frchito

KANINO O SAAN KA NAGPAPADALA?

In Homily in Tagalog, Kwaresma, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Marso 12, 2011 at 08:58

Unang Linggo ng Kwaresma(A)
Marso 13, 2011

Mga Pagbasa: Genesis 2:7-9; 3:1-7 / Roma 5:12-19 / Mateo 4:1-11


Malinaw ang sinasaad ng mabuting balita sa unang linggong ito ng kwaresma. “Dinala si Jesus ng Espiritu upang tuksuhin ng diyablo.” Hindi lubos tukoy kung ano ang ibig sabihin ni Mateo sa kanyang piniling mga kataga, nguni’t alam ko ang isang bagay … Nagpadala si Jesus sa udyok ng Espiritu … Hinayaan niyang maganap ang isa sa mga pangyayaring may ibubunga, at ibubuti para sa kabuuan ng kanyang misyong atang sa kanyang balikat.

Mahirap unawain ang mga naganap kahapon sa Japan … at lalung mahirap tanggapin. Dito sa Guam, kung saan ginulantang rin kami ng isang tsunami warning, mahirap tanggapin ang magpadala na lamang sa mga nagaganap, sa mga bagay na wala tayong kontrol. Mahirap ang unawaing tuloy-tuloy ang gulo saanmang dako ng daigdig, at tila lalung lumalapit kumbaga ang sari-saring mga nakababahalang mga pangyayari sa kasaysayan.

Hindi ko maiwasang tumulo ang luha nang makita ko ang pagragasa ng tubig sa Sendai. Hindi ko rin maiwasang magtanong sa Panginoon kung bakit? Bakit sunod-sunod ang mga trahedya? At bakit tila walang ampat ang pananagana ng mga tampalasan at baluktot ang mga kalooban sa ating lipunan?

Mga hiwaga itong sing labo ng katanungan natin kung bakit “dinala ng Espiritu si Kristo upang tuksuhin ng diyablo.”

Sa aking pangamba at takot habang naghihintay kung anong daluyong ng baha at alon na darating sa isla ng Guam, hindi ko nasulat ang pagninilay na ito. Wala akong malamang gawin kundi ang tumingin sa TV at maghanap ng mga babala at paalaala sa internet, habang natambad sa aking paningin ang mga nakahihindik na pangyayari sa Japan. Hindi ako magsasabi ng totoo kung hindi ko sasabihing napabuntong hininga ako sa pananalangin sa Diyos sa bisperas ng unang linggo ng kwaresma. Puro katanungan ang sumagi sa aking isipan, at sa gitna ng aking pagtangis ay ito ang unang dumating sa aking guni-guni…

Noong nakaraang Miercoles ng abo, ito ang sinabi sa atin habang pinapahiran tayo ng abo. Alalahanin mong ikaw ay alabok at sa alabok ka muling magbabalik…

Nais kong isipin na ito ang unang tugon sa ating hiwaga … Hindi ito tugon na magpapaalis ng takot. Hindi ito isang sagot na magpapakalma ng kalooban kapagdaka. Hindi ito isang katugunang maghahatid sa atin sa isang dagliang solusyon sa mga patong patong natin na mga problema. Nguni’t ito ay isang sagot na bumabagtas sa ngayon at sa ditong mga kalalagayan. Isa itong tugon na nanunuot sa kaibuturan ng kung bakit tayo naging tao, at bakit tayo ginawang tao at nilalang ng Poong Maykapal. Isa itong tugon na lumalampas sa pagbibigay lamang ng impormasyon. Isa itong sagot na may kinalaman sa huling hantungan at tunay na dahilan kung bakit tayo ay naging nilalang.

Hindi na para sa atin ang tanungin kung bakit dinala ng Espiritu si Kristo upang tuksuhin ng diyablo. Subali’t tungkulin natin ang tingnan kung paano hinarap ni Kristo ang pagsubok na ito, kung paano niya nalampasan ang mga pagsubok na inihain ng diyablo.

