frchito

Archive for the ‘Sunday Homily’ Category

LIBAN O LABAN?

In Catholic Homily, Eukaristiya, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Tagalog Homily, Taon K on Hunyo 2, 2010 at 22:21

Kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo (K)
Junio 6, 2010

Mga Pagbasa: Genesis 14:18-20 / 1 Corinto 11:23-26 / Lucas 9:11-17

Matapos natin pagnilayan ang pinakabuod ng pagka Diyos ng Banal na Santatlo noong nakaraang Linggo, nakatuon naman ang isipan natin sa kung ano ang kinahinatnan ng dakilang kaloob ng Ama – ang bugtong na Anak ng Diyos na si Kristong Panginoon. Bahagi ng kalikasan ng Diyos ang magkaloob. Ipinagkaloob ng Ama ang Anak, at patuloy na ipinagkakaloob ng Ama at ng Anak ang Espiritu Santo, na patuloy ring nagkakaloob sa kanyang dakilang bayan ng susun-suson at patung-patong na mga iba pang mga kaloob.

Ang mga kaloob na ito ay napapaloob sa konteksto ng mga tanda – mga tandang nakikita, namamalas, nakikilatis, at madaling maunawaan. Isa sa mga tandang ito ang tanda ng Banal na Iglesya – ang katawang mistiko ni Kristong Manliligtas.

Nguni’t hindi lamang ang tanda ng Simbahan ang kanyang ipinagkaloob. Nababalot ang dakilang tandang ito ng iba pang mga dakilang tanda – ang mga Sakramento na nagpapamalas, naghahatid, at nag-aakay sa atin sa kaligtasan.

Susun-suson at dugtong-dugtong ang mga tanda na ito.

Ang unang tanda ng pag-ibig ng Diyos Ama ay ang Diyos Anak na nagkatawang-tao. Si Kristo ang dakilang tanda ng Ama.

Ang tanda ng pag-ibig na ito ng Ama ay pinangangatawanan ngayon ng isa pang tanda – ang Santa Iglesya – ang tanda o sakramento ng kaligtasan.

Subali’t hindi sa Simbahan natatapos ang hanay ng mga palatandaang ito. Mayroon pang pitong dakilang tanda – ang pitong sakramento na hindi lamang nagpapahiwatig, bagkus gumaganap sa ipinahihiwatig nito – ang kaligtasan, at kabanalan ng kanyang bayang hinirang.

Ito ang ipinagdiriwang natin sa araw na ito – ang dakilang tanda hindi ng katawang mistiko ni Kristo, kundi ng sacramental na katawan at dugo ng Panginoon – ang kapistahan ng Corpus Christi.

Lilisanin ko sa sandaling ito ang malalim at teolohikal na pagpapaliwanag sa misteriong ito. Gusto ko sanang tumbukin kaagad ang kahulugan ng misteriong ito sa buhay natin.

Marami sa inyo ay nagkokomunyon tuwing Linggo. Marami sa inyo ay nakakaunawa kahit papaano na ang komunyon ay hindi lamang sagisag. Ito ay isang sakramento na nagpapahiwatig at nagsasakatuparan ng ipinahihiwatig. Alam kong para sa marami sa inyo, ang komunyon ay hindi isang pirasong tinapay lamang o wafer, tulad ng kinakaing matamis na parang ampaw na gustong gusto ng mga bata. Alam kong sa inyong kabatiran, ang komunyon ay hindi lamang pagtanggap sa isang sagisag na walang kinalaman sa buhay nating pang-araw-araw.

Dito papasok ang aking pagninilay na ito. Hindi. Hindi isang paglunok lamang ito ng isang dakila at banal na tanda. Ang komunyon at ang pagtanggap sa Katawan at Dugo ng Panginoon ay hindi nauuwi lamang sa isang ritual, gaano man kabanal ito. Hindi ito katumbas ng isang pagliban lamang sa kabilang baybayin ng isang ilog. Hindi ito isang pagpapatong lamang ng talukbong sa ulo upang dalhin tayo sa ibang larangan ng buhay makatao.

Ang katawan at dugo ng Panginoon at ang pagtanggap nito sa Eukaristiya ay hindi lamang isang pagliban. Ito ay isang paglaban at pakikibaka sa status quo. Ito ay isang subversibong gawain na may mahalagang kahihinatnan sa buhay makatao sa mundo. Hindi ito isa lamang pangakong napapako sa kawalan. Ito ay isang pangako at paghamon … ang panawagang napapaloob sa pangakong “ang sinumang kumain at uminom nito ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”

Ang dahilan nito ay simple lamang … ang buhay na walang hanggan na binabanggit ng Panginoon ay isang panibagong buhay, isang buhay na walang katulad sa buhay makamundo. Nguni’t para masabing tayo ay lumiliban sa isang bagong larangan ng pamumuhay bilang Kristiano, dapat tayong makilaban at makibaka sa anumang walang kinalaman sa buhay na walang hanggan, sa buhay makalangit. Ito ang dahilan kung subersibo ang Banal na Komunyon. Hindi maaring tumanggap nito na parang kumain ng apa. Ang kumain nito ay uminom ng banal na katawan at dugo ay lumiliban sa isang bagong antas, bagong anyo, at bagong kalakaran. At nangangailangang ang sinumang lumiban sa bagong antas na ito ay matutong lumaban sa salungat sa parehong antas na ito.

