Ika-19 na Linggo ng Karaniwang Panahon(B)
Agosto 9, 2009
Mga Pagbasa: 1 hari 19: 4-8 / Efeso 4: 30 – 5:2 / Juan 6: 41-51
Kadustaan ang tila karanasan ni Elias … sa ilang … sa lugar ng tiyak na kamatayan … Kawalang pag-asa ang tila paulit-ulit na saknong ng kanyang mapait na awit: “Tama na … sobra na … Wala akong kaibahan sa aking mga ninuno. Panawan na sana ako ng buhay!” Subali’t isang anghel ang makailang ulit na isinugo ng Diyos sa kanya habang siya ay naidlip sa ilalim ng puno. “Tingnan, tikman … paunlakan ang kaloob kong pagkain. Mahaba pa ang iyong lakbayin.”
Alam natin ang bungang idinulot ng pagkaing yaon … lakas, panibagong buhay, at kapasyahang maglakbay pa at magpatuloy sa kanyang atang na tungkulin. Naglakbay siya, dala ng kalakasang dulot ng tinapay mula sa langit, nang apatnapung araw at apatnapung gabi!
Iba magmahal ang Diyos! Susubukan ka Niya muna … gugutumin … dudustain … hahamakin ng madla. Iba magmahal ang Poong Maykapal … isusuong ka muna sa lahat ng uri ng kapaitan, kahirapan, pagsubok at pagtupok ng iyong papiruk-pirok at papiyok-piyok na pag-asa!
Nguni’t hindi ka Niya lubusang bibitawan. Hindi ka lubos na papanawan ng lahat ng katugunan maging sa pinakamatinding mga suliranin. Ito ang pinanghahawakan natin sa araw na ito … ang buod, ang lagom, ang puno at dulo ng magandang balita …
“Tikman at tingnan ang kagandahang-loob ng Diyos.”
Di lamang apatnapung araw at apatnapung gabi ang bayang Pilipino naglalakbay sa karimlan. Di lamang mapapait na kadustaan at kahihiyan ang sinapit natin sa pandaigdigang pagtingin. Di miminsang nilibak tayo at inalipusta ng bansang mayayaman, bilang isang mumurahing lahi ng mga DH at utusan. Di miminsang tayo ay nilibak sa kaguluhan at karumihan ng ating politika.
Subali’t may mga Elias, Eliseo at Jeremias at Jonas na patuloy na isinugo ang Diyos sa atin. Silang mga sugo ay naging mapait rin ang mga sinapit. Si Ninoy. Si Cory. Sina Evelio Javier, at marami pang iba na nagdusa dahil sa kanilang pagmamalasakit sa bayan. Di miminsang minaliit ng mga makapangyarihang may tangang baril ang babaeng inilibing lamang natin noong nakaraang Miercoles. Di miminsang pinagsikapang gapiin ng lakas at dahas ang kanyang mataginting na pag-iingat ng kalayaan kagagawan ng mga taong ngayon ay tinatawag nating “honorable” o kagalang-galang!
Sa nakaraang mga araw na ito, wala akong masabi kundi itong payak na katotohanang dulot ng tugon natin sa unang pagbasa: “Tikman at tingnan ang kagandahang-loob ng Diyos.”
Hindi ba ninyo natikman at nanamnam ang tindi ng pag-ibig at pagpapasalamat ng bayan sa isang babaeng minaliit ng mga makapangyarihan noon? Di ba ninyo nakita at napaggunam-gunam na ang Diyos ay nagwiwika sa pamamagitan ng mga ordinaryong taong nakipagsiksikan, nagpakagutom, at nagpakapuyat, hindi upang ibagsak ang sinomang dapat ibagsak, kundi upang magpugay at magpasalamat sa kanyang sugo ng Diyos para sa bayang nagupiling sa kadustaan at kahihiyan?
Bagama’t may ilang mga walang hiyang mga politico ang nagsikap na gamitin ang libing ni Cory bilang isang plataporma sa kanilang mga madidilim na balakin, hindi sila ang nagwagi. Ang nagwagi at namaulo ay ang mga maliliit na taong pinagmalasakitan ng babaeng anak sa yaman at luho nguni’t nagpamalas ng payak at simpleng pamumuhay! Ang nagwagi at namayani ay ang mga ordinaryong taong naka-tsinelas na nagpumilit na pumasok sa libingan hindi upang ibagsak ang gobyerno at mamolitika kundi upang humiyaw lamang ng “Cory, Cory, Cory” at sa kabila ng umaagos na luha, ay nagpamalas ng kanilang taos-pusong pasasalamat sa kanya!
