frchito

BUKLURANG ITINATAGUYOD AT PINAGSISIKAPAN

In Uncategorized on Oktubre 3, 2015 at 11:28

936969_169380516571294_619643326_n

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-27 Linggo ng Taon B

Oktubre 4, 2015

BUKLURANG ITINATAGUYOD AT PINAGSISIKAPAN

Mahirap ang mag-sermon sa araw na ito. Maraming pari ang magwiwika laban sa diborsyo. Ito ang tila pinakamadaling pag-usapang paksa, pagka’t tila ito ang tinutumbok ng mga pagbasa.

Pero kapag isang pagbabawal ang pinaksa, at hindi ang higit na malaking larawang bumabalot sa bawal, ang utos o bawal ay nagiging parang imposisyon. Upang ito ay magkaroon ng kahulugan, ay kailangan nating ikwadro o ikahon sa higit na malaking talakayin o isyu.

Nais kong isipin na ang malaking isyung ito ay hindi lamang tungkol sa kasal. Ang higit na malaking larawan na dapat natin tunghayan ay ang dignidad pantao, ang dangal ng tao, babae man o lalake, ayon sa balak, pangarap at hangarin ng Diyos.

Pundasyon o haligi ng dangal na ito ang katotohanang ang tao ay nilikha “ayon sa wangis at larawan ng Diyos.” At tulad ng Diyos, ang tao ay tinatawag sa pakikipag-ugnayan, sa pakikipagtalastasan, sa pakikipagkaisa sa kapwa. Ito ay ipinahihiwatig ng salita ni Adan na nagwika: “Sa wakas narito ang isang tulad ko, laman ng aking laman, buto ng aking buto.”

Magtapatan tayo … Hindi madali ang maging tao. At lalong hindi madali ang magpakatao. Tingnan na lamang natin ang nagaganap sa buong mundo: ang milyon-milyong refugees na walang masulingan, takot, at gutom at pagod at halos mamatay sa paghahanap ng mapupuntahan. Tingnan na lamang natin ang politika nating tila pinamumugaran ng mga ganid, makasarili, at walang pakundangan sa dangal ng babae at ng mga batang nakakakita sa kanilang mga ginagawa.

Wala ni isa man sa aking tagabasa ang makapagkakailang mahirap ang gumawa ng tama at lalong mahirap ang magtama sa mga gumagawa nang mali.

Pero sa kabila ng lahat, ayon sa sulat sa mga Hebreo, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, at “niloob Niya na si Jesus ay mamatay para sa ating lahat.”

Ito ang buod ng magandang balita sa araw na ito. Hindi pokus ng mga pagbasa ang pagbabawal sa diborsyo, bagkus ang pokus ay ang dakilang habag at pagmamalasakit ng Diyos para sa dangal ng tao, babae man at lalaki. Ang sunod na pokus dito ay ang panawagan ng Diyos sa tao upang makipag-isa, makipag-ugnay, at makibahagi sa pangkalahatang dangal na ito ng tao.

Ang pinakamalalim na kaisahang nais ng Diyos ay ipinahiwatig niya sa kaisahan ng babae at lalaki sa kasal. Hindi lamang ito isang civil union. Hindi lamang ito isang kasunduan. Hindi lamang ito isang seremonya, sapagka’t ito ay pakikipagkaisang ninais at binalak ng Diyos, at itinaas sa dignidad ng isang sakramento.

Ang sakramento, ang pag-bubuklod na ito ay mula mismo sa balak ng Diyos para sa tao. Hindi ito batay sa survey o sa kagustuhan ng mababaw na kultura ng showbiz at mainstream media.

At sapagka’t mahal ng Diyos ang tao, at pinagmamalasakitan niya ang dangal ng tao, hindi lamang ito isang pagpirma sa papel o seremonyang puedeng urungan at iwaksi kapag nagsawa na sa isa’t isa: “Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”

Dangal ng tao ang pakay niyang liwanagan. At bahagi ng dangal na ito ang katapatan sa pangako at sa kasunduan.

Hindi ito madali, tulad nang hindi madali ang magpakatapat at magpakatao. Kailangan magsikap, magpagal, maghirap o magdusa para sa mga bagay na pinahahalagahan, tulad nang ginawa ni Kristo alang-alang sa ating kaligtasan.

Ang kasal, tulad ng lahat ng gawain ng tao, tulad rin ng ginawa ni Kristo, ay isang buklurang pinaghihirapan, itinataguyod, at pinagsisikapan.

Kaya ba natin ito? Kung kaya ng bata, kaya ito ng matanda. Pero may dapat tayong gawin: “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos.”

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: