frchito

Posts Tagged ‘Ika-9 na Araw ng Simbang Gabi’

In Simbang Gabi 2015, Taon K, Uncategorized on Disyembre 23, 2015 at 09:09

tumblr_m0gxpueRbo1qbzsujo1_400

sea-dawn-sunset-holiday.jpgSIMBANG GABI 2015   Ika-9 na Araw

Disyembre 24, 2015

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

MAGLILIWANAG ANG BUKANG LIWAYWAY!

“Halina, Panginoon, magmadali! Huwag nang paantala!” Ito ang angkop na angkop na unang linya sa ating dasal sa simula ng Misa. Sa gabi ring ito ay magaganap ang ating matagal na pinakahihintay.

Pero hindi lahat ng paghihintay ay nababalot ng pakiramdam na OK ang lahat. Habang lumalapit ang pinaghahandaan natin, meron lagi tayong nakikitang kulang. Meron lagi tayong nararamdamang kakulangan.

Di ba’t iyan ang pakiramdam ng mga taong malapit nang ikasal, o malapit nang mag graduate o malapit nang maordenahan? Lagi tayong atubili, sapagka’t ang dama natin ay hindi tayo lubos pang handa, hindi pa tayong ganap, o ika nga, ay hilaw na hilaw pa.

Maging si Haring David ay pinamugaran ang puso ng ganitong pag-aalinlangan. Nabahala siya na siya ay nakatira sa isang palasyo at ang kaban ng tipan ay nasa isang tolda lamang. Na-guilty ika nga si David.

Pero ang Diyos na siyang nagbalak ay hindi napapailalim sa mga kakapusan ng tao, o kakulangan ng kapwa. Hindi magiging anumang balakid sa Kanya ang ating kahinaan, at mga kakapusan nating lahat. Kaya’t siya na ang nagsabi: “Ako mismo ang gagawa ng Kaharian.” “Ako ang banala,” sabi ng Panginoon.

Marami tayong nakikitang balakid sa buhay natin, sa lipunan natin. Hanggang ngayon ay hindi pa tayo magkaisa. Sa katunayan, lalung naging hati-hati ang bayan, matapos may pumasok na bagong kandidato. Marami tayong gustong baguhin, gustong gawain.

“Ako ang bahala,” sabi ng Panginoon!

Ito ang magandang balita ng Pasko. Laging may pag-asang bago. Laging may pag-asang matutupad. Laging mayroon tayong maaring mahintay. Ito ang mensahe ng pagsilang ng sanggol sa Belen.

Hindi kompleto ang lahat nang makita ni Zacarias ang kadakilaan ng Diyos. Hindi nalutas lahat ng kanilang problema. Matanda pa rin siya. Magulo pa rin ang mundo.

Pero sa kabila ng lahat, puno pa rin siya ng pasasalamat, at puno ng pagdakila sa Diyos, at bumulalas ng ganito: “Purihin ang Panginoon ang Diyos ng Israel, sapagka’t naparito siya upang iligtas at palayain ang kanyang bayan.”

Kaya ito ang para sa ating lahat … Hindi pa rin tayo mayaman. Hindi pa rin nalulutas ang trapiko. Marami pa tayong suliranin. Pero ito ang tiyak …

Darating ang Panginoon, hindi magluluwat. Sasabog ang isang panibagong umaga. Sasambulat ang isang nagniningning na bukang liwayway!

Ano pa hanap mo?

 

Advertisement

MATATAG, MANANATILI, MAGHAHARI, MAGPAKAILANMAN!

In Uncategorized on Disyembre 23, 2014 at 18:25

zechariah_and_john

Ika-9 na Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 24, 2014

MATATAG, MANANATILI, MAGHAHARI, MAGPAKAILANMAN!

Kaming mga tigulang na (o damatan sa aming kapanahuhan) ay hindi na iba sa maraming mga slogan na minsang nagbigay sa amin ng pag-asa: bagong lipunan, bagong disiplina, matatag na republika, tuwid na daan, at marami pang iba. Ewan ko kung ano pa ang maiisip ng mga kinauukulan upang hubugin o linlangin ang taong-bayan sa hinaharap.

Di miminsan sa ating buhay na tayo ay nagtiwala sa isang matipuno, matikas, mabulalas, at magaling na pinuno upang tayo ay ihatid sa kasaganaan. Ang buong kasaysayan ay punong-puno ng mga magagaling na taong ito na nagbigay ng bagong pag-asa sa milyon-milyon o bilyon-bilyong mga tao: sina Alexander the Great, sina Julius Caesar, sina Hitler, Hirohito, at marami pang hinangaan at pinagkalooban ng tiwala ng balana.

Nguni’t ang parehong kasaysayan ay puno ng istorya ng kabiguan … mga dating matikas na haring di naglaon ay naging diktador, mapaniil, sakim at sabik pa sa dagdag na kapangyarihan.

Sabik tayo ang nag-aasam sa tunay na pinuno. Uhaw tayo at naghihintay sa pagdatal ng tunay na siyang maghahatid sa atin sa kaganapan at katuparan ng lahat ng ating mga hangarin, adhikain, at mithiin, hindi lamang sa kapakanang pang katawan, kundi, lalo’t higit sa pangkapakanang espiritwal.

Sa huling araw ng Simbang Gabi, nais ko sanang ipahatid sa inyo na ang Simbahan, ang Diyos, ang lahat ng mananampalataya kay Kristo ay kaisa ninyo sa inyong matimyas na pag-aasam at marubdob na pag-asa. Iyan ang unang magandang balita sa araw na ito.

Ang ikalawa ay ito … Iyan rin mismo ang pangarap at hangarin ng Diyos. Iyan rin mismo ang ipinangako niya kay David at lahat ng umasa at naghintay para sa isang matatag na kaharian, na hindi magagapi ninuman: “Magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia’y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono.”

Naglaho na silang lahat. Si Hitler. Si Idi Amin. Si Duvalier, at marami pang ibang hindi na dapat pa banggitin. Nariyan ang nangako ng bagong lipunan. Nariyan ang nangako ng matatag na republika. Nariyan ang panay ang bigkas at banggit ng tuwid na daan … Ang lahat ay nauwi at nauuwi sa kabiguan.

Nguni’t hindi lahat. Binabawi ko ang aking sinabi. Hindi lahat, sapagka’t ang nangakong Diyos na nagbigay ng Tagapagligtas ay patuloy pa ring gumagawa, gumaganap, kumikilos, at nagbibigay katuparan sa lahat. Hindi lamang siya sinag ng bukang liwayway at araw ng kaligtasan. Siya ay liwanag ng sanlibutan na patuloy na nagtatanglaw sa ating daanan at tahakin. Patuloy pa rin kayong nagbabalik taon-taon upang mapagpala sa mga Simbang Gabi at sa araw ng Pasko. Patuloy pa rin kayong tumatanggap ng kaligtasang dulot niya sa kanyang pagparito sa hiwaga, sa biyaya, at sa kasaysayan.

Matatag ang bagong republika, hindi ni Adan, kundi ng bagong Adan, na si Kristo. Matatag ang sambahayang itinayo ng Diyos para sa angkan ni David. At ang katatagang ito at pangako ng walang patid na pagtulong mula sa Diyos ng pangako at Diyos ng katuparan, ay patuloy na namamayagpag. Hindi siya magagapi, at tulad ng sinabi natin noong isang araw, wala nang gagambala; wala nang mang-aapi, sapagka’t dakila ang ngalan ng Panginoon.

Masisisi mo ba si Zacarias na nagpadala sa agos ng damdamin at agos ng katiyakan nang kanyang ibinulalas: “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel! Sapagkat nilingap niya at pinalaya ang kanyang bayan, at nagpadala siya sa atin ng makapangyarihang tagapagligtas!”

Ano pa ang kailangang idagdag dito?