Tumbukin agad natin ang bagong antas na ito. Ito ang bagong kautusan, ang bagong tipan, ang bagong kasunduan. At ang tanda ng kasunduang ito ay ang dugo ng Kordero at ang katawan ng kordero ng Diyos na nag-alay ng kasukdulan para sa ating ikapapanuto.

Malaki ang responsibilidad natin matapos makibahagi sa Eukaristiya. Matapos maipatatag at mapag-ibayo ang pagiging bahagi ng Katawang mistiko ni Kristo, sa pagtanggap natin sa katawan at dugo ng Panginoon, handa tayo at pinalakas tayo upang hindi lamang lumiban sa kabilang pampang, kundi lumaban upang marating natin ang langit na tunay nating bayan. Kailangang makibaka sa mali, sa kasalanan, sa katiwalian, sa pagkamakasarili, at sa lahat ng uri ng kasamaan. Ito ang bunga ng pagkakaloob sa atin ni Kristo ng kanyang sarili, hanggang sa ibubo niya ang dugo at ipagkaloob ang katawan hanggang sa kamatayan – kamatayan sa krus.

Wala na tayong paligoy-ligoy pa. Hindi lamang wafer ang komunyon. At lalong hindi lamang ito isang madamdaming pagkain at pag-inom. Ito ay sagisag, tanda, at katotohanang may kinalaman sa pagliban sa isang panibagong buhay, na nagbubunga ng matatag at matapang na paglaban sa anumang walang kinalaman sa panibagong buhay na ito.

Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, maawa ka sa amin!

Advertisement

IBA’T IBA, NGUNI’T IISA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K, Uncategorized on Mayo 17, 2010 at 13:44


LINGGO NG PENTEKOSTES
MAYO 23, 2010

Mga Pagbasa: Gawa 2:1-11 / 1 Cor 12:3-7, 12-13 / Juan 20:19-23

Tapos na ang mahabang paghihintay ng bayan. Nagwika na ang higit na nakararami. Bagama’t ang nagwagi sa halalan ay hindi pinili ng karamihang Pinoy sa buong kapuluan, hindi maipagkakailang ang mga nagwagi ang siyang hinirang ng lamang na numero ng mga bumoto at nagpahayag ng kanilang damdamin. Iba’t iba ang pinili ng balana. Sa dami ng mga kumandidato sa pagkasenador lamang (mahigit sa 80!), ang mga lumutang na mga pangalan ay silang mga datihan na at luma – mga pangalang naka-ukit na yata sa isipan ng mga mamboboto.

Hindi ko maipagkakailang hindi ako masaya sa resulta sa maraming kadahilanan. Hindi ko rin maipagkakailang nasusot ako sa takbo ng mga pangyayari, ngayon, at sa iba pang nagdaang mga eleksyon. Nguni’t dapat ko ring sabihing masaya ako sapagka’t kahit man lamang ngayong taong ito, ang tunay na kalooban ng mga mamboboto ang siyang naghari, at hindi ang malawakang dagdag-bawas!

May isang ibang uri ng hanging umiihip sa dako natin ngayon!

Hanging umiihip … ito ang isa sa malinaw na larawan sa pista ng pentekostes! Sa pagbaba ng Espiritu Santo, ihip ng hangin at dilang apoy, at dagundong ang natambad sa paningin natin. Ito ang kapangyarihang galing sa itaas na siya nating pinagyayaman at ginugunita sa araw na ito.

Sa demokrasya, kapangyarihan mula sa ibaba ang naghahari – ang kapangyarihan ng mamboboto, ang kapangyarihan ng taong-bayan. Sa Inang Simbahan, kapangyarihan mula sa itaas ang siyang naghahari, ang siya nating pinaiiral.

At dito papasok ang mga samut-sari nating mga suliranin sa lupang ibabaw. Sa mundong ito, na lupang bayan nating kahapis-hapis, puno ng pagkakaiba ang nakikita natin, puno ng pagtatangi at pagkakahiwa-hiwalay. Naroon ang maka LP at maka NP … naruon din ang mga balimbing na hindi mo malaman kung ano talaga ang partido nila … naroon ang mga taong sala sa init at sala sa lamig. Narito rin tayong mga salawahan at mga hunyango, na kung minsan ay maka-Diyos at malimit ay makamundo at makasarili.

