frchito

Imbakan ng Awtor

MAHAL AT MAHALAGA: MAY KAIBAHAN BA?

In Uncategorized on Oktubre 10, 2015 at 10:55

jesus-and-young-man

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-28 Linggo ng Taon B

Oktubre 11, 2015

MAHAL AT MAHALAGA: MAY KAIBAHAN BA?

Mahal ang maraming bilihin sa panahon natin. Totoo ito lalu na kapag mga smartphone ang pinag-uusapan. Dalawang higante ang nagpapaligsahan ang Apple at Samsung at kung hindi rin lamang isa sa dalawang ito ang iyong gamit ay parang hindi masyadong pinahahalagahan ng mundo.

Nakalulungkot isipin na sa Ermita, sa Paco, sa Quiapo at sa maraming lugar sa Metro Manila, naglipana ang mga nag-aalok ng iPhone6s at mga Samsung smartphones na pawang mga GSM – Galing sa Magnanakaw, ika nga.

At higit na nakalulungkot na dahil sa sobrang pinahahalagahang mga gadget, may mga taong handang manakit o pumatay, makakuha lamang ng GSM na ibebenta sa mga taong walang kamalay-malay kung saan galing ang yaon.

Harapin natin ang totoo … Walang mahalaga ngayon sa isipan ng tao kung hindi mahal, kung walang brand, kung walang ngalan.

Yaman at ito ang turo ng sulat sa mga Hebreo – na ang Salita ng Diyos ay tila isang tabak na matalas at matalim, tanggapin na natin ang totoo … Masakit tanggapin ang Salita ng Diyos … nanunuot sa kasukasuan at sa utak ng mga buto. (Ikalawang pagbasa).

Tingnan natin kung paano ito tumimo ayon sa ebanghelyo ngayon. Ating salaminin ang sarili sa kwento tungkol sa binatilyong lumapit kay Kristo at nagtanong …

Magaling siya magtanong. Alam niya kung ano ang dapat tumbukin. “Ano po ang dapat kong gawin para tumanggap ng buhay na walang hanggan?”

Pero nagtanong pa siya, sapagka’t ang kilos niya’y parang alam naman niya sa mula’t mula pa kung ano ang sagot. Nang sinabi ni Jesus ang listahan ng mga hindi dapat gawin at ang dapat gawin, malungkot siyang lumisan, sapagka’t ayon sa kaniya “Natupad ko nang lahat ito sapul sa pagkabata ko.” “Ano ba ang bago?” “May iba pa ba?”

At dito pumapasok ang mahalagang aral ng Panginoon.

Lahat tayo ay mapag-asam, mapaghanap, at may matayog na ambisyon. Hindi masama ito. Hindi masama ang tumupad sa utos ng Diyos, pero kung pagsunod lamang at wala nang iba pang dapat gawin liban dito, kulang at kulang ito.

Walang masama ang magnasa ng yaman. Walang mali ang magnasa ng magandang cellphone, pero kung wala nang iba pa liban dito, ay kulang at kulang.

Hindi masamang tao ang binatilyo. Tinupad niya ang lahat ng utos na natutunan niya, subalit si Kristo na mismo ang nagwika: “Isang bagay pa ang kulang … Humayo, ipagbili, ipamigay sa mahihirap, at sumunod ka sa akin.”

Dito siya nalungkot. Dito siya lumisan. Dito siya nagpakita ng kung ano ang tunay na mahalaga sa kanya. At ang mahalaga sa kanya ay ang kanyang halagang hawak, ang kanyang yaman na hindi niya maiwan.

Hindi laban si Kristo sa mayayaman. Hindi siya galit sa mga may kaya. Sa katunayan, malimit siyang bisita ni Marta, Maria at Lazaro sa Betania. Malimit rin siyang nakikain sa bahay ng mga may kaya: si Zaqueo, si Levi, pati na si Pedro na hindi naman mahirap na tao, kahit mangingisda lamang. Alam nating mayroon siyang bangka at mga lambat.

Ang likyon at aral sa atin ay malinaw. May bagay na matataas ang halaga. Pero may mga bagay o hindi bagay na higit na MAHALAGA. Iba ang presyo at iba rin ang tunay na halaga

Sa araw na ito, nakatuon ang ating isipan at pang-unawa sa kung ano ang higit na mahalaga sa buhay, ngayon at sa buhay na darating. Hindi lahat ng kumikinang ay ginto. At hindi lahat ng mamahalin ay tunay na mahalaga. Sa unang pagbasa, karunungan ang higit sa lahat. Sa ikalawang pagbasa, ang Salita ng Diyos ang tunay na dapat bigyang halaga ng tao. At sa ebanghelyo, ang tunay na mayaman ay ang marunong … ang maalam kumilala ng tunay na halagang lampas a material na halaga. At ang mahirap ay ang taong hirap tumanggap sa katotohanang may higit pa sa smartphone, sa pagkamal ng kayamanan, o sa anumang puedeng ipunin, itambak, itabi o itago.

Saan pa kayo? Mababaw na yaman o tunay na halaga sa mata ng Diyos?

BUKLURANG ITINATAGUYOD AT PINAGSISIKAPAN

In Uncategorized on Oktubre 3, 2015 at 11:28

936969_169380516571294_619643326_n

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-27 Linggo ng Taon B

Oktubre 4, 2015

BUKLURANG ITINATAGUYOD AT PINAGSISIKAPAN

Mahirap ang mag-sermon sa araw na ito. Maraming pari ang magwiwika laban sa diborsyo. Ito ang tila pinakamadaling pag-usapang paksa, pagka’t tila ito ang tinutumbok ng mga pagbasa.

Pero kapag isang pagbabawal ang pinaksa, at hindi ang higit na malaking larawang bumabalot sa bawal, ang utos o bawal ay nagiging parang imposisyon. Upang ito ay magkaroon ng kahulugan, ay kailangan nating ikwadro o ikahon sa higit na malaking talakayin o isyu.

Nais kong isipin na ang malaking isyung ito ay hindi lamang tungkol sa kasal. Ang higit na malaking larawan na dapat natin tunghayan ay ang dignidad pantao, ang dangal ng tao, babae man o lalake, ayon sa balak, pangarap at hangarin ng Diyos.

Pundasyon o haligi ng dangal na ito ang katotohanang ang tao ay nilikha “ayon sa wangis at larawan ng Diyos.” At tulad ng Diyos, ang tao ay tinatawag sa pakikipag-ugnayan, sa pakikipagtalastasan, sa pakikipagkaisa sa kapwa. Ito ay ipinahihiwatig ng salita ni Adan na nagwika: “Sa wakas narito ang isang tulad ko, laman ng aking laman, buto ng aking buto.”

Magtapatan tayo … Hindi madali ang maging tao. At lalong hindi madali ang magpakatao. Tingnan na lamang natin ang nagaganap sa buong mundo: ang milyon-milyong refugees na walang masulingan, takot, at gutom at pagod at halos mamatay sa paghahanap ng mapupuntahan. Tingnan na lamang natin ang politika nating tila pinamumugaran ng mga ganid, makasarili, at walang pakundangan sa dangal ng babae at ng mga batang nakakakita sa kanilang mga ginagawa.

Wala ni isa man sa aking tagabasa ang makapagkakailang mahirap ang gumawa ng tama at lalong mahirap ang magtama sa mga gumagawa nang mali.

Pero sa kabila ng lahat, ayon sa sulat sa mga Hebreo, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, at “niloob Niya na si Jesus ay mamatay para sa ating lahat.”

Ito ang buod ng magandang balita sa araw na ito. Hindi pokus ng mga pagbasa ang pagbabawal sa diborsyo, bagkus ang pokus ay ang dakilang habag at pagmamalasakit ng Diyos para sa dangal ng tao, babae man at lalaki. Ang sunod na pokus dito ay ang panawagan ng Diyos sa tao upang makipag-isa, makipag-ugnay, at makibahagi sa pangkalahatang dangal na ito ng tao.

Ang pinakamalalim na kaisahang nais ng Diyos ay ipinahiwatig niya sa kaisahan ng babae at lalaki sa kasal. Hindi lamang ito isang civil union. Hindi lamang ito isang kasunduan. Hindi lamang ito isang seremonya, sapagka’t ito ay pakikipagkaisang ninais at binalak ng Diyos, at itinaas sa dignidad ng isang sakramento.

Ang sakramento, ang pag-bubuklod na ito ay mula mismo sa balak ng Diyos para sa tao. Hindi ito batay sa survey o sa kagustuhan ng mababaw na kultura ng showbiz at mainstream media.

At sapagka’t mahal ng Diyos ang tao, at pinagmamalasakitan niya ang dangal ng tao, hindi lamang ito isang pagpirma sa papel o seremonyang puedeng urungan at iwaksi kapag nagsawa na sa isa’t isa: “Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”

Dangal ng tao ang pakay niyang liwanagan. At bahagi ng dangal na ito ang katapatan sa pangako at sa kasunduan.

Hindi ito madali, tulad nang hindi madali ang magpakatapat at magpakatao. Kailangan magsikap, magpagal, maghirap o magdusa para sa mga bagay na pinahahalagahan, tulad nang ginawa ni Kristo alang-alang sa ating kaligtasan.

Ang kasal, tulad ng lahat ng gawain ng tao, tulad rin ng ginawa ni Kristo, ay isang buklurang pinaghihirapan, itinataguyod, at pinagsisikapan.

Kaya ba natin ito? Kung kaya ng bata, kaya ito ng matanda. Pero may dapat tayong gawin: “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos.”