frchito

Imbakan ng Awtor

CHILLAX DIN, PAGKA’T SA LANGIT LAGING MAY TIME!

In Catholic Homily, Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Taon A on Abril 4, 2014 at 13:11

Martha_and_Mary_by_He_Qi_China

Ikalimang Linggo Kwaresma (A)
Abril 6, 2014

CHILLAX DIN, PAGKA’T SA LANGIT LAGING MAY TIME!

Gusto ko ang kwento tungkol kay Jesus, kay Marta, Maria, at Lazaro. Lumalabas na hindi naman puro trabaho ang Panginoon. May oras din mag chillax. May panahon din para magpahinga, at may oras din na nakalaan para sa mga kaibigan.

Pero ito ang isang bisita niya sa Betania, (katumbas ng Baguio para sa atin) na hindi dahil sa masayang okasyon. Namatay si Lazaro, at naiwang tumatangis ang magkapatid na si Marta at Maria.

Ilagay natin ang sarili natin sa kinatatayuan ni Jesus … Ano kaya ang sasabihin natin? Kalimitan, sa kagustuhang makatulong, kung ano-anong kapalpakan ang sinasabi natin sa namatayan: kesyo kalooban ng Diyos na dapat tanggapin, o na ang yumao ay nasa mas maganda nang katatayuan, o kaya “alam ko at nauunawaan kong lubos kung ano ang nararamdaman mo, “ at iba pang kapalpakan.

Sa totoo lang, walang lubos na nakakaunawa sa dinarama ng isang tumatangis at nagluluksa. Hindi natin puedeng pangunahan ang naiwan at turuan kung paano dapat pasanin ang nagdurugong puso at kalooban.

Ang ipinakita ng Panginoon ay isang napaka-makahulugang kilos. Hindi niya binale-wala ang damdamin ng magkapatid. Hindi niya pinagtakpan ang katotohanang pumanaw na ang kanilang kapatid. Hindi niya pinangaralan ang magkapatid na dapat nilang tanggapin ang kamatayan ni Lazaro.

Ano kung gayon ang kanyang ginawa? Hindi siya nagwika tungkol sa kamatayan, bagkus ang kanyang naging pokus ay buhay – buhay na walang hanggan. Buhay ang pokus ng mga pagbasa. Ito ang pangitaing ipinamalas ni Ezekiel: “Bayan ko, ibubukas ko ang inyong mga libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan.”

Buhay rin na walang hanggan ang sambit ni Pablo sa mga Romano: “Hindi kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa espiritu.”

At ito ang pinakamatindi. Sa ibang pagkakataon, naparoon si Jesus sa Betania, sa bahay ng magkakapatid upang magbakasyon, upang magpahinga, upang mag chillax, ika nga. Sa pagkakataong ito, siya ay tumangis, hindi nangaral. Siya ay umiyak, nagluksa, at hindi lamang nagwika ng magagandang salita. Nakiramay siya nang lubos. Nakiisa siyang tunay at wagas sa dalawang naiwan ni Lazaro.

At ang kanyang pagtangis ay nagbunga sa paggawa. Pinabangon niya ang kanyang kaibigan at ipinakita niya kung ano rin ang ipinakita sa Lumang Tipan, at sa Bagong Tipan – na ang Diyos ay Diyos ng buhay … na ang Diyos ay nagkakaloob ng tunay na buhay, ang buhay na walang hanggan: “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay, ay muling mabubuhay, at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin, ay hindi mamamatay kailanman.”

Medyo napaaga ang turo tungkol sa tadhanang nakalaan para sa atin, bilang kaloob ng Diyos. Hindi pa man pumapasok ang Mahal na Araw, ay muling pagkabuhay na ang ating pinapaksa.

Simple at iisa ang dahilan nito. Lahat ng ginagawa natin sa taon ng simbahan ay nakatuon sa iisang tadhana at panawagan – sa buhay na walang hanggan. Ang Diyos ay Diyos, hindi ng kamatayan, kundi Diyos ng buhay.

Tara na! Sama tayo sa Betania … matuton rin mag-chillax, sapagka’t sa langit laging may time. Walang patid, walang katapusan, walang hangganan ang nakalaan para sa ating lahat – buhay na walang hanggan.

AMPAW NA, BULAG PA!

In Catholic Homily, Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Taon A on Marso 28, 2014 at 11:42

man-born-blind1
Ika-apat na Linggo ng Kwaresma (A)
Marso 30, 2014

AMPAW NA, BULAG PA!

Ewan ko ba kung bakit biglang naging uso uli ang ampaw. Pagkain namin yan noong araw, kasama ng choc-nut (na malaki pa at nakabubusog!) at balicucha (o tira-tira) na wala na ngayong pumapansin. Iba na ang gusto ng mga bata ngayon … kundi burger (burjer!) ay Mang Inasal o Starbucks!

Hindi na rin uso ang taguan kapag madilim na gabi, o tumbang preso kung maliwanag ang buwan. Wala na rin ngayong naglalaro sa labas ng bahay, at lalu na sa gabi kasi … bakit ka nga naman magtatakbo at magpapalaban ng gagamba kung puede namang mag Dota, o mag- candy crush, o mag-Flappy Bird!

Maraming ilaw sa ating panahon. Pero maraming bulag. Maraming pailaw ngayon kahit saan, lalu na yung galing sa mga posteng may letra pa ng mga pangalan ng ewan, na napapalitan naman tuwing 6 o 9 na taon! Pero marami ang bulag sa katotohanang wala na ni isang matinong bangketa sa buong Pilipinas. Nabarahan na ng mga pailaw ni Mayor o ni Congressman.

Marami ring pailaw ang COA. Marami raw silang nadidiskubreng anomalya. Pero tila bulag pa rin ang kinauukulan. Tatlo lamang ang kanilang idinidiin. At lalong bulag ang mga botante. Patuloy silang bumoboto sa mga tiwali, basta ba’t namimigay kapag piyesta, at nagpapasaya tuwing Pasko!

Kay daming liwanag sa ating panahon, subali’t kay rami ring kadiliman. Kay raming puedeng pagkunan ng sagot sa mga katanungan, subali’t kapag ang sagot ay hindi sang-ayon sa aking inaasahan, ay hindi ko tinatanggap. Kay raming kaalaman, subali’t kay rami ring kamangmangan. Kay raming karangyaan, pero kay rami rin kadayaan at kasakiman.

Hindi … hindi ko tinutukoy lamang ang mga nasa posisyon. Ang unang-unang tinatamaan sa aking sinasabi ay ako … ikaw … sila … tayong lahat.

Bulag rin ang mga taon noon sa lumang tipan. Hindi nila akalaing ang pinili ng Diyos ay ang hindi pinapansing pastol na si David. Ang liwanag ng kalooban ng Diyos ay nakatuon kung saan puro kadiliman ang nakita ng tao. Sabi rin ni Pablo na “dati ay nasa kadiliman tayo, ngunit ngayo’y nasa liwanag.”

Bulag rin ang mga Pariseo. Pinagaling na’t lahat ang lalaking isinilang na bulag ay panay pa rin ang tanong sa kanya nang paulit-ulit at mga tanong na ayaw naman nila makita ang sagot. Bulag ang mga taong walang pakundangan sa liwanag. Mas bulag ang taong nagbubulag-bulagan, at higit na mahirap gamutin ang taong nagsasakit-sakitan.

Pero lumalabas na ang isinilang na bulag ay may nakikitang liwanag na nalingid sa mga ayaw maniwala. Siya lamang ang nagsabi ng malinaw niyang nakita: “Isa siyang Propeta.”

Mahirap ang bobo na nagdudunung-dunungan. Mahirap gisingin ang taong nagtutulog-tulugan. Mahirap ang taong mas gusto pang manatili sa dilim, kaysa sa liwanag.

Para silang ampaw. Puro porma, wala namang laman. Puro hechura, wala namang hiratsa! Parang mga Pariseong wagas na ampaw na panay ang imbestigasyon sa pobreng bulag, pero ayaw naman nila makita ang totoong nagsusumigaw sa kanilang harapan. Ampaw na, bulag pa!

Bilib at saludo ako sa bulag. Marami siyang alam at lalung maraming nakita sapagkat hindi matang pisikal ang kanyang gamit, kundi ang mata ng pananampalataya, mata ng puso, matang mapagmatyag, at mapag-kilatis, at alam tukuyin kung ang kausap niya ay isa lamang ampaw, o isang propetang nagsabi sa kanya: “Siya’y nakita mo na. Siya ang nakikipag-usap sa iyo.” Siya ay hindi ampaw, kundi kaligtasan ng sanlibutan!

O ano? Mamili ka … kwarta o kahon? Hindi! Ampaw o ilaw? ILAW!