frchito

Archive for Hulyo, 2013|Monthly archive page

NASA INYONG BIBIG; NASA INYONG MGA PUSO!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon K on Hulyo 12, 2013 at 15:15

imagesIka-15 Linggo Taon K

Hulyo 14, 2013

NASA INYONG BIBIG; NASA INYONG PUSO

May nagsabing ang tao daw ay may dalawang tainga at isang bibig, para tayo raw ay makinig nang higit kaysa sa magsalita. Sa ganang akin, hindi problema ang magsalita, kahit gaano kalimit, at gaano karaming beses. Mas malaking problema sa akin ang walang pandinig. Ang mga bingi, kalimitan ay masyado malakas magsalita. Hindi nila siguro naririnig ang sarili nila kaya, bukod sa dakdak nang dakdak, ay napapalakas pa ang kanilang salita.

Ayon sa unang pagbasa, ang salita raw ng Diyos ay nasa bibig na natin, pero hindi lang ito … nasa puso rin natin. Nasa kaibuturan kumbaga ng ating buong pagkatao. Ang salita ng Diyos, kumbaga, ay hindi lamang pambibig; pampuso rin. Ang salita ng Diyos ay hindi lamang para bigkasin, kundi bunga rin ng simulain ng hangarin at pag-ibig.

May katotohanan ito para sa maraming Pinoy (Finoy?). Marami sa atin ang aral sa katesismo. Marami sa atin ang binyagan sa simbahan, o nakapag-aral sa paaralang katoliko. Ito ang totoo. Ngunit totoo rin na marami ang aral nga, nguni’t hindi babad sa tunay na pananampalataya. Maraming katoliko ay walang iniwan sa bakal na tubog lamang sa ginto … mababaw, pahapyaw at panglabas lamang ang pagiging mananampalataya.

Bakit ko nasabi ito? Kayo na ang humusga. Kanya-kanya ang marami sa kanilang paniniwala. Kanya-kanyang pili sa kung ano ang dapat nilang lubos na sundin, tulad ng naganap kamakailan sa mga usaping may kinalaman sa RH law. Parang mga eskperto ang lahat na nagsasabing “dapat magising na ang simbahan sa makabagong panahon,” o kaya, “masyadong pakialamero ang simbahan sa mga pampribadong gawain ng tao,” at iba pang mga palsong mga panukala.

Nang panahon ni Moises, ang mga umangal tungkol sa batas ng Diyos ay aral din, kumbaga. Lahat sila ay iniligtas mula sa pagka-alipin sa Egipto. Lahat sila ay kumain ng mana sa ilang. Lahat sila ay umangal nang sila ay nasa estado ng pagka-alipin. Pero sa gitna ng kalayaan, madaling lumimot ang tao. May higit pang hanap, mag higit pang gusto, at may higit pang nasa. Pati ang pagiging malapit nila sa Diyos sa ilang ay nagmistulang isang pagka-alipin.

Nguni’t ito ang katotohanan. Ang paniniwala ay may kaakibat na pananagutan at panunungkulan. Ang pananampalataya ay dapat may kaakibat na gawa. Ang lahat ng credo ay may kasamang codigo. Kung tayo ay may pagturing sa Diyos ay mayroon rin dapat sinusundang tuntunin. Ito ang kahulugan ng ating tugon matapos ng unang pagbasa: “dumulog tayo sa Diyos, upang mabuhay nang lubos.”

Sa ebanghelyo, ilang tao ang nag-asal malaya. Dumaan at lumampas lamang sa isang taong lubhang nangangailangan ng tulong. Malayo sila sa biglang wari subali’t alipin sila ng kanilang mismong kalayaan. Tanging isa lamang ang tunay na malaya – ang marunong tumanaw sa kanyang tungkulin sa ngalan ng kawang-gawa o pagmamahal sa kapwa.

Mahirap sumunod sa mga utos at kalooban ng Diyos. Pero ito ang tuntunin ng buhay na nakatuon sa tunay at wagas na kalayaan. Mahirap ang sumunod sa batas ng Diyos, pero ito ang daang naghahatid sa tunay at walang maliw na kalayaang panloob. Mahirap ang tumugon sa tawag ng katarungan at pag-ibig sa kapwa, pero ito lamang ang naghahatid sa buhay na ganap at kaaya-aya para sa lahat.

Mahirap ang magpakabuti at magpakabanal. Mas madali ang sumunod sa agos, ang mamuhay nang walang pansin sa mga lubhang nangangailangan – ang tumingin na lamang sa kabilang bahagi, ang umiwas sa tama, at makapag patintero sa wasto at karapat-dapat. Mas madali ang magpadala sa kalakaran, sa takbo ng isipan ng nakararami.

