frchito

Archive for Disyembre 15th, 2014|Daily archive page

DI NA MAGLULUWAT; ITO AY DARATING!

In Uncategorized on Disyembre 15, 2014 at 21:04

John1_29 Zion+National+Park+Mark's+Pictures+016

Unang Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 16, 2014

N.B. Napansin kong higit na marami kaysa sa ibang araw ang mga naghanap ng pagninilay ko sa Kalakbay at Katoto, at ang hanap nila ay pagninilay tungkol sa Simbang Gabi. Hindi ako nangangakong magagawa koi to sa mga susunod na araw, pero susubukan ko. Narito ang para bukas, unang araw ng Simbang Gabi.

DI NA MAGLULUWAT; ITO AY DARATING!

Matagal-tagal na rin naghihintay ang Pinoy … sa maraming bagay: … sa kaginhawahan, sa katarungan, sa katiwasayan, sa kasaganaan, sa pagkakaisa at pagniniig bilang iisang bayan, iisang lahi, sa ilalim ng iisang watawat, at sa patnubay ng iisang Diyos! Subali’t tulad ng karanasan ng mga Israelita, matapos maihatid ni Moises mula sa pagka-alipin sa Egipto, patuloy pa rin at susun-susong mga suliranin pa rin ang kanilang pinagdaanan.

Kasama na rito ang pagrereklamo dahil sa pagsasawa nila sa manna, at sa pamumuno ni Moises. Matagal silang nagtiis at naghintay, at di naglaon ay nakarating sila sa lupang pangako. Di nagluwat ay naganap ang pinakahihintay ng bayan ng Diyos.

Ito pa rin ang salaysay ng buhay natin sa pananampalataya. Naghihintay … nagsusumamo … umaasa at nag-aasam … sa kaganapan ng pangako ng Diyos. Ito ang diwa ng ginaganap natin tuwing Adbiyento, at lalung-lalo na sa pagsapit ng Simbang Gabi sa ating bayan, at sa lahat ng bansa kung saan may Pilipinong Katoliko.

Sa unang araw ng Simbang Gabi, muli tayong nabubuhayan ng pag-asa. Kakaiba ang damdamin nating lahat. Kakaiba, hindi lamang ang simoy ng hangin, kundi ang hibla at himig ng pag-asang nananalaytay sa ating mga ugat, at nanunuot sa ating buong pagkatao. Ewan ko sa inyo, pero bilang pari sa nakaraang 31 taon, tuwing magpapasko, at higit sa lahat sa simbang gabi, ang buong Pilipinas, at lahat ng Pinoy ay nakakargahan at nababalot ng ibayong pag-asa.

Ito ang pag-asang matunog na ipinagmamakaingay ni Isaias: “Ang pagliligtas ko’y di magluluwat; ito ay darating, ito’y mahahayag sa inyong paningin.” Napakahirap ang maghintay sa wala. Napasakit ang umasa sa bula. Subali’t ang pananampalatayang Kristiyano ay hindi isang pagsandig lamang sa bula, na ngayo’y narito subali’t maya-maya’y lubusang naglalaho.

Ewan ko kung nakaranas na kayo umakyat ng mataas na bundok. Sa tanda kong ito, ito pa rin ang aking ginagawa paminsan-minsan, tulad noong isang araw. Mahirap kung titingalain ang tuktok na parang matayog at malayo at imposibleng marating. Pero sa unti-unting paglalakad, sa paisa-isang hakbang na puno ng pag-asa at pagpupunyagi, di nagluluwat at mararating mo rin ang rurok ng tagumpay.

Nais kong isipin na ang Simbang Gagi ay ganito – tulad ng pag-akyat sa bundok: mahirap, puno ng balakid, mabigat sa ating mga paa, halos imposible sa simula. Subali’t sa araw na ito, panghawakan sana natin ang pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Isaias: “Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok. Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo.”

Ito rin ang kwento ni Juan Bautista. Hindi siya isinilang na may pilak sa bunganga, at lalo hindi siya ipinanganak na may tangang setro sa kamay. Subalit, sa pagdidildil ika nga ng asin, at pagkain ng pulot at mga tipaklong sa parang, ay nakamit niya ang atang na tungkuling siya lamang at tanging siya lamang ang makagagawa – ang pagiging tagapagtotoo sa darating na Mesiyas.

Huwag sana tayo manghinawa. Huwag sana tayo tamarin sa mga susunod na mga araw hanggang dumating ang Pasko. Sa Simbang Gabi, bagama’t puno tayo ng suliranin at mga isipin at pasanin, tayo ay nabubuhayan sa bagong pag-asa, sa bagong panawagan at paalaala sa atin: “Di magluluwat ang pagliligtas ko ay darating!”

Halina Panginoon, halina!

Advertisements