frchito

Archive for 2015|Yearly archive page

SAGAD NA, O SAGANA?

In Hiwaga ng Paghihirap ng Tao, Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Ika-5 Linggo ng Taon B, Paghihirap, Panalangin, Pananampalataya, Taon B on Pebrero 7, 2015 at 10:10

Jesus-Praying-in-Desert

Ika-5 Linggo Taon B

Pebrero 8, 2015

SAGAD NA O SAGANA?

Alam nating hindi madaling pabulaanan si Job. Panay ang kanyang reklamo at hinaing: “Ang buhay ng tao ay sagana sa hirap, batbat ng tiisin at lungkot na dinaranas,” aniya. Sino sa atin ang makatatanggi rito? Sa bawa’t tingin natin sa balita ay panay kaguluhan, puro patayan, at pawang kasinungalingan at katiwalian ang ating nakikita!

Nguni’t ito ang katotohanan ng buhay ng tao, at katotohanang hinaharap ng mga may paniniwala sa Diyos – isang katotohanang nababalot ng magkasalungat na puwersa ng masama at mabuti.

Ito ang hiwaga ng buhay, ang hiwaga ng paghihirap, ang katanungang binigyang-diin ng batang si Glydel nang bumisita si Papa Francisco sa Pilipinas kamakailan. Isa itong katanungang walang madaling katugunan. Sa katunayan, walang kasagutang madaling hugutin sa aklat, kahit sa Wikipedia, kapag ang paghihirap ng tao ang pinag-uusapan.

Subali’t ito ay hindi isang tanong na pang-agham. Hindi ito isang katanungang makukuha sa malinaw na pormula sa matematika. Walang tahasang sagot. Walang tuwirang paliwanag, liban sa pag-aalay ng isang modelo, ng isang tularan at huwaran na si Jesus … Naghirap, nagpakasakit, pinahirapan, pinatay at muling nabuhay!

Walang anumang dahilan kung bakit dapat siya maghirap, subali’t ito mismo ang tangi nating pinanghahawakang tugon.

Sa mata ng pananampalataya, ito ang tugon ng mga pagbasa ngayon: “Panginoon ay purihin; siya ay nagpapagaling!”

Tingnan natin ang kinapapalooban ng ebanghelyo. Galing si Kristo noon sa lugar ng mga pagano. Doon, siya ay tinanggihan at hindi tinanggap ng mga tao, kung kaya’t hindi siya nakagawa ng maraming himala doon. Subali’t hindi ito naging dahilan upang hindi siya gumanap sa kanyang misyon ng pagpapagaling, pagpapalaya, at pagkakaloob ng kagalingan sa mga nangangailangan.

Lumipat ngayon si Jesus sa Capernaum, kung saan gumawa siya upang tugunan ang hiwaga at problema ng paghihirap. Pinagaling niya ang manugang ni Pedro. Bagama’t galing siya sa lugar ng pagtanggi, gumanap pa rin siya nang nararapat.

May isang larawang hindi natin dapat masa isang tabi sa ebanghelyo. Nagtungo raw si Jesus sa ilang, sa disyerto, kung saan siya nagdasal.

May kinalaman kaya ito sa unti-unti nating pagkaunawa at pagtanggap ng misteryo ng paghihirap? Ang pagsuong sa ilang, sa disyerto, sa oras na nakararanas tayo ng tagtuyot at kawalang kahulugan sa ating buhay?

Paglabas natin sa Misa, pareho pa rin ang buhay natin … ma trapik pa rin … mahal pa rin ang mga bilihin, at ang mahirap at lalo pang maghihirap. Masalimuot pa rin ang usaping pangkapayapaan … magulo pa rin ang ating buhay political, at madaya pa rin at masiba ang mga politico.

Tila walang sagot sa ating mga tanong … Pero ngayon, ayon sa pagbasa, mayroon tayong katugunan na makikita lamang sa mata ng pananampalataya. Wag natin sanang isipin na tayo ay sagad na sa paghihirap … Maniwala tayo … tayo ay sagana sa pag-ibig ng Diyos at sa kanyang pangako ng kaligtasan … kung di man ngayon, ay balang araw … Darating … Ipagkakaloob sa atin. Sapagka’t “inako ni Jesucristo ang sakit ng mga tao upang matubos niya tayo!”

TAGAPAGTAYO AT TAGAPANGALAP

In Uncategorized on Enero 24, 2015 at 09:39

Fishermen

Ikatlong Linggo Taon B

Enero 25, 2015

TAGAPAGTAYO AT TAGAPANGALAP

Wala akong karanasan sa pagiging karpintero o anluwage. Wala rin akong kaalaman hinggil sa pangingisda. Ang alam ko lamang isda ay ang alam kong lutuin at kainin.

Magkaiba ang gawain ng tagapagtayo o tagapagtatag. Pero iba pa rin ang gawain ng tagapangalap. Si Jesus ang nagtatag ng Santa Iglesya, nguni’t tumawag siya ng mga katuwang upang ipalaganap ang simbahang kanyang itinatag.

May nagsasabing mahirap lamang ang mga mangingisda noong panahon ni Jesus. Pero ayon sa mga dalubhasa sa Bibliya, hindi sila tunay na mahirap. Mayroon silang kaalaman magpaikot ng capital. Mayroon raw silang kaalaman upang palaguin ang kanilang kita. Hindi lamang sila mga taong walang ginawa kundi maghagis ng lambat at maghintay. Kailangan rin nila ng kakayahang magpatakbo ng isang maliit na komersyo.

Nais kong isipin na ang Simbahan ay kinakatawan ngayon ng dalawang ito: ang nagtatag na tanging Diyos lamang ang may karapatan at kakayahan, at ang mga sinugo upang mangalap, magtipon, at maghagis ng lambat upang makadagdag sa mga hinirang ng Diyos.

Tanging isa ang tagapagtatag – ang Diyos sa pamamagitan ni Kristong kanyang Anak. Tumawag siya ng mga sugo, ang mga tagapangalap – sina Pedro at ang iba pang mangingisda. Nakapagtatakang hindi siya tumawag ng mga katulad niyang anluwage, kundi mga mangingisda.

Si Kristo ang nagtatag. Si Kristo ang nagtayo ng simbahan. Pero tayo, tulad nina Simon, Andres, Juan at Santiago, ay tinawagan ring maging katuwang, katulong, tagapaghatid at tagapangalap ng iba pang magiging kasapi ng Iglesya.

Meron ba tayong puedeng matutunan sa apat na mangingisda? Meron …

“Iniwan nila ang mga lambat at sumunod sa kanya.” “Iniwan nila ang kanilang Amang si Zebedeo kasama ng mga utusan, at sumunod sa kanya.”

Sumusunod ba tayo?