frchito

Posts Tagged ‘Homiliya sa Tagalog Taon A’

CIRO … SAULO … CINO?

In Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Oktubre 18, 2014 at 11:18

Cyrus the Great

Ika-29 na Linggo Taon A
Oktubre 19, 2014

CIRO … SAULO … SINO?

Masalimuot ang kasaysayan ng mga Israelita. Masalimuot rin ang pinagdaanan ng mga taong natanghal bilang hinirang ng Diyos. Kung gayon, masalimuot rin ang pinagdaanan nating lahat bilang bagong bayang pinili ng Diyos!

Vamos a ver! … sino sa atin ang isinilang na santito o santita? Malayo ito sa katotohanan. Baka maldito, puede pa. Lahat tayo ay isinilang na nagpoprotesta! Umiiyak … Lahat tayo ay nagpumiglas nang lumabas sa sinapupunan. (Si Juan Bautista nga, sa tiyan pa lang ni Isabel, nag-rally na … nagpumiglas!)

Pero, masdan nyo ang nangyari! Marami sa aking mga tagabasa ay mga taong dating maldito pero ngayon ay santito … at hindi lang sa araw ng Linggo, kundi Lunes hanggang Sabado! A ver! Sino ba si Saulo? … Maldito na nagsikap usigin ang mga tagasunod ni Kristo! Sino ba si Ciro? Isang emperador ng Persia, na bagama’t gumawa ng isang napakabuting pagpapalaya sa mga Israelita sa pagkatapon sa Babilonia, ay isang walang kupas na politikong ang pakay ay magkaroon siguro ng mga kakampi laban sa kaniyang mga kaaway!

Tingnan nyo si Saulo! Dati-rati’y ang pangit-pangit niya (sa ugali!). Dati-rati’y isa siyang masugid at mabangis na tagapagpahirap sa mga Kristiyano! Pero nang makita niya ang liwanag ay naging ibang tao siya. Nagpalit siya ng pangalan at tinawag na Pablo!

Ito ngayon ang Pablo na punong-puno ng pasasalamat sa Diyos dahil sa “mga gawang bunga ng pananampalataya, mga pagpapagal sa udyok ng pag-ibig, at ang matibay na pag-asa” na ipinamalas ng mga taga Tesalonika!

Sinong may sabing walang kinabukasan ang lahat? Di ba’t di miminsan na nating nabanggit na lahat ng santo ay may nakalipas, at lahat ng makasalanan ay may kinabukasan?

Sinong may sabing wala na tayong kinabukasan sa dami ng mga Cesar na walang ginawa kundi ang magpayaman at manloko sa taong bayan, sa likod ng kanilang hi-tech na pagnanakaw sa kaban ng bayan? Sino ang may sabing hindi dapat tayo magkaroon ng anumang pakikitungo sa mga Cesar, at tumalungko na lamang sa harapan ng altar at hayaan silang magpatuloy sa kanilang maruruming Gawain?

Sino ang may sabing hindi tayo dapat magbayad ng buwis sapagka’t ninanakaw lang naman ng mga tampalasan sa gobyerno? Sino ang nagsasabing ang isang makasalanan ay wala nang pag-asa at wala ka nang dapat asahan pa?

Si Saulo ay isa sa mga ito. Si Ciro ay posibleng may ibang gustong marating sa kanyang pagpapalaya sa mga Israelita. Hindi ko sigurado kung tunay ang kanyang pagmamalasakit sa mga Judio, pero sigurado ako sa isang bagay … na ang Diyos ay nagsusulat ng deretso, kahit sa pamamagitan ng mga baluktot na linya o guhit. Alam ko ring sa kabila ng aking pagkamakasalanan, ay patuloy akong pinagmamamalasakitan ng Diyos, at patuloy na tinatawagan upang matulad kanino? Kay Ciro at kay Saulo … kay Agustin at kay Domingo … kay Ignacio at kay Juanito Bosco … kay Lorenzo Ruiz at kay Pedro Calungsod!

At ito pa ang matindi … Alam ko ring tungkulin kong unti-unting gumawa upang ang mga Cesar sa ating mundo ay mapalitan ng mga tulad ni Ciro, ni Saulo, at nga libo-libong mga banal.

Wag tayong manghinawa. Wag tayo sanang magsawa. Wag sana tayo mawalan ng pag-asa. “Ibigay ninyo sa Cesar and sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.”

Pero .. tulad ng ginawa ni Ciro at ni Saulo … inuna nila ang Diyos!

Sino ngayon ang dakila? Si Ciro? Si Saulo? Si Pablo? Gumaya tayo sa “Simbahan sa Tesalonica – mga hinirang ng Diyos Ama at nga Panginoong Jesucristo: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan!”

Sino ngayon ang dapat maging dakila? Walang iba kundi tayo!

Advertisements

AAWITAN KITA; PASASALAMATAN KITA

In Karaniwang Panahon, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Oktubre 3, 2014 at 22:19

vineyardowner

Ika-27 Linggo ng Taon A
Oktubre 5, 2014

AAWITAN KITA; PASASALAMATAN KITA!

Bigla ko tuloy naalala si Armida Siguion Reyna at ang kanyang kantang “Aawitan Kita.” Sabi kasi ni Isaias ay aawit siya tungkol sa kanyang kaibigang walang hindi ginawa para sa kanyang ubasan. Pero sa halip na umawit ay may karapatan siyang magalit. Wala siyang napala sa kanyang pinaghirapan at inalagaang ubasan.

Sa buhay natin, dumaraan tayo sa pagkakataong naghahanap tayo kumbaga … ng kaunting konsiderasyon, kaunting atensyon, kaunting consuelo, ika nga. Masaba ba kayang umasa sa kaunting pagpapasalamat at pagpapahalaga yaman at pinagbuhusan mo ng buo mong pagkatao at kakayahan ang isang bagay na mahal na mahal mo?

Gusto nating magbunga ang ating pinaghirapan. Gusto natin rin na magdulot ng ginhawa ang pinagsikapan at pinagmalasakitan. Sino sa atin ang hindi naghahanap ng bunga sa ating itinanim na guyabano, o atis, o kahit man lamang papaya? Sino sa atin ang hindi magtatampo kung ang ating inalagaang tuta ay iba ang tinatalunan, hinihimod, at pinakikinggan? Huwag kang mag-alala kaibigan … ang aso ay mas mahusay magmahal sa kanyang amo, kesa sa ating tao … Pero hindi ito ang paksa ng pagninilay na ito.

Pero yayaman din lamang ang nasa aso ang usapan, heto ang isang kwento ni Aesopo. May isang asong may malaking buto sa bunganga na tumawid sa tulay sa ibabaw ng isang maliit na batis. Nang nakita niya ang kanyang larawan sa batis, pinagnasaan niya ang butong tangan ng isang aso. Tumahol siya. Gusto niya makuha rin ang buto ng isang aso. Kung kaya’t nahulog ang buto, at naglaho.

Minsan, tayo ay parang aso ni Aesopo. Hindi na nga nagbigay, ay ang gusto pa ay kumabig. Puro pakabig. Puro pangsariling kapakanan. Walang alay, lahat gusto ay bigay sa kanya. Walang kaloob na kusa. Ang gusto ay laging paloob at papunta sa kanyang pagkatao.

Sa mundong iniikutan natin, napapalibutan tayo ng tinatawag na narcissism epidemic. Hindi lang puro selfie ang gusto ng tao ngayon … lahat ay selfish rin at makasarili. Walang kabubusugan tungkol sa mga gustong simpleng tirahan lamang, na may maliit na swimming pool. Wala naman raw masama doon, lalu na’t regalo ng mga kaibigan.

Sa mundong iniikutan natin, panay ang katulad ng mga kasama sa ubasan. Hindi na nga nagbigay ay kumabig pa. Hindi na nga nagsikap ay binugbog pa ang sugo ng may ari ng ubasan.

Hindi na ang ubasan ang tinutumbok ng ebanghelyo, kundi ang mga kasama ng may ari ng ubasan. At kung titingnan nating mabuti, hindi lang ang mga kasama, kundi tayong lahat.

Nakakadismaya kapag ang ubasan o ang punong ating tanim ay hindi nagbunga, pero higit na nakakalungkot kung ang mga tao tulad natin, sa halip na gumawa at maghatid ng maraming bunga, ay wala na ngang produkto ay wala pa ring kusang kaloob bilang kabayaran sa lahat ng ipinagkaloob sa atin.

Tama lamang na ipagmakaingay ang kabutihang tinanggap natin. Tama lang ang awit ni Siguion Reyna. Pero higit na mainam ang isagawa ang ating ipinagmamakaingay – ang magbigay ng kaloob bilang sukli sa lahat ng kabutihang tinanggap natin.

Ano kaya ang puede nating isukli sa dakilang habag at pag-ibig ng Diyos?

Marasbaras, Tacloban City
Oktubre 3, 2014