frchito

MILAGRO NG KAGALINGAN AT KABUUAN

In Uncategorized on Setyembre 5, 2015 at 09:06

images

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-23 Linggo ng Taon B

Setyembre 6, 2015

MILAGRO NG KAGALINGAN

Noong bata kami, sanay kami sa hatian. May tawag pa nga kami doon – hating kapatid. Lahat ng bagay ay dapat hatiin: Coke, tinapay, sandwich, tsokolate, atbp. Bihasa ang mga Pinoy sa katotohanang ang paghahati ay bahagi ng pang-araw-araw na buhay.

Pero hindi kaila sa lahat, na ang gusto lagi natin ay buo. Ayaw natin ng may kahati. Gusto nating buong-buo natin kakainin ang hamburjer. At sapagka’t ayaw nating may balikan sa bote ng Royal tru-orange, mas gusto natin na wala tayong dapat hatian sa bote ng Royal.

Kapag takot tayo, hindi tayo ganap. Hindi tayo buo. May kulang o may labis. Kulang tayo sa enerhiya kapag takot, o sobra sa kutob ng dibdib. Ito ang payo ni Isaias sa unang pagbasa: ang manatiling malakas ang loob, sapagka’t ang Diyos ang magliligtas.

Kung tayo ay nagtatangi ng kapwa, o iba ang tinitingnan at iba rin ang tinititigan, hindi rin tayo ganap. Hindi rin tayo buo. Basag ang ating pakikitungo sa kapwa, sapagkat iba ang tingin natin sa kanila. Ito rin ang turo ni Santiago – ang tumingin sa kapwa tulad ng pagtingin ng Diyos sa kanila.

Malinaw na hindi buo at ganap ang taong pipi at bingi. Kulang siya sa pandinig, at kulang rin sa pananalita. Pero, di miminsan na mas masahol pa ang kakulangan ko kapag wala akong pasensya na makipag-usap sa kanila sapagkat ayaw kong ulitin ng dalawang beses ang lahat ng aking sinasabi.

Sa araw na ito, hindi ang pipi at bingi ang pakay ng aking pagninilay, kundi ako mismo.

Ako ang takot at hindi buo ang kalooban. Takot akong gawin ang tama, para hindi mapulaan ng kapwa. Takot akong kumilos at magsalita nang ayon sa turo ng Ebanghelyo upang hindi ako tugisin ng mga kalaban ng Santa Iglesya.

Ako ang may itinatangi at hindi pinapansin at pinahahalagahang grupo ng tao. Hindi ko pansin ang mga nagdarahop. Hindi ko lubos pinagmamalasakitan ang mga naiiwan sa lipunan, ang mga walang malay, ang mga walang kapangyarihan, at mga walang masulingan.

Ako, ikaw … tayong lahat … ang mga bagong bulag, pipi, at bingi.

Pero ngayon rin, tulad ng nakatuon ang isipan ko sa sariling kakulangan, sa sariling kawalan ng kaganapan at kabuuan, nakatuon rin ang pansin ko sa Diyos na mahabagin na handa laging gumawa ng milagro ng kaganapan at kagalingan.

Opo! Siya ang dakilang tagapagpagaling. Siya ang kailangan ko upang magtamasa ng ganap at tunay na kagalingan. Tanging Siya ang may hatid na mensahe ng kaganapan at kabuuan.

Hindi na dapat ako magbingi-bingihan. Hindi na dapat ako magpipi-pipihan. Panahon na upang ibukas ang puso, damdamin at kaisipan. Panahon na upang buksan ang bibig at magpatunay: “Kaluluwa ko, iyong purihin ang Panginoong butihin!”

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: