frchito

Archive for Setyembre, 2012|Monthly archive page

NI NAGHIMAGSIK NI TUMALIKOD!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Propeta Isaias, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Setyembre 15, 2012 at 14:07

Image

Ika-24 na Linggo Taon B

Setyembre 16, 2012

Mga Pagbasa: Isa 50:5-9 / San 2:14-18 / Mc 8:27-35

NI NAGHIMAGSIK NI TUMALIKOD!

Sa biglang tingin, mahirap paniwalaan ang inasal ni Isaias. Matapos pahirapan, matapos kutyain, hamakin, at tuligsain nang lubusan, ang kanyang ipinalit ay isang tiim-bagang at patuloy na katapatan sa Diyos: “hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya.”

Lahat tayo ay may kanya-kanyang kwento tungkol sa pagmamalabis ng kapwa. Lahat tayo ay nakaranas nang matapakan, at ituring na parang basahan o kahit man lamang ang hindi kilalanin nang ayon sa ating tunay na kakayahan.

Ang lahat ng ito ay pinagdaanan ni Isaias, ang “nagdurusang Lingkod” ni Yahweh.

Ilagay man natin ang sarili sa kanyang pinagdaanan, malamang na ang tugon natin ay ang pagpupuyos ng damdamin. Himihiyaw tayo at umaangal … Nagpupumiglas ang damdamin natin kapag hindi tayo napagbigyan, kapag hindi kinilala at binigyang pitagan.

Subali’t isang mahalagang aral ang dulot ngayon ng mga pagbasa ngayon. Tingnan natin sumandali ang bawa’t isa…

Ang larawan ng nagdurusang Lingkod ni Yahweh ay isang buhay na aral para sa bawa’t isa sa atin – ang katotohanang may angking patunay na taglay ang pananampalataya. Patunay na ipinamalas ng mga taong sukdulan ang tiwala sa Diyos, at punong-puno ng wagas na pananampalataya sa Panginoon.

Tulad halimbawa ni Padre Pio … Hindi madali ang naging buhay niya. Nandyan ang pagdikitahan siya … nandyan ang pagdudahan ang kanyang mga sugat sa kamay at tagiliran …. Nandyan din ang pagbintangan siyang gawa-gawa lamang niya ang sariwang sugat sa palad na diumano ay pinapatakan niya lamang ng carbolic acid. Nandyan din ang pagbawalan siyang magpakumpisal, o magmisa para sa publiko.

Halimbawa rin itong ipinakita ng marami pang mga santo … Tulad ni Don Bosco na pinagbintangang isang hibang at pinagpilitang ipadala sa mental hospital … Tulad ni San Benito Menni na pinalayas at hindi pinayagang makapaglingkod sa sarili niyang kongregasyon, bagkus ipinatapos sa Francia.

Nguni’t ang buhay nila kung saan ipinamalas nila ang katatagan sa gitna ng pag-uusig ang siyang patunay na malinaw sa sinasabi ni Isaias at ng salmista: “Kapiling ko habambuhay ang Panginoong Maykapal!”

Bilib ako sa mga dakilang santong ito. Bilib ako kay Isaias. At iisa ang dahilan ng lahat ng ito. Hirap akong tanggapin ang mapait na katotohanang kapag gumawa ka ng mabuti ay kapalit nitong malimit ang pag-alipusta ng marami.

May mahalagang liksyon para sa ating lahat na nanghihinawa ang pagbasa sa araw na ito. Tulad halimbawa ni Santiago na nagtuturo sa atin na ang pananampalataya ay dapat ipakita rin sa gawa, at hindi lang sa salita: “Patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.”

Madali para sa aming mga pari ang magwika tungkol sa Diyos. Mahabang panahon kaming nag-aral at nagsunog ng kilay, ika nga. Maraming pagkakataon na kami ay hinihingan ng mga salita tungkol sa Diyos sa mga rekoleksyon, sa mga retreat, sa mga Life in the Spirit Seminar, at iba pa.

