frchito

Archive for Pebrero, 2015|Monthly archive page

KUBLIHAN AT TANGGULAN NG TANAN

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Taon B on Pebrero 12, 2015 at 15:19

Unknown

Ika-6 na Linggo Taon B
Pebrero 15, 2015

KUBLIHAN AT TANGGULAN NG TANAN

Lahat tayo marahil ay nakaranas nang maitangi ng kapwa … ang masaisantabi … ang matanggihan, ang hindi matanggap ng iba, at ang ituring na hindi dapat kasama sa isang tipunan … sa maraming dahilan, at iba-bang kaparaanan. Maging noong panahon ni Jesus, at sa lumang tipan, mayroong taong hindi dapat makasalamuha ng karamihan, at ang lahat ng may ketong ay una sa listahan ng mga dapat hindi sumama sa karamihan.

Masasabi nating kapag may ketong ang isang tao, wala na siyang kublihan … wala na siyang tanggulan … at lalong wala siyang patutunguhan. Kahit saan magpunta ay dapat may dalang maliit na batingaw at tanda na nagsasabing “ketongin ako … lumayo kayo sa akin.”

Hindi lamang malungkot ito … mapait ring karanasan, na tila wala nang kasagutan o katapusan, liban kung gumaling ang isang tao sa kanyang kapansanan.

Ito ay isang uri ng kamatayan para sa isang humihinga pa at nakakaramdam pa ng sakit o pighati. Buhay pa ay halos ituring nang basura o busabos, na walang karapatang anuman na taglay ng lahat ng malulusog na tao.

Larawan ito ng pinakamasahol na uri ng kamatayang espiritwal – ang kasalanan. Ito ay nagpapahiwatig ng kung ano ang tunay na katatayuan ng isang malayo sa Diyos – ang mabuhay na tila baga patay, ang hindi maituring na may karapatang maki halubilo sa karamihan.

Nguni’t isang magandang balita ang taglay ng ebanghelyo natin at mga pagbasa ngayon. Sa madaling salita, walang itinatangi at itinatakwil ang Diyos na mapagligtas. Walang sinisiphayo ang Panginoon sa kanyang paggawa at pagtupad ng misyon mula sa Ama. Siya ay tagapagligtas. Siya ay tagapagpagaling. Siya ay kublihan, takbuhan at tanggulan ng mga walang kaya, ng mga api, at ng mga tinanggihan ng lipunan.

Ang mga naganap kamakailan sa ating bayan ay isang paghamon at isang palaisipan sa lahat … ang pagkamatay at mabangis na pagpaslang sa 44 na pulis na ipinadala sa Maguindanao kamakailan ay isang matinding dagok sa ating pananampalatayang ang Diyos ay walang itinatangi, walang sinisiphayo at tinatanggihan.

Subali’t ito rin ay isang pagpapaalala sa ating lahat na may pananampalatayang Kristiano na ang katarungan ay hindi laging nakakamit sa mundong ito … na ang kabayaran sa lahat ng katiwalian ay posibleng hindi natin makita sa lupang ibabaw, at ang katarungan ng Diyos ay walang pinipiling panahon, lugar, o kaparaanan. Darating at darating ang kabayaran subali’t batid nating posibleng hindi natin makita ang lahat ng ito ngayon at dito kung saan tayo naroon.

Pero bilang tagasunod ni Kristo, na nagpakita ng pagmamalasakit sa mga maysakit, sa mga ulila, sa mga api, at walang kaya, tungkulin natin bilang Kristiano ay kumilos upang maghari ang kanyang katarungan.

Hindi ko alam kung hanggang saan makararating ang ating pagpupunyagi, at pakikibaka, at pakikipaglabang matiwasay para makamit ng mga inapi ang katarungan. Hindi ko alam kung magigising pa ang isang lipunan at gobyerno na nahirati na sa kasinungalingan at mapanlinlang na pamamalakad.

Pero meron akong katiyakan na hindi kailanmang mapabubulaanan ninuman. Ang Diyos ay mapagligtas. Ang Diyos ay mapagpagaling. Ang Diyos ay mapagpalaya … kahit na ang lahat ng nakikita natin ay ang tila kawalang kaya ng Diyos sa harap ng katiwalian, pagkamakasarili, at katakawan ng mga naghahari sa atin.

Meron pa akong isang katiyakan … Bagama’t tila walang solusyon ang ating mga hinaing, at tila walang nakikinig sa ating mga pagsamo, buhay pa rin ang Diyos. At buhay pa rin ang pinakamahalaga niyang mensahe para sa atin… na ang pinakamasahol na sakit ng tao ay ang kasalanan, liban sa pangkatawang kapansanan. Ang ketong ng kaluluwa ay siyang higit na masahol sa ketong ng balat. At ang pangmatagalang solusyon sa ating mga suliranin bilang tao at bilang bayan ng Diyos ay ang pagpapagaling sa pinakamasahol na ugat ng lahat ng suliranin – ang kasalanan.

