frchito

Posts Tagged ‘Lingguhang Pagninilay sa Salita ng Diyos’

PANGAKO AT PANGARAL

In Adviento, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, San Juan Bautista, Taon K on Disyembre 2, 2009 at 18:45


Ika-2 Linggo ng Adviento (K)
Disyembre 6, 2009

Mga Pagbasa: Baruch 5:1-9 / Filemon 1:4-6, 8-11 / Lucas 3:1-6

Laging puno ng kabalintunaan ang dating sa akin ng mga pagbasa sa Adviento … puno ng pangarap, puno ng pag-asa, tigib ng pangaral, nguni’t tigib rin ng katotohanang ang pangako at pag-asa at pangaral na ito ay dapat magdaan sa katuparang mula sa Diyos, at mula rin sa atin.

Sa unang pagbasa, binanggit ni Baruch ang buod ng pangaral sa likod ng pangako: “patagin ang mataas na bundok.” Sinang-ayunan ito ni Lucas sa mga kataga ni Juan Bautista: “ihanda ang daraanan ng Panginoon.”

Pangako … pangaral … ang dalawang ito ay parang kambal na salitang hindi dapat paghiwalayin, lalu na sa Adviento.

May mga taong puro pangako ang pinanghahawakan. Ang tanging binabasa nila sa Kasulatan ay ang mga hula tungkol sa darating na kaligtasan. Ayaw nila ang mga bahagi ng Biblia na may kinalaman sa pananagutan. Ito ang mga taong ang panay na inaatupag ay ang magkamal ng lahat ng biyayang makamundo, ayon sa katagang “siksik, liglig, at nag-uumapaw.” Sa kanilang paniniwala, bawal ang malungkot sa mundong ibabaw. Ang dapat gawin ay pag-ibayuhin ang kagalakan mula sa ipinagkaloob ng Diyos sa kalikasan. Ito ang dahilan kung bakit nauubos ang gubat, natutuyot ang mga balon, at patuloy na nababago ang takbo ng panahon saanmang lugar sa daigdig.

Mayroon rin namang mga tao na ang tanging pinanghahawakan ay puro pangaral. Hindi nila pinapansin ang mga bahagi ng Kasulatan na ang pahatid ay puro kagalakan at kaginhawahan. Ang buhay, para sa kanila, ay isang parusa at panay kapighatian. Bawal sa kanila ang magsaya, ang makaranas ng kaunting kaginhawahan sa buhay. Puro pagpapahindi sa sarili ang kanilang pakay. At ang sinumang nagsasaya dahil sa dulot ng biyayang makamundo ay makasalanan at hindi karapat-dapat tawaging taga-sunod ni Kristo.

Ito ang mga laging nanggagalaiti sa mga naliligaw ng landas, ang mga taong walang puwang para sa pang-unawa sa mga nalilisya o nadadapa sa landas ng pagkakasala.

Alam natin ang kalalabisan ng nauna – ang mga puro pangako ang pinanghahawakan. Kumain, uminom, at magsaya, sapagka’t bukas-makalawa ay wala ka na. Ito ang kalalabisan ng mga taong walang kabubusugan, tulad ng mga politicong walang kasawa-sawa sa posisyon, pera, at poder. Ito ang dahilan kung bakit sa mundo, napakarami ang ika nga ay “ubos-ubos biyaya, mamaya’y wala.” Ito ang mga tampalasang ang tingin sa daigdig ay isang walang pagkaubos na kadluan ng lahat ng gusto ng tao. Ito ang mga walang pakundangan sa kinabukasan, at sa mga pangangailangan ng mga darating pang mga henerasyon.

Alam rin natin ang kalalabisan ng pangalawang uri. Utos, puro utos, todos utos, ika nga. Para silang mga ipinaglihi sa bawal. Para silang mga tinitibing hindi maka-iri, na iniipit lagi ang sarili at ang kapwa, na hindi marunong mag-relax, o walang puwang sa pagkakamali. Lagi silang tama. Laging mali ang ibang tao, at laging nasa kanila ika nga, ang huling kataga. Lubha silang sigurado sa kanilang sarili, at kung magsalita ay parang may direktang linya sila sa langit. Ayaw nila ang mga makabagong pamamaraan sa liturhiya, at laging ang luma ang siyang tama. Basta luma, tama.

Alam natin ang ginagawa ng unang pangkat … handa silang pumatay sapagka’t sila ang may hawak ng kapangyarihan. Bawal ang karibal sa politika. Bawal ang mga kalaban. Kung may kalaban ay dapat patayin. Dapat patagin ang daan … para sa akin! Maski mali at hindi makatarungan, ay puede na sapagka’t tadhana ko ang maglingkod sa bayan, kahit na wala akong ginawa kundi nakawan ang kaban ng bayan! Siksik, liglig, at nag-uumapaw … Ito ang aking tadhana at karapatan!