Ito ang larangang iniikutan natin lahat – ang mundong nababalot ng kultura ng kasalanan, kultura ng kayabangan, pag-iimbot, at pagkamakasarili. Nandyan ang lahat ng uri ng pagkakahati-hati sa iba’t ibang mga grupo o pulotong, ang kawalan ng kaisahan, ang kawalan ng pagsasamahan sa ilalim ng iisang pamunuan. Bagama’t nanalo ang mga nanalo, alam nating hindi pa man nagsisimula sila sa kanilang panunungkulan, ay marami nang bumabatikos sa kanila.

Ang bayan natin, tulad ng buong simbahan, tulad ng lahat ng mga sumasampalataya kay Jesus, ay nababalot ng pagkakahiwa-hiwalay at pagkakahati-hati.

Ano ba kaya ang kailangan natin upang magkaniig at magkaisa?

Kailangan natin ng mga dilang apoy na bababa rin sa atin upang tupukin ang lahat ng hidwaan sa bayan natin. Kailangan natin ang Espiritu Santo. At sa dahilang sa araw na ito ay ginugunita natin ang kanyang pagbaba, minarapat kong paalalahanan ang lahat na sapagka’t dumating na Siya at bumaba, ang tanging dapat natin gawin ay ang tanggapin siya nang buo ang loob, at walang pasubali, walang pagtanggi, at may ganap na pagtanggap.

Kailangan natin ng malakas na hangin. Sa panahong ito kung kailan sinusunog tayo ng El Nino, minarapat ko ring ipaalaala sa ating lahat, na higit pa sa El Nino ang init ng ating mga pagtutungayaw at pag-aalipusta sa isa’t isa. Kaisahan ang dulot ng ihip ng hangin … hindi lamang kaisahan kundi katapangan. Ang mga nahihintakutang mga disipulo ay nangagsipaglabasan sa kanilang pinagtataguan upang mangaral, magpahayag, at mamuno sa mga taong lupasay sa takot at pangamba.

Sari-saring hangin ang umiihip sa buhay natin bilang bayan. Nandyan ang ihip ng paghihiganti … ang paghahanap na magbayad ang mga kinamumuhiang kalaban at katunggali sa politika. Nandyan ang ihip ng hangin ng kayabangan ng mga taong naihalal lamang ay “feeling great” na, at “feeling powerful” na. Nandyan ang ihip ng hangin ng mga hambog at bulaan na ang pangako sa bayan ay hanggang sukdulan ng langit, nguni’t wala namang laman kundi hangin … parang ampaw na walang bigat, walang dating, walang laman!

Maraming nakapinid sa buhay natin ngayon … hindi lamang pinto na nakakandado. Nakapinid ang mga mata at isipan sa maaaring mabago, maaaring mapahusay at mapabuti. Kay raming mga kontrabida sa poll automation. Kay raming mga propeta ng kapariwaraan. Nang magtagumpay, masaya ang lahat. Kay raming mga propeta na, hindi pa man nagsisimula ang bagong administrasyon, ay puro kabulukan na ang kanilang awit. Sala-salabat na ang kanilang mga dila sa pagbatikos sa problemang hindi pa nangyayari.

Sa araw na ito, lakas mula sa itaas ang dumarating. Hindi mga survey at mga mapanlasong mga pluma at papel at periodiko. “Sumainyo ang kapayapaan!” Ito ang sabi ng Panginoong muling nabuhay at umakyat sa kanan ng Ama. Ito ang pangako at tagumpay na kaloob ng Panginoong nagkaloob pa nang higit pa … ang pagdatal at pagbaba ng Espiritu Santo.

Halina, O Espiritu Santo! Liwanagan kaming lahat … puspusin kaming lahat ng iyong lakas at biyaya. Sunugin ang mga peklat ng lipunan naming hindi na yata makahulagpos sa lahat ng uri ng katiwalian. Hipan nang malakas ang mga balakid sa buhay namin na siyang hadlang sa aming pag-unlad na ganap. Patungan kami ng dagundong ng kulot na maggigising sa aming pagka-idlip sa paggawa ng mabuti. Pukawin ang mga isipan namin upang, tulad ng mga apostol, kami ay mangagsipaglabasan, at mangaral sa ngalan mo, at sa Iyong kapangyarihan. Iba’t iba ang aming mga ibinoto. Iba’t iba ang mga sinuportahan namin. Iba’t iba ang mga paniniwala namin.

Subali’t IISA ka, O Diyos! Iisa ang iyong kaloob… Iisa ang Espiritung sa amin ay lumukob. Halina, O Espiritung banal. Lukuban kaming ganap upang mapanuto at upang makatunghay ng isang bagong bukang liwayway ng ganap na pagbabago at buhay ayon sa kaloob mong alay!

Pagpalain Mo kaming iyong bayan, dine sa lupang bayang kahapis-hapis, tungo sa langit na tunay naming bayan. Amen!