frchito

Archive for Oktubre, 2015|Monthly archive page

MADALING MAGHANAP; MAHIRAP GUMANAP!

In Uncategorized on Oktubre 17, 2015 at 08:13

Jesus calling His disciples

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-29 na Linggo ng Taon B

Oktubre 18, 2015

MADALING MAGHANAP; MAHIRAP GUMANAP!

Pagsubok ang nasa harap ng mga Hebreo. Alam nilang humihirap ang buhay nila, na naging kumplikado dahil naniwala sila at sumunod sa turo ng Galileo. Ang pinakamadali ay ang magbalik sila sa Judaismo, at tapos ang lahat ng kanilang problema.

Pero hindi ito ang pakay ng nagsulat sa kanila, kundi ang maghatid sa kanila ng panibagong pag-asa, sapagka’t mayroon silang “punong pari” na nakaluklok sa trono, na nagdaan sa lahat ng uri ng paghihirap at pagpapakasakit.

Ito ang tinutukoy ni Isaias na tagapaglingkod na tumupad sa kalooban ng Diyos at naghatid ng kaligtasan sa lahat.

Sa ebanghelyo, medyo nalasing ang magkapatid noong makatikim na kaunting tagumpay. Naging mapusok sila nang hiningi nilang iluklok sila sa kanan at sa kaliwa, kapag dumating na ang ganap na tagumpay.

At dito nila nabatid na madali ang maghanap, pero mahirap ang gumanap. Madali ang mag-asam, pero hindi ganoon kadali ang tumupad sa lahat ng kahihinatnan ng kanilang nais.

Hindi kailanman naging kasalanan ang mag-asam. Hindi masama ang magkagustong maging dakila, maging tanyag, maging matagumpay. Hindi kasalanan ang maghanap nang higit, ang magsikap maging kilala at maging isang taong titingalain ng balana.

Hindi ito ang problema. Nang magnasa ang magkapatid na umupo sa kanan at sa kaliwa ng Panginoon, kagya’t sila tinanong ng Panginoon: “Kaya ba ninyong pasanin ang aking pasanin? Kaya ba ninyong tanggapin ang bautismong aking tinanggap?”

Sa mga nakaraang araw, nakita natin kung gaano karami ang nagnanasang maging Presidente o Vice Presidente. Libo libo pa ang gustong maging senador, kongresman, o mayor o governador sa buong kapuluan.

Lahat sila ay gusto raw mag-serbisyo sa bayan. Lahat sila ay gusto raw maglingkod.

Eto naman ang turo ng mga pagbasa ngayon. At walang makapagsasabing wala itong kinalaman sa nagaganap sa buhay natin ngayon.

Tulad ng mga Hebreo, dumarating ang panahon na gusto nating umurong, lalu na’t nakikita natin kung ano ang kahulugan ng pagsunod kay Kristo. Tulad nila, kailangan natin ng paalaala. Kailangan natin ng dagdag na pag-asa, at kabatirang, ang lahat ng dakila at kahanga-hanga ay hindi nakukuha sa salita, kundi sa gawa.

Madali ang maghanap; mahirap ang gumanap. Madaling maging senador, lalu na’t maraming pera ang partido mo. Madaling maging Presidente, lalu na’t suportado ka ng mga dambuhalang mga kompanya, na siya namang magdidikta sa iyo pagdating ng panahon. Madali ang pangako; mahirap ang magpapako sa turo ng wasto at tama, at kaaya-aya sa mata ng Diyos.

A ver … gusto mo ba kamo maging tagasunod ni Kristo at mag-ani ng luwalhati pagdating ng panahon?

Eto ang tugon sa ating mga ambisyoso at mapaghanap: “Ang Anak ng Tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ipagkaloob ang buhay para sa kaligtasan ng marami.”

Hala, campanya pa more! KOnti pang hanap! Konti pang ambisyon, pero hinay-hinay lang … kaya mo bang ganapin ang kay dali mong hanapin?

MAHAL AT MAHALAGA: MAY KAIBAHAN BA?

In Uncategorized on Oktubre 10, 2015 at 10:55

jesus-and-young-man

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-28 Linggo ng Taon B

Oktubre 11, 2015

MAHAL AT MAHALAGA: MAY KAIBAHAN BA?

Mahal ang maraming bilihin sa panahon natin. Totoo ito lalu na kapag mga smartphone ang pinag-uusapan. Dalawang higante ang nagpapaligsahan ang Apple at Samsung at kung hindi rin lamang isa sa dalawang ito ang iyong gamit ay parang hindi masyadong pinahahalagahan ng mundo.

Nakalulungkot isipin na sa Ermita, sa Paco, sa Quiapo at sa maraming lugar sa Metro Manila, naglipana ang mga nag-aalok ng iPhone6s at mga Samsung smartphones na pawang mga GSM – Galing sa Magnanakaw, ika nga.

At higit na nakalulungkot na dahil sa sobrang pinahahalagahang mga gadget, may mga taong handang manakit o pumatay, makakuha lamang ng GSM na ibebenta sa mga taong walang kamalay-malay kung saan galing ang yaon.

Harapin natin ang totoo … Walang mahalaga ngayon sa isipan ng tao kung hindi mahal, kung walang brand, kung walang ngalan.

Yaman at ito ang turo ng sulat sa mga Hebreo – na ang Salita ng Diyos ay tila isang tabak na matalas at matalim, tanggapin na natin ang totoo … Masakit tanggapin ang Salita ng Diyos … nanunuot sa kasukasuan at sa utak ng mga buto. (Ikalawang pagbasa).

Tingnan natin kung paano ito tumimo ayon sa ebanghelyo ngayon. Ating salaminin ang sarili sa kwento tungkol sa binatilyong lumapit kay Kristo at nagtanong …

Magaling siya magtanong. Alam niya kung ano ang dapat tumbukin. “Ano po ang dapat kong gawin para tumanggap ng buhay na walang hanggan?”

Pero nagtanong pa siya, sapagka’t ang kilos niya’y parang alam naman niya sa mula’t mula pa kung ano ang sagot. Nang sinabi ni Jesus ang listahan ng mga hindi dapat gawin at ang dapat gawin, malungkot siyang lumisan, sapagka’t ayon sa kaniya “Natupad ko nang lahat ito sapul sa pagkabata ko.” “Ano ba ang bago?” “May iba pa ba?”

At dito pumapasok ang mahalagang aral ng Panginoon.

Lahat tayo ay mapag-asam, mapaghanap, at may matayog na ambisyon. Hindi masama ito. Hindi masama ang tumupad sa utos ng Diyos, pero kung pagsunod lamang at wala nang iba pang dapat gawin liban dito, kulang at kulang ito.

Walang masama ang magnasa ng yaman. Walang mali ang magnasa ng magandang cellphone, pero kung wala nang iba pa liban dito, ay kulang at kulang.

Hindi masamang tao ang binatilyo. Tinupad niya ang lahat ng utos na natutunan niya, subalit si Kristo na mismo ang nagwika: “Isang bagay pa ang kulang … Humayo, ipagbili, ipamigay sa mahihirap, at sumunod ka sa akin.”

Dito siya nalungkot. Dito siya lumisan. Dito siya nagpakita ng kung ano ang tunay na mahalaga sa kanya. At ang mahalaga sa kanya ay ang kanyang halagang hawak, ang kanyang yaman na hindi niya maiwan.

Hindi laban si Kristo sa mayayaman. Hindi siya galit sa mga may kaya. Sa katunayan, malimit siyang bisita ni Marta, Maria at Lazaro sa Betania. Malimit rin siyang nakikain sa bahay ng mga may kaya: si Zaqueo, si Levi, pati na si Pedro na hindi naman mahirap na tao, kahit mangingisda lamang. Alam nating mayroon siyang bangka at mga lambat.

Ang likyon at aral sa atin ay malinaw. May bagay na matataas ang halaga. Pero may mga bagay o hindi bagay na higit na MAHALAGA. Iba ang presyo at iba rin ang tunay na halaga

Sa araw na ito, nakatuon ang ating isipan at pang-unawa sa kung ano ang higit na mahalaga sa buhay, ngayon at sa buhay na darating. Hindi lahat ng kumikinang ay ginto. At hindi lahat ng mamahalin ay tunay na mahalaga. Sa unang pagbasa, karunungan ang higit sa lahat. Sa ikalawang pagbasa, ang Salita ng Diyos ang tunay na dapat bigyang halaga ng tao. At sa ebanghelyo, ang tunay na mayaman ay ang marunong … ang maalam kumilala ng tunay na halagang lampas a material na halaga. At ang mahirap ay ang taong hirap tumanggap sa katotohanang may higit pa sa smartphone, sa pagkamal ng kayamanan, o sa anumang puedeng ipunin, itambak, itabi o itago.

Saan pa kayo? Mababaw na yaman o tunay na halaga sa mata ng Diyos?