frchito

PINAMUHUNANAN: KAYAMANAN O KABIGUAN?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Hulyo 29, 2010 at 08:21

Ika-18 Linggo ng Taon(K)
Agosto 1, 2010

Mga Pagbasa: Eccl 1:2, 2:21-23 / Col 3:1-5,9-11 / Lc 12:13-21

Atubili ang mga palakpak ng mga mambabatas sa unang SONA ni PNoy … malamya, mahina, at hindi nakitaan ng masigabo at marubdob na pagsang-ayon! Bagama’t hindi ako lubos na palo at paniwala sa kanyang mga numero at mga pasabog na kalagiman, sang-ayon ako sa isang bagay – na dapat puksain, putulin, at puknatin ang lahat ng uri ng katiwalian … mapasa bigas, mapasa tubig, mapasa anumang bagay na tanging pag-asang nalalabi para sa mga mahihirap.

Alam natin kung ano ang dahilan dito … marami sa mga mambabatas ay namuhunan sa huling administrasyon. Marami sa kanila ay kasabwa’t, kaakibat, at kasama sa pangungulimbat sa pamamagitan ng pork barrel. Alam rin natin na marami sa kanila ay namuhunan kasama ng mga dating Lakas-Kampi-CMD na ngayon ay nagkalagas-lagas na sapagka’t namumuhunan na ang marami sa Liberal Party!

Walang kabuluhan! Walang kakabu-kabuluhan!

Lahat tayo ay namumuhunan sa isa o higit pang bagay. Ang mga nagnanais sumali sa Wowowee ay namumuhunan ng oras, ng dangal, ng amor propio, at ng paggalang sa sarili, magkaroon lamang ng pagkakataon kumita nang kaunti sa programa. Pati ang mga tumataya sa Lotto o sa jueteng ay namumuhunan rin … ng kaunti nilang pera, magkaroon lamang ng pagkakataon tumama at biglang magkamal ng maraming salapi! Alam natin ang bunga nito … Sa halip ng kayamanan ay kabiguan!

Walang kabuluhan! Walang kakabu-kabuluhan!

Ipinupuhunan ng mga mahihirap ang dangal, pati ang sariling paggalang magkaroon lamang ng pagkakataon kumita. Pati mga bobo ay puedeng kumita sa Wowowee, basta handa silang libakin ng madla na sila nga ay bobo at kulelat sa paaralan!

Walang kakabu-kabuluhan! Wa-epek ang lahat! Walang saysay, walang silbi, walang patutunguhan! Hindi ba’t ito ang kahihinatnan ng lahat ng bagay na nasusukat, natitimbang, ang nabibilang? Buhok nga natin sa ulo, hindi natin mapigil sa paglagas. Ngipin nga natin, hindi natin patuloy na maiiwas sa dentista at gaano man kaingat tayo sa pagsisipilyo araw-araw o maya’t maya!

Ano kaya ang saysay ng lahat ng mga katiwaliang nabunyag noong isang araw sa SONA ni PNoy? Sobrang bigas na inangkat. Sobra-sobrang mga bonus sa mga naluluklok sa upuan ng mga makapangyarihan!

May kabuluhan ba ang mga ito? May patutunguhan kaya? O ito kaya ay walang iniwan sa isang pasabog na nagbubunga ng ingay at usok na wala namang bungang nananatili o naghahatid sa mabuti?

Walang kabuluhan! Walang kakabu-kabuluhan!

Opo, mga kapatid! Walang kabuluhan ang lahat kung ito ay hindi bumabagtas sa mga bagay na nabibilang, nahihipo, nasusukat! Ito ang kawalang kabuluhan ng kwento ng ebanghelyo na isang tao ang humiling kay Jesus na hatiin ang mana nilang magkapatid. Ano ang puhunan niya? Isinangkalang niya ang pagmamahalang magkapatid at tumawag pa ng abogado upang hatiin ang mana na dapat sana ay kaya nilang hatiin bilang magkapatid!

Mali ang kanyang puhunan … palpak. Ipinuhunan niya ang pagkakaunawaan nila bilang magkapatid, at isinugal ang magandang samahan, dahil sa kapiranggot na lupa. Ang puhunan ay nauwi sa kabiguan … kabiguan ng pagmamahalan bilang magkapatid. Nauwi ito sa isang pagiging mangangalakal na ang tanging nais ay tubo at kita.

Ano kaya ang pinupuhunan natin? Tama kaya na gawing puhunan ang kapalpakan ng datihang gobyerno bilang sangkalan tungo sa isang diumano ay bagong pamumuno? Tama kaya na ang plataporma ng isang pinuno ay ang siraan ang nauna upang magmistulang mabango, kumpara sa dating puno ng kabulukan?

Walang kabuluhan! Walang kakabu-kabuluhan!

Tama kaya na puhunanin ang sarili sa paglalasing, pagsasaya tulad ng tao sa ebanghelyo na matapos palakihin ang mga kamalig ay hindi na nag-unat ng buto at nagpagal para sa kinabukasan?

Nguni’t sa kasawiang palad, ganito tayo noon, at ganito pa rin tayo ngayon! Namumuhunan sa mga maling bagay … tumataya sa mga maling pato, at umaasa sa mga palsong mga pangako!

Malaki ang pananagutan natin sa ating puhunang tinanggap natin mula sa Diyos. Ito ay puhunan ng dangal, puhunan ng buhay, puhunan ng kagandahang-asal. Nilustay ng nakaraang mga administrasyon ang puhunang ito … Hindi naglaon ay talamak ang katiwalian kahit saan, kahit sa mga pribadong institusyon, kahit sa barangay, kahit sa mga homeowners’ associations.

Maling mga puhunan ang pinagkakitaan. Pati ang ihi na kinokolekta sa LTO tuwing kukuha ng lisensya … nagbabayad tayo ng ilang daang piso, at ang ihi ay alam naman nating itinatapon lamang. Wala namang drug test na nagaganap!

Walang kabuluhan! Walang kakabu-kabuluhan!

Puhunang tama at wasto ang siya nawang dapat nating pagtuunan ng pansin. Puhunan ng dangal at wagas na paggalang sa sarili at sa kapwa … na nakikita sa paninindigan sa kapwa, hindi ang paglipat na parang paro-paro sa mga partido sapagka’t naroon ang salapi, ang pork barrel at ang mga kontrata mula sa gobyerno. Ang mga datihang kakosa ng dating Pangulo ay nagkumahug na sa paglipat sa bagong partidong nasa poder!

Walang kabuluhan! Walang kakabu-kabuluhan! Walang dangal, walang puri, walang kagalang-galang – at – tabi sa kaluluwa ay – walang hiya!

Kailangan tayo mamuhunan sa wasto, sa tama, sa bagay na hindi pinalakpakan ng mga ungas sa lehislatura! Kailangan natin mamuhunan sa higit na mahalaga: “Sa gabing ito ay babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo? Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”

Phinma Training Center, Tagaytay City
July 26, 2010

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: