagwawagi, at pagtanggap ng kung anong hanap.

Mahalaga para sa akin ang larawan ng paglalakad. Lumaki ako bilang bata sa isang tahimik at mahirap na lugar (compara sa higit na mayayamang bayan ng Cavite). Ang aking Ama ay isang empleo ng gobierno na nagbanat ng buto at katawan sa pamamagitan ng pagsasaka at pagtatanim kung wala siya sa opisina. Bata pa siya (11 taong gulang) ay nagtanim na ng mga puno ng kape sa Tagaytay. Namulat akong siya ay maagang gumising tuwing Sabado at nagsusuyod na ng kapehan upang higit na magbunga at maparami ang ani. Namulat ako sa isang lugar na kay rami akong nakitang magagandang halimbawa ng tao – bata o matanda – na naglalakad, naglalako, nagtitinda ng kung ano man – tinumis (dinuguan sa Mendez), maruya, butse, puto, duldol (isang uri ng sapin-sapin), bibingka atbp. Hindi ko makakalimutan ang Andang Mintang na araw-araw ay naglalakad at nagtitinda ng sweepstakes tickets, maging ang babaeng hindi ko na maala-ala ang pangalan na laging may sunong na malaking kaldero at naglalakad, naglalako ng “tinumis.”

Determinasyon ang kanilang gintong aral. Buo ang loob na ginagalugad ang lansangan, naglalakad para lamang kumita ng kaunti.

Ito ang determinasyon ng sampung ketongin ng ebanghelyo. At ang determinasyong ito na naipakita sa kanilang paglalakad, kasabay sa paglalakad ng Panginoon, ay nagbunga ng kagalingan, naghatid ng kalinisan at kakinisan ng balat. Tama ang poong si San Agustin … solvitur ambulando.

Napag-aral ng Andang Mintang ang kaniyang mga anak (kahit siya ay maagang nabalo). Naipagtawid-buhay ng naglalako ng tinumis ang kaniyang pamilya. At hindi ko na dapat pang isalaysay kung ano ang aming narating na mga magkakapatid. Determinasyon at kabuuan ng loob at pagsunod sa kagustuhan ng Ama ang ipinakita ni Jesus Panginoon. Ang determinasyong ito ang nagbunsod sa kaniya upang harapin, batahin, at tiisin ang lahat ng uri ng pasakit – hanggang sa kamatayan sa krus – na siya namang naghatid sa kanya sa rurok ng kaluwalhatian. Ito ay determinasyong bunga ng pagtalima at masugid na pagsunod sa kalooban ng Ama.

Dapat natin banggitin na, bukod sa buong-loob na paglalakad, ang sampung ketongin ay nagpakita rin ng pagsunod sa utos ng Panginoon: “Humayo kayo at magpakita sa mga pari.” Paglalakad pa rin ang kanyang utos. Humayo kayo … At sila ay nagpatuloy sa kanilang paglalakad, sa kanilang paghahanap … solvitur ambulando.

Marami tayong mga buhay na ejemplo ng paglalakad na ito. Palasak nang tawagin ang mga OFW na mga “bagong bayani ng bayan.” Tumpak ito. Nguni’t bago sila naging bayani ng bayan, ay bayani na sila ng kanilang mga mahal sa buhay. Bayani sila … tuldok. Tumulak sa ibang bansa … naglakad … lumayo … pumalaot at nangibang-bansa upang maghanap kalutasan sa suson-susong mga suliranin. Solvitur ambulando …

Nguni’t hindi pa tapos ang ating paglalakbay. Malungkot nga lamang at sa sampung ketongin na pinagaling ng Panginoon, siyam sa kanila ang tumigil na sa paglalayag … huminto sa paglalakad … Nasiyahan na sila sa tinanggap. Hindi na sila naghanap pa ng iba. Hindi na sila nag-asam pang umangat pa isang panibagong larangan ng buhay – ang pag-angat sa buhay espiritwal … ang pagkilala ng higit pang mga katotohanan … ang pagkilala sa nagkaloob ng kagalingan sa pamamagitan ng pagpapasalamat.

Tanging isa sa sampu ang bumalik upang magpasalamat. Tanging isa ang nagpatuloy sa kanyang paglalakad.

Tayo man ay nagsisikap magpatuloy sa ating paglalakbay sa buhay. Tumatanaw tayo ng utang na loob kung kaya’t tayo ay nagtitipon tuwing Linggo sa Eukaristiya – na ang kahulugan ay pasasalamat.

Alam mo ba ang tugon ni Jesus sa nag-iisang ketongin na bumalik at nagpasalamat? …

“Tumayo ka at humayo … sinagip ka ng iyong pananampalataya.”

Sa isang madaling salita … “humayo” … tulad ng maririnig natin pagkatapos ng Misa … “Humayo” … ITE MISSA EST! Patuloy na maglakad … solvitur ambulando!

YABANG, HINDI YAMAN ANG PROBLEMA!

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Setyembre 25, 2007 at 22:13

Ika-26 na Linggo ng Taon (K)
Setyembre 30, 2007

Mga Pagbasa: Amos 6:1a, 4-7 / 1 Timoteo 6:11-16 / Lucas 16:19-31

Pangalawang Linggo nang tayo ay binabagabag ng tila isang maling pagpapahalaga sa turo ng Panginoon. Noong nakaraang Linggo, tila pinuri pa ng amo ang kadayaan ng kanyang tagapamahala. Nguni’t nabatid natin na ang pinuri ng amo ay hindi ang kadayaan ng tagapamahala kundi ang kanyang katalinuhang gamitin ang makamundong karunungan para lutasin ang isang matinding suliraning personal. Ang itinanghal ng ebanghelyo ay hindi kadayaan, kundi ang halimbawang dapat gamitin rin ang karunungan para sa pagpapalaganap ng paghahari ng Diyos.

Isa na namang kabalintunaan ang hatid ng mga pagbasa ngayon. Sa unang pagbasa, binatikos ni Amos ang kahalayan ng pamumuhay marangya ng mga mayayaman at makapangyarihang walang pakundangan sa kinatatayuan ng higit na nakararami sa lipunan.

Ang usaping ito ay tila sinegundahan naman ng ebanghelyo ayon kay Lucas. Malinaw dito na ang mabuting balita ng kaligtasan ay may natatanging atensyon sa mga walang kaya, sa mga walang sinasabi, sa mga mahihirap, tulad ni Lazaro. Sa biglang wari, tila sinasabi ng ebanghelyo na ang kagustuhan ng Diyos ay baligtarin ang bagay-bagay at pagdusahin ang mga mayayaman sa kabilang buhay.

Subali’t hindi ito ang pinapaksa ng mga pagbasa. Ang Diyos ay hindi inilalarawang isang mapaghiganting Diyos na pumapanig sa mga naapi sa buhay na ito laban sa mga nang-api at nagmalabis. Sa katunayan, walang sinasabing nagmalabis kay Lazaro ang mayamang tinutukoy sa ebanghelyo. Walang sinasabing minaltrato ng mayaman ang pobreng si Lazaro.

Dapat mag-ingat na ang dalawang pagbasang ito ay hindi kakitaan ng isang dahilan upang papag-awayin ang mahirap at ang mayaman. Hindi yaman ang tinutuligsa sa mga pagbasang ito. At lalung hindi kahirapan ang iniaangat at pinapupurihan dito.

Sa madaling salita, kung hindi yaman ang pinupuntirya ni Jesus, ano ang gusto niyang sabihin? Ano ang gustong paratingin ng talinghaga ng Panginoon tungkol sa mayamang lalaki at ang kanyang angkan at kay Lazaro?

Maari tayong humalaw sa nagaganap sa ating lipunan sa mga araw na ito upang maunawaan ang mga pagbasa. Sa nakaraang Linggo, nabunyag ang isang katotohanang mahirap isipin, mahirap tanggapin, at mahirap patawarin. Nabunyag muli na ang lipunang Pilipino lalu na ang pamahalaan ay pinamumugaran ng mga taong nahirati sa yaman at nabulagan na ng kapangyarihan. Sa loob ng maraming taon na ang mga kinauukulan ay naghahawak ng kapangyarihan at kayamanan, malamang na ang mga inaakusahan ng korupsyon ay mga taong nasanay na sa kultura ng yaman, isang kulturang nagiging manhid sa kalagayan ng mga abang nasa labas ng kanilang mga bakuran, tulad ni Lazaro.