Ganoon din ang marami sa ating mga simpleng katoliko … mga katekista, mga lay leaders sa parokya …

Pero sa araw na ito, ang hinihingi sa atin ay isang patunay, isang patotoo. At ang patotoong ito ay para dapat pulp bits ng Royal Tru-orange … nakikita dapat … nababanaag … nasasalat …

Bakit? Tingnan natin ang tanong ng Panginoon sa ebanghelyo. Ang una ay madaling sagutin: “Sino ba ako ayon sa mga tao?” Daglian at mabilisang sumagot ang mga disipulo … Madaling sagutin kapag ang tugon ay walang kinalaman sa sarili nating katatayuan. Madaling mangako ng anu man kung hindi tayo ang gagastos o magbabayad. Madaling magkaloob ng bagay, lalu na’t hindi galing sa ating bulsa. Madaling magbitaw ng salita kung hindi tayo inaasahang patunayan ang mga ibinulalas sa bibig.

Pero ito ang matindi. Ito ang mahirap … “Kayo naman – ano ang sabi ninyo kung sino ako?”

Dito tayo natitigilan … Dito tayo nag-aalangan … Sapagka’t dito tayo sinusubukan! Mahirap ang manatiling tahimik kapag kalyo mo na ang natapakan. Mahirap mag-asal banal kung tayo ay pinag-uusig at pinahihirapan. Mahirap ang busalan ang bibig kung ikaw ay nilalapastangan!

Pero ito mismo ang ipinakita ni Isaias at ng kanyang nagdurusang Lingkod! Ito ang tru-orange na may pulp bits. Ito ang tunay na kabanalan at kadakilaan – ang manatiling tapat … ang manatiling nasa wastong daan, sa kabila ng pandudura at pang-iinsulto ng mga taong walang bilib sa atin … ang manatiling hindi naghihimagsik ni tumatalikod sa kanya sa kabila ng lahat.

Ito ang mahirap gawin. Ito ang matinding tuntunin na pinagdadaanan ng mga banal. At ito ang panawagan sa atin: ang hindi maghimagsik ni tumalikod sa Kanya.

Pakiusap ko at paalaala sa lahat … Manatili nawa tayo sa tamang landas. Huwag sana tayo padala sa bugso ng damdaming madaling manghinawa at magsawa sa paggawa ng mabuti. Malinaw ang pangakong naghihintay sa mga tapat: “Kapiling ko habambuhay ang Panginoong Maykapal!”

Advertisement

SA MGA TULAD KONG PINANGHIHINAAN NG LOOB

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon B on Setyembre 8, 2012 at 12:00

Image

Ika-23 Linggo ng Taon B

Setyembre 9, 2012

Mga Pagbasa: Is 35:4-7a /Santiage 2:1-5 / Mc 7:31-37

SA MGA TULAD KONG PINANGHIHINAAN NG LOOB!

Wala akong maalalang pagkakataong ako ay dinapuan ng matinding takot liban sa isang pagkakataon noong ako ay batang musmos pa lamang. Gabing madilim at malalim na ang gabi. Mag-isa ako sa kwarto at sa labas ay ingay ng mga matatandang tila takot ang aking narinig. Naalimpungatan ako at natatandaan kong pinagpawisan ako ng malamig. Hindi ko matandaan kung ano ang aking kinatatakutan, pero tandang-tanda ko ang pakiramdam ng matinding takot.

Nguni’t sa aking katandaan, alam kong ako ay mga pangamba at takot pa rin. Tulad ng lahat ng tao, takot ako tumanda. Takot rin ako magkasakit. Takot akong maging pasanin at alagain ng ibang tao. Takot ako na maging isang suliraning dapat tiisin ng iba.

Sa nakaraang Linggo dinaanan ang buong bansa ng isang matinding takot. Isang malakas na lindol, na nagmula sa ilalim ng dagat ang gumulantang sa buong bansa, magmula Davao sa timog hanggang sa Baguio sa hilaga. Sa kabutihang palad, ang lindol ay nagmula malayo sa karagatan at hindi nakasandi ng matinding pinsala sa buhay at kabuhayan ng marami.

Sinasagian ng takot ang puso natin malimit. Kundi takot ay pangamba, pag-aagam-agaw, at kung minsan, ay panghihinawa. Sa pagtakbo natin sa buhay na makamundo, pati mga mananakbo kung minsan ay natitisod, napapatid, at natutumba. Kahit ang pinakamasigasig na tao ay nanghihinawa, nagsasawa, napapagod, at nadadala ng pag-aalinlangan.

