DAKILANG KAPISTAHAN NI KRISTONG HARI
Nobyembre 20, 2011
Mga Pagbasa: Ez 34:11-12.15-17 / 1 Cor 15:20-26.28 / Mt 25:31-46
Hindi kaila sa lahat na magulo ang politika saanman. Sa Europa, halos magsipagbuwagan ang mga gobyerno dahil sa mas masahol pang sitwasyon ng ekonomiya. Sa mga bansang pinamumugaran ng mga diktador, malamang na hindi mapagkakatulog ang mga diktador na kapit-tuko pa rin sa kanilang poder, sa kanilang posisyon, at mapanlinlang na mga administrasyon. Ang mga inihalal na matindi ang mga pangako hinggil sa pagbabago ay di malayong hindi na muling manalo, sapagka’t wala namang nagbago sa takbo ng kanilang pamumuhay.
Mahirap ang tayo ng mga hari … Sa ilang mga bansang mayroon pang hari o reyna, ang malaking problema nila ay ang makakita ng karapat-dapat na kahalili. Sa Thailand, bagama’t napaka tanyag at popular si Haring Bhumibol, hindi kaila na ang kanyang anak, ang prinsipe, ay isang kabiguan para sa mga taga Thailand. Sa ilang mga bansa sa Africa, ang mga namumuno ay nanganganib na sapitin ang kahindik-hindik na sinapit ng diktador ng Libya, si Ghadafi.
Mahirap ang mamuno. Mahirap ang mangasiwa. Kahit saan, ang may putong na korona ay hindi matiwasay ang buhay … “uneasy lies the head that wears a crown,” ika nga. Mahirap ang maghari. Mahirap ang magkaroon ng karangalang umupo sa kataas-taasang trono. Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, ay nagtataka ako kung bakit nagkakandarapa ang mga bihasa sa katiwalian, at nag-uunahan upang maging presidente ng Pilipinas, na pagkatapos naman ng termino ay singkaran nang paghahanapan ng butas, para ipako sa krus, o kung hindi man ay ikulong sa piitan.
Ito ang telon sa likod ng entablado natin sa araw na ito. Ano ba ang eksena? Sino ba ang bida sa ating entablado sa liturhiya natin ngayon?
Mahirap man natin isipin, isang Hari ang nasa sentro ng ating eksena ngayon – si Kristong Hari!
Pero ano ba ang takbo ng kwento natin ngayon? Kwento ba ito na tulad kay Ghadafi, o tungkol sa kinamumuhiang si GMA? Kwento ba ito tungkol sa mga AFP generals na sa liit ng kanilang sweldo at laki ng kanilang pagkagahaman ay nakapag-tago ng daan-daang milyon, hindi lamang sa Pilipinas, kundi pati sa Amerika at sa buong mundo? Kwento ba rin ito tungkol sa isang mapaghiganting Presidente na walang inatupag kundi maghanap ng isisisi sa nauna at maghanap ng masisisi sa hindi niya kayang gawin? Kwento ba ito tungkol sa mga mapanlinlang at magulang at masibang mga pinuno na walang ginawa kundi mag-imbestiga at magpapogi sa harapan ng kamera at mag-ipon ng mga alipores upang maging kampon sa susunod na eleksyon?
Ang eksena natin ay tungkol sa hari ngunit kakaibang hari, kakaibang pinuno, na may kakaibang mga pinahahalagahan. Ito ay kwento ng isang hari na walang kaharian, isang pinunong walang inuutusan at kinukutusan (o kinokotongan). Ito ay Hari na ang paghahari ay hindi makamundo, at lalung walang kinalaman sa kamunduhan.
Ito ang pinunong ang pamunuan ay wala sa kapangyarihan, kundi sa panunungkulan, sa paglilingkod, at kahinahunan. Ito ang paghaharing ang pangunahing pakay ay ang tipunin, kupkupin, at arugain ang kanyang kawan.
Kawan! … hindi kaharian! Tupa! Hindi lupa at lugar na pinamumugaran!
Hindi kaila sa atin lahat na ang Israel mismo ay hindi pinalad sa kanilang mga pinuno. Sa salin-saling mga namuno sa Israel, na pawang nakabiyak ng puso ng mga Israelita, Diyos na mismo ang nangako at nagwika at nagpamalas nang kung ano ang kahulugan ng mamuno – na walang iba kundi ang maglingkod, manungkulan, at magpa-alipin: “Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan. Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, at babantayan ang malulusog at malalakas.”
Ang mga haring makamundo ay may mga kaharian, may pinaghaharian, may mga taong nasa kanilang pinangingibabawan.
Sa kapistahang ito ng Kristong Hari, hindi ang kanyang pagiging nasa itaas o nasa ibabaw ang pokus, ang tinutukoy at binibigyang-halaga ng liturhiya. Hindi ito tungkol sa kanyang kapangyarihan, kundi tungkol sa ating kakayahang magpasailalim at sumunod sa Kanyang kalooban.
Kailangan natin ng Hari – hari ng puso at kaisipan bago maging hari ng sangkalupaan. Ang trahedya sa panahon natin ay ito … Gusto nating maging hari, pero ayaw natin ang paghahari ng Diyos. Gusto natin ang Panginoong Jesucristo, pero ayaw natin ang krus na kanyang pinasan. Gusto natin ng luwalhati, pero ayaw natin ng pighati. Gusto natin ng tagumpay, pero ayaw natin ang pagpupunyagi.
Oo … si Kristo ay Hari … Pero hindi ang kanyang pagiging Hari ang mahalaga ngayon. Ang pinakamahalaga para sa atin ngayon ay ito … anong uri ba tayong tagasunod? Anong uri ba tayong mga tagasunod sa Haring siya mismo ang nagpakita kung ano ang kahulugan ng maka Kristiyanong panunungkulan … “Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan.”
Mabuhay ang paghaharing ito ni Kristong Panginoon!