frchito

Posts Tagged ‘Katapatan sa Pananampalataya’

MADALING MAGHANAP; MAHIRAP GUMANAP!

In Uncategorized on Oktubre 17, 2015 at 08:13

Jesus calling His disciples

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-29 na Linggo ng Taon B

Oktubre 18, 2015

MADALING MAGHANAP; MAHIRAP GUMANAP!

Pagsubok ang nasa harap ng mga Hebreo. Alam nilang humihirap ang buhay nila, na naging kumplikado dahil naniwala sila at sumunod sa turo ng Galileo. Ang pinakamadali ay ang magbalik sila sa Judaismo, at tapos ang lahat ng kanilang problema.

Pero hindi ito ang pakay ng nagsulat sa kanila, kundi ang maghatid sa kanila ng panibagong pag-asa, sapagka’t mayroon silang “punong pari” na nakaluklok sa trono, na nagdaan sa lahat ng uri ng paghihirap at pagpapakasakit.

Ito ang tinutukoy ni Isaias na tagapaglingkod na tumupad sa kalooban ng Diyos at naghatid ng kaligtasan sa lahat.

Sa ebanghelyo, medyo nalasing ang magkapatid noong makatikim na kaunting tagumpay. Naging mapusok sila nang hiningi nilang iluklok sila sa kanan at sa kaliwa, kapag dumating na ang ganap na tagumpay.

At dito nila nabatid na madali ang maghanap, pero mahirap ang gumanap. Madali ang mag-asam, pero hindi ganoon kadali ang tumupad sa lahat ng kahihinatnan ng kanilang nais.

Hindi kailanman naging kasalanan ang mag-asam. Hindi masama ang magkagustong maging dakila, maging tanyag, maging matagumpay. Hindi kasalanan ang maghanap nang higit, ang magsikap maging kilala at maging isang taong titingalain ng balana.

Hindi ito ang problema. Nang magnasa ang magkapatid na umupo sa kanan at sa kaliwa ng Panginoon, kagya’t sila tinanong ng Panginoon: “Kaya ba ninyong pasanin ang aking pasanin? Kaya ba ninyong tanggapin ang bautismong aking tinanggap?”

Sa mga nakaraang araw, nakita natin kung gaano karami ang nagnanasang maging Presidente o Vice Presidente. Libo libo pa ang gustong maging senador, kongresman, o mayor o governador sa buong kapuluan.

Lahat sila ay gusto raw mag-serbisyo sa bayan. Lahat sila ay gusto raw maglingkod.

Eto naman ang turo ng mga pagbasa ngayon. At walang makapagsasabing wala itong kinalaman sa nagaganap sa buhay natin ngayon.

Tulad ng mga Hebreo, dumarating ang panahon na gusto nating umurong, lalu na’t nakikita natin kung ano ang kahulugan ng pagsunod kay Kristo. Tulad nila, kailangan natin ng paalaala. Kailangan natin ng dagdag na pag-asa, at kabatirang, ang lahat ng dakila at kahanga-hanga ay hindi nakukuha sa salita, kundi sa gawa.

Madali ang maghanap; mahirap ang gumanap. Madaling maging senador, lalu na’t maraming pera ang partido mo. Madaling maging Presidente, lalu na’t suportado ka ng mga dambuhalang mga kompanya, na siya namang magdidikta sa iyo pagdating ng panahon. Madali ang pangako; mahirap ang magpapako sa turo ng wasto at tama, at kaaya-aya sa mata ng Diyos.

A ver … gusto mo ba kamo maging tagasunod ni Kristo at mag-ani ng luwalhati pagdating ng panahon?

Eto ang tugon sa ating mga ambisyoso at mapaghanap: “Ang Anak ng Tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ipagkaloob ang buhay para sa kaligtasan ng marami.”

Hala, campanya pa more! KOnti pang hanap! Konti pang ambisyon, pero hinay-hinay lang … kaya mo bang ganapin ang kay dali mong hanapin?

PARANG TUPA SA GITNA NG MGA ASONG-GUBAT

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Hulyo 6, 2013 at 09:06

imagesIka-14 na Linggo Taon K

Julio 7, 2013

TILA KORDERO SA GITNA NG MGA ASONG-GUBAT

Dumarating ba sa buhay ninyo ang pagkakataong pakiramdam nyo para kayong pusa napapalibutan ng mga galit na galit na aso? Hindi rin ba kayo nakakaramdam na sa ilang pagkakataon, para kang isang maamong tupa na napapalibutan ng mga nagngangalit na asong-gubat?

Sumasagi sa buhay ng lahat ang karanasang ito … ang pakiramdam na wala kang kaya; wala kang lakas, at wala kang masyadong magagawa sa sitwasyon, at higit sa lahat, wala kang puedeng ipagyabang, wala ni anu mang maaring ipaghambog o ipagmakaingay kahit man lamang sa mga kaibigan mo.

Mahirap ngayon ang manindigan para sa tama. Ang tama ngayon ay kung ano ang pinagpasyahan ng marami. Ang mali ay nagiging tama, at ang tama ay siya pang itinuturing na mali. Ang tama at mali ay wala sa objetibong pamantayan, kundi nasasalalay sa pakiwaring personal ng tao.

Sa gitna ng kulturang ito, ang manindigan sa tamang moral at ayon sa batas moral ng Diyos ay tiyak na maglalagay sa iyo sa gitna ng mababangis na asong-gubat.

Ito rin ang kapalarang sinapit ni Pablo. Magmula nang tumiwalag siya sa pag-uusig sa Simbahan, naging susun-suson ang kanyang naging problema: pagkapiit, paghahagupit, pagkamuhi ng mga dating mga kakampi niya sa partido.

Wala itong iniwan sa kalagayan natin ngayon. Subali’t kung minsan, mabuti pa kung alam mong ang iyong kaaway ay ang mga antemano ay hindi mo kasamahan sa pananampalataya. Mas matindi at mas masahol kapag ang umaaway o lumalaban sa iyo ay mga kasamahan mo – mga taong nagsasabing sila raw ay sumasampalataya, pero hindi sumasang-ayon sa turo ng Simbahan … mga Kristiyanong parang namimitas ng aratiles sa puno, na pinipili lamang ang mga gusto nila, at itinatapon ang ayaw.

Sa kabila nito, puno ng pag-asa ang unang pagbasa. “Magalak ang lahat, magalak kayo dahil sa Jerusalem, ang lahat sa inyo na may pagmamahal … lahat kayong tumatangis para sa kanya.” “Ikaw ay lalakas at lulusog, sa gayon, malalaman mong akong Panginoon ang kumakalinga sa mga tumatalima sa akin.”

Pag-asa rin ang himig ni Pablo sa kanyang liham sa mga taga Galacia. Sa katunayan, may halo pang konting pagyayabang: “Ang krus lamang ng ating Panginoong Jesucristo and siya kong ipinagmamakapuri.”

May katotohanan ang sabi ni Papa Francisco. Aniya, kung nagiging hindi komportable ang mga tao dahil sa ating pangaral, iisa lamang ang ibig sabihin nito … ginagawa natin ang tungkulin upang mangaral at magpalala sa kanila.

Ito ang aking paghamon sa aking sarili at sa inyo mga kapatid at kaibigan.
Salat na salat tayo ngayon sa konsolasyon at kagalakan dahil sa kasalatan sa wastong pananampalataya at pagtalima. Kulang na kulang ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kung meron mang marami at sagana ay ito: “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa.”

At lalong magiging kakaunti kung ganitong tila wala tayong ginawang tama sa mata ng tao sa mundong ito ngayon. Sariwain sana natin ang paghamon sa atin ng Panginoon: “Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat.”

Tulad niya … Tulad ni Pablo … Tulad ng lahat ng mga banal. Tandaan lamang: “nakatala sa langit ang pangalan ninyo.” Hindi pa ba sapat ito?