frchito

Archive for the ‘Catholic Homily’ Category

WALA NANG IBA PA; WALA NANG HIHIGIT PA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Mayo 17, 2014 at 09:14

ShowUsTheFather

Ikalimang Linggo ng Pagkabuhay (A)
Mayo 18, 2014

WALA NANG IBA PA; WALA NANG HIHIGIT PA!

Medyo sawa na tayo sa mga slogan … mga isang linyang kasabihang madaling matandaan, madaling bigkasin paulit-ulit, at kahit hindi totoo ay nagiging totoo na rin sa ating guni-guni. Ayaw na rin ng mga kabataan ngayon magbasa ng anumang “users’ manual” kapag bumili ng bagong gamit. Kapag may bagong selfon, diretso nang gamit … wala nang basa basa pa ng mga manual.

Noong araw, kapag nag-biyahe, hanap muna ay mapa. Marunong magbasa ng mapa ang maraming tao. Ngayon, nagsasama ng “navigator” upang ipakita, hindi ituro, ang daan patungo sa anumang lugar. Kung meron mang manual, ika nga, ang nakatala roon ay mga larawan, hindi mga salita … larawang dapat lang tularan, gayahin, at sundin, hindi mga alituntuning dapat pang basahin at unawain – at isagawa.

Natatandaan ko pa noong ako’y isang batang-batang pari sa Paris, Francia. Konti lang ang alam kong Pranses, kung kaya’t nagtanong ako kung paano marating ang 33bis Rue des Pyrenees. Halata ng mama sigurong hindi ko masyadong maiintindihan ang kanyang sasabihin, kung kaya’t sinabi niya sa akin: “Suivez moi, s’il vous plait.” Sundin mo lang ako. Naaalala ko rin nang isang beses na kasama ko ang aking mga kapatid sa Reno, Nevada. Paikot-ikot kami at ginaw na ginaw, kasi hindi namin makita ang Incline Village kung saan dapat kami tumuloy. Nakita namin ang pulis na marahil ay nagtataka kung bakit kami paikot-ikot. Isa lamang ang kanyang sinabi sa amin: “Follow me.” “Sundan nyo ako.”

Sundan nyo ako. Ito ang turo sa atin ng Butihing Pastol. Matapos niya bigyan ng lakas ng loob ang mga disipulo at pawiin ang kanilang pangamba; matapos ibigay sa kanila ang pangakong may kinalaman sa langit na tunay nilang tirahan; matapos tanungin ni Tomas at ni Felipe ng dalawang magka-ibang tanong, ito ang tugon ni Jesus: “Sundan nyo ako.”

Si Tomas ay medyo deretso ang hiling: “Paano namin malalaman ang daan?” Si Felipe naman ay medyo personal ang dating: “Panginoon, ipakita ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami.”

Deretso rin at malinaw ang tugon ng Panginoon: “ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama.” Hindi siya nagbigay ng mapa kay Tomas. Hindi nagbigay ng GPS kay Felipe. Hindi siya nagbigay ng “owner’s manual” kaninuman. Ibinigay niya ang kanyang sarili. Hindi siya nangaral nang kung paano marating ang langit. Inakay niya ang mga disipulo. Hindi siya nagwika kung saan ang daan. Hindi … ipinakita niya ang daan, at kanyang sinabi: “Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay.”

Sa panahon natin, kay raming daan; kay raming paraan. Sa kabila ng tuwid na daan, baluktot pa rin ang tinatahak na landas ng ating lipunan. Bilyon-bilyon ang naglaho, ang pinagsamantalahan ng mga magnanakaw na honorable. Hindi nagbigay si Jesus nang maraming daan o mapang puedeng pagpilian. Hindi niya sinabing siya ang isa sa mga daan na puedeng tahakin. Bagkus sinabi niya, “Ako ang Daan.”

Maraming katotohanan ngayon, depende kung anong channel ang pinanunuod mo. Maraming totoo, depende rin kung anong periodiko ang binabasa mo. Ang totoo ay nahahati, nahihilot, nagagawan ng paraan. Pero hindi sinabi ni Jesus na siya ay isa ring katotohanang puedeng hilutin at puedeng bilugin. Bagkus sinabi niya: “Ako ang Katotohanan.” At ang katotohanan ay hindi depende sa sinabi ng Pulse Asia o anumang survey outfit.

Marami rin ngayon ang nagpapanggap na maghahatid ng buhay. Kay raming mga skin experts na walang ginawa kundi mag-isip kung paano babatang muli o gagandang muli ang mga tigulang o mga gurang! Kay raming mga plastic surgeons na ito ang pakay. Hindi sinabi ni Jesus na siya raw ang medyo buhay o naghahatid ng buhay na kalahati lamang. Bagkus sinabi niya: “Ako ang Buhay.” At ang buhay na ito ay hindi lamang batay sa ganda ng kutis, tangos ng ilong, at bawas ng baba para sa mga babalu.

Tanging si Jesus ang Daan. Wala nang iba. Tanging si Jesus ang Katotohanan – ang katotohanang mapagligtas. Wala nang iba. Tanging si Jesus ang Buhay – Buhay na ganap at wala ka nang hahanapin pa.

Tanging ang Diyos sa pamamagitan ni Jesus, ang mapa, ang daan, ang destinasyon, at ang huling hantungan. Tanging ang Diyos ang makapagpapaganap sa buhay makamundong hindi kailanman sapat at ganap, at hindi makapagbibigay ng walang hanggang kaligayahan. Tanging si Jesus … Wala nang iba … wala nang hihigit pa!

CHILLAX DIN, PAGKA’T SA LANGIT LAGING MAY TIME!

In Catholic Homily, Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Taon A on Abril 4, 2014 at 13:11

Martha_and_Mary_by_He_Qi_China

Ikalimang Linggo Kwaresma (A)
Abril 6, 2014

CHILLAX DIN, PAGKA’T SA LANGIT LAGING MAY TIME!

Gusto ko ang kwento tungkol kay Jesus, kay Marta, Maria, at Lazaro. Lumalabas na hindi naman puro trabaho ang Panginoon. May oras din mag chillax. May panahon din para magpahinga, at may oras din na nakalaan para sa mga kaibigan.

Pero ito ang isang bisita niya sa Betania, (katumbas ng Baguio para sa atin) na hindi dahil sa masayang okasyon. Namatay si Lazaro, at naiwang tumatangis ang magkapatid na si Marta at Maria.

Ilagay natin ang sarili natin sa kinatatayuan ni Jesus … Ano kaya ang sasabihin natin? Kalimitan, sa kagustuhang makatulong, kung ano-anong kapalpakan ang sinasabi natin sa namatayan: kesyo kalooban ng Diyos na dapat tanggapin, o na ang yumao ay nasa mas maganda nang katatayuan, o kaya “alam ko at nauunawaan kong lubos kung ano ang nararamdaman mo, “ at iba pang kapalpakan.

Sa totoo lang, walang lubos na nakakaunawa sa dinarama ng isang tumatangis at nagluluksa. Hindi natin puedeng pangunahan ang naiwan at turuan kung paano dapat pasanin ang nagdurugong puso at kalooban.

Ang ipinakita ng Panginoon ay isang napaka-makahulugang kilos. Hindi niya binale-wala ang damdamin ng magkapatid. Hindi niya pinagtakpan ang katotohanang pumanaw na ang kanilang kapatid. Hindi niya pinangaralan ang magkapatid na dapat nilang tanggapin ang kamatayan ni Lazaro.

Ano kung gayon ang kanyang ginawa? Hindi siya nagwika tungkol sa kamatayan, bagkus ang kanyang naging pokus ay buhay – buhay na walang hanggan. Buhay ang pokus ng mga pagbasa. Ito ang pangitaing ipinamalas ni Ezekiel: “Bayan ko, ibubukas ko ang inyong mga libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan.”

Buhay rin na walang hanggan ang sambit ni Pablo sa mga Romano: “Hindi kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa espiritu.”

At ito ang pinakamatindi. Sa ibang pagkakataon, naparoon si Jesus sa Betania, sa bahay ng magkakapatid upang magbakasyon, upang magpahinga, upang mag chillax, ika nga. Sa pagkakataong ito, siya ay tumangis, hindi nangaral. Siya ay umiyak, nagluksa, at hindi lamang nagwika ng magagandang salita. Nakiramay siya nang lubos. Nakiisa siyang tunay at wagas sa dalawang naiwan ni Lazaro.

At ang kanyang pagtangis ay nagbunga sa paggawa. Pinabangon niya ang kanyang kaibigan at ipinakita niya kung ano rin ang ipinakita sa Lumang Tipan, at sa Bagong Tipan – na ang Diyos ay Diyos ng buhay … na ang Diyos ay nagkakaloob ng tunay na buhay, ang buhay na walang hanggan: “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay, ay muling mabubuhay, at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin, ay hindi mamamatay kailanman.”

Medyo napaaga ang turo tungkol sa tadhanang nakalaan para sa atin, bilang kaloob ng Diyos. Hindi pa man pumapasok ang Mahal na Araw, ay muling pagkabuhay na ang ating pinapaksa.

Simple at iisa ang dahilan nito. Lahat ng ginagawa natin sa taon ng simbahan ay nakatuon sa iisang tadhana at panawagan – sa buhay na walang hanggan. Ang Diyos ay Diyos, hindi ng kamatayan, kundi Diyos ng buhay.

Tara na! Sama tayo sa Betania … matuton rin mag-chillax, sapagka’t sa langit laging may time. Walang patid, walang katapusan, walang hangganan ang nakalaan para sa ating lahat – buhay na walang hanggan.