frchito

IKAW LAMANG, PANGINOON!

In Tagalog Homily, Taon A on Nobyembre 9, 2017 at 17:23

 

Ika-32 Linggo ng Taon (A) Nobyembre 19, 2017 PANGINOON, IKAW LAMANG!

Mahalaga ang magkamit ng kakayahang kumilatis ng mga bagay-bagay. Sa panahon natin, palasak ang mga peke, tulad ng pekeng Rolex, pekeng Nike, pekeng bigas, at fake news, at kung ano-ano pang palsong mga produktong nagpapanggap na orihinal nguni’t gawa lamang naman pala sa China. Sa dami ng mga kadayaang gawa ng mga negosyante, kung minsan, napakahirap mamili kahit ng mga pagkain. Mahirap malaman kung ang mga pusit na galing China ay tunay na sariwa o nabuhusan ng formaldehyde o ano-ano pang mga kemikal. Mahirap makilala sa mga pulpol na politico ang tunay nagsasabi ng katotohanan, o nambobola lamang.

Kailangan natin ng tunay na karunungan upang mabatid kung alin ang tama, alin ang palso, alin ang peke, at alin ang palpak. Sa araw na ito, makalangit na karunungan ang ikinikintal sa atin ng mga pagbasa. Sa unang pagbasa, narinig natin ang isang himig para sa karunungang makalangit – karunungang “maningning at di kumukupas.” Alam nating lahat na ang peke, na tubog lamang sa ginto o sa pilak, ay hindi nananatiling makintab. Hindi naglalaon, ito ay kumukupas, naglalaho ang kinang, at napupuno ng pekas.

Ito rin ang nagaganap kung ang hanay ng ating pagpapahalaga ay nababaluktot … kapag ang mga pinahahalagahan natin ay katumbas ng pwet lamang ng baso, o pekeng tanso, o walang iba kundi plastic, kapag ang itinatampok natin o ginagawang diyus-diyusan ay dapat pangalawa lamang o pangatlo liban sa tunay na Diyos. Malinaw ang paalaala sa atin ng tugon matapos ang unang pagbasa: “Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang!” Pero napakadali sa atin ang mabulagan dahil sa mababaw na pagtingin natin.

Sa biglang- wari, ang paghihirap ay isang parang sumpa. Sa biglang wari, ang kamatayan ay ang kasukdulan ng kawalang kahulugan. Sa biglang tingin, pagkatalo ang magapi ng sakit, ng ano mang uri ng kahirapan, at ng kamatayan. Tunay na pagkilatis, bunsod ng makalangit na karunungan ang kailangan natin. Ito ang pagkilatis na turo ngayon ni San Pablo. Sa mata ng pananampalataya, binigyang- kahulugan ni Pablo ang kamatayan, batay sa kahulugan ng kamatayan mismo ng Panginoon: “Naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya naman, naniniwala tayong bubuhayin din ng Diyos ang lahat ng namatay na nananalig kay Jesus – upang isama sa kanya.”

Nguni’t dapat nating aminin na mahirap makita ang lahat ng ito. Mahirap makita bilang isang pagpapala ang kahirapan, ang pagdurusa, lalu na’t alam natin na ang nagdurusa ay taong inosente at walang kamuang-muang sa nagaganap – tulad ng mga sanggol, na dahil sa kasalanan at kapabayaan ng kanilang mga magulang, ay nagdaranas ng sari- saring kapaitan sa buhay. Mahirap makita ang diamanteng nagkukubli sa kapaitang ito. Mahirap makita ang pagpapalang nagtatago sa likod ng pagdurusa. Nguni’t napakadaling mapagkamalian ang puwit ng baso at makita ito bilang isang mamahaling Kristal.

Madaling mapagkamalian ang bagay na material at hindi nagtatagal bilang kasukdulan ng kayamanan at walang hanggang kaligayahan. Madaling gawing Diyos ang sa mula’t mula pa ay isang payaso o anino lamang ng tunay na Diyos na buhay. Madaling mabulag dahil sa makikintab at makikinang na pekeng tanso o palsong ginto na tubog lamang naman sa manipis at mababaw na kagandahan. Sampung dalaga ang naatangan upang magbantay sa pagdating ng lalaking ikakasal. Ang lima ay nasiyahan na sa puwit ng baso o palsong ginto. Nasiyahan na sila sa isang ilawang walang pampuno ng langis sa sandaling magkulang. Nabulag na sila sa ilaw na hatid ng kanilang ilawang napakadali palang maubusan ng langis.

Ang lima ay may angking karunungan. Nagsikap. Nagpaanyo. Naghanda. Hindi nasiyahan at lalung hindi nabulagan sa lumalagablab na apoy ng kanilang mga sulo. Naghanap ng paraan at naghanda sa sandaling maubusan. Naghirap nang kaunti sa pagdadala ng extrang langis. Inisip ang kahihinatnan ng kanilang ginagawa. Nakita ang maaaring maganap, o puedeng mangyari. Malayo ang kanilang tingin, at hindi nasiyahan sa kinang ng pekeng ginto ngayon at dito. May angkin silang tunay na karunungan!

At ito ang malaking kaibahan sa pagitan ng limang bobo at limang marunong! Bobo tayo kung hindi natin makita ang tunay na siya nating hinahanap. Bobo tayo kung tayo ay manatili lamang sa kung ano ang sininisinta, kung ano ang ginugusto, at hindi ang siyang tunay nating panagimpan at pangarap ng puso. Ang ginugusto at sinininta, kalimitan, ay tulad lamang ng puwit ng baso – mababaw, pahapyaw, at madalian. Natumbok ng salmista ang tunay nating panagimpan, at tunay nating inaasam at siyang makapagbibigay-katuparan sa kaibuturan ng pagkatao natin – walang iba kundi ang Diyos! “Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang!”

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: