frchito

Imbakan ng Awtor

MATATAG, MANANATILI, MAGHAHARI, MAGPAKAILANMAN!

In Uncategorized on Disyembre 23, 2014 at 18:25

zechariah_and_john

Ika-9 na Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 24, 2014

MATATAG, MANANATILI, MAGHAHARI, MAGPAKAILANMAN!

Kaming mga tigulang na (o damatan sa aming kapanahuhan) ay hindi na iba sa maraming mga slogan na minsang nagbigay sa amin ng pag-asa: bagong lipunan, bagong disiplina, matatag na republika, tuwid na daan, at marami pang iba. Ewan ko kung ano pa ang maiisip ng mga kinauukulan upang hubugin o linlangin ang taong-bayan sa hinaharap.

Di miminsan sa ating buhay na tayo ay nagtiwala sa isang matipuno, matikas, mabulalas, at magaling na pinuno upang tayo ay ihatid sa kasaganaan. Ang buong kasaysayan ay punong-puno ng mga magagaling na taong ito na nagbigay ng bagong pag-asa sa milyon-milyon o bilyon-bilyong mga tao: sina Alexander the Great, sina Julius Caesar, sina Hitler, Hirohito, at marami pang hinangaan at pinagkalooban ng tiwala ng balana.

Nguni’t ang parehong kasaysayan ay puno ng istorya ng kabiguan … mga dating matikas na haring di naglaon ay naging diktador, mapaniil, sakim at sabik pa sa dagdag na kapangyarihan.

Sabik tayo ang nag-aasam sa tunay na pinuno. Uhaw tayo at naghihintay sa pagdatal ng tunay na siyang maghahatid sa atin sa kaganapan at katuparan ng lahat ng ating mga hangarin, adhikain, at mithiin, hindi lamang sa kapakanang pang katawan, kundi, lalo’t higit sa pangkapakanang espiritwal.

Sa huling araw ng Simbang Gabi, nais ko sanang ipahatid sa inyo na ang Simbahan, ang Diyos, ang lahat ng mananampalataya kay Kristo ay kaisa ninyo sa inyong matimyas na pag-aasam at marubdob na pag-asa. Iyan ang unang magandang balita sa araw na ito.

Ang ikalawa ay ito … Iyan rin mismo ang pangarap at hangarin ng Diyos. Iyan rin mismo ang ipinangako niya kay David at lahat ng umasa at naghintay para sa isang matatag na kaharian, na hindi magagapi ninuman: “Magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia’y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono.”

Naglaho na silang lahat. Si Hitler. Si Idi Amin. Si Duvalier, at marami pang ibang hindi na dapat pa banggitin. Nariyan ang nangako ng bagong lipunan. Nariyan ang nangako ng matatag na republika. Nariyan ang panay ang bigkas at banggit ng tuwid na daan … Ang lahat ay nauwi at nauuwi sa kabiguan.

Nguni’t hindi lahat. Binabawi ko ang aking sinabi. Hindi lahat, sapagka’t ang nangakong Diyos na nagbigay ng Tagapagligtas ay patuloy pa ring gumagawa, gumaganap, kumikilos, at nagbibigay katuparan sa lahat. Hindi lamang siya sinag ng bukang liwayway at araw ng kaligtasan. Siya ay liwanag ng sanlibutan na patuloy na nagtatanglaw sa ating daanan at tahakin. Patuloy pa rin kayong nagbabalik taon-taon upang mapagpala sa mga Simbang Gabi at sa araw ng Pasko. Patuloy pa rin kayong tumatanggap ng kaligtasang dulot niya sa kanyang pagparito sa hiwaga, sa biyaya, at sa kasaysayan.

Matatag ang bagong republika, hindi ni Adan, kundi ng bagong Adan, na si Kristo. Matatag ang sambahayang itinayo ng Diyos para sa angkan ni David. At ang katatagang ito at pangako ng walang patid na pagtulong mula sa Diyos ng pangako at Diyos ng katuparan, ay patuloy na namamayagpag. Hindi siya magagapi, at tulad ng sinabi natin noong isang araw, wala nang gagambala; wala nang mang-aapi, sapagka’t dakila ang ngalan ng Panginoon.

Masisisi mo ba si Zacarias na nagpadala sa agos ng damdamin at agos ng katiyakan nang kanyang ibinulalas: “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel! Sapagkat nilingap niya at pinalaya ang kanyang bayan, at nagpadala siya sa atin ng makapangyarihang tagapagligtas!”

Ano pa ang kailangang idagdag dito?

MAGANDANG BALITA SA PAMILYA

In Uncategorized on Disyembre 22, 2014 at 22:35

Malachi Saint-John-the-Baptist-web

Ika-8 Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 23, 2014

MAGANDANG BALITA SA PAMILYA

Hindi natin maitatanggi na ang pamilya ay nagdaranas ng sari-saring pagsubok sa ating panahon. Una sa lahat, hirap ang pamilya na manatiling magkaisa ngayon. Si Tatay ay nagtatrabaho sa Saudi, o si Nanay ay nanunungkulan o naninilbihan sa HongKong o Italya o saanman sa buong Europa. Si Kuya o si Ate ay nasa Singapore o nasa Korea.

Pangalawa, ang uso na siyang kalakarang namamayaning saloobin at isipin, na batay sa tinatawag na “tolerance” ay nagtuturong maski ano puede, basta’t
happy ka. Basta’t masaya ka, wala sinumang makapagkokondena … sabay batbat pa ng isang quote na mula kay Pope Francis: “Who am I to judge?” (kahit ang puno at dulo o konteksto ay malayo sa konteksto na nasa isip ng marami ngayon!)

Pangatlo, iba na ang pamilya dahilan sa iniba na rin ang definisyon ng kasal. Hindi na ito isang kontratang pang habambuhay, kundi isa lamang partnership, na puedeng mawala o magbago ng mga alituntunin, anumang oras.

Ang kasal, bagama’t isang institusyong natural, ang kanyang hugis at anyo ay nababalot na ng isang anyong hindi na ayon sa kalikasan. Iba-iba nang gawang makataong element ang bumabalot sa kasal.

Nguni’t sapagkat ang Diyos ang may akda nito, kaisahan at pagniniig ang natural dito, hindi hidwaan o pagtutungayaw.

Nais kong isipin na isa ito sa mga padaplis na paksa ng pagbasa, lalu na sa unang pagbasa. Ayon sa pangako ni Propeta Malakias, “darating ang pinakahihintay na sugo at ipahahayag ang aking tipan.” Pero ang kanyang pagdating ay may tahasang pakay: “para humatol at dadalisayin niya ang mga saserdote, tulad ng pagdadalisay sa pilak at ginto, upang maging karapat-dapat sa Panginoon.”

Isang institusyong makatao na dapat dalisayin ang kasal, ang pagsasama ng babae at lalake ayon sa balak ng Diyos, bilang isang pagniniig sa pag-ibig sa harapan ng Diyos at tao. At isa sa mga bunga nito ay ang pagdadalisay rin sa pamilya, na nabahiran na rin ng hidwaan bunga ng kasalanan. Hatid ng kasalanang ito ang kawalang kapanatagan sa isa’t isa, o kawalan ng wasto at malalim na pagniniig, tulad ng pakikipagniig ng Diyos sa kanyang bayan.

Ito ang magandang balita para sa mga pamilyang naririto ngayong umaga: “Muling magkakalapit ang loob ng mga ama’t mga anak.”

Harinawa, O Panginoon! Halina, Panginoon, halina!