Nais kong isipin na kahit na tila walang hustisyang mararating ang 44 na bayani ng bayan, ay magwawagi pa rin sa huli’t huli ang katarungan ng Diyos, at ang kanyang katangiang ipinagmamakaingay ngayon ng mga pagbasa … Walang itinatakwil ang Diyos … Wala siyang itinatangi … at lalong wala siyang sinumang tinatanggihan at sinisiphayo. “Diyos ko, ikaw ang kublihan, tagapagtanggol kong tunay!” Kublihan, kasalag … tanggulan ng bayang naaapi at naiiwanan.

SAGAD NA, O SAGANA?

In Hiwaga ng Paghihirap ng Tao, Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Ika-5 Linggo ng Taon B, Paghihirap, Panalangin, Pananampalataya, Taon B on Pebrero 7, 2015 at 10:10

Jesus-Praying-in-Desert

Ika-5 Linggo Taon B

Pebrero 8, 2015

SAGAD NA O SAGANA?

Alam nating hindi madaling pabulaanan si Job. Panay ang kanyang reklamo at hinaing: “Ang buhay ng tao ay sagana sa hirap, batbat ng tiisin at lungkot na dinaranas,” aniya. Sino sa atin ang makatatanggi rito? Sa bawa’t tingin natin sa balita ay panay kaguluhan, puro patayan, at pawang kasinungalingan at katiwalian ang ating nakikita!

Nguni’t ito ang katotohanan ng buhay ng tao, at katotohanang hinaharap ng mga may paniniwala sa Diyos – isang katotohanang nababalot ng magkasalungat na puwersa ng masama at mabuti.

Ito ang hiwaga ng buhay, ang hiwaga ng paghihirap, ang katanungang binigyang-diin ng batang si Glydel nang bumisita si Papa Francisco sa Pilipinas kamakailan. Isa itong katanungang walang madaling katugunan. Sa katunayan, walang kasagutang madaling hugutin sa aklat, kahit sa Wikipedia, kapag ang paghihirap ng tao ang pinag-uusapan.

Subali’t ito ay hindi isang tanong na pang-agham. Hindi ito isang katanungang makukuha sa malinaw na pormula sa matematika. Walang tahasang sagot. Walang tuwirang paliwanag, liban sa pag-aalay ng isang modelo, ng isang tularan at huwaran na si Jesus … Naghirap, nagpakasakit, pinahirapan, pinatay at muling nabuhay!

Walang anumang dahilan kung bakit dapat siya maghirap, subali’t ito mismo ang tangi nating pinanghahawakang tugon.

Sa mata ng pananampalataya, ito ang tugon ng mga pagbasa ngayon: “Panginoon ay purihin; siya ay nagpapagaling!”

Tingnan natin ang kinapapalooban ng ebanghelyo. Galing si Kristo noon sa lugar ng mga pagano. Doon, siya ay tinanggihan at hindi tinanggap ng mga tao, kung kaya’t hindi siya nakagawa ng maraming himala doon. Subali’t hindi ito naging dahilan upang hindi siya gumanap sa kanyang misyon ng pagpapagaling, pagpapalaya, at pagkakaloob ng kagalingan sa mga nangangailangan.

Lumipat ngayon si Jesus sa Capernaum, kung saan gumawa siya upang tugunan ang hiwaga at problema ng paghihirap. Pinagaling niya ang manugang ni Pedro. Bagama’t galing siya sa lugar ng pagtanggi, gumanap pa rin siya nang nararapat.

May isang larawang hindi natin dapat masa isang tabi sa ebanghelyo. Nagtungo raw si Jesus sa ilang, sa disyerto, kung saan siya nagdasal.

May kinalaman kaya ito sa unti-unti nating pagkaunawa at pagtanggap ng misteryo ng paghihirap? Ang pagsuong sa ilang, sa disyerto, sa oras na nakararanas tayo ng tagtuyot at kawalang kahulugan sa ating buhay?

Paglabas natin sa Misa, pareho pa rin ang buhay natin … ma trapik pa rin … mahal pa rin ang mga bilihin, at ang mahirap at lalo pang maghihirap. Masalimuot pa rin ang usaping pangkapayapaan … magulo pa rin ang ating buhay political, at madaya pa rin at masiba ang mga politico.

Tila walang sagot sa ating mga tanong … Pero ngayon, ayon sa pagbasa, mayroon tayong katugunan na makikita lamang sa mata ng pananampalataya. Wag natin sanang isipin na tayo ay sagad na sa paghihirap … Maniwala tayo … tayo ay sagana sa pag-ibig ng Diyos at sa kanyang pangako ng kaligtasan … kung di man ngayon, ay balang araw … Darating … Ipagkakaloob sa atin. Sapagka’t “inako ni Jesucristo ang sakit ng mga tao upang matubos niya tayo!”