frchito

SUKDULANG PIGHATI; WALANG HANGGANG LUWALHATI!

In Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Oktubre 24, 2014 at 13:39

images-1

Ika-30 Linggo ng Taon A
Oktubre 26, 2014

SUKDULANG PIGHATI; WALANG HANGGANG LUWALHATI!

Napakadali ngayon ang magkaroon ng “friend” sa social media, lalu na sa facebook. Isang pindot lang ng boton, magkaibigan na kayo. Sa Google+ puede ka mamili: circles, acquaintances, family, o iba pa. Madaling magkaroon ng koneksyon … talo mo pa ang PLDT, na “keeping you in touch” daw, pero, napakabagal naman ang wifi.

Sa social media, parang napakadaling magmahal, sing dali ng “like” button, sindali ng “accept” button sa Twitter.

Pero hindi ito ang tunay na buhay. Mahirap mahalin ang mga “banyaga,” ang mga “ulilang” hindi mo kaano-ano, at lalu na ang mga kaaway, at higit sa lahat ang mga nagpapahirap ng iyong buhay. Bagama’t marami sa ating mga kakilala ay hindi gagawa nito, tunay na may mga taong ang pakay kung minsan ay ibagsak ka, pahirapan ka, o siraan ka.

Mahirap ang magmahal. Mahal ang magbigay ng pagmamahal. Malaking halaga ang hanap nito. Malaking sakripisyo. Malaking pagpapahindi sa sarili ang kinakailangan.
Kung minsan, sukdulang pighati ang sasapitin mo, kahit hindi mo ito hahanapin. Mahirap ang magpatawad, at lalung mahirap ang magpautang sa taong alam mong hindi ka babayaran. Mahirap tumulong sa taong matapos mong tulungan ay ikaw pa ang masama.

Pero ang tanong ng dalubhasa sa batas ay lubhang mahalaga … ano raw ba ang pinakadakilang kautusan sa lahat? At ang sagot ng Panginoon ay walang iba kundi ang pinakamahirap gawin – ang magmahal sa Diyos nang higit sa lahat, at sa kapwa tulad ng pagmamahal sa sarili.

At ang dalawang mukha ng pag-ibig na ito ay parehong hindi madaling gawin. Mas madali ang mahalin ang sarili. Mas madali ang pagmalasakitan ang sarili. At lalung mas madali ang mag-like lamang ng mag-like sa posting ng mga taong malayo sa atin, pero friend natin.

Pero narito ang kabayanihan. Narito ang kadakilaan – ang magmahal kahit walang sukling maganda sa iyo … ang tumulong sa mga ulila na hindi ka naman mababayaran … ang magbigay-galang sa mga banyaga na hindi mo na muli makikita. Sukdulang pighati kung minsan ang sasapitin mo.

Pero ito ang nakalaan sa wakas matapos natin gampanan ang dakilang kautusan – ang walang hanggang luwalhati, kapiling ng Diyos sa langit na tunay nating bayan!

“Magdiwang sa Poon natin. Siya ay ating sambahin. Siya ay ating hanapin nang tayo ay palakasin ng mukha niyang maningning.”

Tagaytay City
Oktubre 24, 2014

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: