PAG-AKYAT SA LANGIT NG PANGINOON (K)
Mayo 8, 2016
INIAKYAT, UMAKYAT, MAGPASALAMAT!
Sa biglang wari, sa makataong pananaw, talunan ang Panginoon sa kanyang
pagkamatay sa krus. Talo ang mapatay sa huli, at panalo ang mga nagpakana ng
kanyang paghihirap at pagkapako sa krus … Ito ay sa makataong pananaw natin.
Subali’t sa maka-Diyos na pananaw, ay hindi ito ang huling kabanata ng kasaysayan
ng kaligtasan. Sa araw na ito, makaraan ng 40 araw, ang Panginoon ay umakyat,
iniakyat sa Langit, upang lumuklok sa kanan ng Diyos Ama sa kanyang kaharian.
Una sa lahat, tiyakin natin … iniakyat ba siya o umakyat? Karaniwan nating sabihin
sa simbahan na ang Panginoon ay umakyat sa langit sa araw na ito. At kasabihan at
turo naman natin na ang Mahal na Birhen ay iniakyat sa langit (assumption). Alin ba
ang tama?
Pareho. Si Jesus ay umakyat sa langit, sa ganang kanyang kapangyarihan bilang
Diyos. Si Jesus ay iniakyat rin sa langit sa ganang kanyang kalikasan bilang taong
totoo, at Diyos na totoo. Si Jesus, bilang Diyos at tao ay may kaloobang maka-Diyos
at kaloobang maka-tao, bagama’t iisa, at tanging iisa lamang ang kanyang persona,
ang ikalawang persona ng Diyos.
Magulo ba? Wag mo nang kultahin ang utak sa malalim na Cristolohiyang ito. Sapat
nang paniwalaan natin na ang Diyos ay nagwagi laban sa kamatayan … na ang Diyos
ay panalo laban sa kasalanan, at sa lahat ng anumang dulot ng kasalanan – ang lahat
ng uri ng kadiliman at kawalang-katiyakan sa mundo.
Magulo ang mundo natin … magulo rin ang ating halalan. Wala akong kaliwanagang
nakikita kung patuloy pa rin na sila at sila rin lamang ang mga namumuno sa atin –
mga buo-buong pamilya, mga angkan, na waring sila lamang ang may kakayahang
“maglingkod” sa bayan. Magulo ang estado ng katotohanan, na laging nababaligtad
depende kung sino ang may malaking bayad sa naghahawak ng micropono.
Subali’t kung mayroong mahalagang pangaral sa atin ang pag-aakyat o pag-akyat ng
Panginoon sa langit at ito … hindi kailanman naglalaho ang pag-asa. Ang kanyang
paglisan sa mundo ay di pag-iiwan sa ating nabubuhay pa sa daigdig. Ang kanyang
pagtaas sa kalangitan ay pagtaas rin ng ating pag-asa.
Pero, gusto ko sanang bigyang-pansin ang pagtaas. Hindi ito pagtaas sa karangalan
at kayabangan. Sa halip, ang pagtaas ni Kristo sa kaluwalhatian ay dapat magbunga
ng pagbaba natin sa tunay na kasimplehan o kapayakan bilang tao. Ang kanyang
pag-angat sa luwalhati ay pagbaba natin sa paghahanap ng karangalang
makamundo.
Totoo na “habang umaakyat ang Panginoon, ang tambuli ay tumutunog,” tulad ng
sinagot natin matapos ang unang pagbasa. Pero para sa atin, ang kanyang pag-akyat
at naghatid naman sa atin sa pagpanaog – sa kababaang-loob. Tulad ng sinabi ni
Pablo, “Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang
ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin.”
Ang ating inaasahan … ang buhay na walang hanggan, na hindi para sa lupang
ibabaw.
Marami ang nag-aasam umangat, umakyat, at makarating sa matataas na posisyon
sa lipunan. Marami ang gustong mahalal at manatili sa pwesto, kahit buong pamilya
na nila ay nasa pwesto na nang matagal.
Ang paglisan ni Jesus sa mundong ibabaw ay tanda ng kababaang loob. Sa kanya ay
karapat-dapat lamang na maluklok sa kanan ng Ama. Ika nga, kung di ukol, ay di
bubukol.
Iniakyat, umakyat? Alin ang tama? Pareho. Pero hindi ito ang mahalaga … Ang
mahalaga ay ito … Sa kanyang pag-akyat, tayo naman ay dapat bumaba,
magpakumbaba, lumuhod at magpasalamat. Tayo rin, balang araw, sa tamang
panahong itinakda ng Diyos, ay may karapatang mapasama sa mga umaawit ng
papuri sa Diyos sa langit na tunay nating bayan. Amen.