Ang mga tila nalulon na naman sa isang kahiya-hiyang iskandalo ng pagnanakaw ay mga taong nahirati na sa kayamanan at kapangyarihan. Marahil ay inakala nilang walang mabubunyag, at ang lahat ay mapagtatakpan at maikukubli sa mga mata ng balana.

Ito ang pinupuntirya ng mga pagbasa … Si Amos ay hindi galit sa mga mayayaman sa kanyang panahon dahilan lamang na sila ay mayaman. Ang tinutuligsa niya ay ang karangyaang walang pansin, ang pagkagumon sa luho na walang pakundangan sa kalalagayan ng mga salat at walang-wala. Ang kanyang tinutuligsa ay ang walang katuturang pagkalulon sa lahat ng uri ng luho na hindi angkop sa katayuan ng karamihan.

At ang pinupuntirya ng ebanghelyo ayon kay Lucas ay hindi ang mababaw na pagbabaligtad ng katayuan ng mayaman at ng abang si Lazaro. Ang tinutuligsa ng ebanghelyo natin ngayon ay hindi yaman, kundi ang yabang!

Hindi kaila sa atin na ang yaman ay nakabubulag. Hindi malayo na ang taong nahirati at nabihasang makihalubilo sa mga mayayaman lamang at makapangyarihang tao ay mag-iisip na rin tulad ng kanilang kasa-kasama tuwina. Ang yaman at kapangyarihan ay may kaakibat na panganib. Malaking posibilidad na ang yaman ay maghatid ng kawalang-pansin at kayabangan sa taong nagkakamal nito – tulad ng kawalang pansin at kayabangan ng mayamang ni hindi pinansin at tinao si Lazarong araw-araw ay nakabulagta sa labas ng trangkahan ng kanyang marangyang bahay.

Yabang, hindi yaman ang tinutuligsa ng Panginoon. Subali’t malinaw sa ating mga pagbasa na ang yabang na ito, ang saloobing ito ng mga taong walang malasakit sa mga aba, ay isang panganib na mabilis kabuliran ng mga mayayaman. Ganoon na lamang at sukat ang saloobing makasarili ng taong binabanggit sa ebanghelyo. Patay na at lahat ay hindi pa niya maiwan ang saloobing ang mga salat at mahihirap ay walang kwenta at dapat manatiling utusan lamang. Pati sa kamatayan, ay nanatili ang mababang pagtingin niya kay Lazaro na gusto pa niyang utusang pumunta sa kanyang mga kapatid.

Malungkot ang nagaganap na muli sa Pilipinas. Para bagang ang mga matataas at makapangyarihang napakatagal nang “naglingkod sa bayan” kuno, ay wala nang kabubusugan kung baga. At sapagka’t kay tagal na nila sa posisyon, hindi na nila alintana ang patuloy na paghihirap ng napakaraming mga Pilipino. Patuloy ang kanilang paghahanap ng yaman. At patuloy din naman ang madaling bunga ng yaman – ang kapalaluan o kayabangan.

Ito ang aking mungkahi sa araw na ito. Ang mahirap ay huwag sanang magalit sa mayayaman. At ang mayayaman ay huwag sanang mabulagan dahil sa kanilang yaman. Mahirap man o mayaman, magalit tayo sa saloobing pagwawalang-bahala at pagbabale-wala sa mga aba, sa mga salat, at sa mga walang kaya sa buhay.

Magalit tayo sa yabang, at hindi sa yaman. At sa mga nag-aasam, alalahanin natin ang kaakibat ng yaman at karangyaan, ang kagya’t at kalimitang bunga ng kayamanan na walang iba kundi ang kayabangan.

Mainam para sa atin na alalahanin ang tagubilin ni Pablo kay Timoteo sa ikalawang pagbasa: “pagsikapan ang kabanalan, debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan. Makipagtagis nang mahusay para sa pananampalataya.”

Pambansang Dambana ni Maria Mapag-Ampon sa mga Kristiyano
Paranaque City, Metro Manila, Philippines
September 25, 2007 – 10:00 PM