Mahirap ang maraming tao at maraming gusgusing bata sa kalye. Mas madali ang putulin ang kakayahan nilang dumami, kaysa tustusan ang kanilang edukasyon, at turuan ang tao na tumahak sa landas na kakaunti ang dumaraan. Mahirap ang masabit sa tungkuling hindi naman iyo, kundi tungkulin ng tunay na mayayaman at nanggigitata sa pera.

Ito mismo ang ginawa ng saserdote, at ng Levita. Huminga ng malalim, kumurap, at nagpatuloy. Ito ang madaling gawin. Mahirap na ang masabit pa.

Aminin natin … sa maraming bagay sa buhay natin, alam natin ang tama at wasto at dapat. Iisa lamang ang kulang nating gawin – ang humayo tayo’t ganuon din ang gawin natin. Nasa ating bibig; nasa ating mga puso …

PARANG TUPA SA GITNA NG MGA ASONG-GUBAT

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Hulyo 6, 2013 at 09:06

imagesIka-14 na Linggo Taon K

Julio 7, 2013

TILA KORDERO SA GITNA NG MGA ASONG-GUBAT

Dumarating ba sa buhay ninyo ang pagkakataong pakiramdam nyo para kayong pusa napapalibutan ng mga galit na galit na aso? Hindi rin ba kayo nakakaramdam na sa ilang pagkakataon, para kang isang maamong tupa na napapalibutan ng mga nagngangalit na asong-gubat?

Sumasagi sa buhay ng lahat ang karanasang ito … ang pakiramdam na wala kang kaya; wala kang lakas, at wala kang masyadong magagawa sa sitwasyon, at higit sa lahat, wala kang puedeng ipagyabang, wala ni anu mang maaring ipaghambog o ipagmakaingay kahit man lamang sa mga kaibigan mo.

Mahirap ngayon ang manindigan para sa tama. Ang tama ngayon ay kung ano ang pinagpasyahan ng marami. Ang mali ay nagiging tama, at ang tama ay siya pang itinuturing na mali. Ang tama at mali ay wala sa objetibong pamantayan, kundi nasasalalay sa pakiwaring personal ng tao.

Sa gitna ng kulturang ito, ang manindigan sa tamang moral at ayon sa batas moral ng Diyos ay tiyak na maglalagay sa iyo sa gitna ng mababangis na asong-gubat.

Ito rin ang kapalarang sinapit ni Pablo. Magmula nang tumiwalag siya sa pag-uusig sa Simbahan, naging susun-suson ang kanyang naging problema: pagkapiit, paghahagupit, pagkamuhi ng mga dating mga kakampi niya sa partido.

Wala itong iniwan sa kalagayan natin ngayon. Subali’t kung minsan, mabuti pa kung alam mong ang iyong kaaway ay ang mga antemano ay hindi mo kasamahan sa pananampalataya. Mas matindi at mas masahol kapag ang umaaway o lumalaban sa iyo ay mga kasamahan mo – mga taong nagsasabing sila raw ay sumasampalataya, pero hindi sumasang-ayon sa turo ng Simbahan … mga Kristiyanong parang namimitas ng aratiles sa puno, na pinipili lamang ang mga gusto nila, at itinatapon ang ayaw.

Sa kabila nito, puno ng pag-asa ang unang pagbasa. “Magalak ang lahat, magalak kayo dahil sa Jerusalem, ang lahat sa inyo na may pagmamahal … lahat kayong tumatangis para sa kanya.” “Ikaw ay lalakas at lulusog, sa gayon, malalaman mong akong Panginoon ang kumakalinga sa mga tumatalima sa akin.”

Pag-asa rin ang himig ni Pablo sa kanyang liham sa mga taga Galacia. Sa katunayan, may halo pang konting pagyayabang: “Ang krus lamang ng ating Panginoong Jesucristo and siya kong ipinagmamakapuri.”

May katotohanan ang sabi ni Papa Francisco. Aniya, kung nagiging hindi komportable ang mga tao dahil sa ating pangaral, iisa lamang ang ibig sabihin nito … ginagawa natin ang tungkulin upang mangaral at magpalala sa kanila.

Ito ang aking paghamon sa aking sarili at sa inyo mga kapatid at kaibigan.
Salat na salat tayo ngayon sa konsolasyon at kagalakan dahil sa kasalatan sa wastong pananampalataya at pagtalima. Kulang na kulang ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kung meron mang marami at sagana ay ito: “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa.”

At lalong magiging kakaunti kung ganitong tila wala tayong ginawang tama sa mata ng tao sa mundong ito ngayon. Sariwain sana natin ang paghamon sa atin ng Panginoon: “Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat.”

Tulad niya … Tulad ni Pablo … Tulad ng lahat ng mga banal. Tandaan lamang: “nakatala sa langit ang pangalan ninyo.” Hindi pa ba sapat ito?