Nagkabuhay ang mga binabanggit ni Pablo sa ikalawang pagbasa: “Ang lahat ng kapaitan ng loob, poot, galit, pagtungayaw at pag-alipusta ay dapat maglaho sa inyo … At maging mabait kayo sa isa’t isa at magpatawad sa isa’t isa.”
Halos imposible na hindi natin matikman at matingnan ang kagandahang-loob ng Diyos sa atin. Mahirap tayong bansa … Oo … Marami sa atin ay mga naninilbihan sa mga among banyaga sa ibang bansa. Marami sa atin ay nagbabanat ng buto nang malayo sa mga mahal sa buhay. Sa “live streaming” na ipinakita sa internet ng kanyang libing, ilang mga Pinoy ay nagpuyat, nakipaglibing, nakiramay bagama’t sila ay libo-libong milya ang layo sa Pilipinas?
Sumilip at sumungaw sa ating bayan ang isa na namang anghel na sugo upang turuan tayo ng mahalagang liksiyon. Nagkaisa muli ang bayan. Nagkaroon muli ng pag-asa ang tanan. Nabuhay na muli ang diwa ng EDSA UNO. Daan-daang mga pamisa ang ginanap sa buong bansa para sa anghel na ito na, tulad ni Elias, ay nasadlak sa isang matinding pagsubok, pasakit, at panimdim.
Sa kabila ng lahat, ang pananampalataya ni Cory sa Eukaristiya ay namaulo, lumutang at umusbong. Pinatunayan niya na sa kadustaan, sa kahirapan, at kapanglawan ay may nagkukubling panibagong buhay – ang buhay na walang hanggan na siyang pangako ng Ginoong nagwika: “sino mang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”
Natikman natin sumandali muli ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng halimbawa ni Cory. Natingnan natin sa kanya ring halimbawa, na sa kadustaan ay may panibagong buhay na hindi kailanman magagapi ng makamundong mga batayan ng kapangyarihan. Sa kanyang personal na halimbawa, na hindi natinag sa kanyang matibay na pananampalataya sa Panginoon at sa tinapay na dulot niya mula sa langit, nagkadiwa, nagkabuhay, at nagkatotoo ang tugon natin sa unang pagbasa sa araw na ito: “Tikman at tingnan ang kagandahang-loob ng Diyos.”
Natikman natin. Natingnan natin. Halina at dumulog pang muli at makibahagi sa tinapay na naghahatid ng buhay na walang hanggan.! Tulad ni Elias. Tulad ni Jeremias. Tulad ni Cory. At tulad ng lahat ng tinig na sumisigaw: “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin!”
Kaawaan mo ang aming bayan, O Panginoon! Kahabagan mo kami, O Panginoon! Maging isang bayan nawa kami, batay sa iisang pananampalataya. Dahil sa iisang binyag. At bunsod ng pagkatikim at pagkakita sa iisang Diyos at iisang Panginoon. Tanging Siya lamang ang puno ng awa at habag at kaganapan ng kagandahang-loob.
plug lang po mga fellow bloggers. salamat.
http://rllqph.wordpress.com/2009/08/09/re-petition-to-oust-willie-revillame-by-roel-c-saguisag/
salamat po sa pagbahagi nito, Father Ninong 🙂 bagamat hindi pa nga nababansagang santa si tita Cory, sa mata ng sambayanang Pilipino nama’y naging isang mabuting halimbawa ng kababaan ng loob, pananampalataya at tunay na pagmamalasakit sa taonbayan –Brye and Gina
Salamat po sa magandang pagtatalakay ng gospel..
sa paggawa ninyo ng mga halimbawa gaya nalang sa ating pinakamamahal na Gng. Cory Aquino, nawa po’y lagi kayong nariyan upang bigyan kami ng liwanag..
salamat po..
salamat din charmaine at binabasa mo ito