frchito

Archive for the ‘Propeta Isaias’ Category

HAMAK O PAYAK, SUBALI’T PINAGPALA

In Karaniwang Panahon, Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Isaias, Taon K on Pebrero 6, 2016 at 06:01

Konrad_Witz_–_Petri_fiskafänge

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K

Pebrero 7, 2016

HAMAK NGA O PAYAK, SUBALI’T PINAGPALA

Isa sa mga katangian ni Isaias ay ang pagiging tapat. Walang ere, ika nga. Walang matayog na ambisyon para sa sarili. Tinanggap niya ang katotohanan tungkol sa sarili. At ang katotohanang ito ay tinanggap niya tulad nang pagtanggap niya sa katotohanan tungkol sa Diyos: matayog, banal, at walang katulad o kapantay sa lupa: “Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos ng mga hukbo. Ang kanyang kaningningan ay laganap sa sanlibutan.”

Kung paanong ipinagbunyi niya ang Diyos, ganoon din naman na ipinahayag niya ang kanyang pagiging hamak: “Kawawa ako. Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi.”

Hindi rin nalalayo ang makatotohanang pagkilala ni San Pablo sa kanyang sarili: “Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol, ako’y di karapat-dapat tawaging apostol, sapagkat inusig ko ang simbahan ng Diyos.”

Kung tutuusin, ito ang kwento ng bawa’t buhay natin … Tulad ng nakararaming mga Pilipino, tayo ay mga simpleng tao, payak ang pinagmulan, at isinilang nang walang kutsarang pilak sa bibig. Kakaunti sa atin ang may lahing hacendero, ika nga. At kung ihahambing sa Diyos, ay sadyang wala tayong anumang puedeng ipagyabang, liban sa ating mga kasalanan.

Subali’t ang salaysay ng buhay ni Isaias at ni Pablo, bilang propeta at apostol ay siya ring dapat maging takbo ng buhay natin. Tulad nila, hamak man o makasalanan; payak man o walang sinasabi sa buhay, tayo ay pinagkalooban ng biyaya ng Diyos … hinirang at tinawag upang gumanap sa isang tungkuling hindi karapat-dapat para kaninuman.

Ganito magmahal at humirang ang Diyos. Ganito siya magbigay-buhay at magtaguyod ng buhay. Wala siyang itinatangi. Hindi siya nadadala ng kung anumang makataong pamantayan liban sa pag-ibig na walang hangganan. Tinawag niya si Isaias. Hinirang niya si Pablo, na dating taga-usig ng simbahan.

At … higit sa lahat, ay hinirang niya ako at ikaw… walang sinasabi sa buhay … walang anumang hibla ng pagiging dapat at kaaya-aya .. walang kaya, walang pangalan, walang anumang posisyong pinanghahawakan.

Iisa lamang ang utos niya ngayon sa atin: “Pumalaot kayo at ihulog ang lambat upang manghuli.”

Wala siyang sinabing tumaas. Wala siyang binanggit tungkol sa pagkakamal ng salapi o pag-angat sa antas ng lipunan. Ang kanya lamang tagubilin ay ang pumalaot at ihulog ang mga lambat.

Hindi nagbago ang kanyang pangaral. Inaasahan niya pa rin ang mga taong tapat … mga taong tumatanggap sa katotohanan … mga taong tanggap rin ang kung sino o ano sila … mga hamak at payak, subali’t pinagpala!

Advertisement

ANINAG AT ANINO

In Panahon ng Pasko, Propeta Isaias, Taon K, Uncategorized on Enero 2, 2016 at 09:56

Unknown

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Pagpapakita ng Panginoon

Enero 3, 2016

ANINAG AT ANINO

Panay liwanag at kaningningan ang laman ng mga pagbasa ngayon. Tampok ang kaliwanagan sa liturhiya at mga pagbasa sa Pista ng Pagpapakita ng Panginoon. Sa gitna ng dilim ay liwanag ang iiral, ayon kay Isaias. Dala nito ay panay at wagas na kagalakan.

Liwanag rin ang pahatid ng ebanghelyo – ang liwanag ng tala na naghatid sa mga pantas sa kinaroroonan ng bagong silang na sanggol. At liwanag ng paniniwala ang kanilang ipinakita sa mundong naghihintay sa pagdatal ng bagong balita ng kaligtasan.

Pero alam nating kapag may liwanag o aninag ay mayroon rin anino. Alam nating kapag may kagalakan ay mayroon ring nagkukubling kalungkutan. Sa likod ng lahat ng liwanag na ito ay may nagtatagong kadiliman ng budhi sa puso ni Herodes, na may ibang pakay na kabaligtaran sa pakay ng mga mago.

Ito rin ang larawan ng buhay nating lahat. Sabi nila, sa bawa’t gubat raw ay may ulupong. Sa bawa’t 12 tao ay may isang Judas. At sa kabila ng dalisay na hangarin ng mga mago, ay mayroong isang nagngangalang Herodes na may ibang balak at ibang plano sa buhay.

Dalawa rin ang larawan sa kaibuturan ng puso nating lahat. May kakayahan tayong lahat na gumawa ng kabutihan, pero may kakayahan rin tayong lahat na gumawa ng kabutihan. May bahaging madilim sa ating budhi, tulad nang may bahaging maliwanag at dalisay sa ating puso.

Ito ang tanong sa ating lahat ngayong pista ng pagpapakita ng Panginoon.

Nasaang panig ba tayo? Sino ba tayo sa mata ng Diyos at ng tao? Kaya ba nating ipakita at ipahayag sa lahat ang magandang bahagi ng ating pagkatao at tumulad sa mga Mago?

Walang dudang nagpakilala ang Diyos sa pamamagitan ni Kristong kanyang Anak. At nakilala sila ng taong nababalot ng liwanag, at tao rin nababalot ng kadiliman. Naparito Siya bilang liwanag sa isang mundong nababalot ng kadiliman, at ang kadiliman kailanman ay hindi na makapananaig.

Siya ang liwanag sa karimlan, ang buhay natin at kaligtasan. Purihin ang Diyos Ama. Purihin ang Diyos Anak. Purihin ang Diyos Espiritu Santo!