frchito

Imbakan ng Awtor

MARAMING DILA; IISANG PANG-UNAWA; IISANG TADHANA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Taon A on Hunyo 7, 2014 at 21:35

20120513144615!Icon-Pentecost

Linggo ng Pentekostes
Junio 8, 2014

MARAMING DILA; IISANG PANG-UNAWA; IISANG TADHANA

Kataka-takang minarapat ng Diyos na ang pagbaba ng Espiritu Santo ay naganap sa pamamagitan ng mga “dilang apoy.” Maraming dila ang bumaba at lumapag sa noo ng mga disipulo. Maraming dila ang naging bunga ng dilang apoy. Nakapagsalita ang marami sa iba-ibang wika. Nakaunawa ang lahat ng mga iba-ibang wika. Nagkaisa ang mga kakaiba. Nagkabuklod ang mga di magkatulad at magkasama. Ang mga taong walang kaisahan ay naging malapit sa isa’t isa.

At ito ang higit sa lahat … ang mga natatakot ay naging matapang; ang mga dati-rati’y walang lakas ay tumanggap ng kalakasan upang mangaral. Ang mga nawalan ng pag-asa ay nabuhayan.

Pero ang lahat ng ito ay nakatuon hindi sa maraming mga salita kundi sa tatatlong kataga: “Si Jesus ay Panginoon.”

Kay rami ngayon na ang dini-diyos ay ang “One Direction.” Hindi na bale na sila ay gumagamit ng drugs. Hindi na rin bale na gumastos ng perang dapat pambayad sa matrikula, makapanood lamang ng One Direction. Marami ngayon rin na ang itinuturing na Diyos ay salapi at kayamanan. Wala nang hiya-hiya. Wala nang katapatan. Wala ni isa yata sa mga kagalang-galang ang nagsasabi ng totoo. Ang lahat ay may palusot. Ang lahat ay may dahilan. Ang lahat ay hindi nagnakaw. Pero ang lahat ay kay gaganda ng kotse, bahay, at kay raming pera na parang walang pagka-ubos.

Marami rin ang itinuturing na panginoon ay kung sino man ang makapagbibigay ng malaking commission, magarang tahanan, at “unli” na pinagkukunan ng pera. Uso ngayon ang Unli rice, unli-text, unli calls at iba pa. Pati pork barrel ay Unli para sa mga ma-abilidad at makapal ang mukha.

Minsan rin, dila ng kaibahan at pugad ng pagkakawatak-watak ang ating tahanan. Kanya-kanyang uwi. Kanya-kanyang init ng sariling pagkain. Kanya-kanyang lakad. Maraming mga barangay natin ay kanya-kanyang manok sa oras ng eleksyon. Kapag natalo ang isang kandidato ay palit lahat ng traffic aides. Tanggal lahat ang mga tauhang kaugnay sa talunan. Pati mga traffic posts and light posts ay nag-iiba ng kulay, o pinapalitan ng bago kahit hindi naman kailangan.

Ang Pentekostes ay kabaligtaran ng lahat ng ito. Ang Pentekostes ay kaisahan, kahit na tayo ay napapaligiran ng pagkakaiba-iba. Ang Pentekostes ay larawan ng kapangyarihan, kahit na tayo ay nababalot ng takot, pangamba, at kahinaan ng puso at damdamin. Ang Pentekostes ay kaloob ng IISANG Espiritu. Ang Pentekostes ay pagkakaloob ng maraming mga regalo o kaloob, nguni’t IISA ang pinagmulan. Ang Pentekostes ay araw ng kalakasang dulot ng IISANG DIYOS. IISANG ESPIRITU. IISANG PANGINOON.

At tanging isa ang pangaral na ating pinanghahawakan ngayon: SI JESUS AY PANGINOON!

Kung si Jesus ay Panginoon, wala nang lugar ang pagkakawatak-watak, ang pagtungayaw, ang pakikipagpaligsahan sa isa’t isa. Wala nang puwang ang pakikipag tagisang lakas sa isa’t isa upang sapawan at palubugin ang kapwa.

Kung si Jesus ay Panginoon, ang mga bagay na nagpapahiwalay ay mapapalitan natin ng kaisahan, kaugnayan, at pagkakabuklod bilang tagasunod ng iisang Diyos, iisang binyag, iisang Panginoon, at iisang Ama at Diyos ng lahat. Marami mang dila; iisa ang pang-unawa; iisa ang tadhana … kasama ni Jesus na Panginoon!

UMAKYAT, HINDI UMALIS; NILUWALHATI UPANG MANATILI

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Mayo 31, 2014 at 05:30

Ascension_ofthe_lord_dragan_jovanovic_large

PAG-AKYAT SA LANGIT (A)
Junio 1, 2014

UMAKYAT, HINDI UMALIS; NILUWALHATI UPANG MANATILI

Marami sa ating mga kababayang ina at ama ng mga batang paslit ang lumilisan sa bayan, nangingibang-bayan, at naglalakbay sa malayo. Marami sa mga batang mga magulang na umaalis araw-araw para mag-trabaho ay sadyang iniiwan ang mga anak, sa mga yaya, o sa kanilang sariling mga magulang, sa Lolo o Lola.

Si Jesus man ay lumisan … umakyat sa kalangitan. Ito ang ipinagdiriwang natin ngayon.

Nguni’t batid nating lahat na ang paglisan ng mga magulang na Pinoy ay hindi pag-alis upang mawalay, upang mahiwalay, o upang malayo. Ito ay isang paglisan na ang pakay ay upang lalong mapalapit, upang mapaghandaan ang darating na kinabukasan ng kanilang mga anak. Itong paglisang ito ay hindi pamamaalam, kundi pagsisikap, pagtitiyaga, upang higit na mapamahal sa mga anak.

Noong hindi pa uso ang Skype at facetime, telepono ang koneksyon ng magulang sa abroad at anak sa sariling bayan. Nang mauso na ang texting, panay text naman araw-araw. At ngayong palasak na ang mga tablet, Android man o iOS, ang paglisan sa malayo ay napalitan ng pakikipagniig sa pamamagitan ng videochat.

Si Jesus ay umakyat sa langit. Nakapagtatakang hindi man lamang ito binanggit ni Mateo sa ebanghelyo. Tama siya. Hindi umakyat ang Panginoon upang lumisan, kundi upang luwalhatiin ng Ama. Umakyat siya hindi upang mawala sa ating piling, bagkus upang manatili sa ibang paraan, sa mas mataas na antas sa pamamagitan ng biyaya, o misterio ng kanyang pananatili at pakikisalamuha sa atin.

Ang pag-akyat ng Panginoon ay hindi pamamaalam, kundi pananatili. Ang pag-akyat niya ay hindi paglisan kundi pagiging kapiling natin sa biyaya, sa tuluyang gawang pagliligtas, at sa pakikipagniig sa pamamagitan ng kanyang katawang mistiko, ang Santa Iglesya.

Pero, tingnan nating muli ang ebanghelyo … may karugtong pa. Hindi siya lumisan. Hindi siya namaalam. Patuloy siyang nananatili, pero may iniutos siya sa atin: “Humayo kayo at gawing disipulo ko ang buong daigdig.”

Sa huling pagtutuos, ang pag-akyat ay pananatili sa piling natin. Ang pag-akyat niya ay isang paghamon, upang tayo ay gumanap sa kanyang ginanap, ang katotohanan tungkol sa kung sino siya … EMMANUEL, ang Diyos na sumasaatin!

Hali! Huwag lumisan! Manatili! Mangaral at gumawa nang ayon sa kanyang ipinag-utos. At ito ang ating panalangin tuwina: MANE NOBISCUM, DOMINE, SEMPER ET PRO SEMPER! Manatili ka sa aming piling Panginoon, sa tuwina at saanman!