frchito

TATLUHAN, TALUNAN, TULARAN

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Kwaresma, Pagninilay sa Ebanghelyo on Pebrero 7, 2008 at 20:27

Unang Linggo ng Kuaresma (Taon A)
Febrero 10, 2008

Mga Pagbasa: Gen 2:7-9; 3:1-7 / Roma 5:12-19 / Mt 4:1-11

TATLUHAN, TALUNAN, HUWARAN

Taunan natin binabasa sa tuwing darating ang unang Linggo ng Kwaresma ang maka-tatlong pagsubok ng demonyo kay Jesus sa ilang. Taon-taon ay naririnig natin ito na parang laging bago, parang laging may angking kakayahang manuot sa ating puso at damdamin. Ang Linggong ito ay hindi naiiba sa napakaraming nakaraang mga Kwaresma.

Talunan man sa tatluhang pagsubok, ang demonyo ay hindi nanghihinawa sa kanyang madilim na balakin at gawain.

Kung ang Banal na Misa ay pagsasakatuparan sa pamamagitan ng pag-aala-alang mabisa tungkol sa hiwaga ng kaligtasan ng tao, dapat natin kapulutan ng pangaral ang parehong kwento na paulit-ulit na natin narinig. Ito ay pangaral na hindi naluluma, hindi nalalaos, hindi nawawala.

Ilagay natin sumandali ang sarili sa pinangyarihan ng mga pagsubok – sa ilang. Hindi mahirap makita na ang binabanggit na ilang ay may katumbas sa ating mga karanasan. Hindi mahirap matanto na ang ilang ay wala na sa Palestina, sa gitnang silangan. Hindi mahirap na sumagi sa ating guni-guni na ang ilang na binabanggit sa ebanghelyo ay walang iba kundi ang disyerto ng buhay natin ngayon at saanman tayo naroroon.

Ang ilang ay kung saan halos maglaho ang buhay. Ang ilang ay kung saan halos malanta at mamatay ang kung ano mang dati ay buhay nguni’t ngayon ay tila naghihingalo. Ito ang larangan ng buhay ng bawa’t isa sa atin. Ito marahil ay ang ilang ng isang daigdig na binabalot ng dilim ng kasalanan at lahat ng uri ng katiwalian. Ito ang disyerto na sinadyang patunguhan ni Jesus. Ito ang ilang na kanyang hinarap, ang lugar kung saan siya maka-itlong sinubok, tinuya, at pinagsikapang gapiin ng tawag ng kasamaan.

Dito siya halos talunin ng demonyo. Dito siya halos ay magapi ng gutom, ng kagustuhang pumaibabaw sa lahat, at ng kagustuhang tumakas na sa lahat ng panimdim at suliranin.

Ito ang ilang na bumabagabag sa atin ngayon. Kay daming mga “bato” na tumatambad sa atin na pawang gusto natin ngayong palitan hindi lamang ng tinapay, kundi gintong pambili ng tinapay at higit pa rito. Ang mga balita ngayon tungkol sa katakawan ng mga opisyal ng gobyerno, ng mga taong mangangalakal, ng mga taong gustong gustong gawing ginto ang bato, at magkamal ng mabilis na salapi, ay nagpapagunita sa atin, na bagama’t talunan na si Satanas, ay hindi pa siya nagsasara ng negosyo. Masugid pa rin siya sa paghahain ng pagsubok sa balana. At ang unang pagsubok ay may kinalaman, hindi lamang sa isang pirasong tinapay, kundi sa daan-daang milyong pisong “kickback” sa mga proyektong walang kakabu-kabuluhan para sa taong-bayan.

Ito ang ilang na kinasasadlakan ng bayang Pilipino … Sa ilang na ito ay nagkalat rin ang pagsubok upang talikuran na ang lahat, at takasan na ang lahat ng mga suliraning ito. Ito ang pagsubok sa taong takbuhan ang responsibilidad, iwanan ang pananagutan sa pamilya at lipunan. Ito ang paanyaya sa mga taong hindi na masaya sa kanilang buhay, upang sila ay gumuhit ng ibang tadhana … na humanap ng ibang bagong kasama sa buhay, ang iwanan ang mga anak at bumuo ng isang panibagong pamilya, na walang kaibahan sa kagustuhang itapon na lamang at sukat ang sarili mula sa tuktok ng templo.