Alam rin natin ang mga ginagawa ng ikalawa. Lahat ay mali. At kung sino mang hindi sumunod sa letra ng batas ay dapat itakwil, itiwalag sa kapatiran, at ihagis sa puntod ng pagkalimot. Ito ang mga pulis ng lipunan. Lahat ay mali. Lahat ay may bahid ng kasalanan. At lahat ay dapat itama … ayon sa batas ng mga taong ito na puro pangaral ang atupag at pinagkakaabalahan.

Subali’t ang mga pagbasa sa araw na ito ay isang tamang-tama ang timpla kumbaga, sa pagitan ng pangako at pangaral, pag-asa at katuparan.

Paano ba natin titimplahin ang dalawang katagang tila magkasalungat?

Ito ang diwa ng magandang balita. Ang magandang balita ay hindi isang sulating dapat sundin ayon sa titik, kundi isang pahayag na dapat isapuso, isa-isip, at isadiwa na dapat maging batayan ng pagkilos at pag-aasal.

Kung gayon, tama dapat ang timpla ng dalawa. Hindi sila magkasalungat, kundi magkasama, at magkabiyak, kumbaga.

Pangako …. Darating na muli ang Mananakop. Pangaral … ituwid ang kanyang daraanan.

Pangako … wala nang luha, wala nang pag-iyak, wala nang pasakit!
Pangaral … ibalabal ang Kanyang katuwiran!

Tama na ang mga pasaway na puro pangako ang inaatupag. Tama na ang mga mananaway na puro pangaral ang tangan sa kamay at bigkas ng bibig. Tama na, sobra na ang mga taong walang kabubusugan. Tama na, sobra na, ang mga taong tila sila lamang ang dapat mamuno at mag-utos sa buong bayan.
Iisa ang pangako ng Diyos … ang kaligtasang walang hanggan. Marami ang pangaral ng mga Pariseong dinagdagan nang dinagdagan ang titik ng batas, nguni’t malayo ang loob sa batas na yaon.

Sobra nang makasalanan ang bayan natin. Sobra nang masiba ang mga namumuno at nagsisikap mamuno at magsilbi kuno sa bayan. Sobra nang makasalanan ang tao kung kaya niya na pumatay nang buong bangis sa 57 inosenteng tao na walang kakasa-kasalanan sa kanila. Sobra nang makasalanan ang bayan na hindi na marunong pumili nang tama, bagkus napadadala sa mga payasong pinaglalaruan lamang ang ating pagkatao.

Adviento …. Pagdating …. Paghihintay … puno ng pangako at pag-asa. Nguni’t teka lang, puno rin ng pangaral! Puedeng pagsabayin ang dalawa. Puedeng timplahin nang tama, ayon sa kagustuhan ng Diyos na buhay … dumating, dumarating, at muling darating!

PASIBULIN, PAIRALIN, PALAGUIN AT PAG-ALABIN!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Nobyembre 26, 2009 at 21:15


Unang Linggo ng Adviento – Taon K
Nobyembre 29, 2009

Mga Pagbasa: Jeremias 33:14-16 / 1 Tesalonika 3:12 – 4:2 / Lucas 21:25-28, 34-36

Mahirap tanggapin na sa panahong ito, mahigit na 50 katao ang mauutas at malalagutan ng hininga dahilan sa karahasang walang saysay. Mahirap unawain kung paano, sa kabila ng lahat ng pagsisikap, ay kagya’t mapapawi ang pag-asang disin sana ay namumuo na sa ating kamalayan, hatid ng mga bayaning tulad ni Pacman, ni Kuya F, at ng maraming mga ordinaryong taong walang kaya, walang kapangyarihan, nguni’t nabubuhay bilang matatayog na halimbawa ng pag-asa sa gitna ng kawalang-pag-asa na bumabalot sa buhay ng Pinoy, saanmang dako ng ating maliiit na bansa.

Puno ng pangako ang liturhiya ng unang Linggo ng Adviento. Hindi natin maipagkakaila na si Jeremias ay isang tagapaghatid ng matimyas na pag-asang umiinog sa katotohanang isang “matuwid na sanga” ang “pasisibulin” at “paiiralin.” Pag-asa at maalab na paghihintay ang mensaheng lumulutang sa matulaing mga katagang binibitawan ni Jeremias.

Ito ang pag-asang tila naaagnas at naglalaho sa lipunang iniikutan natin lahat. Ito ang pag-asang sa biglang wari ay napapalitan ng sindak, pangamba, at takot hatid ng isang namumuong kabatiran na ang pinaka-aasam-asam natin sa kaibuturan ng ating puso, ay patuloy na lumalayo kundi naglalaho sa lipunang pinamumugaran ng mga taong tila pinanawan na ng kahit isang hibla man lamang ng pagkatao at kahit pahimakas lamang ng kahihiyan at paggalang sa buhay ng kapwa-tao.

Subali’t bilang pari at pastol, tungkulin ko ang magpahayag ng walang patid at walang sawang pahayag ng Banal na Kasulatan. Tungkulin ko ang iangat kahit kaunti ang pangitain at tanawin ng puso nating patuloy na naghahanap ng mga kasagutan sa likod ng mapapait nating karanasan sa lipunang nabubuhay sa lupang bayang kahapis-hapis.

Hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa. Sisibol at iiral ang katarungan ng Diyos. Naganap na ito. Nagaganap ito, at magaganap pa. Naganap ito sa kasaysayan, sa pagsilang ng Mananakop. Nagaganap ito sa kahiwagaan, sa larangan ng pananampalataya … sa sandaling ito, bagaman at tayo ay nalalambungan ng balag ng alanganin at pangamba. Magaganap pa ito. Ito ang diwa ng pag-asang hatid ng mga pagbasa natin.

Pero, sandali lang. Ito bang diwa ng Adviento ay isa lamang paghihintay sa wala? Ito ba ay isang masidhi lamang na pagnanasa dahil sa wala nang iba pang maaring masandigan ang tao? Ito ba ay isang konsuelo de bobos lamang … isang pacifier na isinasalpak sa bibig ng bata upang tumahan?

Hindi ito ang aking naririnig sa araw na ito. Oo … sisibol at iiral ang katarungan … Ito ang saad ni Jeremias. Pero ito ay nalalakipan ng mga pahatid ni Pablo sa liham sa mga taga Tesalonika … palaguin, aniya … pag-alabin ang pag-ibig. Ito ay isang masidhing hangad, totoo. Nguni’t hindi lamang isang hangad. Ito ay isang plataporma ng wastong pamumuhay – ang mapasa-ilalim sa pamamatnubay ng Diyos – ang kagustuhang tumalima sa kalooban ng Diyos.

Di ba’ t ito ang ating hiling sa Poon na kabibigkas lamang natin pagkatapos ng unang pagbasa? “Sa ‘yo ako’y tumatawag, Poong Diyos na nagliligtas!”

Patuloy ang pagdami ng mga problemang hinaharap ang lipunan natin. Patuloy ang paglago ng mga suliranin at paghamon sa daigdig. Hindi madali ang manatiling nakaugnay sa Poong sandalan at sagkaan ng pag-asa natin.

Nanghihinawa tayong lahat … nanghihina … naghihingalo sa maraming paraan. Ang larawang paulit-ulit natin nakita sa kasagsagan ng bagyong Ondoy ay hindi makatkat sa guni-guni natin – mga taong inanod ng baha na mabilis na pasalpok sa isang tulay na naging sanhi ng pagkamatay ng karamihan sa kanila sa sandaling yaon. Isa itong larawan ng lipunan natin na ngayon ay muling tinatawagan ng Diyos upang hindi paanod sa baha ng kawalang-pag-asa.

May tugon ang Diyos sa ating panalangin. Nakita natin kung paano sa pagkakaisa ng mga tao sa cyberspace ay maraming himalang naganap. Nakita natin na kung mayroong kapasyahan ay mayroon ding kaparaanan. Isa ako sa paulit-ulit na bumoto para kay Efren Penaflorida. Isa ako na naghangad at nanalangin na manalo siya bilang CNN hero of the year. Mahigit 2 at kalahating milyong boto ang tinanggap niya. Mayroon tayong kakayahan. Mayroon tayong pag-asa. At ang pag-asang ito ay hindi naka-ugat sa pagnanasa lamang, kundi sa paggawa.

Mismong si Kuya F ang nagsabi kung ano ang pag-asang binabanggit ng Banal na Kasulatan. Tayo ang pagbabagong hinahangad nating lahat. Tayong lahat ay may angking kakayahang maging bayani sa paglilingkod, sa pagsisikap na iangat mula sa lusak ang espiritu ng taong hindi kailanman mapapatay ninuman at ng ano pa man.

57 katao ang pinaslang nang walang awa at walang pakundangan sa angking dignidad pantao. Pinatay ng salarin ang 57 katao. Nguni’t ang diwa ng pagkatao at ang angking kakayahan ng tao na umasa at pumailanlang sa langit ng pag-asa ay hindi makikitil ninuman.

Magsimula tayo sa ating sarili. Pasibulin natin …. Pairalin, palaguin, at pag-alabin. Sa kanya tayo tumatawag, sa Poong Diyos na nagliligtas!