frchito

PALASPAS AT PAHIMAKAS

In Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Mahal na Araw, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Abril 12, 2014 at 14:26

Christ's Entry into Jerusalem by Hippolyte Flandrin c. 1842

Linggo ng Palaspas (Taon A)
Abril 13, 2014

PALASPAS AT PAHIMAKAS

Linggo na naman ng palaspas. Dagsa na naman ang tao sa mga simbahan, at tulad nang dati, mayroong darating nang huli sa Misa at magpupumilit magpabasbas ng palaspas sa labas ng Misa. Marami rin ang mga magbibiyahe sa probinsiya. Marami ang nagbabalak nang magpunta sa mga beaches, sa Borawan, Boracay, Matabungkay o saanman.

Para sa mga magsisimba sa araw na ito, mainam na simulan natin ang pagninilay sa sinabi ng Panginoon sa simula ng pagbasa ng pasyon ayon kay Mateo: “Ang nakatakdang panahon ay malapit nang dumating.” Ano ba ang nakatakdang panahong ito?

Madaling sagutin ito, pero hindi madaling ipaliwanag. Sa simpleng salita, ito ang tinatawag na “oras” ng kaligtasan, ang mahaba at masalimuot na prosesong itinalaga ng Diyos mula pa sa simula upang ibalik at ang tao sa kanyang nakatakdang tadhana. Ito rin ang tinatawag na misteryo o hiwaga ng gawang pagliligtas ng Diyos sa taong naligaw at nagkasala, upang mapanuto at maibalik sa kanyang piling. Ito ang binabanggit na hiwaga o misteryo na sa mula’t mula pa ay nasa isipan na ng Diyos na unti-unting ibinunyag sa mahabang kasaysayan ng kaligtasan, magmula pa kay Abraham, sa mga propeta, magpahaggang isinilang si Jesus na tagapagligtas.

Inaantok na ba kayo sa aking sagot? Sabi ko sa inyo, madaling sagutin, pero mahirap ipaliwanag.

Pero hindi mahirap intindihin na lahat tayo ay kailangan ng tulong mula sa itaas. Hindi mahirap unawain na tayo ay nangangailangan ng tagapagligtas. Ang Diyos na lumikha sa atin ay siya ring nagliligtas sa atin, at siya ring may balak para sa ating ganap na kaligayahan.

Nang si Jesus ay isinilang, may pagsasaya. Umawit ang mga anghel, at nagsipagsaya ang mga pastol, at ang mga unang nakakita sa isinilang na inaasahang Mesiyas. Nang si Jesus ay pumasok sa Jerusalem, nagsaya rin ang mga taong malaon nang naghihintay. Dito ngayon pumapasok sa usapin ang palaspas.

Sa kanilang pagsasaya at mapitagang pagbati sa inaasahang Mesiyas, nagwagayway sila ng mga sanga, mga palaspas, at naglatag ng mga balabal sa daan. Kasayahan ang diwa ng unang bahagi ng pagdiriwang ngayon. Ang palaspas ay hindi lamang palaspas na ipinapagaspas, kundi isang pahimakas … isang tanda … isang signo … isang pahatid tungkol sa higit na mahalagang bagay.

Ang lahat ng gagawin natin sa buong linggong ito (semana santa) ay pawang pahimakas. Ang mga ito ay tandang nagtuturo sa higit na malalim na kahulugan na may kinalaman sa ating kaligtasan. Pero hindi lamang tanda tulad ng isang tarpaulin, o tulad ng isang watawat. Ang mga tanda na nakikita natin at ginagawa sa liturhiya ay pawang tandang mabisa na nagsasagawa at nagsasakatuparan ng kung ano mang itinatanda o isinasagisag.

Sana ay huwag mauwi lamang sa tanda ang ating gagawin sa buong Linggong ito. Dagsa ang tao ngayon sa simbahan, pero sa Huwebes Santo, Biyernes Santo at Sabado de gloria, ay mas dagsa ang tao sa languyan, sa dalampasigan, at kung saan mas malamig.

Nagsimula tayo sa palaspas. Huwag tayong masiyahan sa kaunting pagaspas. Limiin natin sana at unawaing mabuti at magaling kung ano ang hatid na pahimakas, kung ano ang ibinubulalas ng ating ginagampanan sa simbahan.

Iisa lamang ito … ang ating kaligtasang naganap, nagaganap, at patuloy pang magaganap sa simbahan … ngayon … kung kailan ang nakatakdang panahon ay malapit na.

Ngayon ang nakatakdang panahon. Huwag sana tayo maghanap pa ng iba. Si Kristo ang mananakop at tagapagligtas: sa kanyang pagsilang, sa kanyang pagiging tao, sa kanyang paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay! Ang lahat ng ginampanan niya ay bakas at pahimakas ng ating panibagong bukas!

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: