frchito

PANAHON NA! ORAS NA! Unang Linggo ng Adbiyento Taon A

In Adviento, Panahon ng Pagdating, Uncategorized on Nobyembre 26, 2016 at 07:06

Unang Linggo ng Adviento (Taon A)
Nobyembre 27, 2016

Panahon Na! Oras Na!

Noong mga bata pa kami, paborito naming palabas sa TV ang “Oras ng Ligaya.” Malabo na sa aking alaala ang mga detalye ng palabas, pero ang natatandaan ko ay laging puno ng ligaya ang isang oras na tawanan, biruan, at kantahan (hindi pa uso noon ang sobrang pa-cute ng mga batang artista). Ang isang oras na yaon ay lagi naming pinakahihintay at inaasam-asam sa bawa’t araw. Sa musmos ko noong pag-iisip, si Oscar Obligacion ay para bagang bahagi ng bawa’t tahanan, bawa’t pamilya, at bawa’t grupo ng taong nagkakaisa sa ilalim ng iisang bubungan.

Sa aking pagbabalik-tanaw sa nakaraan, hindi ko maubos maisip kung paano kaming mga bata noon ay bihasang-bihasa sa paghihintay. Lagi kaming may hinihintay sa TV (kahit black and white lamang). Bawa’t araw ay may tampok na pinakahihintay: Mga Aninong Gumagalaw, Bahaghari, Piling-Piling Pelikula, Batman & Robin, Combat, Wild, Wild West, Mission Impossible, atbp. Ang Pasko ay tampulan ng lahat ng masidhing paghihintay. Bagama’t wala masyadong dapat hintayin, puno pa rin ng paghihintay at pag-aasam ang puso ng bawa’t bata noon. Kahit isang bagong jacket lamang o isang plastic na laruang baril-barilan ay pinakahihintay nang buong pag-asa.

Damang-dama ang diwa ng Adviento noong panahong iyon. Hindi pa man namin alam ang panahong nabanggit, batid kong ang diwa ng paghihintay ay bahagi ng buhay ng bawat tao bago mag-pasko.

Nakatutuwang isipin na sa unang linggong ito ng Adviento, wala sa mga pagbasa ang bumabanggit sa paghihintay. Sa katunayan, hindi paghihintay ang binibigyang-diin sa araw na ito. Ang malinaw na diwang lumulutang sa pagbasa, lalo na sa ikalawa at ikatlo ay ang diwa na nagsasabing “panahon na.” Sa madaling salita, ang tinutumbok ng pagbasa ay ang katotohanang ang pinag-aasam-asam ay narito na … na ang pinakahihintay ay maaari nang angkinin at pagyamanin.

Dumating na ang oras … ito ang turo ni Pablo … Oras na raw upang bumangon sa pagkakatulog. Oras na upang iwaksi ang gawa sa ilalim ng kadiliman at gumawa ayon sa kaliwanagan. Ito ay ipinagtatagubilin niya sapagka’t malapit nang dumatal ang bukang liwayway. Ang pinakahihintay ay dapat nang angkinin bilang katotohanan, at ang katotohanang ito ay dapat lakipan ng wastong pagkilos at wastong pamumuhay.

Hirap ang tao saanman ang maghintay ngayon. Sa daigdig na punong-puno ng mga orasan, sa kamay man o sa mga dingding ng lahat ng bahay at gusali, kay raming tao ang hindi makahintay. Lahat halos ng ginagamit o kinakain ay “instant” – instant coffee, instant noodles, instant cash, instant loans, atbp., Sa kahirapan natin maghintay, Agosto pa lamang ay nagiging pasko na. Pagkatapos na pagkatapos ng araw ng Pasko ay Valentine’s Day na ang isinusulong ng radyo, TV, internet, at mga pahayagan.

Tama ba kaya o mali ang ating ginagawang anticipasyon ng Pasko at ng anumang mahalagang araw sa buhay natin? Waring ito ang sinasaad ng mga pagbasa. Panahon na … dumating na ang oras! …

Subali’t kung ating titingnang muli, hindi ito isang hungkag at walang kahulugang pag-aanticipar ng darating na dakilang katotohanan. Ito ay hindi pagsalubong sa isang bagay na hindi pa napapanahong maganap. Sa halip ito ay ang pagsasabuhay ng kung anong tama at magaling na ginagampanan ng taong marunong at batid ang kahulugan ng kung ano ang pinakahihintay.

Ang hinihintay nating mga mananampalataya kay Kristo ay ang katuparan ng kanyang pangako – ang ganap na kaligtasan na magaganap sa kanyang muling pagbabalik. Subali’t hindi lamang yaong hindi pa nagaganap ang pinakahihintay natin. Hinihintay rin natin ang kanyang pagdating na ngayon ay patuloy nang nagaganap – ang pagdating niya sa biyaya, at ang pagdating niya sa hiwaga, bukod sa kanyang pagdating sa wakas ng panahon.

Kung si Kristo at ang kanyang kaloob na kaligtasan ay dumating na sa kasaysayan, kung si Kristo ay patuloy pang dumarating ngayon sa pamamagitan ng biyaya at hiwaga, at kung ang parehong Panginoon at Manliligtas ay darating pa sa wakas ng panahon, ito ay bagay na dapat salubungin. Ito ay bagay na dapat nang ipagdiwang, angkinin, at pagyamanin. At higit sa lahat, ito ay bagay na dapat paghandaan.

Ito ang dahilan kung bakit nagwika si Pablo … “Dumating na ang panahon.” Napapanahon na upang bumalikwas sa pagkakahiga at humarap sa isang bagong bukang liwayway … Panahon na upang iwaksi ang gawa ng kadiliman, at pag-ukulan ng pansin ang gawaing angkop sa kaliwanagan. Panahon na … ngayon na.

Ang Adviento ay pagdating. Kung may darating ay may naghihintay. Ang Adviento ay paggunita sa pagdating ng Siyang pinakahihintay ng sangkatauhan. Dumating na siya sa kasaysayan. Patuloy siyang dumarating sa biyaya at hiwaga na dulot ng kanyang katawang mistiko – ang Iglesya Katolika. Muli siyang darating sa wakas ng panahon.

Sapagka’t siya ay dumating, dumarating, at darating pa, iisang mahalagang paalaala ang dulot sa atin ng liturhiya sa araw na ito: “oras na” … hindi ng ligaya lamang, kundi oras na upang magpanibagong-buhay at anyo kay Kristong Panginoon at Diyos, Hari ng sanlibutan.

Nais kong isipin na sa sandali ng kanyang pagdatal, sabay-sabay at sama-sama tayong aawit ng katumbas ng awit nina Oscar Obligacion … Oras ng ligaya, halina’t tayo’y magsaya … “Halina’t magsaya patungo sa bahay ng Panginoon!” (Ps 122) (Tugon sa Salmo).

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: