frchito

UHAW SA KATANGHALIANG TAPAT!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kwaresma, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Marso 26, 2011 at 12:18

Ikatlong Linggo ng Kwaresma (A)
Marso 27, 2011

UHAW SA KATANGHALIAN!

Hindi natin alam kung ano ang nagbunsod sa babaeng Samaritana upang mag-igib ng tubig sa katanghaliang-tapat. Maari lamang natin hulaan kung bakit. Pero ang tila maliwanag pa sa tanghaling tapat ay ito … Masipag na maybahay ang samaritana. Ewan ko kung nauhaw ang kanyang kasama sa bahay na hindi niya asawa. Ewan ko rin kung nagdatingan ang lima pang kinasama niya sa tanang buhay niya, na nangailangan ng tubig para pang hugas ng mga paa. Pero ang malinaw ay tila ito … walang nag-iigib ng tubig sa tanghaling tapat, hangga’t maaari, pero ang samaritana ay nagpapagal pa kung kailan ang karamihan marahil ay nagpapahinga na, o kumakain, o gumagawa ng iba pang hindi nangangailangang lumabas pa ng bahay sa ilalim ng masakit na sinag ng araw.

Uhaw sa katanghalian … ito siguro ang puede nating gawin bilang pamagat sa maikling kwentong ito.

Pero hindi ito isang maikling kwento, kundi isang salaysay ng kaligtasan … salaysay hinggil sa buhay na naghahatid sa buhay na walang hanggan … tungkol sa tubig na buhay na kapag ininom natin ay hindi na kailanman tayo muling mauuhaw.

Isang malaking sorpresa ang hatid sa atin ng kwentong ito. Una sa lahat, hindi komun na makita ang isang babae na nakikipag-usap sa isang lalaki sa publiko. Ikalawa, hindi rin karaniwan na ang isang samaritana ay nakikipag talamitam sa isang Judeo, na galing sa Galilea, o sa Judea. Subali’t hindi ito ang nais kong bigyang-pansin, yamang ito ay paksang mas naaangkop sa mga iskolar ng bibliya.

Ang nais ko sanang bigyang pansin ay ito … Kung ako ay guro ng samaritana, marahil ako ay nainis sa kanya. Una … ang mga tanong niya ay parang patalon-talon. Walang sinundang iisang linya. Ikalawa, ang mga tanong niya ay parang umiiwas sa init ng mga paksa, lalu na’t may kinalaman sa kanyang pansariling buhay. Pero, isa pang sorpresa ang ginawa niya. Bagama’t tila umiiwas siya sa maiinit na paksa, hindi ibig sabihing hindi siya nakinig.

Ang kanyang uhaw sa katanghalian ay naghatid sa kanya sa pagtanggap ng isang pagkauhaw na higit na masahol at malalim kaysa sa materyal na pagkauhaw.

Katanghaliang-tapat sa maraming lugar ngayon sa ating daigdig. Nag-iinit ang maraming tao sa iba-ibang bansa kung saan ang mga namumuno ay mga makasariling taong mahigit 40 na taon na sa poder. Nagkakainitan rin ang mga Pinoy, nagtutunggali sa kung ano ang dapat gawin sa harap ng mainit na suliranin tungkol sa kahirapan at sa para sa kanila ay walang ampat na pagdami ng tao sa bayan natin. Sa maraming lugar sa daigdig, init ng ulo, at hindi kapayapaan ang naghahari.

Sa gitna ng nagpupuyos na damdaming ito ng karamihan, uhaw ang gumuguhit sa ating lalamunan at kalooban – uhaw sa kapayapaan, katarungan, at pagkakaunawaan sa isa’t isa.

Sa katanghaliang tapat na ito ng ating buhay bilang Pinoy at bilang Kristiano, may ilang mahahalagang turo ang kwento ng samaritanang lumabas upang umigib ng tubig sa kainitan ng araw.

At ang aral na ito ay isang malaking sorpresa para sa atin. Sa kanyang tila patalon-talong pagtatanong, tumimo pala sa puso niya ang mga sinabi ng Panginoon. At habang tila umiinit ang kanyang upuan sa mga tanong ng Panginoon, uminit rin ang kanyang pagpapasya. Ang ginawa niya ang kanyang pinagpasyahan …

Ipinamalita niya ang tungkol sa nakausap niya sa balon. Isang mahalagang tanong ang namutawi sa kanyang mga labi – ang pinakamahalagang tanong na dapat rin nating bigyang-pansin … “Siya kaya ang ipinangakong Mesiyas?”

Tayo man ay nakakaranas ng init sa ating pagka-upo. Binabagabag rin ang ating konsiyensiya hinggil sa maraming bagay, tungkol sa mga taong kinakasama natin, tungkol sa pagtrato natin sa kapwa tao, tungkol sa paglulustay natin ng yaman ng kalikasan, na nagdudulot ng patuloy na pag-iinit ng klima sa mundong ibabaw. Tayo man ay inaanyayahang mag-isip.

Sa dami ng sekretong nabunyag sa pakikipag-usap ng samaritana kay Kristo, nabuo sa kanyang isipan ang magsiwalat sa kapwa ng kanyang niloloob. Nabagabag siya … at nagkwento sa kapwa niya … “Sinabi niya sa akin ang lahat ng aking ginawa … Hindi kaya siya ang Mesiyas?”

Patuloy ang pagdatal ng katanghaliang tapat sa buhay natin. Patuloy nating nararanasan ang iba-ibang uri ng pagkauhaw sa buhay natin. Ngunit hindi lamang pag-iigib ng tubig ang siyang dapat natin gawin. Kailangan natin ng bagay na higit pa sa tubig …. Kailangan natin ng karunungang mula sa itaas … karunungang tulad ng tubig na buhay na kapag ininom ay hindi na magdudulot ng pagka-uhaw. Kailangan natin ng gabay na maghahatid ng kasagutan hindi lamang sa kung saan puedeng makapag-igib, o kung paano lutasin ang kahirapan, o kung tama ang panukalang batas na isinusulong ng mga mambabatas, na nagbibigay ng pamatid-uhaw nguni’t hindi naghahatid sa tubig na buhay na hindi na kailanman magdudulot ng pagka-uhaw.

Sa gulo ng usapan, sa init ng talakayan, sa dami ng balitaktakan, tunay na tayo ay nasa katanghaliang-tapat ng isang malalim na pagka-uhaw. Kailangan natin ng sagot. Hindi na dapat tayo magbato ng kung ano-anong tanong sa Panginoon na walang kinalaman sa kanyang sinasabi. Hindi na tayo dapat magmaang-maangan pa. Uhaw tayong lahat sa karunungan. Gulong-gulo ang isipan natin dahil sa maraming bagay, tulad ng salapi at kung ano ang kikitain ng marami sa usaping ito.

Tulad ng samaritana, na parang hindi nakikinig, dapat maantig ang damdamin natin, at matutong magtanong nang tama … Kahit na napahiya siya, ipinagmakaingay niya ang ginawa ng Panginoon …. “Sinabi niyang lahat ang aking ginawa … Hindi kaya Siya ang Mesiyas?”

Ang sagot sa tanong na ito ang tunay na sagot sa malaki nating problemang ito … uhaw sa katanghaliang tapat.

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: