frchito

Imbakan ng Awtor

DITO NA TAYO SA TUNAY, KAIBIGAN!

In Catholic Homily, LIngguhang Pagninilay, Taon A on Hunyo 20, 2014 at 20:05

Bread-loaves-grain

KABANAL-BANALANG KATAWAN AT DUGO NG PANGINOON (A)
Hunyo 22, 2014

Maraming peke at palso sa ating buhay at kapaligiran. May pekeng tanso, pekeng diamante, pekeng ginto, at pekeng mga kongresista at senador. Sa ibang lugar, mayroon ring mga pekeng gatas, hindi tunay na karne, at palsong mga de lata, na kung minsan ang laman ay bulok nang isda na ginawang “sariwang sardinas.”

Sa mundong ito na nababalot ng iba-ibang uri ng kaplastikan, mahirap ang kumilala at kumilatis ng tunay. Mahirap mamili king sino ang iboboto na hindi tunay at tapat lamang sa araw ng eleksyon, at kapag nahalal na, ay wala nang kilala kundi ang mga katulad ni Napoles.

Mahirap magtiwala sa peke. Mahirap maniwala sa hindi tapat at sinungaling. Sa ibang lugar, mayroon ring mga pekeng pari na walang ginawa kundi magwisik ng banal na tubig at humingi ng bayad. May mga pekeng mga tauhan ng gobyerno na walang kundi ang mag-abot ng sobre sa araw ng pasko, at matapos ang pasko ay hindi mo na makikita.

Pero ang tunay na trahedya ay hindi ang katotohanang maraming peke, kundi ang katotohanang maraming naloloko ng peke at palso.

Tunay, at hindi peke ang turo sa atin ng Panginoon sa araw na ito: tunay na pagkain, at tunay na inumin. Walang peke sa turong ito. Walang panlilinlang. Walang panloloko. Panay kapakanan natin ang pakay, hindi pansariling kapakanan.

Pero bago tayo managana sa tunay na pangaral na ito at tunay ring kaloob, kailangan natin gumawa ng masusing pag-aala-ala. Kailangan natin gunitain ang mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos para sa ating kaligtasan. Kailangan nating ikonekta at idugtong ito sa lubha pang kahanga-hangang pagkakaloob ng sarili niyang katawan at dugo ng Panginoon, sa kalbaryo at sa huling hapunan, at sa bawa’t pagkakataong tayo ay dumadalo sa Banal na Misa.

Walang peke sa Eukaristiya. Walang palso sa kaloob ng Diyos sa atin, at sa kaloob ng kanyang bugtong na Anak. Walang palso sa kanyang pangako: “Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya.”

Wala ring peke sa kanyang paghihirap, pagkamatay, at muling pagkabuhay!

Siya ay Diyos na totoo at tao ring totoo. Siya ay Anak ng Diyos, at Siya ay Panginoon at tagapagligtas.

Araw ngayon ng totoo. Totoong pagkain, totoong dugo at inumin. Sa mundong ito na nababalot ng lahat ng uri ng kaplastikan, mayroong isang hindi man lamang nadungisan ng kasinungalingan at kaplastikan. Hindi biro ang buhay na walang hanggan. Hindi rin ito pangakong nakasulat sa tubig. Ito ay pinatunayan niya sa kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay.

Ang Eukaristiya ay nunok ng katotohanan. Walang iba ang nangako nang ganito. Walang iba ang nangaral nang tulad nito. At ang pangaral na ito ay siyang hanap nating lahat – buhay na walang hanggan … kapiling ng Diyos at Ama, sa langit na tunay nating bayan!

Saan ka pa kaibigan? Sa peke o sa tunay? Tayo na at tumanggap ng kanyang Katawan at Dugo sa komunyon.

PANGINOONG MAPAGMAHAL AT MAAWAIN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Taon A on Hunyo 14, 2014 at 09:29

4430395

Banal na Santatlo (A)
Hunyo 15, 2014

PANGINOONG MAPAGMAHAL AT MAAWAIN!

May mga taong ayaw nating makasama, makasalamuha, at makaniig. Mayroong taong kapag pumasok sa grupo ay nagiging simula ng hidwaan, away, at hiwalayan. Kaunting intriga ngayon; kaunting bulong doon; kaunting bintang bukas; at kaunting pasaring sa makalawa. Para silang uod, na unti-unting kumakain sa kaisahan at kapayapaan.

Lahat tayo ay nagiging ganito paminsan-minsan. Tayong lahat ay may magaspang na bahagi ng pagkatao, at tayong lahat ay may kakulangan kumpara sa luwalhati ng Diyos!

Luwalhati ng Diyos! Ito ang tanging araw na binibigyang-diin natin ang isang ginagawa natin araw-araw pero hindi natin pinag-uusapan. Pero ang luwalhati ng Diyos ay hindi lamang bagay na lutang, hindi lamang bagay na nakasalampaw sa alapaap, o bagay na walang kinalaman sa atin.

Ang Diyos ay Diyos kahit na hindi natin aminin at tanggapin. Ang Diyos ay maluwalhati kahit natin hindi luwalhatiin. Pero ang turo ng Kasulatan, ang turo din ng kasaysayan ay ito … Ang Diyos ay Diyos hindi lamang para sa Kanyang sarili, kundi para sa iba. Ang Diyos ay sumasaatin. Ang Diyos ay Diyos sa ganang kanyang sarili, pero hindi lamang ito ang nakagisnan nating katotohanan. Siya ay Diyos na maylikha, Diyos na tagapagligtas, Diyos na mahabagin at maawain!

Sa panahon natin, talamak ang pagkamakasarili. Tingnan lang natin ang mga namumuno sa atin. Bilyon-bilyon ang naglalaho, pero wala raw ni isa sa kanila ang magnanakaw.

Sa panahon natin, palasak rin ang hidwaan, ang pagkakawatak-watak ay pagkakanya-kanya. Hila rito; hila doon. Batak dito; batak doon. Hirap tayo magka-isa at magsama-sama. Pati ang Araw ng Kalayaan ay araw na hindi masyadong nababanaag ang kaisahan.

Sa araw na ito, araw ng Kaisahan ng Diyos sa tatlong Persona, diwa ng pagkakabuklod ang dulot sa atin. At walang anumang makapag-iisa sa ating lahat nang higit pa kaysa sa makilala at madama ang pag-ibig ng iisang Diyos na tatlong persona, ang Diyos na Ama, Diyos na Anak, at Diyos na Espiritu Santo.

Maikli ang mga pagbasa natin. Mahaba ang mga paliwanag ng mga teologo at mga paham. Libo-libong libro ang nasulat na tungkol sa Banal na Santatlo, pero kakaunti ang hatid sa atin ng Banal na Kasulatan. At ang kakaunting ito ay sapat na upang makita natin ang higit na mahalaga.

At ito ang higit na mahalaga: “Akong Panginoon ay mapagmahal at maawain.”

Ito ang kanyang dulot sa atin: “pagpapala mula kay Jesucristong Panginoon, pag-ibig ng Diyos, at pakikipag-isa ng Espiritu Santo.”

At ito ang kasukdulan … “Sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.”

Huwag lang manatili sa Diyos ng hiwaga. Damahin natin, kilalanin at mahalin ang Diyos ng gawa … Siya ay Diyos na mahabagin at mapagmahal.