Ito ang paksa ng tatlong pagbasa ngayon. Ang una ay may kinalaman sa mga pinanghihinaan ng loob. Ang ikalawa ay ang mga nanghihinawa sapagka’t sila ay hindi itinuturing na kapantay ng iba. May tinitingnan, ika nga, at may tinititigan. Ang ikatlong pagbasa naman ay may kinalaman sa hindi pinapansin ng madla – ang mga pipi, ang mga bingi – ang mga taong dahil sa kapansanan ay hindi pinahahalagahan ng lipunan.

Alam kong lahat tayo ay may karanasan na may kinalaman rito – ang hindi mapahalagahan, ang hindi makilala, ang hindi kilalanin, at hindi tangkilikin ninuman. Ito ang pinakamasakit na karanasan ng isang tao, ang tikisin, ang hindi tauhin, at hindi pahalagahan ninuman.

Marami sa atin ang maraming magandang hangarin. Marami sa atin ang may kagustuhan magawa at marating. Marami rin sa atin ang may gustong ilagak para sa ikabubuti ng lipunan, pero hindi natin magawa sapagka’t walang tiwala, walang paniwala – walang bilib sa kakayahan natin.

Kaming mga pari ay bihasa rito. May mga grupong magaan kausapin, madaling bigyan ng pangaral. Bakit?  Sapagka’t mayroon silang tinatawag na “audience sympathy.” Mayroon silang kabukasan ng isipan, kabukasan ng kalooban, at kakayahang makinig. Hirap kami sa mga taong antemano ay diskumpiyado na sa amin, na sa mula’t sapul, ay wala nang pagpapahalaga sa amin.

Sa mga araw na ito, bugbog sarado ang marami sa amin. Sapagka’t ipinagtatanggol namin ang pangaral ng Simbahan, kung ano-ano ang ibinabato sa amin. Nariyan ang sabihing kami raw ay walang alam sa pamilya kaya’t dapat kami ay manahimik na lamang. Nariyan rin na kami ay sabihang makasalanan din naman rin, kung kaya’t dapat na lamang busalan ang bibig. Nariyan rin ang sabihing kaming lahat ay nag-aabuso, at hindi nagbabayad ng buwis. Lahat na yata ay ipinupukol sa amin … pati na ang lababo galing sa kusina.

Marami rin sa aking mga tagabasa ang nakararanas ng panghihinawa. Matapos gumawa ng mabuti, malimit na sila pa ang masama. Matapos ipagtanggol ang Diyos, sila pa ang nagdurusa. Matapos magsikap magpakatino bilang Kristiano, ay sila pa ang sinasagian ng lahat ng suliranin at pagsubok.

Maging ang mga manlalaro ay natitisod rin, natatapilok, natutumba rin kung minsan.

Sa mga sandaling ito, kailangan nating lahat ng kaunting paalaala, pagunita, pabaon at pampagaan ng isipan.

Ito ang aral sa ating lahat ngayon, yamang tayo ay nakararanas lahat nito: pahatid sa mga taong pinanghihinaan ng loob. Ano ang paalaalang ito?

Una, “huwag kang matakot, lakasan ang iyong loob, darating na ang Panginoong Diyos, at ililigtas ka sa mga kaaway.”

Ikalawa, “hinirang ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutan upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya.”

Ikatlo, malinaw sa halimbawa ng Panginoon na nasa panig siya ng naaapi, ng nasasa-isantabi, ng hindi itinuturing na mahalaga sa mga mata ng tao at lipunan. Tulad na lamang ng pipi at bingi. Siya ang pinaburan ng Diyos. Siya ang binigyang halaga ng Panginoon. At ano ang kanyang wika sa mga tulad nating ngayon ay tila pinanghihinaan ng loob?

Effata! Mabuksan!

Mabuksan nawa at bumuhos ang masaganang biyaya na kalakasan ng loob at katatagan ng pananampalataya nating lahat. Matindi ang laban. Maraming dahilang upang mangamba, manghinawa, at magsawa sa paggawa ng mabuti.

Sa mga tulad ko’y di miminsang pinanghihinaan ng loob, “huwag matakot! Lakasan ang loob!” Ang Diyos ay Diyos ng awa at habag at kagalingan!