frchito

Archive for 2014|Yearly archive page

AAWITAN KITA; PASASALAMATAN KITA

In Karaniwang Panahon, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Oktubre 3, 2014 at 22:19

vineyardowner

Ika-27 Linggo ng Taon A
Oktubre 5, 2014

AAWITAN KITA; PASASALAMATAN KITA!

Bigla ko tuloy naalala si Armida Siguion Reyna at ang kanyang kantang “Aawitan Kita.” Sabi kasi ni Isaias ay aawit siya tungkol sa kanyang kaibigang walang hindi ginawa para sa kanyang ubasan. Pero sa halip na umawit ay may karapatan siyang magalit. Wala siyang napala sa kanyang pinaghirapan at inalagaang ubasan.

Sa buhay natin, dumaraan tayo sa pagkakataong naghahanap tayo kumbaga … ng kaunting konsiderasyon, kaunting atensyon, kaunting consuelo, ika nga. Masaba ba kayang umasa sa kaunting pagpapasalamat at pagpapahalaga yaman at pinagbuhusan mo ng buo mong pagkatao at kakayahan ang isang bagay na mahal na mahal mo?

Gusto nating magbunga ang ating pinaghirapan. Gusto natin rin na magdulot ng ginhawa ang pinagsikapan at pinagmalasakitan. Sino sa atin ang hindi naghahanap ng bunga sa ating itinanim na guyabano, o atis, o kahit man lamang papaya? Sino sa atin ang hindi magtatampo kung ang ating inalagaang tuta ay iba ang tinatalunan, hinihimod, at pinakikinggan? Huwag kang mag-alala kaibigan … ang aso ay mas mahusay magmahal sa kanyang amo, kesa sa ating tao … Pero hindi ito ang paksa ng pagninilay na ito.

Pero yayaman din lamang ang nasa aso ang usapan, heto ang isang kwento ni Aesopo. May isang asong may malaking buto sa bunganga na tumawid sa tulay sa ibabaw ng isang maliit na batis. Nang nakita niya ang kanyang larawan sa batis, pinagnasaan niya ang butong tangan ng isang aso. Tumahol siya. Gusto niya makuha rin ang buto ng isang aso. Kung kaya’t nahulog ang buto, at naglaho.

Minsan, tayo ay parang aso ni Aesopo. Hindi na nga nagbigay, ay ang gusto pa ay kumabig. Puro pakabig. Puro pangsariling kapakanan. Walang alay, lahat gusto ay bigay sa kanya. Walang kaloob na kusa. Ang gusto ay laging paloob at papunta sa kanyang pagkatao.

Sa mundong iniikutan natin, napapalibutan tayo ng tinatawag na narcissism epidemic. Hindi lang puro selfie ang gusto ng tao ngayon … lahat ay selfish rin at makasarili. Walang kabubusugan tungkol sa mga gustong simpleng tirahan lamang, na may maliit na swimming pool. Wala naman raw masama doon, lalu na’t regalo ng mga kaibigan.

Sa mundong iniikutan natin, panay ang katulad ng mga kasama sa ubasan. Hindi na nga nagbigay ay kumabig pa. Hindi na nga nagsikap ay binugbog pa ang sugo ng may ari ng ubasan.

Hindi na ang ubasan ang tinutumbok ng ebanghelyo, kundi ang mga kasama ng may ari ng ubasan. At kung titingnan nating mabuti, hindi lang ang mga kasama, kundi tayong lahat.

Nakakadismaya kapag ang ubasan o ang punong ating tanim ay hindi nagbunga, pero higit na nakakalungkot kung ang mga tao tulad natin, sa halip na gumawa at maghatid ng maraming bunga, ay wala na ngang produkto ay wala pa ring kusang kaloob bilang kabayaran sa lahat ng ipinagkaloob sa atin.

Tama lamang na ipagmakaingay ang kabutihang tinanggap natin. Tama lang ang awit ni Siguion Reyna. Pero higit na mainam ang isagawa ang ating ipinagmamakaingay – ang magbigay ng kaloob bilang sukli sa lahat ng kabutihang tinanggap natin.

Ano kaya ang puede nating isukli sa dakilang habag at pag-ibig ng Diyos?

Marasbaras, Tacloban City
Oktubre 3, 2014

BALIK-TANAW, BALIK-ISIP, BALIK-LOOB

In Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Setyembre 28, 2014 at 15:46

Ika-26 na Linggo ng Taon A
Setyembre 26, 2014

BALIK-TANAW, BALIK-ISIP, BALIK-LOOB

Sabi nila, gago lang daw ang hindi nagbabago ng isip. Bagama’t hangal din ang pabago-bago ng isip, mas hangal ang hindi marunong magbalik-isip, magbalik-tanaw, at magbalik-loob.

Ito ang kagandahan at karangalan ng kawayang Pinoy. Sumasayaw sa hangin; umiindak sa bagyo, lumuluhod sa unos, at para bagang nakikibagay sa daloy ng panahon … pero hindi kailanman nababali. Nagbabago siya ng posisyon, ayon sa hangin … nakikibagay … nakikisama … pero hindi sumusuko at nababali ng hangin.

Pero hindi ibig sabihin nito ay hindi siya marunong umangal. Sa katunayan, kapag malakas ang hangin, may salitang angkop lamang para sa kawayan, ang alatiit – ang tunog ng kawayang nagkikiskisan at nag-uumpugan dahil sa hangin. Parang umaangal, nag-rereklamo, pero hindi bumibigay. Walang iniwan ito sa reklamo ng mga Judio at reklamo rin natin malimit: “Hindi matuwid at makatarungan ang panuntunan ng Diyos!”

Sino sa inyong nagdaan din sa pagkabata ang hindi umangal sa dami ng utos ng magulang? Sino sa atin ang hindi nagreklamo dahil mas gusto natin maglaro, pero kelangang mag-igib, magsibak ng kahoy, o may bilhin sa tindahan? Sabi nila, ang pinakamaingay na gulong ang nakakatanggap ng mas maraming grasa. Ito ang naging tugon ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Exequiel: “Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot.”

Minsan ring baluktot ang pamantayan ni Pablo. Noong siya ay kilala pa sa pangalang Saul, inusig niya ang Simbahan, at ang mga kristiyano. Pero ngayon, nang makilala niya ang Diyos, panay magagandang pangarap ang kanyang wika: “pag-ibig, pagkakaisa, kagalakan, kababaang-loob” at iba pa.

Nagbago rin siya ng isip. Nagbago rin siya ng saloobin. At ang pagbabagong nagmumula sa kalooban ay nagbubunga sa kilos panlabas.

Dalawang mag-kuya ang kwento sa ebanghelyo. Inutusan ang panganay. Tumanggi ang panganay. Inutusan rin ang bunso. Nangako ang bunsong susunod. Subali’t ang bunso ay hindi kumilos at gumawa. Ang panganay, bagama’t tumanggi ay nagbalik-isip, nagbagong loob, at gumawa nang nararapat.

Sa buhay natin, sagana tayo sa karanasang tulad nito. Marami tayong ayaw, at marami tayong gustong gawin. Malimit tayo tumanggi at magpahindi kahit sa mga nagmamahal at nagmamalasakit sa atin. Malimit rin tayong mag-reklamo at umangal. Subali’t karanasan rin natin na hindi lagi tayong nananatiling nagmamatigas sa ating kalooban. Hindi lagi tayong nananatiling manhid at walang pansin, walang pagtingin, walang konsiderasyon.

Matapos magmuni, matapos mag-gunam-gunam ay may nakikita rin tayong kaliwanagan. At ang isip ay nagbabago. Ang puso ay nagkakaroon ng paghupa at kahinahunan. Ang isipan ay tumatanggap ng kaliwanagan.

Metanoia ang tawag rito ng Banal na Kasulatan – ang pagbabagong-loob. Ngunit ang pagbabagong-loob na ito ay nagaganap lamang kung may pagbabalik-isip, pagbabalik-tanaw, at nauuwi sa pagbabalik loob.

Sino sa dalawang magkapatid ang tumupad sa kalooban ng Diyos? Kelangan pa ba imemorize yan? Pero ito naman ang magandang balita. Huwag natin kalimutan ang bunso na mas mabilis ang bibig kaysa sa kanyang puso at kamay …

Hindi pa huli ang lahat. Para sa kanya at para sa atin. May oras pa para magnilay. May panahon pa para mag-isip-isip. At ito ang dapat nating lahat isipin: “Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay!”

two_sons_parable