Ito ngayon ang mga katanungang dapat natin bigyan ng pansin. Hindi na para sa atin ang sisihin ang Diyos sa mga sakunang nagaganap. Hindi na para sa atin ang surutin siya sa mga nagaganap sa pag-aalboroto ng inang kalikasan. Tungkulin natin tingnan kung anong pangaral ang dapat nating mapulot sa mga bagay na ito – mga pangaral na hindi makapagsasansala sa lindol, ngunit pangaral na makapaghahatid sa atin sa higit na pang-unawa sa mga bagay na lampas sa mga makamundong katotohanan.

At ito ang katotohanan … Tingnan natin isa-isa…

“Gawin mong tinapay ang batong ito.” Di ba’t lahat tayo ay nabubulid sa tuksong ito? Gusto natin maging pera ang lahat ng ginagawa natin. Gusto nating lahat na ang ating katamaran ay magbunga ng madaling salapi. Gusto natin na matularan ang mga apat na taon lamang bilang comptroller ay makapag kamal ng 700 milyong piso. Gusto natin na kahit hindi mag-aral ay makakuha ng honor. Gusto nating gawin ang isang imposible, kahit walang kapuhu-puhunan, tulad ng isang batong dapat ay maging tinapay. Walang kahirap-hirap, walang kapagod-pagod ay biglang yaman, tulad ng mga pulis at kagawad ng gobyernong kasabwat sa mga carnapping … batong nagiging tinapay!

“Magpatihulog ka, sapagkat iingatan ka nila.” Hindi ba’t ito man ay kwento nating lahat? ang pag-iwas sa responsibilidad, ang bumaril muna bago magtanong, ang umasa sa mga higit na mataas na protektor upang makalusot sa lahat ng gusot?
Isa itong makatotohanang tukso sa lipunan natin ngayon … mga hostage taker na handang pumatay pati ng mga banyaga sapagka’t may mga panimdim sa gobyerno, mga taong walang pusong pumapatay sa iba at sa sarili makuha lamang ang gusto … mga politikong handang pumaslang ng 57 tao upang mahawi ang oposisyon sa buhay nila … Ito ang kwento ng mga taong nagmamaang-maangan … mga taong maingay kung pabor sa kanila ang usapan, at biglang nakakalimot kapag hindi pabor sa kanila ang usapan. Ito ang matinding tukso sa atin, ang umiwas sa responsibilidad, ang sumagot nang tulad ng sinagot ng mga Nazi noong araw … “Sumusunod lamang ako sa mga utos.” Sa panahon natin, sumusunod lamang ako sa kalakaran … Bumabagay lamang ako sa takbo ng lipunan. Wala akong magagawa rito.

“Magpatirapa ka at sumamba sa akin at mapapasaiyo ang lahat.” Hindi ba’t ito rin ay isang tuksong mataginting sa buhay natin? — ang ipagpalit ang Diyos sa anumang bagay? ang yurakan ang kanyang karangalan sapagka’t hinihingi ng pagkakataon? ang ipagpalit Siya sa mga bagay na materyal? Ilan sa ating mga mambabatas ang ipinagpalit ang dangal ng tao para sa isang mabilisan at di makataong pagpipigil sa pag-aanak sa ngalan ng reproductive health? Ilan sa atin ang handang ipagpalit ang wasto sa mali makuha lamang natin ang minimithi?

Totoo … napadala si Jesus sa ilang. Ngunit napadala siya upang tayo ay turuan. Napadala siya upang sa wakas ay matutunan natin ang dapat gawin sa harap ng mga pagsubok, ang unahin ang kalooban ng Diyos, at panatiliin ang kanyang paghahari sa buhay natin.

Sa panahong ito ng kwaresma, magandang tingnan ang mga iba-ibang tao o bagay ang humihila at nagdadala sa atin. Noong Miercoles sinimulan natin ang pagninilay sa isang dapat na siyang nagdadala sa atin at humihila. Ano at sino ang nagdadala sa iyo sa mga araw na ito?

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: