Kapistahan nina San Pedro at San Pablo (A)
Hunyo 29, 2014
KAYA NATIN ITO, KAPATID!
Lahat tayo ay may karanasan sa pagiging pikon. May nakalaro marahil tayo noong bata pa tayo na pikon. Siguro, kasama tayo sa mga pikon, na kapag medyo natatalo ay sumusuko, bumibigay, o umaayaw sa laro. Pero meron din tayong nakilalang mga taong hindi agad sumusuko, bagkus nagpupunyagi, nagsisikap, kahit gaano kahirap.
Pista ngayon ng dalawang dakilang santo na parehong mapusok. Si Pablo ay isang datihang tagapag-usig ng mga kristiyano. Si Pedro ay naging isang tagapagtatwa sa Panginoon. Itinanggi niya na kilala niya ang Panginoon nang tanungin siya ng isang babaeng utusan.
Kung tutuusin, lahat tayo ay naging pikon, naging mapusok, naging duwag, at higit sa lahat, tumakas rin tayo sa pananagutan. Tingnan lang natin ang nagaganap sa ating lipunan … wala pang umamin sa mga nagnakaw ng 10 bilyong piso. Wala ni isa man sa mga kagalang-galang na senador at kongresman ang nagsabing siya ay kasama sa mga nangupit ng pera ng bayan. Lahat ay umurong. Lahat ay nagtatwa. Lahat ay tumanggi. Ni isa ay walang umaamin.
Hindi masama ang maging duwag. Ako man ay umurong nang maraming beses sa malaking problema. Pati sina Pedro at Pablo ay natigilan. Pati sila ay pinanghinaan ng tuhod. Si Pedro mismo ay nagsinungaling pa.
Nguni’t may pag-asa para sa ating mga duwag at mga salawahan. May pag-asa sa ating lahat na makasalanan. At ito ang malinaw pa sa tanghaling tapat na katotohanang lumilitaw sa kapistahan natin ngayon.
Ito ang magandang balita na nagsusumigaw sa ating puso ngayon. At ito rin ang katotohanang nagpapalakas sa ating puso. Ito ang lakas ng biyayang hatid ng mga banal na si San Pedro at San Pablo.
May pag-asa pa tayong lahat kapatid. Kung nakaya ito nina San Pedro at San Pablo, kaya rin natin ito. Kayang-kaya, kapatid!
Maraming salamat sa inyong lingguhang pagninilay Father. Sa pamamagitan nito lalong lumalalim ang aking natututunan sa mga salita ng Diyos. At dahil sa natutunang ito nagagamit kong magnilay sa harapan ng aming maliit na pamayanan dito sa Immaculate Conception Parish sa Gatchalian Las Pinas City. Tulad nina Pedro at Pablo naging duwag din ako sa mga dating barkada na mapintasang naglilingkod sa Diyos sa pamamagitan ng PREX seminar. Subalit s ngayon sila ang aking misyon na mailapit sa Diyos. Basbasan po ninyo ako Father na huwag panghinaan sa pagpapalaganap ng mabuting mensahe ng ating Panginoon. Lalo na sa pgaharap sa mga taong mapangkutya pagdating sa paglilingkod sa Diyos. God Bless po.