frchito

Imbakan ng Awtor

DARATING, DUMATING. NGAYON NA!

In Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Taon A on Marso 21, 2014 at 12:42

woman_at_the_well

Ikatlong Linggo ng Kwaresma (A)
Marso 23, 2014

DARATING. DUMATING. NGAYON NA!

Ni hindi pinangalanan ang babaeng Samaritana. Sino nga ba ang kailangan ng pangalan kung ang masama mong reputasyon ay nauna na sa iyo? Di ba ganyan ang buhay? Kapag napag piyestahan ka na sa tsismis, hindi na kelangang pangalanan pa. Sapat na na ikaw ay tawaging “ basagulero,” “kriminal,” “mandurukot” atbp.

Napagod si Jesus at nauhaw. Umupo sa tabi ng balon, At sa darating naman ang babae. Kinausap ni Jesus. Kapag may awa at habag, hindi na kailangan tanungin kung sino. Kapag gusto mo tulungan ang nangangailangan, hindi na kailangan ng birth certificate. Kapag may naghihintay ng tulong, awa, at kalinga, hindi na titingnan ang ID.

Ganito ang habag ng Panginoon. Alam niya na kailangan ng tulong ng babae. Hindi na mahalagan kung meron siyang voter’s ID. Ganito magmahal ang Diyos. Ganito siya maghatid ng patawad. Hindi namimili. Hindi humihingi ng patunay na ikaw nga ay taga siyudad ng Samaria.

Pero alam niya. Alam rin niya ang ating style. Mahilig magpalusot. Mahilig maghanap ng butas para tumakas. Nagdulot si Jesus ng tubig na buhay, nanatili ang babae sa tubig ng balon. Mababaw. Nagwika si Jesus tungkol sa mga bagay na espiritwal, patuloy na nanatili ang babae sa bagay na makamundo.

Para tayong lahat mga Samaritana. Kapag medyo nasusukol, nagtatanong tayo ng mga tanong na walang kinalaman sa usapan. Napuntirya niya ang tunay at wastong pagsamba. Pero iniwasan niya ang usapin tungkol sa kanyang limang asawa. Nagwika si Jesus sa tubig na walang hanggan. Nanatili siya sa usapan ng paraan para makapagkabit ng hose para hindi na siya sumalok sa balon.

Mababaw. Mapaglihis. Mapaglinlang … tulad ng mga senador na buking na, pero maraming dahilan, maraming rason, at lalung maraming pinagtututuro, tulad ni Adan at Eba, na walang ginawa kundi magturo at magbintang at ang ahas ang pinagdiskitahan at pinagbuntunan!

Di ba tulad rin tayo ni Moises? Nang nakatikim na ng hirap, uhaw, pagod at gutom sa ilang ay nagtanong nang walang pakundangan sa Diyos: Bakit mo kami dinala rito sa ilang? Ito ba ay para ako at ang lahat ng kasama ko ay mamatay sa uhaw at gutom?

Ito siguro ang dahilan kung bakit nakuha rin ng Diyos na umangal: Kung ngayon kayo ay makikinig sa tinig ko, huwag patigasin ang inyong mga puso!

Pero hindi lahat ay tulad ng mga nagtaingang kawali. Sa Pablo na dati ay Saulo na mabangis na taga-usig ay nakinig sa pamamagitan ng puso at hindi lamang ng kaisipan. Sinabi niya: “Sa pamamagitan ng pananampalataya, tayo ay itinuring na makatarungan at nasa kapayapaan ng Diyos.” Hindi siya nagmatigas. Hindi siya nanatiling sa gawang masama. Nagbalik-loob siya.

Ito ang turo sa atin ngayon. Kahit ang taong walang dangal sa harap ng iba, kahit ang babaeng hindi man lamang pinangalanan ay may dangal sa harapan ng Diyos. Ito ang ipinunta ni Kristo sa lupa. Ito ang kanyang kaloob – kaligtasan.

Kahit na tayo ay mapaglihis, mapanlinlang at matigas ang ulo, mahal pa rin tayo ng Diyos, tulad nang minahal niya ang Samaritana.

At ito ang mahalagang turo niya: Darating ang araw. Dumating Na. Ngayon na.

Huwag na sanang magpatumpik-tumpik pa. Hala … Tayo na’t makinig gamit ang puso, hindi ang isip. Darating ang araw ng kaligtasan. Dumating Na. Huwag magmatigas ng puso at damdamin. Tanggapin ang awa at habag ng Diyos. Ngayon na. Sapagkat ngayon ang tamang oras ng kaligtasan.

SULYAP AT PAHIMAKAS NG DARATING NA BUKAS

In LIngguhang Pagninilay, Taon A on Marso 14, 2014 at 14:07

transfiguration-of-JesusIkalawang Linggo ng Kwaresma (A)
Marso 16, 2014

SULYAP AT PAHIMAKAS NG DARATING NA BUKAS

Masarap ang mapunta sa itaas ng bundok. Parang mga busilak na bulak ang mga alapaap na nakalatag sa kawalan. Tila isa kang agila na nagmamasid sa kagandahan ng kapatagang pinalilibutan ng nagniningning na araw, o sumisilip na ginintuang silahis sa madaling araw o sa takipsilim.

Masarap ang manatili sa tuktok, at managana sa kagandahan ng kaparangan sa ibaba. Pero kahit sinong bata ay magsasabi sa iyong hindi madali ang umakyat; hindi biro ang magsumikap umakyat patungo sa rurok ng bundok.

Sabi nila, ang buhay ay isang paglalakbay. Tumpak at tunay. Sabi nga ng iba pa rin, kung walang tiyaga, walang nilaga. Kung walang pagsisikhay ay walang tagumpay. Kung walang isinusuksok at wala ring madudukot. Kung walang itinanim ay walang aanihin. Walang sinumang nakarating sa gustong madatnan ang hindi pumulas at nagbanat ng buto.

Sa unang pagbasa natin ngayon, pangako ni Yahweh ang binitawan kay Abram: “Gagawin kitang isang dakilang bayan … Gagawin kong dakila ang iyong ngalan.” Isang sulyap sa darating na biyaya para kay Abram …

Sa ikalawang pagbasa naman, ay isa ring sulyap sa nakaraan ang ipinahihiwatig: “Iniligtas niya tayo ay tinawag sa isang banal na pamumuhay.” Isa naman itong pahimakas sa biyayang ipinagkaloob na … isang pagbabalik tanaw sa pangakong naganap na.

Pero sa ebanghelyo, muli tayong bumabalik sa dapat gawin, samantalang isa pang pahimakas sa darating na bukas ang hatid sa atin. Isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan sa bundok. Pero walang libreng tanghalian, ika nga. Walang pases na hindi binabayaran. Kailangan nilang umakyat sa bundok. At nang makaakyat ay doon nila natunghayan ang dakilang pahimakas ng darating na luwalhati at bukas na inilaan niya para sa ating lahat.

Nagbagong-anyo ang Panginoon! Naging busilak pa sa bulak. Naging larawan ng kung ano ang kaloob na naghihintay para sa atin, ayon sa balak ng Diyos.

Kagagaling ko lamang sa Tacloban, apat na buwan ang nakalilipas matapos ang trahedyang dulot ni Yolanda. Wala pa ring pagbabago. Wala pa ring malinaw na larawan ng kung paano dapat magbangon ang bayang sinalanta. At kung meron man ay hatid ito ng mga pribadong NGO at mga grupong nakabase sa pananampalataya.

Nasa Diyos ang awa; nasa tao ang gawa. May pahimakas na darating na bukas, pero may tungkuling sa ating balikat ay naka-atas. Diyos ang tumawag sa atin, nguni’t ang pagtugon ay tungkulin natin.

Huwag sanang maging isa lamang kwentong salaysay ang pagbabagong anyo ni Kristong Panginoon, bagkus maging simulain ng isang bagong pananaw, isang panibagong pagsisikhay, at pagsisikap upang ang sulyap na ito sa bukas ay maging isang pahimakas ng isang panibagong bukas.