Ito ang ilang na bumabagabag sa mga Pinoy ngayon … ang sumama na lamang sa takbo o kalakaran ng lipunan at makisawsaw na rin sa lahat ng uri ng kadayaan, pagsasamantala sa kapwa, at panlalamang. Sa pag-iisip ng marami, wala nang magagawa sa lipunan, kundi sumama na sa takbo ng korupsyon sa lahat ng antas ng lipunan.

Nguni’t mayroon pa … Sa ilang na ito ay may paanyaya ring mataginting na magsikap maging makapangyarihan, maghawak ng posisyon, at gamitin ito upang pahirapan ang mga nasasakop. Ito ang pagsubok na naririnig ng tao upang magsikap pumantay sa Diyos, upang panghimasukan pati ang mga bagay na hindi angkop sa kanyang pagiging nilikha, ang magdunung-dunungan at mag-asal Diyos na siyang nakapagdedesisyon kung sino ang dapat mabuhay at sino ang dapat mamatay.

Ito ang ilang ng kapalaluan at kayabangan. Ito ang disyerto kung saan ang tao ang nagmimistulang mga diyos-diyosan at tinitingala ang anumang nilikhang bagay o nilalang bilang diyos na dapat pupugin ng pagsamba at paggalang.

Ito ang ilang na hinarap ni Kristo nang buong tatag at tapang, at katatagan. Sa ilang na ito, na halos ay wala nang buhay, ay nalantad at nabunyag ang tunay na Panginoon ng buhay. Sa kanyang apatnapung araw na pag-aayuno, sa pagharap niya sa hiwaga ng kamatayang handa niyang harapin, ay lalung nabunyag ang hiwaga ng buhay na walang hanggan. Sa ilang na ito, kung saan halos siya ay magapi ng tatluhang bulong ng demonyong talunan, ay nakilala kung sino ang Diyos, at kung sino ang dapat sambahin.

Ang Pilipinas ay matagal-tagal na ring nasa ilang. Napalilibutan ang mga Pinoy ng mga talunang kampon ni Satanas na patuloy ang bulong upang palitan ang posisyon nila at kapangyarihan, hindi ng tinapay, kundi ng ginto. Pinamumugaran ang lipunan ng mga taong sa kanilang panghihinawa, ay gusto nang lumisan, tumakas, at sumuko na sa kasamaan. Kay rami na ang sumuko at nangibang-bayan na. Kay rami na ang sumuko at iniwan na ang pamilya at bumuo ng panibagong pamilya sa ibang lugar. Puno ang lipunan ng mga taong handang ideklara ang kanilang sarili bilang kompetisyon ng tunay na Diyos ng buhay at kaligtasan. Kay raming sumasamba, hindi sa Kaniya, kundi sa napakaraming mga diyus-diyusan, na namimigay ng perang galing sa kaban ng bayan, o nasilaw na sa pansamantalang liwanag ng yamang material at nabubulok.

Ito ang ilang na naghatid kay Kristo sa pagwawagi. Ito ang ilang kung saan ang demonyong talunan ay naghatid ng tatluhang pagsubok. Ito ang kabalintunaang dapat natin mapagtanto sa araw na ito. Ang ilang na ito ang naging daan sa tagumpay at pagwawagi ng Panginoon. Nabaligtad Niya ang ilang. Sa tatluhang pagsubok, ay hindi Siya naging talunan, bagkus naging tularan at huwaran natin. Si Kristo ang “tinapay” ng buhay. Si Kristo ang ating muog at kaligtasan. Kung nariyan Siya ay wala nang dahilan upang magtakasan at lumisan.  At si Kristo rin ang tanging Diyos at huwaran ng tanan.

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: