frchito

Posts Tagged ‘Santo Nino’

BALIK-PASKO, BAGONG TAON, BALIK SA DIYOS!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Taon A on Enero 18, 2014 at 11:23

000085928

Kapistahan ng Santo Nino (A)
Enero 19, 2014

BALIK-PASKO, BAGONG TAON, BALIK SA DIYOS!

Iba ang Pinoy kung magdiwang … pahabaan, at meron pang extensyon. Kulang sa atin ang labindalawang araw ng Pasko. Nagsimula ng Setyembre, nagwakas sa Binyag ng Panginoon, naputol nang isang araw sa Pista ng Nazareno ng Quiapo, at muling bumalik sa araw na ito ng Banal na Sanggol – Santo Nino. Huling hirit, ika nga!

Pati pagbasa natin ay isang balik-tanaw. Parang balik-pasko talaga: “Nakatanaw ng isang malaking liwanag ang bayang malaon nang nasa kadiliman, namanaag na ang liwanag sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.” Pawang kasiyahan ang dulot … pagdiriwang… pagsasaya … Balik-Pasko na naman!

Pero alam nating bukod sa rito ay may isa pang lumipas – ang pagpasok ng bagong taon. Maraming guro ang nagpasulat ng composition tungkol sa “my new year’s resolution.” Maraming nangakong hinding hindi na papasok ng Starbucks. Pero sa kagustuhang magka-planner ay paulit-ulit pa ring nagcacafe – kahit na hindi naman café ang iniinom, pero iba kasi sa Starbucks … May inumin ka na, may pang facebook status post ka pa!

Masaya ang pasko. Masaya rin ang bagong taon. At lalung masaya kapag milyon-milyon ang namamanata sa Nazareno … kahit na halos mamatay ka makahipo lamang sa lubid at masabing namanata ka kasama ng mga artistang isang beses lang naman sa isang taon kung magpamalas ng pagiging maka-Diyos.

Masaya rin ang Pista ng Santo Nino – sa maraming dako sa Pilipinas. Naging simulain ito ng iba-ibang pagdiriwang: Sinulog, Dinagyang, Ati-atihan, at marami pang iba. Yugyugan, sayawan, hiyawan … ito ang ilan sa mga bunga ng pagdiriwang na ito. Tourist dollars ang hatid nito sa maraming lugar … puno ang mga hotel … at panay rin ang pagdagsa ng mga mandurukot at mga taong mapagsamantala.

Pero kelangan magbalik-isip at magmuni sumandali. Pasko, pista, pagdiriwang … pagsasaya … mas masaya ika nga sa Pilipinas! More fun in the Philippines, ang pilit na ipinahahatid sa mga banyaga, huwag ka lamang ma-riding in tandem ng mga salarin, o maloko ng mga taxi driver.

Pero ito nga ba ang kahulugan ng Santo Nino?

Malayo sa sinasaad sa mga pagbasa. Magandang balita ang dulot ng pagbasa … liwanag sa karimlan … walang hanggang kapayapaan … katarungan at katwiran … Pero sa likod nito ay mayroong trabahong naghihintay, pangakong pinanindigan, at kaligtasan isinakatuparan … ang pagsilang ng sanggol, ayon sa pangakong binitiwan ng Diyos, sa pamamagitan ng anghel, at mga magulang na tumupad sa kanilang iniatang na tungkulin!

Siguro ay dapat tayong tumingin sa bagong taon … marahil ay dapat tayong tumingin sa pagbabalik sa Diyos. Hindi sapat ang maging fanatico… Hindi sapat ang manatili sa pahipo-hipo lamang sa lubid o sa estatwa … Hindi sapat ang maging disipulo lamang ng mga artistang isang beses lamang bawa’t taon nag-iisip mamanata, makipila, at maging halos ay hibang sa pagpapadala sa agos ng karamihang wala namang pansin sa Diyos sa ibang araw, liban sa pista ng Nazareno.

Marahil ay dapat nating sundin ang ginawa ng banal na sanggol … lumago at lumaki sa biyaya at kaalaman at karunungan …

Ang buhay ay hindi lamang puro saya, sayaw at hiyaw. Ang pagiging banal ay hindi nakukuha lamang sa pagsusuot ng marangyang kasuutan minsan lamang bawa’t taon. Ang kabanalan ay ginagawa at isinasatuparan bawa’t araw … sa diwa ng kasimplehan, kapayakan at kababaang-loob … tulad ng ipinakita ng Santo Nino.

Hala bira! Hala sigaw at hala sayaw! Pero wag sana kalimutan … ang tunay na pagmamahal sa Diyos ay hindi lamang nakukuha sa sigaw. At ang tunay na paglago sa pananampalataya ay sinasamahan ng dakilang adhika, at wastong paggawa!

SA MGA KATULAD NILA NAGHAHARI ANG DIYOS!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Santo Nino, Tagalog Homily, Taon B on Enero 13, 2012 at 20:08

Pista ng Santo Nino(B)
Enero 15, 2012

Mga Pagbasa: Is 9:1-6 / Efeso 1.3-6.15-18 / Mk 10:13-16

SA MGA KATULAD NILA NAGHAHARI ANG DIYOS!

Mga bata ang pokus ng araw na ito … dahil sa iisang kadahilanan … naging sanggol rin si Jesus, lumaki at lumago sa kaalaman, sa karunungan, at sa biyaya ng Diyos Ama.

Nguni’t diretsuhin natin agad … ang sanggol na si Jesus, ay hindi nanatiling sanggol. Lumaki siya at lumago, gaya nga ng nasabi natin. Subali’t tila hindi niya lubusang itinatwa ang pagiging bata. Sinansala pa niya ang mga disipulo na nagbabawal sa mga batang paslit na lumapit sa kanya. Pinagwikaan niya ang mga ito at sinabing hayaan silang lumapit, sapagka’t sa kanila raw naghahari ang Diyos!

Ang mahirap sa mga hindi na musmos ay masyadong maalam magpanggap … masyado marunong magkunwari, at bihasa sa panlilinlang ng kapwa. Maraming matanda sa ating buhay na walang pinagtandaan, at walang natutunan. Marami sa atin, marahil kasama ang bawa’t isa sa atin, na sa halip na manatiling tulad ng bata ay natutong mag-asal hayop sa isa’t isa.

Hindi sa tulad nating matandang walang pinagkatandaan naghahari ang Diyos. Ito ay tiyak …. Masakit man tanggapin.

Maraming mga panlilinlang ang nagaganap sa paligid natin. Maraming mga kabulaanan ang ipinangangalandakan ng mass media. Maraming kasinungalingan ang hatid ng mga survey, ng mga pagsasaliksik, na ang pakay ay ang hubugin ang pananaw ng balana, na naniniwala sa lahat ng lumilitaw sa TV at naririnig sa mga komentarista sa radio.

Ang gumagawa ng mga ito ay hindi mga bata, na ang pokus ay ang maglaro, magsaya, at hindi magkalat ng lagim sa lipunan.

Ang mga gumagawa nito ay tayong mga natuto nang magbalatkayo, ang mga nasanay nang gumawa ng masama, habang mistulang gumagawa ng mabuti.

Obserbahan natin ang mga musmos. Hindi sila marunong magtanim ng galit. Hindi sila marunong maglista ng anumang masasamang ginawa ng kanilang mga magulang. Bagama’t nagtatampo kung minsan, ang bata ay tapat sa kanyang sinasabing dinaramdam … walang pagkukunwari, walang pagkukubli, walang pagpaplano ng masama, walang pagsasabing ginagawa diumano ay prinsipyo lamang, ngunit ang nasa likod naman pala ay paghihiganti.

Malaki ang dapat nating matutunan sa sanggol. Malaki ang itinuturo sa atin ng banal na sanggol na si Jesus. At ang isa sa mga aral na ito ay walang iba kundi ito: malaki rin ang tiwala ng Diyos sa mga musmos. Malaki ang kanyang pagmamalasakit sa kanila, at lalung malaki ang kanyang pagmamahal sa kanila.

Malayo tayong matatandang walang pinagkatandaan. At kung kabilang tayo sa mga ito, ang tanging daan ay ang daan na tinahak ng sanggol na si Jesus, ang daan ring itinuro sa atin ni Jesus … Sa mga batang tulad nila, aniya, naghahari ang Diyos.

Nais kong hilingin sa aking mga tagabasa ang isang pabor. Alam nating nasasadlak muli tayo sa isang madilim na kabanata sa ating kasaysayan. Ang mga namumuno sa atin at may posisyon ay parang mga batang nagbabangay, nag-aaway at naghahamit para sa kani-kanilang agenda. May mga bagay na nasa likod ng tila walang hambas na pagtugis sa mga kinikilalang criminal ng administrasyong ito. Bagama’t hindi ko papel ang kumatig at kumampi sa alinmang panig, tungkulin ko at karapatan ko ang mangamba sa mga kahihinatnan ng lahat ng ito.

Ipagdasal nawa natin na anuman ang maging bunga ng kanilang pag-aaway at paghahanap ng sinasabi nilang tama at matuwid na daan, ay magbunga ng mabuti ito para sa lahat, at ang tunay at wagas na hustisya ay maghari.

Hindi sinabi ni Jesus na mag-asal bata. Ang sinabi niya ay maging tulad ng mga batang kinabig niya sa kanyang tabi. Ito ang mahalagang dapat natin tandaan. Ang paghahari ng Diyos ay hindi nakalaan sa mga nag-aasal batang matandang walang pinagkatandaan, o sa mga nagbabata-bataang walang inisip kundi ang maghiganti o magpakasasa.

Sa tulad ng mga batang ito, aniya, naghahari ang Diyos! Kabilang ba kaya tayo dito?